HINDI MAN naging maganda ang dahilan ng paglisan ni Esmeralda sa palasyo na ikinasasama ng kaniyang loob, kabaliktaran naman niyon ang nadaramang saya ng engkantada na muling makauwi sa kanilang sariling tahanan. Sa lugar kung saan hindi niya kailangang magpigil at magkunwari. Sa tahanang magiging malaya siyang gawin at bigkasin ang anumang nais niya nang walang mag-iisip sa kaniya ng masama.
Bumungad kay Esmeralda ang kanilang simpleng tahanan. Napaliligiran man ng makapal na d**o ay nakahihigit pa rin doon ang mga namumulaklak na halaman na itinanim nila ng kaniyang ina noong mga panahong hindi pa sila pinatitira ng hari sa palasyo.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Esmeralda. “Sa wakas, nakauwi na rin ako sa ating munting paraiso.”
“Paano `yan, kapatid? Mag-iisa ka lang dito. Gusto mo bang araw-araw na lang akong umuwi rito para may makasama ka?” untag sa kaniya ni Ruru habang kinukuha sa karwahe ang mga dalang gamit ni Esmeralda.
“Hindi na kailangan, nandito naman ako. Palagi ko siyang pupuntahan at sasamahan,” sabat ni Heleina.
Namilog ang mga mata ni Ruru nang mag-anyong engkantada si Heleina sa kaniyang harapan.
“Nandito ka pala! Akala ko may insekto lang na bumubulong-bulong sa amin kanina pa,” pang-uuyam ni Ruru sa lambana.
“Hindi mo man ako napapansin, hindi ibig sabihin noon na wala ako. Hindi ko pababayaan ang aking kaibigan.” Inirapan ni Heleina si Ruru na mga titig na lamang ang iginanti sa kaniya.
“Sinusungitan mo na naman ang kapatid ko,” nangingiting tinuran ni Esmeralda. Ang kaniyang pagsaway sa kaibigan ay tila may halong panunukso.
Kapwa hindi na umimik pa sina Heleina at Ruru, ngunit nanatiling nakangiti si Esmeralda habang nagmamasid sa kanila. Alam niyang mayroong mahikang nagaganap sa gitna ng katahimikang iyon.
Samantala, hindi nagsayang ng panahon ang magkapatid. Magkatulong nilang nilinis ang paligid ng kanilang tahanan, habang si Heleina ay ang mga namumulaklak na halaman naman ang inayos sapagkat sadyang mahilig siya sa mga bulaklak. Maya’t maya ay gumagamit si Esmeralda ng kapangyarihan upang higit na mapaganda ang kanilang tahanan. Lalong-lalo na ang muling pagbibigay buhay sa tigang na lupa at ang muling pagbibigay ng kulay sa kanilang tahanang nalipasan na ng panahon, subalit buhay na buhay pa rin ang alaala ng kanilang pagkabata.
“Hindi ba’t napakagaan sa pakiramdam na malaya mong nagagamit ang mga kakayahang ipinagkaloob sa `yo ng bathaluman?” makahulugang puna ni Heleina. “Malaya na ang prinsesa ng gabi.”
Kaagad na sumang-ayon si Ruru sa tinuran ng lambana. Iyon ang madalas niyang iginigiit sa kapatid.
“Tinatawag mo na namang prinsesa ang isang hamak na alipin. Hindi iyan nababagay sa akin. Iyon ay para kay Oruza at sadyang sa kaniya lamang,” pagtutol ni Esmeralda. Huminga siya ng malalim at napatingala sa nagkukulay-rosas nang kalangitan. “Mayroong ibang katawagang nararapat sa akin, ngunit sa ngayon ay hindi ko pa nababatid kung ano `yon.”
“Kung gano’n, balang araw ay daratal din ang mga kasagutan,” sabat ni Ruru. “Kailangan ko na sigurong bumalik sa palasyo.”
“Sige, Ruru. Papanatagin mo rin ang kalooban ni ina dahil nag-aalala siya sa akin. Mag-iingat ka.” Mahigpit na yakap ang ipinabaon niya sa kaniyang kapatid.
Mabigat ang loob ni Ruru na sumakay sa karwahe upang maglakbay nang mag-isa pauwi sa palasyo. Nag-aalala niyang nilingon si Esmeralda, ngunit nang mabaling ang kaniyang tingin sa kasama nitong lambana ay napawi rin iyon. Hindi man niya aminin, buo ang tiwala niya kay Heleina.
***
MALALIM NA ANG GABI. Tahimik ang buong paligid. Iyon ang mga sandaling pinakahihintay ni Esmeralda. Marahan siyang bumangon mula sa pagkakahiga. Inapuhap niya sa ilalim ng kaniyang higaan ang kaniyang paboritong alampay na kulay abo. Maingat niyang inihakbang ang kaniyang mga paa patungo sa nakabukas na durungawan upang hindi lumikha ng ingay na maaaring ikagising ng kaniyang ina at kapatid. Mula roon ay tumalon siya at lumutang sa ere bago man lamang bumagsak sa lupa. Nagliwanag ang kaniyang likuran at doon ay isang makulay na pakpak ang lumitaw. Mula sa teritoryo ng palasyo ay malaya siyang lumipad patungo sa tuktok ng pinakamataas na bundok na nasasakupan ng Safferia. Doon ay may malawak na talampas kung saan tanaw ang kalawakan ng Safferia at malawak na kalangitang namumutiktik sa mga kumukuti-kutitap na mga bituin. Nang marating niya ang paboritong lugar na iyon ay malungkot siyang naupo sa ugat ng malaking puno
Humihihip ang malamig na simoy ng hangin. Kumukubli siya sa anino ng mga dahong isinasayaw ng hangin sa gitna ng liwanag ng bilog na buwan Sumandal siya sa katawan ng puno—mistulang nakasandal sa pinagkakatiwalaan at mabuting kaibigan.
“Nandito na naman ako, kaibigan. Muling ibubulong sa iyo ang aking mga dinaramdam.” Pumatak ang kaniyang mga luha. “Palala nang palala ang masamang pagtrato sa akin ni Oruza sa palasyo—ang prinsesang naging matalik kong kaibigan sa aming pagkabata. Paanong bigla na lamang siyang nagbago sa akin? Ano ang nagawa kong pagkakasala para kamuhian niya ako? Hindi ko alam kung saan nagmula ang kaniyang galit sa akin.”
Napahagulhol ng iyak si Esmeralda. Humigpit ang pagkakahawak niya sa malambot na alampay. Iyon ang sumasalo sa kaniyang mga luha—ang pansamantalang pumapawi sa kaniyang mga pighati. Mahalaga sa kaniya ang mamahaling alampay na iyon na pag-aari ng mga maharlika.
Hindi naglaon ay isang anino ang napansin niyang papalapit sa kaniya. Dinig na dinig niya ang bawat hakbang nito. Lilingon sana siya subalit naunahan siya ng tinig nito.
“Bakit umiiyak ang napakagandang prinsesa ng gabi?” anito.
Nang lumingon siya ay isang matandang babae ang bumungad sa kaniya. Marungis ito at tila nanghihina. Paisa-isa ang mga hakbang nito palapit sa kaniya. Kaagad na tumayo si Esmeralda sa kinauupuan at hindi nagdalawang isip na akayin ang matanda. Inalalayan niya ito hanggang sa makaupo rin sa ugat ng puno at tinabihan ito.
“Hindi ako prinsesa. Isa lamang akong alipin na tumatakas sa pagsapit ng ganitong oras upang pansamantalang makalaya sa mabigat kong dinaramdam,” pag-amin ni Esmeralda. “Kayo? Ano’ng ginagawa n’yo sa lugar na ito sa gitna ng kalaliman ng gabi?”
“Marahil ay itinakda ng bathaluman na magkatagpo tayo para madamayan kita sa iyong pag-iisa,” makahulugang tugon ng matanda.
Napatitig ang matanda kay Esmeralda. Marahan niyang hinawakan ang magkabilang pisngi ng engkantada. Nanginginig ang mga kamay nito dala ng katandaan.
“Bakit tila yata nalulunod sa kalungkutan ang iyong puso?” muling tanong ng matanda.
“Wala ito. Isang suliranin lang na batid kong mayroon ding hangganan.”
Napangiti ang matanda. “Tama ka, kaya’t sumabay ka na lang sa agos ng iyong luha dahil katulad nito, ang lahat ay mapapawi rin. Ang anumang iniibig ng isang mabuting puso ay ipagkakaloob ng kapalaran sa takdang panahon.”
“Ano’ng ibig n’yong sabihin?” urirat ni Esmeralda. “Ang gusto ko lang naman ay muling maging maayos ang nasirang samahan namin ng aking kaibigan dahil sila at ang aking pamilya lamang ang kayamanan ko.”
“May magandang kapalaran na iginuguhit ang tadhana para sa bawat isa sa atin. Minsan nga ay mistula pa itong sanga-sangang daan. Nasa sa iyo lamang kung alin doon ang pipiliin mong tahakin para sa mas magandang kapalaran at ito ay nakadepende roon. Hindi totoong hindi mo na mababago kung ano ang nakatadhana, dahil ikaw mismo ang magpapasya.”
Napakunot-noo si Esmeralda sa tinuran ng matanda. Natahimik siya na mistulang pinuproseso iyon sa kaniyang isipan hanggang sa mapakibit-balikat na lamang siya.
“Hindi ko lubos na maunawaan, pero baka balang araw,” nakangiting wika ni Esmeralda.
“Napakaganda mo kapag nakangiti ka kaya’t panatilihin mo `yan,” payo ng matanda. Nabaling ang kaniyang tingin sa alampay na hawak ni Esmeralda. “Maari ko bang mahingi ang hawak mong iyan. Hindi naman siguro kalabisan iyon para sa iyo, engkantada.”
Nagitla si Esmeralda sa hiling ng matanda. Lalong humigpit ang kaniyang pagkakahawak sa abuhing alampay. Hanggang sa napaisip siya at kusang lumuwag iyon. Buong pagpapaubaya niyang ibinigay sa matanda ang bagay na napakahalaga sa kaniya.
“Sana kahit papaano ay mapawi niyan ang lamig na nararamdaman ninyo. Kung alam ko lang sana na makatatagpo ko kayo rito, nagdala sana ako ng mas malaking balabal upang makatulong sa inyo.”
“H’wag kang mag-alala. Hindi ko naman ito gagamitin. Hindi ito para sa akin.” Gumuhit ang ngiti sa labi ng matanda.
Namilog ang mga mata ni Esmeralda nang mula sa kamay ng matanda ay bigla na lamang nagliwanag ang alampay. Ang malambot na abuhing telang iyon ay nag-anyong marikit na ibon sa ganoon ding kulay. Kulay asul ang mga mata nito at ang mga pakpak ay kakikitaan ng ilang itim na batik.
“Palayain mo na siya, Esmeralda. Balang araw ay muli siyang lilipad pabalik sa iyo,” tinuran ng matanda.
Lumipad palayo ang ibon hanggang sa marating nito ang hangganan ng Safferia at hindi na nila matanaw pa.
Napaawang man ang mga labi ni Esmeralda ay wala siyang salitang naisatinig. Hindi dahil sa pagkamangha sa kapangyarihang ipinamalas ng matanda, kung hindi ay sa malalalim na tinuturan nito na para bang kilalang-kilala siya. Ipinakikita sa kaniya ng matanda na hindi niya kailangan pang magsalita at magsumbong rito dahil batid nito ang lahat ng nilalaman ng kaniyang isip at puso.
“Konting tiis na lamang. Maraming magaganap na hindi inaasahan. Babaliktad ang lahat sa paanan ninyong lahat.”
Sa pagkakataong ito ay mabigat at emosyunal na tinig ang naulinigan ni Esmeralda mula sa matanda. Nakadama siya ng kakaibang kaba na noon niya lamang naramdaman sa buong buhay niya. Hanggang sa mapansin niya ang pagtayo ng matanda na ipinagtaka niyang tila hindi na kakikitaan ng panghihina kaya napatingala siya rito.
Hindi na isang matanda ang nasa kaniyang tabi kung hindi ay isang engkantadang balingkinitan ang katawan. Ang marungis nitong damit ay napalitan ng kulay rosas na kasuotan. May pagkakatulad sa tela ng malambot niyang alampay na naging isang ibon.
“Isa kang maharlika? Sino ka?” naibulalas ni Esmeralda sa gulat.
“Magkikita tayong muli mahal kong prinsesa,” tanging tinuran nito habang lumulutang sa ere papalayo.
“Sandali!” sigaw ni Esmeralda. “Natatakot ako sa mga tinuturan mo. Sabihin mo sa akin, ano ang mangyayari nang mapaghandaan ito ng buong Safferia!”
Sinubukan ni Esmeralda na habulin siya ngunit bigla na lamang itong nagkapira-piraso at biglang naglaho na para bang humalo sa hangin. Napapitlag na lamang siya nang may malamig na hanging humihip sa kaniyang punong-tainga.
“Ang pinakamalaking tala sa kalangitan sa pagitan ng gabi at araw ay ang gabay na hindi ka pababayaan. Narinig niya ang iyong kahilingan, ngunit higit pa ang nararapat para sa iyo.”
Matapos ang mga salitang naulinigan niya ay biglang natahimik ang palagid. Para bang kasamang nawala nito ang malamig na hanging humihihip sa buo niyang katawan. Hindi niya napigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha.
Napabalikwas ng bangon si Esmeralda mula sa kaniyang pagbabalik-tanaw sa nakaraan nang dahil sa malamig na mga kamay na humawak sa kaniyang kanang paa. Dagli siyang napalingon kay Heleina, ngunit tulog na tulog ito sa kaniyang tabi.
Kakaiba ang pakiramdam niya sa buong paligid. Wala siyang nilalang na maaninag sa gitna ng kadiliman subalit nararamdaman niyang may mga matang nakatingin sa kaniya. Bigla niyang naalala ang matandang babae—ang engkantada—o kung anuman iyon na kaniyang nakita at nakausap.
Nanginginig ang kaniyang mga paang lumapat sa sahig. Mistula mang may dagang nagsisitakbuhan sa kaniyang dibdib ay nilakasan niya ang kaniyang loob. Buong tapang siyang lumabas at napatingala sa kalangitan. Doon ay natunghayan niya ang malaking tala sa kalangitan na may natatanging ningning kaysa sa iba.
“Natatakot ako,” maluha-luha niyang tinuran. “Anuman ang magaganap sa buong Safferia, protektahan mo sana ang lahat sa anumang kapahamakan, Bathalumang Saffira.”
Nanatili siyang nakatitig sa natatanging tala na iyon hanggang sa naulinigan niya ang ingay na nililikha ng mga tuyong dahon na natatapakan. Lalong umigting ang kaba sa kaniyang dibdib. Ibig niya mang igala sa kaniyang paligid ang paningin niya ay natatakot siya sa maaari niyang makita. Umaasa na lamang siya na pinagkakatuwaan lamang siya ng kaibigang lambana.
Pipihit na sana siya pabalik sa loob ng kanilang tahanan nang may mapansin siyang nagkukubli sa likod ng isang puno. Kakaiba ang anino nito kaya nababatid niyang hindi ito si Heleina.
“Sino ka?” marahang wika ni Esmeralda.
Lumapit siya sa malaking puno at tiningnan kung ano iyon subalit wala siyang nakita. Tila mabilis na nakatakas ang nilalang na nagtatago roon nang makitang papalapit siya.
“Esmeralda…” wika ng isang kakaibang tinig.
Nagitla siya kaya’t kaagad siyang napalingon. Hindi niya inaasahan ang bumungad sa kaniya. Kasabay ng kaniyang mga sigaw ay ang pagdidilim ng kaniyang paningin.
***