ISANG NAPAKAGANDANG TINIG ang gumising kay Haring Rufus. Marahan siyang bumangon at nakiramdam sa paligid. Nakabibingi ang katahimikan. Nakakakaba. Misteryoso ang gabi. Nakapangingilabot ang malamig na ihip ng hangin mula sa kaniyang nakabukas na durungawan. “Rufus …” muling pagtawag ng tinig. Bigla na lamang lumakas ang hangin at nabuksan ang pinto ng kaniyang silid. Sa halip na matakot ay pinagharian ng koryusidad si Rufus. Ang katangian ng isang tunay na hari—hindi nagpapatalo sa takot at totoong matapang. “Sino ka? Ano’ng pakay mo sa akin?” nagtatakang wika niya. Muli niyang naulinigan ang tumatawag na tinig ngunit papalayo ito. Hindi siya nagsayang ng panahon at kaagad siyang tumayo upang sundan ito. Umaalingawngaw sa buong pasilyo ang kaniyang mga yabag. Malamlam ang ilaw na nag

