The Servants

2183 Words
“MUKHA BA AKONG halimaw, Esmeralda?” naibulalas ni Heleina nang dahil sa naging reaksyon ni Esmeralda sa kaniyang pagdating. Sa halip na sumagot ay muling napalingon si Esmeralda sa labas. Napahawak siya ng mahigpit sa pasamano ng durungawan habang iginagala ang kaniyang paningin sa paligid. “Ano ba’ng hinahanap mo d’yan? Bakit namumutla ka?” naibulalas ni Heleina. “Hindi mo ba siya narinig o nakita kaya?” balik-tanong ni Esmeralda sa kaibigang lambana. “Sino?” Napakunot-noo ito. “Tayong dalawa lamang ang nandito. Pagdating ko, tulala ka na d’yan.” “Wala `yon. Baka guni-guni ko lang.” Itinikom na lamang ni Esmeralda ang kaniyang bibig at hindi na sumambit pa ng kahit na ano tungkol sa narinig niyang tinig at mga tinuran nito. “Naparito lamang ako para sana sunduin ka…” Napaawang ang mga labi ni Esmeralda upang magdahilan subalit hindi na siya binigyan ng pagkakataon ni Heleina. “Ipinagpaalam na kita sa `yong ina at pumayag siya. Halika na!” Nagliwanag ang katawan ni Heleina at muling naging isang lambana. Lumipad siya patungo sa durungawan. “Ano pang hinihintay mo?” “Gusto mong tumalon ako sa rito, Heleina?” Napatingin si Esmeralda sa ibaba habang napapailing. May kataasan din ang kaniyang maaring bagsakan. “Hintayin mo ako sa daanan palabas sa likod ng palasyo.” “Ano?” naibulalas ni Heleina. “Gusto mong makita ka nila at pagbintangan na naman na tumatakas sa mga tungkulin mo?” “Ano’ng gusto mong gawin ko?” “Gamitin mo ang kakayahan mo, Esmeralda. Ibinigay `yan sa `yo para gamitin, hindi para itago.” Namilog ang mga mata ni Esmeralda. Muling napailing. “Ipinagbabawal iyon sa aming mga engkantada, lalo na sa akin na isang tagasilbi. Gusto mo bang maparusahn ako at madamay ka pa dahil sa pag-uudyok sa akin?” “Bakit, magpapahuli ka ba?” makahulugang balik-tanong ni Heleina. “Isa ka nga sigurong alipin, ngunit karapatan mo ring maging malaya.” “Hindi na lang ako sasama, bagkus ay tutulong na lamang kay ina.” Akmang tatalikod na si Esmeralda. “Sa hinuha mo ba hindi ko nababatid ang lihim mo? Tingin mo ba talaga sa akin, walang malay sa mga ginagawa mong patago?” Dagling napalingon si Esmeralda kay Heleina nang dahil sa mga tinuran nito. Para siyang binuhusan ng tubig, gayun man ay bigla na lamang siyang pinagpawisan ng malamig. Napatitig siya sa lambana at umaasang nagbibiro lamang ito, ngunit hindi ito nagpakita ng kahit na anong senyales ng panloloko. Bakas sa mukha nito na seryoso siya sa mga tinuran. “Hindi kita maintindihan, Heleina.” Muling nagkatawang engkantada ang lambana at hindi nagsayang ng panahon. Mahigpit niyang hinigit ang kamay ni Esmeralda patalon sa durungawan kung kaya’t wala nang nagawa pa ang engkantada kung hindi ang gamitin ang kaniyang kakayahang lumutang sa ere. Nang lumapat ang kanilang mga paa sa lupa ay magkahawak-kamay silang tumakbo patungo sa kabilang bahagi ng malapit na kagubatan kung saan hindi madalas puntahan ng iba. “Saan ba tayo pupunta?” urirat ni Esmeralda sa tahimik na lambana. Sa halip na sumagot ay ngumiti lamang si Heleina at unti-unting nagbalik sa anyong lambana. Wala namang nagawa si Esmeralda kung hindi sundan ang kaibigan sapagkat ang mga ngiti nito ay naghatid sa kaniya ng malaking koryusidad. Hindi naglaon, ang mabilis niyang mga hakbang ay bumagal. Iginala niya ang kaniyang paningin. Isang napakabangong samyo ang sinundan niya at sa dulo ng hindi niya lubusang maaninag na daan ay bumungad sa kaniya ang mga lambanang puti na nagliliparan sa paligid ng mga puting bulaklak na namumukadkad sa gitna ng gabi. Kaaagad na nakipagdaupang palad si Heleina sa mga puting lambana at siya’y naiiba sa lahat nang dahil sa kaniyang kasuotang luntian. Samantala, manghang-manghang nilapitan ni Esmeralda ang mga bulaklak. Marahan niyang hinaplos ang talulot ng isa sa mga iyon habang malapitang inaamoy ang halimuyak nito na kumakalat sa buong paligid. “Hindi ba’t ang gaganda at ang babango ng mga bulaklak na ito?” wika ni Heleina na masayang lumapit sa kaniya. “Hindi sila pangkaraniwan—katulad mo. Sa gabi nasisilayan ang kanilang kagandahan at nakamamanghang katangian, sapagkat sa araw ay tumitiklop na sila na katulad ng isang prinsesang sa gabi lamang nasisilayan. Ang misteryosong kagandahan sa ilalim ng buwan. ” “Ngayon ko lamang natuklasan ang hinggil sa kanila. Hindi kasi ako nagagawi sa bahaging ito dahil ang sabi nila’y maraming mababangis na hayop dito.” Hindi mapagkit ang pagkakatitig ni Esmeralda sa bulaklak na hindi rin pangkaraniwan ang laki. “Sila ang nagbabantay sa bahaging ito, ngunit ang totoo, hindi sila mga basta-bastang hayop lang. Nasa paligid lamang sila at nagmamasid. Hindi umaatake ngayon dahil batid nilang ang tumapak sa kanilang teritoryo ay may busilak na puso,” saad pa ni Heleina. Napalingon si Esmeralda saka muling iginala ang kaniyang paningin sa paligid. Muli siyang napahawak sa kaniyang dibdib. “Ang ibig mong sabihin, nagkukubli lamang sila sa dilim?” namilog ang mga mata ni Esmeralda. Kitang-kita iyon sa tulong ng mga nagliliwanag na lambana sa tabi ng mga bulaklak. “H’wag kang matakot. Hindi ka nila sasaktan. Kung wala kang intensiyong masama, maamoy nila iyon at hindi ka nila kakantiin,” sabat ng isa sa mga puting lambana. “Oo nga’t maiilap sila, ngunit natatangi silang mga kaibigan. Nakalulungkot nga lang dahil malapit nang maubos ang kanilang lahi dahil hindi sila sanay sa klima rito. Bigla na lamang silang dumating mula sa malayo dahil mayroon silang hinahanap. Kinupkop namin sila sapagkat wala silang tiyak na patutunguhan.” “Maaari ko ba silang makita?” urirat ni Esmeralda. “Sila lamang ang nararapat na magpasya hinggil sa bagay na `yan, engkantada. Kung mapagbibigyan man ang iyong hiling ay darating iyon sa tamang panahon.” Bumalik si Esmeralda sa palasyo nang magaan ang loob. Nangingiti siya sapagkat higit ang gaan ng pakiramdam na inihatid ng halimuyak ng mga bulaklak na iyon kaysa sa mga dilaw na bulaklak na pinipitas niya para sa hari. Nanghihinayang lamang siya dahil hindi siya maaaring pumitas ng mga iyon para ilagay sa luklukan ng hari sapagkat mabilis din itong malalanta. “Walang sinuman ang maaaring magmay-ari sa kanila.” Iyon ang tinuran ng puting lambana at iginagalang niya iyon. Kung makasisira ang kaniyang pansariling interes sa halamang iyon ay hindi bale na lamang.   *** TANGAN ANG MAINIT pang bagong lutong tinapay at inuming muli pa sa katas ng mga bulaklak para sa hari, may tumisod kay Esmeralda na dahilan ng kaniyang pagkawala ng balanse. Tumilapon ang tangan niyang almusal at umalingawngaw ang tunog ng sisidlan niyon nang bumagsak sa sahig na halos kasabay niya lamang. Mabuti na lamang at hindi nabasag ang kopita. Napasigaw ang kaniyang ina subalit hindi ito nakagalaw mula sa kinatatayuan niya. Nang mag-angat ng paningin si Esmeralda ay nakita niyang papalapit sa kanila si Oruza. Nakita niyang nakangiti ito nang madako sa makinis nitong mukha ang paningin niya. Samantala, napalingon siya sa kaniyang likuran at doon ay natutop niya ang personal na tagasilbi ni Oruza na si Mayang. Nagmadaling bumangon si Esmeralda at nilinis ang mga pagkaing nagkalat sa sahig. Nanatiling tikom ang kaniyang bibig. Tahimik siyang tumalikod upang sana’y umiwas sa prinsesa. Papilay-pilay siya sa paglalakad na mistulang may iniindang sakit sa kaliwang tuhod. “Wala ka talagang respeto sa `kin. Hindi ka man lang ba hihingi ng tawad sa pagkakalat mo ng dumi sa daraanan ko?” mariing sita ni Oruza. Nilingon ni Esmeralda ang prinsesa. “Paumanhin, mahal na prinsesa. Mayroon lang malikot na paa na tumalisod sa akin kaya nangyari `yon. Muli ko na lamang ipaghahanda ng almusal ang hari.” “Hindi!” bulyaw sa kaniya ni Oruza. “Ayaw kong lumalapit ka sa aking amang hari. Hayaan mong si Mayang na lamang ang magdala sa kaniya ng mga kailangan niya.” “Ipagpaumanhin ninyo, subalit isa ako sa mga inaasahan at personal na tagasilbi ng hari. Hindi ko maaaring talikuran ang aking tungkulin dahil lamang sinabi n’yo sapagkat ikaw ay anak lamang at siya ang hari. Siya ang mas nararapat kong pagsilbihan at sundin,” makahulugang giit ni Esmeralda. Namula ang mukha ni Oruza nang dahil sa narinig na sagot sa kaniya ni Esmeralda kaya’t walang anu-ano niyang hinatak ang buhok nito at mariing sinabunutan. Muling umalingawngaw ang pagkahulog sa sahig ng sisidlan ng pagkain at ng gintong kopita, sapagkat napakapit ang engkantada sa mga kamay ng prinsesa dahil sa matinding sakit ng pagsabunot nito sa kaniyang ulo. “Tama na, mahal na prinsesa. Maawa ka naman sa aking anak,” pakiusap ng ginang ngunit tila hindi siya narinig ni Oruza. “Sinasabi ko sa `yo, Esmeralda, h’wag mo akong pupunuin!” galit na tinuran ni Oruza. Nanginginig ang kaniyang labi. “H’wag na h’wag mo nang lalapitan ang aking ama dahil hindi mangyayari ang ilusyon mong maging reyna!” “Ginagawa ko lamang ang tungkulin ko. Wala akong ganyang layunin, maniwala ka.” “Sinungaling!” hinigpitan niya pa ang pagkakasabunot kay Esmeralda. “Kalat na kalat na rito sa palasyo ang mga bulung-bulungan tungkol sa paglalandi mo sa aking ama. Bingi ka ba o sadyang gusto mong kumalat iyon sa buong lupain? H’wag kang magpanggap na inosente dahil alam kong hindi. Hinding-hindi mo mapapalitan ang lugar ng aking pumanaw na ina! Walang koronang babagay sa `yo!” Galit niyang itinulak si Esmeralda kaya’t napasubasob siya sa sahig. Lumuluha namang lumapit ang ina ni Esmeralda upang tulungan ang anak. Ang lahat ng tagasilbi na nasa loob ng komedor ay natahimik subalit hindi mapagkit ang mga tingin nila kina Oruza at Mayang. Maging ang mga kagamitan sa loob ng silid na iyon ay naging mga piping saksi sa hindi magandang pag-uugaling ipinamamalas ng kanilang nag-iisang prinsesa—ang tagapamana ng hari sa kaniyang trono. Luhaan mang bumangon si Esmeralda na akay ng kaniyang ina, matalas na titig ang iginanti niya kay Oruza. “Ano, lalaban ka?” singhal ni Mayang. “Subukan mo nang lumayas kang hindi oras sa palasyong ito.” “Tumahimik ka! Isa ka lamang patay-gutom na linta na sumisipsip sa mga maharlika!” ganti ni Esmeralda kay Mayang. Bumaling siya ng tingin kay Oruza. “Hindi ako natatakot mapalayas. Sa totoo lang, gustung-gusto ko nang umalis dito dahil sa `yo. Ayaw nga lamang pumayag ng hari dahil umaasa siyang maaayos pa ang relasyon nating dalawa, pero kung ako lamang ang tatanungin, ayaw ko na. Hindi ko na gugustuhing maging bahagi ka pa ng buhay ko!” Malakas na sampal ang iginanti ng prinsesa sa kaniya. Mistulang buhat sa napakalalim na galit na hindi niya malaman kung saan nagsimula. Gagantihan niya sana ito ng sampal, subalit napigilan siya ng kaniyang inang mahigpit na nakayakap sa kaniyang baywang. “Makita pa kitang lumapit kay ama, hindi lang `yan ang aabutin mo!” pagbabanta ni Oruza. “Halika na, Mayang!” Tinalikuran na sila ng dalawa. “Anak, gamutin natin ang mga galos at sugat mo,” wika ng ginang. “Hindi mo siya dapat pinatulan. Kaya nga ayaw kong tumutulong ka rito sa akin at nag-aabot kayo dahil alam kong ganito ang mangyayari. Noon lamang napansin ni Esmeralda na may likidong pumapatak mula sa gilid ng kaniyang labi. “Patawad, ina. Hindi na ako nakatiis. Sumusobra na siya.” Nang dahil sa mga nangyari ay nagpasya ang kaniyang ina na pauwiin na lang muna siya sa kanilang tahanan, malapit sa taniman ng trigo, upang makapagpalipas ng sama ng loob at magpagaling. Ibig mang magpaalam ni Esmeralda sa hari ay hindi niya na nagawa pa dahil inisip niya ang banta ni Oruza. Ayaw niyang muli silang magkabanggaan, lalo na sa harapan ng hari lubos niyang iginagalang. Habang papalabas siya sa palasyo ay narinig niya ang mga bulung-bulungan na tinutukoy ni Oruza. Ang pagiging malapit niya sa hari ay binibigyang malisya ng lahat. “H’wag mo na lang pansinin,” bulong sa kaniya ni Heleina na sumalubong sa kaniya. “Kapag napatunayan mo na malinis ang konsensiya mo, ang katotohanang ibinibintang nila sa `yo ang masakit na sampal para sa kanila.” “Wala akong ginagawang masama.” Nangilid ang mga luha sa mata ni Esmeralda. “Masyadong mabuti ang hari para masira ang kaniyang pangalan nang dahil sa akin. Mabait lamang siya sa akin at katulad ng isang ama ang tingin ko sa kaniya. Hindi ko alam kung sino ang nagkakalat ng mga maling balita rito.” “Ano’ng balak mong gawin para linisin ang pangalan mo?” urirat ni Heleina. “Wala,” sagot ni Esmeralda. “Aalis na lamang ako at hindi na muling tatapak pa sa palasyo.” Malungkot siyang sumakay sa karwahe. Sa pagkakataong iyon ay walang salitang kumawala sa bibig ng kaniyang madaldal at reklamador na kapatid. Sumulyap lamang ito sa kaniya, habang ang mga mata ay tila malungkot na nangungusap. Samantala, papalabas na sila sa tarangkahan ng palasyo nang may mapansin siyang nagkukubli roon. Subalit nang matapat sila ay wala naman siyang nakita, ngunit mayroong kung anong gumagalaw roon. Mayroong hindi makitang nilalang na nagmamasid. Nakikihalo sa hangin upang hindi siya madaling mapansin. Palayo na sila nang palayo, ngunit pakiramdam ni Esmeralda ay mayroong sumusunod.   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD