CHAPTER 5
Rick
Hindi ko alam kung anong mas nakakainis, ang mukha ni Aira Salmonte na hindi maalis sa isip ko, o ang sarili kong kahinaan sa tuwing naiisip ko siya.
Nakatingala ako sa kisame ng silid ko habang nakahiga, hawak ang isang basong whisky.
Madilim ang buong kwarto, tanging ilaw lang mula sa lungsod ng Toronto ang pumapasok sa salamin.
Kanina pa ako gising, pero ang utak ko ay tila nagpa-party sa gitna ng gabi. Lahat ng eksenang may kinalaman sa kanya ay paulit-ulit na bumabalik.
Ang paraan ng pagtitig niya, ‘yung bahagyang kaba sa boses niya tuwing tinatawag ko siya bilang Miss Salmonte.,
ang pagngiti niyang parang hindi niya alam kung dapat ba o hindi.
Tangina. Bakit ba ako naaapektuhan?
Ginigiit kong sarili ko—anak siya ni Abraham Salmonte, ang taong muntik nang sumira sa kompanya.
Sila ni Mr. Tan at Mr. Go, may binabalaknsila na hindi maganda, at kung hindi dahil kay Raynier, baka wala na ako sa position ko. Pero ang hindi ko matanggap ang ginawa ni Abraham kay Daddy. At paglason nito sa utak ni Daddy at pagbigay niya ng droga.
Sinadya niya na masira si Daddy para makuha nila ang kompanya. Pero malas lang nila dahil hindi sila nagtagumpayl
Napailing ako, saka ininom ang natitirang alak.
Kinuha ko ang cellphone at tinawagan ang tanging taong nakakaalam ng lahat—si Raynier.
"Bro, napatawag ka?" sagot ni Raynier sa kabilang linya.
"Hindi ako makatulog. Pwede ba samahan mo ako?" sabi ko at nilagok ang huling alak sa baso ko.
"Sure!"
Pagkababa ng cellphone tumayo ako at kinuha ang susi ng aking kotse.
Pagdating ko sa bar, mainit ang ilaw, amoy alak at usok.
Nang makita ko siyang pumasok, para akong huminga nang malalim sa unang pagkakataon.
“Akala ko hindi ka darating,” sabi ko, binaba ang baso at tumayo.
Ngumiti si Raynier, bitbit ang karisma at tikas na matagal kong hindi nakita.
Kung tutuusin, kamukha namin ang isa’t isa, parehong mata, parehong panga, parehong ngiti ng Harris.
“Hindi kita matiis,” sabi niya, umupo sa tapat ko. “Ano bang ginagawa mo rito, Rick?”
Napangisi ako. “Tinatawag mo pa rin akong Rick.”
“Hindi ba ‘yan ang pangalan mo?” sagot niya, sabay abot ng baso ng alak.
“Hayaan mo, gagamitin ko ang pangalang ‘Rick Harris’ para itakip ang tunay kong pagkatao. Fair trade, ‘di ba?” dugtong niya pa.
“Gamitin mo,” sabi ko. “Hangga’t kailangan ng Ynares Global Textile ng pangalan na malinis.
Ikaw ang magpanggap, at ako ang gagawa ng maruruming trabaho. Lalo na ka Salmonte.
Tumawa siya nang mahina. “Marumi talaga. Nabalitaan kong may bagong assistant ka.”
Umangat ang isang kilay niya. “Aira Salmonte, tama?”
Napatingin ako sa kanya, hindi ko maipinta kung ngiti ba ‘yung nasa labi ko o galit.
“Simula na ng laro,” sabi ko, malamig. “Si Abraham ang dahilan kung bakit muntik akong mawalan ng lahat. Ngayon, ang anak niya ang magbabayad.”
Tumaas ang kilay ni Raynier. “Anong ibig mong sabihin?”
“Mas masakit kung tamaan mo ang tao sa pinakamahal niya.
At kung sino ang pinakamahal ni Abraham, siya ang unang babagsak.”
Uminom ako nang diretso.
Pero bago pa ako makasagot sa mga tanong ng sarili ko, narinig ko siyang huminga nang malalim.
“Rick, huwag mong idamay ang inosente. Baka sa huli, ikaw ang mahulog sa pain mo.”
Napatawa ako nang mapait. “Mahulog? Hindi ako mahuhulog, Raynier. Hindi ako gano’n kahina.”
“Sigurado ka ba?” sagot niya, seryoso ang mga mata. “Baka ikaw matamaan sa gingawa mo.”
Tahimik ako. Sa sandaling iyon, nagtagpo ang mga mata namin.
May tinig sa loob kong pilit kong tinataboy, ang bahid ng awa, ng pagod, ng pagkatao.
Para iwasan ang usapan, nagtanong ako, “Ikaw? May girlfriend ka ba?”
Napatingin siya sa baso bago ngumiti nang mapait. “Meron. Pero iniwan ko siya.
Aya kong madamay siya sa gulo ko.”
“Pwede bang sabihin mo sa akin?” tanong ko, habang pinaglalaruan ang baso ng alak sa pagitan ng mga daliri ko.
Bahagyang natahimik sa Raynier, maya-maya napabuntong hininga siya ng malalim bago niya sinagot ang tanong ko.
“May girlfriend ako,” mahina niyang sabi. Parang napako ako sa kinauupuan ko. Sa tono pa lang ng boses niya, alam kong mabigat ang susunod. “Noong umalis ako pareho kaming nasa hospital, naaksidente kami.”
Humigpit ang hawak ko sa baso. “Naaksidente?”
“Hindi ordinaryong aksidente, Rick.” May diin sa bawat salita niya, parang muling bumabalik sa alaala. “Sinadya iyon. At dahil doon, pinili kong magpanggap na patay. Mas mabuti nang mawala ako sa paningin ng mundo kaysa madamay pa siya.”
Tahimik ako. Ilang segundo lang pero parang isang siglo.
“Nasaan siya ngayon?” tanong ko sa wakas.
“Iniwan ko siya kay Raydin,” sagot niya. “Mas ligtas siya kapag kasama niya si Raydin. Pinakiusapan ko si Raydin na kapag nagising si Zoey, pakasalan niya ito at mahalin. Hindi lang ako ang target ni Mario, Rick. Lahat ng may dugong Harris ay may bantang dala. Kaya mas maigi pa, sa mata ng lahatna patay na ako.”
Napapikit ako. Alam kong malalim ang sugat ni Raynier, pero iba ang pakiramdam ko ngayong naririnig ko iyon mula sa kanya.
“Raynier,” mahinang tawag ko.
“Hindi ko siya kayang isama sa ganitong buhay,” dugtong niya, may halong pighati sa boses. “Kaya kahit masakit, mas gusto kong isipin nilang wala na ako. Mas mabuti nang ako ang mawala, kaysa sila ang mapahamak.”
Humugot ako ng malalim na buntong-hininga. “Hindi ko alam kung paano mo nakayanan. Pero kung hindi dahil sa pagpanggap mong patay na sa Holand, hindi ko rin malalaman na dalawa pala ang mukha ko." bahagya akong natawa sa sinabi ko.
Kung hindi sumulpot si Raynier dito sa Canada, hindi ko malalaman na may triplets ako.
Naubo siya ng bahagya, parang pinipigilan ang emosyon. “Ganyan talaga, Rick. Minsan kailangan mong mamatay muna para mabuhay ulit, sa ibang pangalan, sa ibang katauhan.”
Tahimik akong napatingin sa ilaw ng bar, kumikislap sa ibabaw ng baso ko. Sa isip ko, kung kaya niyang itago ang sarili para protektahan ang mga mahal niya, kaya ko rin sigurong gamitin ang galit ko para wasakin ang taong sumira sa buhay namin.
Kinabukasan, umakit ang ulo ko pagkagising. Hangover.
Pumasok ako sa opisina nang masama ang pakiramdam, pero gaya ng dati, wala sa mukha ko ang kahit anong emosyon.
Pagbukas ng pinto, bumungad si Aira, nakaayos na ang mesa ko, malinis ang paligid.
Maagang-maaga pa, pero naroon na siya, tila ayaw magkamali.
“Good morning, sir,” bati niya, may halong kaba at ngiti.
Hindi ko siya tiningnan. “Miss Salmonte, timplahan mo ako ng malamig na juice.”
“Right away, sir.”
Habang pinagmamasdan ko siyang naglalakad papunta sa mini pantry,
napansin kong hindi pa rin nawawala ‘yung kinang ng mata niya kahit halatang pagod pa siya.
Ang bilis ng kilos, maingat.
Bakit parang mas gusto kong tinitingnan siya kaysa pinapagalitan?
Pagbalik niya, inilapag niya ang baso sa mesa ko.
Tinapunan ko lang ng tingin, saka sinabing, “Palitan mo. Hindi ko gusto ang lasa.”
“Ah—opo, sir.”
Mahina, halos pabulong ang sagot niya habang maingat na iniaabot sa akin ang baso ng juice.
Sinipat ko muna, walang emosyon. Masyadong mapusyaw ang kulay. Hindi ko pa man natitikman, alam ko nang mali.
“Palitan mo," sabi ko.
Nagulat siya, pero agad ding tumango. Kinuha ulit ang baso, mabilis na lumabas ng opisina. Ilang minuto pa lang ang lumipas, bumalik siya, pawis na pawis, hawak ang panibagong timpla.
Inilapag niya iyon sa mesa ko.
Tinignan ko lang. Hindi pa rin ako kontento. “Isa pa ulit.”
Napakurap siya, halatang hindi inaasahan. “S-Sir?”
Tinitigan ko lang siya. “Mainit pa rin. Gusto ko malamig, hindi maligamgam.”
Tahimik siyang tumango, parang pilit nilulunok ang sama ng loob. Umalis muli.
Pagbalik niya, may manipis na patak ng pawis sa gilid ng noo niya. Nanginginig na ang kamay habang iniaabot sa akin ang baso.
Tatlong beses. Tatlong beses siyang nagtimpla ng juice.
Humawak siya sa tray nang bahagya, parang natatakot na mabitawan iyon. Kita ko ang panginginig ng daliri niya, ang maingat na paghakbang papalapit.
Hindi ko alam kung dahil ba sa kaba, sa takot, o dahil kanina pa siya paikot-ikot sa pantry.
“Sir, heto na po. Sinunod ko na ‘yung gusto n’yong temperature.”
Boses niya, mahinahon pa rin kahit halatang napapagod. May bahagyang panginginig.
Tinitigan ko siya habang iniaabot niya sa akin ang baso. Makinis pa rin ang tono niya, pero ang mga mata may pinipigil na inis, marahil pati pagod.
Kinuha ko ang baso, nilasahan.
“Masyado namang malamig,” sabi ko nang walang emosyon.
Saglit siyang napatitig sa akin, parang gusto niyang magreklamo pero pinipigilan. Sa halip, ngumiti siya ng pilit. “Pasensya na po, sir. Aayusin ko pa.”
Tinitigan ko siya sandali at sa 'di ko maipaliwanag na dahilan, parang gusto kong sabihin na tama na.
Pero hindi. Hindi pa ngayon. Hindi pa ako dapat lumambot.
“Hindi na kailangan,” malamig kong sabi. "Inumin mo na lang iti. Sayang.”
Nagtaka siya, pero tinanggap ang baso. Nilagok nang dahan-dahan. Kita ko kung paano niya pinipilit ngumiti, kahit namumula na ang pisngi.
Pagkalipas ng ilang segundo, tumalikod na siya para bumalik sa mesa niya. Pero hindi ko maiwasang mapako ang tingin ko sa kanya.
'Yong paraan ng paglakad niya, maingat pero may tikas. 'Yong buhok niyang nakapusod, pero may ilang hiblang nakawala, humahaplos sa batok niya.
Napailing ako. Damn. Hindi ito dapat ganito.
Ginagamit ko siya para saktan ang ama niya, pero bakit parang ako ang nasasaktan sa ginagawa ko?
Pinilit kong ibalik ang atensyon ko sa laptop. “Miss Salmonte,” tawag ko.
Agad siyang huminto. “Sir?”
“Tawagan mo si Mr. Angelo. Sabihin mo ipasa sa akin ang Italyan investor’s report. Ngayon na.”
Agad siyang tumango. “Yes, sir.”
Narinig ko pa ang mabilis na tipa ng mga daliri niya sa keyboard, ang mahinang pagbuntong-hininga paminsan-minsan.
Ilang minuto pa, bumalik siya sa desk ko, hawak ang folder. “Sir, ito na po ‘yong report.”
Kinuha ko. “Good. Ngayon, bilhan mo ako ng mainit na sabaw. ‘Yong galing sa La Casina, sa tapat ng Hilton.”
“Po?”
“Sabaw,” ulit ko, walang pagbabago sa tono. “’Yong seafood. Maglakad ka, wag ka magpa-deliver. Mas gusto kong mainit pag dating dito.”
“Ah… okay po.” Ngumiti siya ng tipid, pero halatang nag-aalala.
Lumabas siya agad, bitbit ang bag at phone.
Napangiti ako habang nakataas ang gilid ng aking labi. Ano kaya ang reaksyon ni Mr. Salmonte, kapag pinaglaruan ko ang anak niya?
Lumipas ang halos isang oras. Nasa gitna ako ng pag-review ng financial chart nang marinig ko ang mahinang pagbukas ng pinto.
Naroon siya—hingal, pawis, at may bahid ng pagod sa mukha. Hawak niya ang paper bag at ang plastic cup ng sabaw.
“Pasensya na po, sir. Ang haba po kasi ng pila—”
Hindi ko na siya pinatapos.
“Alam mo bang one hour ka nawala?” malamig kong putol. “Anong oras na?”
“N—noon na po kasi—”
“Hindi ako humingi ng dahilan,” putol ko ulit. “Ang sabi ko, bilhan mo. Hindi ko sinabi na magpahinga ka sa pila.”
Tahimik lang siya, nakatungo. Kita kong pinipigil niya ang luha, pero hindi siya umimik.
Nilapag niya ang sabaw sa mesa, marahan. “Pasensya na po, sir. Hindi na po mauulit.”
Tinitigan ko siya. At doon ko napansin, namumula ang gilid ng kamay niya, parang napaso o nasabugan ng sabaw.
Dahan-dahan kong binaba ang tingin sa tray. Mainit pa.
Hindi ko alam kung ano ang sumagi sa isip ko, pero bigla akong napabuntong-hininga.
“Upo ka muna,” sabi ko sa wakas, mas mahinahon. “Mainit ‘yan. Ako na kukuha.”
Nagulat siya. “Po?”
“Upo,” ulit ko, bahagyang mas malambing. “Hindi ka ba marunong umupo?”
Doon siya tumingin sa akin, diretso sa mga mata ko. At sa sandaling iyon, parang humina lahat ng galit ko.
May kung anong init na dumaloy sa dibdib ko na hindi ko alam kung inis, awa, o iba na.
Damn it. Hindi dapat ganito.
Habang nililipat ko ang sabaw sa bowl, sinulyapan ko siya ulit. Tahimik lang siyang nakaupo, pinipisil-pisil ang mga daliri.
Napatingin siya sa akin, at nang magtagpo ang mga mata namin, napalingon agad siya.
Ngayon ko lang na-realize, hindi ko na alam kung sino talaga ang tinitingnan ko.
Ang anak ng lalaking gusto kong pabagsakin?
O ang babaeng unti-unti nang binabago ang plano kong sinimulan? Pero hindi dapat ako magpadala.
“Sumama ka sa akin,” sabi ko pagkatapos ng ilang minuto.
Nagulat siya. “S-Sir?”
“May meeting ako. Italyanong investor. Kailangan ko ng translator at recorder.”
Tumango siya, kahit halatang nag-aalangan. Lumabas kami ng building at nagtungo sa Italian Restaurant
Tahimik lang si Aira, habang nakaupo sa tabi ko, hawak ang maliit na notebook at pen.
Maganda siya ngayon. Simple lang ang suot, pero may dignidad.
Habang nagsasalita ang investor, nakatingin lang siya, nakikinig, nagsusulat.
Paminsan, nahuhuli kong tinitingnan niya ako.
Pag nagtatagpo ang mga mata namin, bigla siyang umiwas.
Pagkatapos ng meeting, nagtanong ako, “Nailista mo lahat?”
“Opo, sir,” mahinahon niyang sagot, sabay abot ng notebook.
“Good.”
Tumingin ako sa kanya nang matagal.
May kung anong kapayapaan sa paligid na hindi ko maintindihan.
Pag-uwi, hindi pa rin ako mapakali.
May hangover pa rin ako, pero mas mabigat sa dibdib ko ‘yong hindi ko maipaliwanag na nararamdaman.
“Pupunta tayo sa resthouse,” sabi ko habang nagda-drive.
“Sir?”
“Assistant kita. May utos ako.”
Tahimik lang siya buong biyahe. Pagdating namin sa resthouse, tahimik ang paligid,
malamig ang hangin, amoy lawa at pine.
“Instructed ka bang magluto?” tanong ko.
“Hindi po, sir… pero marunong naman ako.”
“Then make me soup,” sabi ko. “Pampawala ng hangover.”
Ngumiti siya ng bahagya. “Okay po.”
Habang pinagmamasdan ko siyang gumagalaw sa kusina,
paano niya nagagawa ‘yon? Ang maging maayos, kahit pagod, kahit nasigawan?
Hindi siya tulad ni Abraham. Hindi siya manhid. Hindi siya tuso.
Siguro nga tama si Raynier.
Minsan, sa paghihiganti, ikaw ang unang nasusunog.
Paglapit niya, inabot niya sa akin ang mangkok ng mainit na sabaw.
Umusok iyon, amoy lemon at beef, parehong-pareho sa gusto ko.
“Tikman niyo po, sir,” mahina niyang sabi.
Tinignan ko lang siya, hindi pa rin sumasagot.
Pero sa loob ko, may bahagyang ngiti.
Hindi ko alam kung anong mas malakas, ang lasa ng sabaw,
o ang t***k ng dibdib ko na ayaw tumigil sa tuwing tinititigan niya ako.