MALAYO ANG TINGIN ni Oruza mula sa terasa ng kaniyang silid. Nakahalukipkip ang kaniyang mga kamay. Ang kaniyang diwa ay tila ba naglalakbay sa nakaraan. Hindi naglaon ay inihakbang niya ang kaniyang mga paa patungo sa loob ng kaniyang silid at tumayo sa harapan ng isang malaking salamin kung saan kita niya ang kabuuhan niya.
Hindi maikakailang nababagay siya sa katawagang prinsesa. Ang kaniyang mahaba at kulay mais na buhok ay tugmang-tugma sa puti ng kaniyang balat. Siya rin ang natatanging engkantada sa Safferia na mayroong asul na balintataw. Iyon kasi ang pinagmumulan ng higit niyang kapangyarihan.
Dulot ng kaniyang imahinasyon ay nakita niya sa kaniyang tabi si Esmeralda. Napakunot ang kaniyang noo. Muling nanariwa sa kaniyang isipan ang isang tagpo sa piging na nagpabago ng lahat.
Mataman ang pagkakatitig ng kanilang panauhin mula sa kaharian sa kanluran. Ang hari ay napadpad sa Safferia upang makipagkaibigan at makipagpalitan ng kalakal. Kasama ang kaniyang reyna at mga anak ay ipinaghanda sila ni Haring Rufus ng isang piging.
“Siya si Esmeralda,” tinuran ni Haring Rufus nang mapuna ang kaniyang panauhin.
Naulinigan iyon ni Oruza na hinihintay ang kaniyang mga kaibigan sa lugar na nakatalaga para sa kanila.
“Isang taga-silbi?” nagtatakang tinuran ng hari. “Hindi nababagay ang kasuotan ng isang alipin sa kaniyang natural na kagandahan.”
“Tama ka naman riyan, kaibigan,” pagsang-ayon ni Haring Rufus. “Nasa kaniya ang lahat ng katangian ng isang prinsesa o marapat sabihin na isang reyna. Malaki ang kaniyang puso para sa kapwa at maalaga sa lahat ng maybuhay dito sa Safferia. Akalain mo pati ang mga nangangalantang mga halaman ay nabibigyan niyang muli ng kulay at buhay nang hindi gumagamit ng kaniyang kapangyarihan. Paano po kaya kung gawin niya ito sa tulong niyon.”
“Puring-puri mo ang engkantadang ito, mahal na hari. Tila baga malaki ang paghanga mo sa kaniya.”
“Hindi ko ikakaila `yan, kaibigan,” walang pag-aalangang tugon ni Haring Rufus.
Narinig ni Oruza ang mga tinuran ng dalawang hari. Ayaw niya man ay may kirot siyang naramdaman sa kaniyang dibdib. Siya man ay napatingin kay Esmeralda habang ang kaniyang luha ay unti-unti nangingilid sa mga mata niya.
“Prinsesa, ano’ng problema?” puna ni Mayang. Inilapag nito sa harapan ni Oruza ang inihandang pagkain para dito.
“Alam kong narinig mo rin ang mga narinig ko,” sagot ni Oruza. Nang tuluyang pumatak ang kaniyang luha ay kaagad niya rin itong pinunasan.
“H’wag ka nang malungkot, mahal na prinsesa. Iyon ay puna lamang. Ikaw pa rin ang nag-iisang prinsesa ng Safferia at hindi maaagaw sa iyo ng isang tagasilbing katulad namin.”
Samantala, nang mga sandaling iyon ay dumaan ang dalawang engkantada at narinig nila ang pinagbubulungan ng dalawang iyon.
“May kakaiba sa mga titig ni Haring Rufus kay Esmeralda. Totoo nga kaya ang naririnig kong usap-usapan na siya ang napupusuan ng hari na maging reyna—ang susunod niyang reyna?”
Halos mapatayo si Oruza sa kaniyang kinauupuan ngunit pinigilan niya ang kaniyang sarili upang marinig pa ang mga susunod na tuturan ng ng mga ito.
“Baka nga. Napakapalad niya kung gano’n. Tiyak na magbabagong bigla ang kaniyang buhay,” sagot ng isa pa.
“Nakatatawa lamang isipin na ang matalik na kaibigan ng prinsesa ay siyang kikilalanin niyang ikalawang ina.” Palihim na humagikhik ang dalawa.
Mahigpit na napakapit si Oruza sa hawakan ng kinauupuan niyang silya. Galit siyang napatayo na ikinagulat ng dalawa. Nagkatinginan na lamang ang mga ito, maging si Mayang nang mapansin ang panggagalaiti ng prinsesa.
“Paumanhin mga engkantada, pero sana’y pumili kayo ng pribadong lugar upang pag-usapan ang ganitong mga kumakalat na kwento sa palasyo. Hindi n’yo ba naiisip na ang mga salitang binitiwan ninyo ay punyal na ngayon ay nakatarak sa dibdib ng ating prinsesa?” wika ni Mayang.
“Paumanhin, hindi namin napansin na nandito siya.”
Samantala, nakasalubong ni Haring Rufus ang noon ay umiiyak na si Oruza patungo sa kaniyang silid. Kaagad niya naman itong pinigilan at inusisa.
“Hindi ako makapaniwalang mas iniibig mong maging isang reyna ang isang alipin, ama!” bulyaw niya sa hari. “Puring-puri mo ito at ipinagmamalaki sa mga bisita kaysa sa iyong anak na tagapagmana mo sa iyong trono.”
“Hindi naman gano’n, Oruza. Kahit kailan ay hindi kita ikinumpara kay Esmeralda.” Bumuntong-hininga ang hari. “Alam kong naiinggit ka sa kaniya kaya ipinag-utos mong pagbawalan ang lahat na gumamit ng kapangyarihan. Labag man sa aking loob ay pinahintulutan kong maisabatas iyon upang hindi ka mapahiya. Hindi ka dapat maging mapanibugho sapagkat bawat isa sa atin ay natatangi. May kaniya-kaniya tayong kapalaran. Kung hindi man iyon naaayon sa iyong kagustuhan ay dapat tanggapin mo ng maluwag sa iyong loob at h’wag na h’wag mong hayaan na maging galit iyon.”
“Kahit ano pa’ng paliwanag ang sabihin ninyo ay nasusuklam ako sa mga narinig at napapansin ko sa inyong dalawa! Kung inaakala ninyo na hahayaan kong palitan niya ang lugar ng aking yumaong inang reyna o maging ang lugar ko sa palasyo, nagkakamali kayo. Dadaan muna siya sa ibabaw ng bangkay ko bago mangyari ang kahibangang `yan!”
“Oruza! Oruza!”
May galit sa pagkakatitig ni Oruza kay Esmeralda sa salamin na likha ng kaniyang ilusyon. Ganoon pa man ay nagsipatakan ang kaniyang mga luha.
“Umalis ka sa landas ko, Esmeralda! Kinamumuhian kita!” bulyaw ni Oruza sa harap ng salamin.”
Hindi naglaon ay sunud-sunod na mga katok ang umagaw sa pansin ng prinsesa hanggang sa bumuka ang pinto at nangangambang pumasok si Mayang.
“Ayos ka lang ba, prinsesa? Bakit ka sumisigaw?” urirat ng kaniyang personal na tagasilbi at kaibigan.
“Paano ba naman, kapag naaalala ko si Esmeralda, talagang nanggagalaiti ako!” Mariing nakakuyom ang kaniyang mga kamay.
“Sa tingin ko ay oras na para maging masaya kayo sapagkat tuluyan nang mawawala si Esmeralda sa landas ninyo,” wika ni Mayang.
“Bakit, Mayang?” naibulalas ni Oruza.
“Umalis na si Esmeralda sa palasyo. Inihatid siya ng kaniyang kapatid sa luma nilang tahanan kahapon. Ngayon ko lamang nalaman ang tungkol doon nang hanapin ko siya kanina sa mga kasamahan namin.”
Kaagad na gumuhit ang mga ngiti ni Oruza. Napayakap siya kay Mayang dahil sa tuwa.
“Kung gano’n, napakaganda pala ng aking umaga para sayangin ko sa kaniya,” tugon ng prinsesa. “Ipaghanda mo kami ni Ama ng masarap na agahan, Mayang. Ngayon na.”
Kaagad na tumalima si Mayang sa utos ng kaniyang prinsesa. Kaya naman nang dumating ang hari at si Oruza sa hapagkainan ay nakahanda na ang lahat. Subalit mayroong napansing kulang ang hari.
“Bakit tila yata walang mga bagong pitas na bulaklak at prutas sa ating hapag?” tanong ni Haring Rufus na sinulyapan ang ina ni Esmeralda.
Upang makaiwas ay nagbigay-galang na lamang ang engkantadang tagasilbi at tinalikuran sila. Ibig man nitong magsabi ng totoo sa hari ay iniiwasan niya na magkaroon pa ng gulo na lalong makasisira sa kaniyang anak.
“Wala bang sasagot sa tanong ko?” mariing tinuran ng hari na nagtaka sa katahimikan. “Nasaan si Esmeralda? Bakit parang noong nakaraang araw ko pa siya hindi nakikita rito sa palasyo?”
Napabuntong-hininga si Oruza. “Ano ba, ama? Ang ganda-ganda ng umaga ko, h’wag naman ninyong sirain.”
Ang hari naman ngayon ang napakunot ang noo. “Ako ang nasisira ang araw sa kawalang respeto mo sa akin. Gano’n din kay Esmeralda na palagi mo na lang pinag-iinitan kahit wala namang ginagawang masama sa `yo!” mariing tinuran ng hari. Galit siyang tumayo at nilingon ang ibang mga taga-silbi na naroroon. “Dalhan n’yo na lang ako ng agahan sa aking silid. Sana ay iyong may matapang na dila para magsabi ng totoo ang humarap sa akin.”
Hindi na nakasagot pa si Oruza sa kaniyang amang hari dahil kaagad sila nitong tinalikuran, habang ang mga tagasilbi ay aligagang tumalima sa ipinag-uutos ng hari.
“Mukhang hindi magugustuhan ng hari kapag nalaman niyang umalis na si Esmeralda, lalo pa’t hindi pala ito nakapagpaalam sa kaniya,” bulong ni Mayang sa prinsesa.
“Wala akong pakialam!” singhal ni Oruza. “Pasasaan ba’t makakalimutan niya rin si Esmeralda at ako lang ang tanging nararapat na humalili sa kaniya pagdating ng panahon. Isang maharlika na katulad ko lamang ang may karapatan, wala ng iba.”
Sa kabila ng matapang niyang tinuran ay ang dagdag pang sama ng loob sa ama at selos kay Esmeralda. Hindi niya matanggap na talagang ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng hari sa kaniyang dating kaibigan. Tuluyan niya man itong napaalis sa palasyo, hindi niya masabi kong talaga bang wala na siyang dapat pang ipag-alala.
Ganoon pa man, sa kabila ng galit ay may nararamdaman siyang lungkot nang dahil sa dagling pagbabago ng relasyon nila ni Esmeralda ngunit ito ay sinasarili niya lamang na kahit na si Mayang ay hindi niya pinagsasabihan nito.
Nanghihinayang siya sa pagkakaibigang mayroon sila ni Esmeralda mula sa kanilang pagkabata. Lumago nang lumago sa pagitan nila ang mga tinik na tuluyang naglayo sa kanilang dalawa. Maging ang lalaking kaniyang iniibig na si Ruru ay tuluyan nang nagbago sa kaniya. Mula nang awayin niya si Esmeralda ay hindi na rin umimik pa sa kaniya ang engkantado. Tuwing magkakasalubong sila ay ito na ang kusang umiiwas sa kaniya.
Sa gitna ng pagmumuni-muni ni Oruza sa hardin ay natanaw niya ang paparating na si Ruru. Sakay ito ng karwahe na tila mula sa pamimitas ng mga prutas at bulaklak sa taniman ng Safferia. Naghintay siya sa harap ng palasyo para salubungin ito.
“Iyan na ba ang mga bagong pitas na prutas at bulaklak para kay ama?” bungad niya kay Ruru.
Tiningnan lamang siya ng engkantado, nagbigay-galang saka siya tinalikuran. Hindi ito nag-abala pang sumagot sa prinsesa, bagkus ay nagmamadaling kinuha ang buslo na puno ng mga prutas. Habang isa sa mga kawal ay sumalubong rin upang tulungan siyang buhatin ang iba pang buslo.
“Pati ba ikaw, wala na ring respeto sa inyong prinsesa? Ganyan ba ang itinuturo sa iyo ng magaling mong kapatid?”
Natigilan si Ruru. Humigpit ang pagkakahawak niya sa buslo. Kunot ang noo niyang ibinaba iyon at tila nagpipigil na humarap kay Oruza.
“Respeto?” tinuran ni Ruru. Nakaiinsulto siyang ngumiti. “Nauunawaan ba ng prinsesa ang kaniyang mga sinasabi?”
May kung anong sumikdo sa puso ni Oruza. Para bang nakaramdam siya ng hiya nang dahil sa tinuran ni Ruru.
“Ano’ng gusto mong palabasin? Gusto mo bang isumbong kita sa hari nang sa gano’n ay palayasin ka niya sa palasyo dahil sa pang-iinsulto sa kaniyang nag-iisang tagapagmana?” mariing balik-tanong ni Oruza.
Muling napangiti si Ruru. “Ikasisiya ko kung mangyayari `yon. Sa katunayan, naninibugho ako sa aking kapatid. Mabuti pa siya, malaya na sa paninilbihan sa mga maharlikang walang puso!”
Sasampalin sana ni Oruza si Ruru subalit kaagad na nahawakan nito ang kaniyang kamay. Mahigpit ito na tila puno ng galit, ngunit nagpipigil lamang.
“Kung ang aking kapatid ay nagagawa mong pagbuhatan ng kamay, ibahin mo ako!” bulyaw ni Ruru. “Alam ng bathaluman kung gaano ako nagpipigil sa inyo. Malaki ang pasasalamat ko sa kaniya dahil hinahabaan niya pa ang pisi ko. Kung nagkataon, bawat pasa at sugat na tinamo ng kapatid ko sa mga kamay mo, ibabalik ko sa `yo ng triple! Bawat iniluluha niya, pagdudusahan mo!”
Marahas na binitiwan ni Ruru ang kamay ng prinsesa kung kaya’t muntik na itong mawalan ng balanse. Hindi na napigilan pa ni Oruza ang pagsipatakan ng kaniyang mga luha. Ang panunumbat sa kaniya ng engkantado ay napakasakit para sa kaniya. Subalit, ibig niya mang pagsisihan ang mga pagkakamali at masamang pagtrato na nagawa niya sa kapatid nito, mas lalong nagibabaw ang galit niya rito.
“Mag-iingat ka sa sinasaktan mo! Nasa iyong harapan ang susunod na reyna ng Safferia!” luhaang sigaw ni Oruza.
“Kapag nangyari `yan, lilisanin ko ang Safferia. Tatalikod ako sa bathalumang si Saffira dahil hinayaan niyang pamunuan ang puso ng silangan ng isang reynang maitim ang budhi.”
Nang dahil sa sama ng loob ay tuluyan nang dumapo ang malakas na sampal sa pisngi ni Ruru na matapang namang tinanggap ng engkantado.
“Oruza!” sigaw na umalingawngaw sa kanilang pandinig.
Nang lumingon sila sa b****a ng palasyo ay naroon ang hari. Galit na nakatunghay sa kanila.
“Ama, sinasaktan niya ako,” lumuluhang lumapit si Oruza sa ama.
Samantala, tila may sampung kabayo naman na nag-uunahan sa dibdib ni Ruru. Nakaramdam siya ng hiya sa hari nang dahil sa kaniyang mga tinuran, lalo pa’t naalala niya ang bilin sa kaniya ni Esmeralda.
Subalit, ganoon na lamang ang gulat nina Ruru at ng mga kawal na naroroon nang isang malakas na sampal ang sumalubong kay Oruza. Napahandusay ito sa lupa habang sapu-sapo ang kaniyang pisngi. Isang kawal ang dapat sana ay lalapit sa prinsesa upang tulungan ito, ngunit pinigilan iyon ng hari.
“Saan ako nagkulang para magkaganyan ka?” bulyaw ni Haring Rufus. “Ang isang katulad mo ay hindi karapatdapat na maging isang tagapagmana!”
Nakadama ng takot ang lahat nang halos kasabay ng tinuran ng hari ay ang malakas na kulog at kidlat sa gitna ng magandang panahon.
***