MALAKAS na malakas ang kabog sa dibdib ni Honey. Bago niya nagawang pindutin ang Call button sa cell phone niya ay isang malalim pang paghinga ang ginawa niya.
“Oh, Honey, kumusta ka?” tinig ng nanay niya.
Parang umurong ang dila niya at hindi agad nakapagsalita. “Maayos naman ako dito, Nanay. Kumusta po kayo nina Tatay?”
“Ay, naku, naunahan nga lang ako ng tawag mo. Malapit nang bumaba ang papel ng promotion ng tatay mo. Magiging principal na siya sa high school. Masayang-masaya nga at bago man lang daw siya mag-retiro ay tataas pa ang posisyon niya. Matagal-tagal niya rin itong hinintay.”
“Pakisabi mo kay Tatay, congrats!” natutuwa ding sabi niya. Parehong guro ang mga magulang niya. Mathematics department head sa high school ang tatay niya habang sa elementarya naman nagtuturo ang kanyang ina. Labis-labis ang dedikasyon ng mga ito sa pagtuturo kaya naman alam niyang hindi birong kaligayahan ang hatid ng promosyon ng kanyang ama.
“Makakarating sa kanya. Sayang at kaaalis lang niya. Sana ay ikaw mismo ang nakabati sa kanya. Naku! Heto nga ang cell phone niya at hawak ko rin. Alam mo naman ang taong iyon at hindi masyadong mahilig sa gadget. Madalas ay naiiwan lang sa bahay itong cell phone niya at inihahatid pa sa kanya sa eskuwela.”
“Linggo ho ngayon, ah? Himala at umalis?” Nakasanayan na sa bahay nila ang family day ang araw ng Linggo. Kung wala rin lang importanteng lakad ay nakapirmi ang lahat sa bahay. Nagluluto ng espesyal na iba’t ibang putahe ang nanay niya na pagsasaluhan naman nila mula tanghalian meryenda hanggang hapunan. Nami-miss din nga niya ang ganoon, kaya lang ay mas niyakap na niya ang buhay-Maynila buhat nang lumuwas.
“Nakipaglibing ang tatay mo. Kilala mo naman siguro si Mrs. Dumayag ano? Iyong teacher sa Chemistry. Naku! Dinamdam masyado ang nangyari doon sa bunso niya. Bigla na lang inatake. Hindi na umabot sa ospital. Mangyari kasi, itong anak niyang bunso na nag-iisa pa mandin na babae, aba’y umuwing buntis at walang asawa. Ayaw daw panagutan ng boyfriend. Alam mo naman dito sa atin, konserbatibo pa tayo sa mga ganyang bagay. Kinupkop naman niya ang anak niya kaso ay hindi niya siguro natagalan ang mga tsismis. Aba’y malaking kahihiyan talaga at mag-asawa pa mandin silang mga guro. Kaya sabi ko nga sa tatay mo, masuwerte na kami sa inyong magkakapatid. Lalo na sa iyo. Kahit na lumayo ka sa amin ay hindi ka nag-uuwi ng kahihiyan sa ating pamilya. Huwag naman sanang mangyari sa iyo o kahit na sino sa mga kapatid mo ang ganoon. Baka mamaya ay sabay kaming atakehin ng tatay nyo. Hindi malayong sabay ninyo rin kaming ililibing,” mahabang sabi nito.
Napalunok naman si Honey. Parang hindi na niya kayang sabihin ang pakay niya.
“Honey,” untag sa kanya nito pagkaraan ng ilang sandali. “Ikaw ay nasa edad na. Wala ka pa bang balak mag-asawa? Hindi naman sa inaapura kita pero itong si Darling ay nagsabi na sa akin na nagpaplano na rin sila ng boyfriend niya. Eh, ikaw ang panganay. Kung ako ang masusunod ay mas gusto kong ikaw ang unang lumagay sa tahimik. Baka pag nahakbangan ka ay mapag-iwanan ka ng mga kapatid mo. Si Sweet ay may boyfriend na rin. Teacher din dito sa elementary. Hindi naman sa pinagtutulakan ko kayong magkakapatid. Itong dalawang sumunod sa iyo ay nakapagtapos na at maayos na rin ang trabaho. Kaya nang magpamilya. Si Love na lang naman ang pinag-aaral namin ng tatay mo. Dalawang taon na lang ang bubunuin ng bunso natin at magiging titulado na rin siya na gaya ninyo. Harinawang bago magpantay ang mga paa namin ng tatay ninyo ay makita naming maayos ang mga kalagayan ninyo.”
Tumikhim siya. “Nanay, kaya nga po ako napatawag din. May plano nga po akong umuwi. Actually, may kasama po ako. Ipapakilala ko po sa inyo.”
“Lalaki? Boyfriend mo? Aba’y dalhin mo dito agad at nang makilala namin.”
“Itatawag ko ho sa inyo kung kailan kami eksaktong uuwi.”
“Sa himig ko sa iyo ay sa kasalan na ang uwi niyan.”
“Napag-uusapan na nga po namin ang tungkol sa kasal,” amin niya.
“Malaki ang tiwala namin sa iyo, anak. Kaya nga panatag ang loob namin na kahit nasa malayo ka ay hindi ka mapapahamak. Hindi ka naman siguro pipili ng iresponsableng lalaki, ano?”
“Huwag ho kayong mag-alala. Maayos din ho ang trabaho niya.”
“Mabuti naman kung ganoon. Hala, ayusin ninyo kaagad ang schedule ng uwi ninyo at maghahanda din ako dito maski paano.”
“Salamat, Nanay. Uuwi ho kami soon.”
“Honey, diretsahin mo nga ako. Pamamanhikan na ba iyang pag-uwi ninyo dito? Ayoko ng paligoy-ligoy pa.”
Napalunok siya. Napatitig sa engagement ring na suot niya. “Pasensya na ho kung hindi ako masyadong makuwento ng mga nakaraan. Pero tungkol na nga ho ito sa pagpapakasal namin.”
“Iyan ba ay biglaan?” mas prangkang tanong nito. “Kinakabahan ako, ah.”
Kung magkaharap sila ng ina, malamang ay kitang-kita na nito sa mukha niya ang guilt feeling. “Hindi naman ho. Matagal-tagal na rin ho namin itong pinagpaplanuhan,” pagsisinungaling niya.
“Buweno, dahil nga malaki ang tiwala namin sa iyo hihintayin na lang namin kung kelan kayo darating. Babanggitin ko sa tatay mo ang tungkol diyan. Tiyak na matutuwa din iyon. Mainam ngang magsipag-asawa na kayo para naman maranasan naming tinatawag kaming lolo at lola. Honey, tiyakin mo lang na kasal muna ang mauuna bago ang apo namin, ha.”
“H-huwag kayong mag-alala, Nanay.” Dumoble ang guilt na nararamdaman niya.
“Pasensya na kung paulit-ulit ako sa ganitong bagay. Naiintindihan mo naman siguro ako, anak. Panganay ka pa naman. Dapat lang na maging maganda kang huwaran ng mga kapatid mo.”
“Naiintindihan ko ho, Nanay. Sige ho at pakikumusta na lang ako kay Tatay at sa mga kapatid ko. Tatawag ho ako uli.”
“Pagpalain ka ng Panginoon,” sabi ng nanay niya. “Mag-iingat ka palagi.” At pinutol na nito ang linya.
Ilang sandali nang tapos ang kanilang pag-uusap ay hindi pa siya tumitinag. On instinct, dinama niya ang kanyang tiyan. Hindi siya nagsisisi na buntis na siya. Pero alam niyang madidismaya ang mga magulang at kapatid niya kung malalaman ng mga itong nauna pa siyang nabuntis kesa magpakasal.
Nagsimula siyang kumilos at nagligpit ng mga gamit. Normally kapag ganitong weekends ay nasa condo siya ni Travis subalit hiniling niya dito na doon muna siya sa apartment para ayusin ang gamit niya. Unti-unti ay kailangan na rin niyang iligpit ang mga iyon para sa nalalapit niyang paglipat kay Travis kapag naikasal na sila.
TUMUNOG uli ang cell phone ni Honey. It was Travis.
“Hello,” sagot niya.
“Craving for some sea foods, ‘Ney?” malambing na tanong nito.
“Tinatanong mo ako pero mukhang ikaw ang nagke-crave,” tukso niya dito.
“Sabi naman ng iba, minsan ang mga daddy ay parang naglilihi din. On the way na ako diyan. Mag-lunch tayo sa Macapagal Avenue. Sa Dampa.”
“I know you, Travis. Food trip na naman iyan.”
“Para sa inyo ni baby, darling. Kailangan ninyo ring kumain nang masustansya.”
Ilang sandali lang at natanaw na niya buhat sa bintana ang pagparada nito. Siya na ang pumutol ng linya. “Ang bilis mo.”
“Lampas alas dies na ng umaga. Mamamalengke pa tayo at magpapaluto. Tamang-tama lang na oras ng pananghalian kapag hinainan tayo. Shall we?”
“Hindi pa ako nakagayak.”
Pinasadahan siya nito ng tingin. Mini-dress ang suot niya at kapapaligo lang din. “Mukha ka namang nakagayak na. Halika na.”
Hindi na siya kumontra at nagpalit lang ng sandals at kinuha ang bag.
“Siyangapala, tumawag ako sa amin,” wika niya dito nang nasa byahe na sila. “Binanggit ko iyong tungkol sa pag-uwi natin.”
Mabilis itong tumango. “Yes. This coming Sunday, puwede na akong mamanhikan. Aayusin ko lang ang mga iiwan kong trabaho. Then we can stay there at least two days or maybe three.”
“Travis, baka mabigla ang parents ko. Hindi ko sinabing buntis na ako. Conservative sila.”
“I understand. Then, maybe meron akong ibang matutuluyan kung hindi ako pwedeng matulog sa inyo.”
“Sa Talugtug? Wala pa akong alam na transient house doon. Halos liblib ang bayan namin. Ang bisita ay tinatanggap na makitulog kung kinakailangan pero---” she trailed off. Sa palagay niya ay hindi magiging kumportable ang mga magulang niya kung lalaki ang papatulugin sa kanila kahit pa nga sabihing mapapangasawa na niya. At tuwing sasagi sa isip niya na ganoon kakonserbatibo ang pananaw ng mga magulang ay talagang napapangiwi siya. Lalo siyang nagi-guilty sa kalagayan niya. On instinct, nahaplos niya ang tiyan. Naniniwala naman siyang ikatutuwa din ng mga magulang niya na malapit nang magkaapo ang mga ito. Kailangan nga lamang ay huwag mabigla ang mga ito sa balitang iyon.
“Don’t expect me to travel back and forth. Sabi mo nga matagal ang biyahe. Saka ang totoo, gusto ko ding magtagal sa inyo. Gusto kong makilala ang pamilya mo at makilala nila ako,” wika ni Travis.
“Medyo istrikto lang sila, lalo na si Nanay pero mababait sila. I’m sure, magkakasundo kayo.”
“Excited na akong makilala ang pamilya mo, Honey. Dahil magiging pamilya ko rin naman sila.”
Napuno ng kasiyahan ang loob niya.
Ilang sandali pa at nasa market place na sila ng Dampa. Si Travis ang namimili ng mga ipapaluto. Suwahe, lobster, lapu-lapu at pusit ang binili nito. Bumili din ito ng liempo.
“Ang dami na,” saway niya dito.
“Ipapa-take out natin ang hindi mauubos.”
Lumabi siya. “Baka ka ma-high blood, Travis. Iyong cholesterol mo pa.”
“Ikaw naman, don’t worry about me, okay? Pagkain lang iyan. Hindi ako kakain ng sobra. Promise.”
“Huwag kang mangako, Travis. Gawin mo.”
Eksakto sa oras ng pananghalian nang ihain sa kanila ang mga bagong lutong pagkain. Napakarami. Kahit yata walong tao ang magsalo-salo doon ay sosobra pa. Bagaman napakasarap ng amoy niyon at naramdaman na rin niya ang gutom ay nangibabaw pa rin ang pag-aalala niya kay Travis. Kilalang-kilala niya ang kapasidad nito sa pagkain.
“Pass na muna tayo sa dessert, ha. At sa sobrang dami nito, hindi natin dapat na pilitin maubos,” banayad na sabi niya.
“Puwede ba namang walang dessert? Alam mo naming matapang ang after-taste ng seafoods. Kahit ice cream man lang for dessert, Honey.”
“Sorbet kung meron sila. Huwag kang abuso, Travis. Ikaw lang nga itong inaalala ko.”
“Huwag kang masyadong nag-aalala sa akin. Hindi ba’t palagi ko namang sinasabi sa iyo na hindi kita pababayaan. At kung sakali man na mawawala ako, titiyakin kong may mag-aalaga sa iyo.”
Nalukot ang mukha niya. “Alam mong ayokong nagsasalita ka ng ganyan.”
He smiled cheerfully. “Ang mabuti pa ay kumain na tayo. Okay?”