Chapter 57 Rick Hindi agad humupa ang ingay sa ulo ko kahit matagal nang umalis si Abraham. Tahimik ang rest house, sobrang tahimik parang sinadya ng lugar na ipamukha sa akin kung gaano ako nag-iisa sa sandaling iyon. Ang tanging maririnig lang ay ang marahang hampas ng hangin sa mga puno sa labas at ang mahinang kalansing ng yelo sa baso ng alak na hawak ko. Isang lagok. Mainit. Mapait. Hindi sapat. Para akong hinampas ng tubo sa batok sa lahat ng sinabi ni Abraham. Hindi ko alam kung alin ang mas masakit—ang posibilidad na nagsisinungaling siya o ang posibilidad na nagsasabi siya ng totoo. Paano kung totoo? Paano kung lahat ng galit ko, lahat ng desisyon ko, lahat ng taong sinaktan ko ay nakatayo sa isang kasinungalingan? Mariin kong ipinikit ang mga mata ko. Bumalik sa isip ko

