HINDI MAKAPANIWALA si Esmeralda sa nilalang na kaniyang nakita. Nang magmulat siya ng mga mata naroon na siya sa kaniyang higaan at laganap na ang liwanag ng araw. Hindi niya lubos maisip kung ito ba ay panaginip lamang o totoong may kakaibang naganap nang nagdaang gabi.
Nagtungo siya sa durungawan at nakita si Heleina sa hardin na tuwang-tuwa sa mga bulaklak. Napangiti siya sapagkat hindi talaga siya iniwanan ng kaniyang munting kaibigan. Hindi siya nagsayang ng oras at lumabas din sa hardin upang malapitang makita ang mga bulaklak.
“Kung pagkain siguro ang mga bulaklak, busog na busog ka na,” sita ni Esmeralda sa lambana.
Nagulat man ito sa kaniyang tinig, nakangiti itong lumapit sa kaniya. Ang mga pakpak nito man ay mistulang napakasigla.
“Gising ka na pala. Kumusta ka?” urirat ni Heleina. Muli, nag-anyo itong engkantada. Ibang-iba ang kasuotan niya kaysa dati. Ngayon ay nangingibabaw ang kaniyang natural na ganda sa puti niyang kasuotan.
“Ang ganda mo naman ngayon, Heleina.” Napapisil si Esmeralda sa magkabilang pisngi ng lambana.
“Mayroon kasi tayong mga panauhin. Nakakahiya naman kung hindi ako mag-aayos,” tugon ng lambana na ikinamulagat ni Esmeralda.
“Panauhin?” naibulalas ng engkantada.
“Oo, kagabi pa sila dumating kaso hinimatay ka.”
Nang dahil sa mga tinuran ni Heleina ay nakumpirma ni Esmeralda na hindi panaginip ang kaniyang nakita. Ngayon ay napawi na ang kaniyang takot sapagkat wala namang siyang mababakas na pangamba sa mukha ng kaibigan. Iginala niya ang kaniyang paningin sa paligid, ngunit wala naman siyang kakaibang nakita.
“Nasaan sila? Ibig kong humingi ng tawad sa inasal ko kagabi. Hindi ko sinasadyang matakot, nagulat lang talaga ako,” paliwanag niya.
Ininguso ni Heleina ang pagturo sa likuran ni Esmeralda at naunawaan naman kaagad ng engkantada, subalit wala itong nakita. Napansin na lamang ni Heleina na napapakunot-noo ang kaibigan.
“Makiramdam kang mabuti, kaya mo silang makita,” bulong ng lambana.
Naguguluhan man ay sinunod ni Esmeralda ang lambana. Hanggang sa may mapansin siyang mga kumikilos na mistulang mga bula na mahirap dakipin. Noon ang napangiti siya nang maalala ang hugis ng kabuuhan ng nilalang na nakita niya ng nagdaang gabi. Pabilog na parihaba ang katawan nito. May tamang ikli ng mga braso at paa. Mayroong iisang mata lamang.
“Maari ko na bang makita ang inyong mga tunay na anyo? Hindi na ako matatakot, pangako,” tinuran ni Esmeralda.
Ilang sandali man siyang naghintay ay hindi siya binigo ng kaniyang mga panauhin. Nakumpirma niya na ito nga ang nakita niya. Nakangiting humakbang papalapit sa kaniya ang isa sa mga ito.
“Natakot ba kita? Pasensiya ka na. Kaya nga nahihiya kaming magpakita sa `yo.” Bahagya siyang nakiramdam sa paligid, lalo na nang hawakan ni Esmeralda ang kaniyang kanang kamay. “Mula nang mapadpad ka sa gubat isang gabi kasama ang kaibigan mong lambana ay sinundan na kita sapagkat naaamoy ko ang mabuti mong kalooban. May magandang kapalaran na naghihintay sa `yo.”
Nang dahil sa tinuran nito ay hindi sinasadyang maalala ni Esmeralda ang tinuran sa kaniya ng matandang babae sa tuktok ng bundok. Subalit nagkunwari siyang walang nalalaman at hindi pinansin ang tinurang iyon ng kaniyang panauhin.
“Kung hindi ako nagkakamali, kayo ang mga nilalang na nagbabantay sa bahagi ng kagubatan na iyon kung saan may natatanging bulaklak na sa gabi lamang kung mamukadkad?” urirat ni Esmeralda.
Tumango ito. “Hindi ba’t gusto mo kaming makita?”
“Oo, kaibigan. Hindi n’yo alam kung gaano ako kasaya dahil binigyan mo ako ng pagkakataong makadaupang palad ka.” Marahan niyang binitawan ang kamay nito. “Hindi pala kayo totoong mabangis at nakakatakot.”
“Totoo `yon, ngunit ganoon lamang kami kapag nakararamdam kami ng panganib at nilalang na tutungtong sa aming teritoryo nang may masamang pakay,” sabat ng isa pa sa kanila. Naghagikhikan ang mga ito.
“Ako nga pala si Amian, Esmeralda. Sila naman ang aking mga kasama,” pagpapakilala ni Amian. “Apat na lamang kaming natitira dahil hindi kami gaanong sanay sa klima rito sa Safferia. Mas sanay kami sa malamig na temperatura.”
“Nabanggit nga iyon ng isa sa mga lambanang nakita ko ng gabing iyon,” tugon naman ni Esmeralda. “Nakatutuwa ang inyong mga kakayahan. Nakapagsasalita kayong katulad namin at nakapagtatago kayo sa paningin ng iba sa sarili ninyong pamamaraan.”
“At hindi lang `yan, kaya rin nilang bumagay sa lugar na kinaroroonan nila at maging kakulay nito upang hindi mapansin ng sinumang kaaway,” sabat naman ni Heleina.
Napaisip si Esmeralda. “Kaya pala mistula kang isang anino kagabi.”
Nagkatuwaan ang bagong magkakaibigan. Masayang pinatuloy ni Esmeralda ang mga nilalang na iyon sa kaniyang tahanan. Marami pa siyang natuklasan tungkol sa mga ito, ngunit higit siyang naging interesado sa hinahanap ng mga ito na umano’y engkantadang may mahalagang papel, hindi lamang sa Safferia, kung hindi maging sa kanilang lupain na unti-unti nang nilalamon ng katubigan. Ibig nilang humingi ng tulong na maibalik sa wasto ang nag-iibang klima sa kanilang lupain upang mailigtas ang natitira nilang lahi.
“Isang bathaluman ang nagpakita sa amin at sinabing naririto sa Safferia ang aming hinahanap. Sana, bago kami maubos ay matagpuan namin siya para magkaroon pa kami ng susunod pang mga salinlahi,” maluha-luhang kuwento ni Amian.
“Paano ba natin siya makikilala? Ano ang mga nabanggit ng bathalumang nakita ninyo tungkol sa engkantadang ito?” urirat ni Esmeralda.
“Siya raw ang susunod na reyna ng Safferia.”
Nagkatinginan sina Esmeralda at Heleina.
“Si Oruza?” sabay nilang naibulalas.
Pilit ikinubli ni Esmeralda ang lungkot na kaniyang naramdaman nang mabanggit nila ang pangalang iyon. Ibig niya rin sana na makatulong sa mga bagong kaibigan, ngunit hindi naman siya ang susunod na reyna na tinutukoy ng mga ito.
“Gusto n’yo bang samahan kayo ng aking kaibigang lambana sa prinsesa?” tanong ni Esmeralda kay Amian.
Natahimik ito. Hindi man mabasa ni Esmeralda ang emosyon ng kaharap dahil hindi sila magkatulad ng anyo, nagtaka siya nang tila magkatinginan ang mga ito sa kadahilanang hindi nila naisatinig. Mistulang nag-uusap sila sa pamamagitan ng kanilang mga tinginan.
“Hindi na muna ngayon. Maghihintay kami ng tamang pagkakataon at nararamdaman ko namang malapit na ang araw na iyon,” sa wakas ay tugon ni Amian.
Iginalang ni Esmeralda ang pasya ni Amian, ipinagtataka niya man ito sapagkat base sa unang tinuran nito, kailangan na nila itong mahanap sa lalong madaling panahon upang maisalba ang nauubos na nilang lahi at lupain na unti-unting ginugunaw na katubigan.
Samantala, inalok siya ng mga ito na sumama sa madilim na gubat upang muling masilayan ang pamumukadkad ng mga arwaka. Maaari daw humiling doon si Esmeralda ayon kay Amian sapagkat ang mga hiniling nila rito ay isa-isa nang ipinagkakaloob sa kanila. Sa halip naman na tumanggi ay walang mapagsidlan ang tuwa niya dahil siya man ay manghang-mangha sa bulaklak na iyon.
Nagkukulay rosas pa lamang ang kalangitan ay nagtungo na sila sa kagubatan gamit ang kanilang mga kapangyarihan sapagkat may kalayuan iyon sa tahanan nina Esmeralda. Naunang makarating doon sina Amian at ang kaniyang mga kasama nang dahil sa kakayahan nilang maglaho at lumitaw sa kanilang nais na patunguhan sa sandaling panahon lamang.
“Bakit hindi mo sinabi sa engkantada ang totoo, Amian? Kailangan na nating kumilos,” mariing tinuran ng isa sa mga kasama ni Amian na si Imma.
“Ayaw ko siyang biglain. Mayroon pa siyang lungkot at sakit na iniinda sa kaniyang dibdib dahil sa biglaan niyang paglisan sa palasyo nang dahil sa prinsesang `yon,” paliwanag ni Amian sa naiiritang tinig. “Nakita n’yo naman ang sinapit niya, hindi ba?”
“Kung may karapatan lang talaga akong parusahan ang prinsesang `yon, papatayin ko siya sa takot!” nanggagalaiting tinuran ng isa pa sa kanila.
“Wala kayong gagawing masama sa kahit sinuman sa kanila, masama man o mabuting mga Safferian. Tanging ang kanilang bathaluman ang may karapatang magparusa sa kanila at hindi na magtatagal `yon,” saway ni Amian. Napatingin siya sa hindi kalayuan. “Nararamdaman ko na sila. Mag-ingat kayo sa mga salitang sasambitin ninyo kay Esmeralda.”
Nag-aagaw pa lamang ang liwanag at dilim ay unti-unti nang namumukadkad ang mga bulaklak ng arwaka. Tila hindi naman nababagot si Esmeralda na ngiting-ngiti habang hindi mapagkit ang pagkakatitig sa isa sa mga bulaklak. Sa tuluyang pagkagat ng dilim at unti-unting paglalim ng gabi ay tuluyang namukadkad iyon. Nagliwanag iyon nang dahil sa mga puting lambana na nagsilabasan mula sa loob ng namumukadkad na mga bulaklak.
Muli ay napaibig si Esmeralda sa halimuyak ng bulaklak na iyon. Isang puting lambana naman na nagliliwanag ang lumapit sa kaniya at naupo sa kaniyang mga palad. Hanggang may isa pang naupo naman sa kaniyang kaliwang balikat.
“Ikaw ang arwaka nating mga Safferian, kaya’t h’wag kang magagalit o tututol kapag tinatawag ka naming prinsesa. Sapagkat sa gitna ng gabi, doon ka nagiging malaya noong nasa palasyo ka pa. Sa mga panahong iyon sumisibol ang tunay mong ganda,” wika ni Heleina na naulinigan ni Esmeralda.
Nangilid ang mga luha ni Esmeralda, hindi lamang dahil sa naging magiliw sa kaniya ang mga puting lambana na pinaliligiran siya at sa tinuran ni Heleina, kung hindi dahil sa wakas nga ay malaya na siya. Lalo siyang napaiyak ng maramdamang niyang niyakap siya ng kaniyang mga bagong kaibigan.
“Hindi ka mag-iisa kahit malayo ka sa iyong ina at kapatid, aming prinsesa. Kahit pansamantala lamang, kami ang iyong magiging pamilya sa iyong pag-iisa. Sasamahan ka naming ipagdiwang ang iyong kalayaan,” wika ni Amian bago siya tuluyang niyakap katulad ng kaniyang mga kasamahan.
Ganoon na lamang ang saya ni Esmeralda. Nang mga sandaling iyon, pakiramdam niya ay napaka-espesyal niyang Safferian. Umusal siya ng malaking pasasalamat sa bathalumang si Saffira dahil naniniwala siyang ito ang tala sa umaga na palagi niyang tinatanaw sa kalangitan—ang tinuran ng misteryosang matandang babae.
Sa gitna ng tagpong iyon sa piling na mahalimuyak na pamumukadkad ng mga natatanging bulaklak at pagliliwanag ng kapaligiran. Bigla na lamang kumirot ang ulo ni Esmeralda. Nag-aalalang lumipad ang lambana sa kaniyang palad nang bigla siyang mapahawak sa kaniyang ulo at mapapikit. Hanggang sa mapahiyaw siya sa sakit.
“Ano’ng nangyayari sa `yo, Esmeralda!” naibulalas ni Heleina.
Maging ang iba pang mga lambana at ang grupo ni Amian ay nangamba para kay Esmeralda. Inalalayan nila ito hanggang sa mapaupo sa damuhan upang hindi ito masaktan. Lingid sa kanilang kaalaman, sa gitna ng pagdidilim ng paningin ng engkantanda ay ang pagsibol ng puting liwanag mula sa gitna niyon. Inagaw nito si Esmeralda sa reyalidad at dinala sa kapilas na tagpo ng hinaharap.
Nakita niya ang kaniyang sarili na nakabihis ng katulad ng sa isang reyna. Nakaupo siya sa trono ng palasyo ng Safferia at napuputungan ng kanilang natatanging korona. Nanginginig ang kaniyang mga paa habang napapatras mula sa kaniyang kinatatayuan.
“Hindi! Hindi ako `yan!” sigaw niya. Subalit, walang nakarinig sa kahit sinumang naroroon na pumapalakpak sa reyna.
Sa patuloy niyang pag-atras ay nahulog siya sa tila napakalalim na hukay at walang hanggang kadiliman. Hanggang sa patuloy na pag-alingawngaw ng kaniyang mga sigaw ay muling siyang nagising sa piling ng kaniyang mga kaibigan. Nang magmulat siya ng paningin ay nasa anyong engkantada si Heleina na halos umiyak na sa kaniyang harapan dahil sa pagkataranta.
“Ano’ng nangyari? Kumusta ka?” naibulalas ni Amian nang mapansin niyang nagbalik na ang diwa ni Esmeralda at hindi na mapigil ang pagluha nito.
“Pinag-alala mo kami, Esmeralda,” humahagulhol na wika ni Heleina. “Ilang sandali kang namatay sa mga kamay namin. Akala ko, iniwan mo na kami.”
“Isang pangitain—isang masamang pangitain.” Napahagulhol ng iyak si Esmeralda. “Hindi maaaring mangyari ang mga nakita ko. Hindi ako karaparatdapat!”
Tila wala sa sariling tumayo si Esmeralda at muling nagliwanag ang likuran nito na kung saan lumitaw na muli ang magaganda niyang pakpak. Walang paalam niyang iniwanan ang mga kaibigan.
“Ayaw kong sapitin ang kadiliman!” umiiyak na palahaw ni Esmeralda bago tuluyang lumipad palayo sa kanila.
Lumuluhang napatingin si Heleina kina Amian na tila ba nagpapaalam at tumango naman ito.
“Sundan mo siya. Tila wala siya sa sarili, baka mapa’no pa siya.”
Kaagad na tumalima si Heleina kina Amian at nag-anyong lambana. Lumipad siya palayo hanggang sa hindi na siya matanaw pa ng mga bagong kaibigan. Samantala, naiwanan ang mga itong nagkakatinginan.
“Ano’ng ginawa n’yo?” mariing tanong ni Amian. Tininitigan niya isa-isa ang mga kasama.
“Wala kaming ginagawa, Amian. Alam mong ang iuutos mo lamang ang susundin namin at hindi ka namin susuwayin,” tugon ni Imma.
“Kung gano’n, ang bathaluman marahil ang may gawa,” ani Amian. “Nakita n’yo na? Hindi pa siya handa.”
***