SA GITNA NG KADILIMAN ng gabi ay biglang nabulabog ang mga ibong nakadapo sa sanga ng mga puno. Mga itim silang ibon na nagmamasid sa kapaligiran at naghihintay ng kanilang pantawid gutom. Subalit nang dahil sa mga sigaw mula sa natatanging tahanan sa gitna ng mga kabahayang pinagkakanlungan ng mga ordinaryong engkantada’t engkantado ay nagliparan sila palayo. Ang mga sigaw na iyon ay narinig ng ilan na gising pa ng mga sandaling iyon.
“Ang pantas!” naibulalas ng isa sa mga engkantadong napadaan malapit sa tahanang iyon.
“Mga bagong pangitain marahil ukol sa hinaharap. Maghintay na lamang tayo ng anunsyo, o maging ng isang babala mula sa kaniya,” tinuran naman ng kaniyang kasama.
Ganoon pa man, habang papalayo ay hindi nila maiwasang mapalingon sa tahanan ng kanilang iginagalang na pantas. Nang mahawi ang tabing sa durungawan niyon at dumungaw ito ay saka lamang sila napanatag at tuluyang lumayo.
Samantala, blangko ang mukha ng matanda na tila hindi malaman kung ano ang kaniyang marapat na maging reaksyon. Napapailing siya subalit minsan ay napapangiti rin. Dinig niya ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso habang marahang bumabalik sa kaniyang higaan. Nang lumapat ang kaniyang likuran doon ay saka niya lamang napunasan ang kaniyang tagaktak na pawis.
“Isang nakasisiya at nakagigimbal na kabanata ang naghihintay sa Safferia,” marahang binigkas ng pantas. “Ano’ng marapat kong gawin, aming mahal na bathaluman? Paano ko sasabihin sa kanila ang aking mga nakita nang hindi sila mabibigla at matatakot, na maaring ikawala pa ng kanilang pananalig sa iyo?”
Ipinikit niya nang mahigpit ang kaniyang mga mata. Pinipilit na muling makabalik sa kaniyang pagtulog.
“Ang madilim na kabanatang naghihintay ay marapat lamang na manatiling lihim sa ngayon hanggang sa tamang panahon. Kilala ko siya, may kakayahan siyang mabago ang masamang kapalaran na naghihintay sa aming lupain. Kaawa-awa, napakabigat na pasanin at napakahirap na tungkulin ang kaniyang kahaharapin.”
Makalipas ng ilang sandali ay natahimik na muli ang kapaligiran. Subalit, lingid sa kaalaman ng pantas ay isang malakas na hangin ang humihip sa tabing ng durungawan at isang maputing usok na ang naghugis na kawangis ng isang diwata ang pumasok at mistulang mayroong ibinulong sa kaniyang kanang tainga bago maglaho at humalo sa malakas na hangin.
Kinabukasan ay nagmamadali siyang pumunta sa palasyo upang makausap ang hari, subalit nang dumating siya ay nasa gitna umano ito ng isang pagpupulong kung kaya’t kaagad siyang dumiretso sa nakatalaang silid at magalang naman siyang pinapasok ng mga bantay na kawal ng palasyo. Tahimik siyang naupo sa kaniyang silya at nakinig ang pinag-uusapan nila bilang respeto sa hari na sinalubong siya ng ngiti bilang pagbati naman.
“Marahil habang maaga pa ay sanayin na ang prinsesa sa kaniyang papel bilang isang reyna sa darating na panahon, upang kung mayroon man siyang baluktot na pag-uugali sa ngayon ay maituwid na sapagkat may mga inaasal siyang hindi maganda nitong mga huling araw,” suhestiyon ng isa sa mga miyembro ng konseho.
“Mawalang-galang na sa inyong lahat, subalit ang ideyang iyan ay hindi ko maipapayo sa ngayon. Kung ang ituwid ang kaniyang maling pag-uugali lamang ang inyong layunin ay maari nating gawan ng paraan kahit siya’y ating prinsesa kung pahihintulutan ng hari,” sabat naman ng pantas.
Napakunot-noo ang ni Suela, isa sa anim na nakatatandang miyembro ng konseho.
“Mukhang hindi ka boto na maging isa siyang reyna, Agor. Iyan ang aking pagkaunawa sa tinuran mo at hindi ko `yan nagugustuhan. Sa harap pa talaga ng hari?” singhal ni Suela.
“Kung sasabihin kong tama ka, may magagawa ka ba?” pabalang namang balik-tanong ng pantas na si Agor.
Si Suela ay talagang kabaliktaran niya mag-isip sa lahat ng bagay kaya madalas silang magkabangga sa mga pagpupulong man o simpleng usapin sa loob ng palasyo.
“Tama na,” saway ni Haring Rufus. “Ipagpaumanhin mo Suela, ngunit ang mga tinuran ni Agor ay siya ring nasasaisip ko, ilang araw na.”
“Kung gano’n ay pumapanig ka sa baliw na pantas na ito, mahal na hari?” tila dismayadong wika ni Suela. Napaismid siya.
“Sapagkat hindi ko nakikita sa aking anak ang katangian ng isang mabuting reyna,” marahang sagot ng hari. Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata. “Ginawa ko na ang lahat, ngunit nabigo akong pukawin ang kabutihan sa kaniyang puso. Patawad sa aking yumaong reyna, subalit hindi siya ang marapat na maluklok sa trono.”
“Mahal na hari?” naibulalas ni Suela. Napatayo siya kasabay ng mariing paglapat ng kaniyang mga kamay sa mesa na lumikha ng ingay sa buong silid.
“Maghunos-dili ka, Suela. Nag-uusap lamang tayo at ang lahat ng tinuturan namin ng hari ay opinyon lamang at wala pang nagaganap na pagpapasya. Masyado naman yatang mainit ang iyong ulo,” pagpapagitna ni Agor sa dalawa.
“Tumahimik ka, Agor!” singhal na muli ni Suela. “Mahal na hari, nag-iisa lamang ang inyong anak. Tiyak na masasaktan ang kaniyang kalooban at—”
“At ano? Sasaktan niya na naman si Esmeralda?” dugtong ng hari.
Napamulagat si Agor sa kaniyang narinig at napatingin sa hari, subalit hindi siya nagpahalatang ganoon ang kaniyang naging reaksyon.
“Hindi ko alam kung kanino nanggaling ang impormasyong nalaman niya na may namamagitan sa aming dalawa ni Esmeralda. Ito raw ang napipisil kong maging susunod kong reyna?” Marahang tumawa si Haring Rufus. “Isang engkantandang parang anak na ang turing ko ang nasira at pinag-uusapan ng lahat dahil sa maling impormasyong iyon. Kaawa-awa siya. Subukan mong ilagay ang iyong sarili sa kaniyang sitwasyon, Suela. Ano kaya ang mararamdaman mo na pinagbibintangan ka ng bagay na hindi mo naman kayang gawin?”
“Ang sinumang miyembro ng konseho, maging ang lahat ng may katungkulan sa palasyo ang dapat manguna sa pagiging patas at mabuti sa iba, kaibigan,” pasimpleng sabat ni Agor.
Hindi nakasagot si Suela at padabog siyang bumalik sa pagkakaupo.
“Gusto kong ipabatid sa inyong lahat na pinarusahan ko si Oruza at ngayon ay ilang araw siyang magsisilbi sa palasyo. Siya na muna pansamantala ang gagawa ng mga nakasanayan ninyong gawain ni Esmeralda. Itrato ninyo siyang parang katulad lamang ng kaniyang kaibigan at hindi bilang isang prinsesa,” saad ng hari.
Lalong napakunot ang noo ni Suela, subalit binalingan niya lamang ang hari ng isang makahulugang tingin.
“Bakit ninyo ginawa iyon, mahal na hari?” tanong ng isa sa iba pang mga miyembro ng konseho.
“Upang maunawaan niyang hindi madaling maging alipin para manakit siya ng kapwa—emosyunal man o pisikal. Hindi ko akalain na ang pagsunod ko sa bawat naisin niya ay mistulang pagpapahaba at paghahasa sa kaniyang sungay. Marapat lamang na habang maaga pa ay putulin ko na iyon upang hindi siya tuluyang maligaw ng landas.”
“At upang hindi siya matulad sa bagong reyna ng Danaw,” sabat na muli ni Agor habang patango-tango. “Tama lamang ang inyong desisyon bilang ama. Hindi maaaring matulad ang Safferia sa Danaw. Kaawa-awa ang ating nasasakupan.”
Bawat isa sa mga miyembro ng konseho ay lumabas sa silid na pinagpulungan nang may magkakaibang opinyon at dinaramdam. Para sa kanila, ang kalutasan sa suliranin ng hari hinggil kay Oruza ay nasa mga kamay lamang ni Rufus. Sang-ayon man sila o hindi, ang ama pa rin ang masusunod.
Nagpupuyos naman ang damdamin ni Suela na unang lumabas sa silid na iyon. Subalit ang matinding emosyon na nararamdaman niya ay napalitan ng awa nang makita niya si Oruza na nakabihis ng katulad sa mga tagasilbi. Bitbit nito ang isang buslo na puno ng mga bulaklak.
“Prinsesa Oruza?” naibulalas ni Suela.
Samantala, isang mahigpit na yakap ang naging tugon sa kaniya ng prinsesa hanggang sa maulingan nito ang mga hikbi ng prinsesa. Marahan niyang hinawakan ang magkabilang pisngi nito at pinunas ang mga luha na humalik sa mga pisngi ni Oruza gamit ang kaniyang dalawang hinlalaki.
“Inang Suela, hindi ba ako mahal ng aking ama para parusahan niya ako ng ganito? Ganito ba kahalaga sa kaniya si Esmeralda at ang pamilya nito para kampihan niya?” mga tanong ni Oruza sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.
Umiling-iling si Suela. “Marahil ay wala lamang sa matinong pag-iisip ang iyong ama dahil sa kahibangan niya kay Esmeralda. H’wag kang mag-alala, hinding-hindi ako makapapayag na palitan niya ang lugar ng iyong ina sa palasyo!” mariing tugon niya.
“Hindi na mangyayari, `yon. Ilang araw nang wala si Esmeralda sa palasyo. Umuwi na siya sa bulok nilang tahanan sa kabilang bundok,” wika ng prinsesa. “Pasasaan ba’t matatapos din ang parusa sa akin ni ama. Ako pa rin ang magiging reyna!”
“Kung gano’n ay sakyan mo na lamang ang gusto ng iyong ama. Ipakita mo sa kaniya na mas karapatdapat ka.” Napangiti si Suela. “Nakatutuwang malaman na wala na pala ang engkantadang iyon dito. Hindi niya maaabot ang kaniyang ambisyon sapagkat hindi siya isang maharlika. Ang katotohanan na rin ang sumampal sa kaniya.”
“H’wag kayong mag-alala. Makakalimutan din siya ni ama.”
Lingid sa kaalaman nilang dalawa, naroon ang pantas na si Agor na naulinigan ang kanilang pag-uusap. Dali-dali siyang nagtungo sa luklukan ng hari at mapalad na naroon ang kaniyang sadya. Bagaman, malayo ang tingin nito.
“Mahal na hari,” bungad ni Agor. “Patawad kung sandali kong gagambalain ang katahimikan.”
Napailing ang hari. “Mabuti na lamang at mayroong katulad mo na nakauunawa sa akin. Paano ba nila mauunawaan na ang pagpapasa ng korona at ng malaking katungkulan sa kaharian ng Safferia ay hindi basta-basta at kung kani-kanino? Dapat ang susunod na uupo sa aking trono para mamuno ay ang karapatdapat. Tulungan nawa ako ni bathalumang Saffira sa pagpapasya at pagpili.”
“At sa tingin n’yo ba, hindi `yon ang inyong anak?” balik-tanong ni Agor.
Muling umiling si Haring Rufus. “Kilalang-kilala ko siya. Hindi ko sa kaniya ipagkakatiwala ang trono.” Bumuntong-hininga si Haring Rufus. “Mabuti siyang anak at engkantanda, subalit madaling masilaw ng kaniyang pansariling interes at nagpapatalo sa kaniyang emosyon. Batid mo naman siguro na ang matalik niyang kaibigan noon ay kinasusuklaman niya ngayon dahil sa mga sabi-sabi.”
“Sino naman kaya ang may pakana?”
“Si Suela,” dagling tugon ni Haring Rufus. “Hindi ko alam kung anong mahihita niya sa pangsusulsol sa aking anak.”
“Hindi ko na pala kailangang magsabi sa inyo ng aking mga narinig sapagkat alam n’yo pala,” wika ni Agor. “Ngunit, may iba pa akong sadya, Rufus.”
“Ano `yon, kaibigan?”
“Narinig kong wala na rito si Esmeralda.” Nabaling ang tingin ni Agor sa durungawan. Sa malawak na kalupaan ng Safferia. “Hindi mo siya dapat pinaalis.”
“Hindi ako ang nagpaalis sa kaniya, bagkus ay si Oruza. Wala na siya nang malaman ko kaya hindi ko na siya napigilan sa paglisan,” paliwanag ng hari.
“Saan ko siya maaaring matagpuan? Saan ba ang kanilang tahanan sa kabila ng bundok? Napakahalagang makabalik siya rito sa palasyo. Hindi siya maaaring lumayo nang tuluyan sapagkat maaring bumaliktad ang kapalaran ng Safferia.” Bumuntong-hininga siya. “Katulad ng nabanggit ko kanina, hindi maaring matulad sa Danaw ang ating kaharian.”
“Bakit gano’n na lamang ang interes mo sa kaniya?” pagtataka ni Haring Rufus. “Mayro’n ka bang mga bagong pangitain sa hinaharap para masabi mo ang iyong mga tinuran?”
“Sa aking pagbabalik ay isasalaysay ko sa iyo ang lahat, ngunit sa ngayon ay tulungan n’yo muna ako, mahal na hari. Kailangan ko siyang makita sa lalong madaling panahon,” pakiusap ni Agor.
“Hanapin mo ang kaniyang kapatid na si Ruru sapagkat siya ang higit na makatutulong sa `yo. Marahil ay nasa imbakan siya ngayon ng trigo,” tugon ng hari. “Pakiusap, bumalik ka kaagad kasama si Ada upang muli namin siyang makasama. Batid mo kung gaano kahalaga sa akin ng presensiya niya sa palasyo. Kailangan ko rin ng tulong upang magpasya at pakiramdam ko ay makatutulong kung ano man ang mga nalalaman mo.” Makahulugan ang mga titig ng hari sa pantas.
Kaagad na tumalima si Agor at nangako sa hari na magbabalik siya kaagad kasama ang engkantada. Samantala, hindi naman siya nabigo. Kaagad niyang natagpuan si Ruru sa lugar na itinuro ng hari. Ito naman ang nagturo sa kaniya ng tamang daan para matagpuan ang engkantada.
Subalit, sa gitng ng kaniyang paglalakbay—habang tumatawid sa kagubatan—isang matandang babae ang humarang sa kaniyang daan. Napatigalgal siya sa kaniyang kinatatayuan habang nakamasid sa papalapit. Batid niyang hindi ito ordinaryong engkantada dahil maging siya man ay matanda na subalit hindi kulubot ang balat at maputi ang buhok. Bagkus ay nagkukulay abuhin lamang ang buhok bilang senyales na nakatatanda na siya katulad ng ibang miyembro ng konseho.
“Isa ka bang dayo sa Safferia o nagpapanggap lamang, engkantada?” paglalakas-loob niyang tanong.
Ngumiti ang matanda.
“Hindi totoong baliw ang pantas ng Safferia, bagkus ay mahusay at pinagpala,” tugon nito.
“Sino ka?” Mabilis ang t***k ng kaniyang puso. Nanginginig ang kaniyang katawan sa hindi maipaliwanag na damdamin. Mistulang hinihipan ng kakaibang hangin ang kaniyang batok.
“Halika’t ibubulong ko sa `yo kung sino ako at bibigyan ko ng kasagutan ang mga tanong sa isip ng hari.” Pagkawika noon ay nagmistula siyang puting usok.
Pinalibutan si Agor ng usok na iyon. Nagliwanag ang kaniyang balintataw. Umalingawngaw sa gitna ng kagubatan ang mga sigaw ng pantas. Hanggang sa umiiyak niyang isinigaw ang pangalan ng isang engkantada.
“Esmeralda!”
***