Chapter 67

2528 Words
Chapter 67 Ayesha's POV Tulad nga ng sinabi ni Javadd ay sandali na muna siyang nagpaalam nang sa gayon daw ay wala na kaming masayang pa na oras. Kahit na gaano ko siya kagusto na makabalik ay minabuti ko na lamang na matiyagang maghintay kay Javadd. Alam ko naman na hindi naman sa isang iglap lang ay makakatagpo si Javadd ng mapagtatanungan na alama ang hinahanap niyang sagot. Kaya inasahan ko na rin na ilang sandali rin ang gugugulin ni Javadd sa pagtatanong pa lamang. Baka bago siya makabalik dito ay pagod na siya. Huwag naman sana dahil baka hindi pa man kami nagsisimula sa paghahanap ay ubos na ang lakas niya. Ayoko siyang mapagod nang sobra. Nang tuluyan na ngang makaalis si Javadd ay muli ko na lamang binalik ang mga tingin ko sa nagkikisalapan sa itaas. Manghang-mangha talaga ako sa bagay na iyon at sa tingin ko ay hindi ko ito pagsasawaan na tingan. Habang naghihintay ako kay Javadd ay dito ako nakatanaw at ito rin siguro ang dahilan kaya hindi ako gaano naiinip kahit pa sabik na sabik na akong magsimula kaming maglakad ni Javadd patungo sa kanyanv maestro. Pakiramdam ko ay napapahinga ako. Ang isipin pa lamang na nagmula pa sa mundong ibabaw ang mga natatanaw ko ngayon ay may kung ano nang nagpapakalma sa akin. Hindi ko rin alam kung bakit ganito na lamang ang interes ko sa mundong ibabaw na iyon. At mabuti na lamang na sa pagkakataon na ito ay hindi na ako mag-isa sa pagnanais na tumuklas. Katuwang ko na si Javadd na siyang dahilan kung bakit nanumbalik ang interes ko sa ibang mundo. Nagpatuloy ako sa pagtanaw sa itaas hanggang sa marinig ko na nga ang pagbukas ng pinto ng silid ni Javadd kaya agad akong tumayo mula sa aking pagkakaupo para salubungin na siya. Umaasa ako na isang magandang balita ang dala niya. Nang niluwa na ng pintuan si Javadd ay ang bagsak niyang balikat ang una kong napansin. At doon pa lang ay mabilis ko nang nalaman na mukhang hindi umayon sa amin ang pagkakataon. Hindi ako magtatagal sa kaharian na ito kaya kung hindi namin ito magagawa ngayong araw ay wala nang susunod pa na pagkakataon dahil bukas na ang kaarawan ni Javadd at magiging abala na siya. At sa susunod na araw pagtapos ng kaarawan niya ay ang araw naman na lalabas na ako ng kaharian ng Algenia. At wala akong ideya kung magkakaroon pa nga ba ako ng pagkakataon na makaharap pang muli si Javadd matapos kong malaman kung sino at ano ba talaga siya o titiisin na lamang na hindi siya makita dahil maling-mali na talaga. "Kumusta, Javadd?" Naglakas loob na akong nagtanong kahit pa may ideya na ako sa maaari niyang isagot. Ano man ang ibalita niya sa akin, maganda man o masama ay hindi ko na ipagpipilitan pa. Marahan na umiling si Javadd na siyang nagung kumpirmasyon ko. "Ayos lang, Javadd," sabi ko at nginitian ko siya para paniwalaan niya ang sinabi kong iyon. Ngunit mayamaya lang ay kinatakha ko ang biglaang pagngiti ni Javadd na sobrang layo sa kinilos niya kanina. "Maghanda ka na, Ayesha dahil aalis na tayo ngayon," sabi pa ni Javadd at hindi ko napigilan pa ang mapanganga. Totoo ba ito? Nakuha niya ang kinaroroonan ng dati niyang maestro? Kung gayon ay pagpapanggap lang pala ang kalungkutan sa mukha niya. At hindi naman siya nabigo sa pagpapakaba sa akin dahil hindi lang ako basta kinabahan kundi nabigo. "Ang ibig bang sabihin nito..." Tumango si Javadd at nagtatalon ako sa tuwa. At dahil na rin siguro sa labis na tuwa ay hindi ko na nakontrol pa ang sarili ko dahil tila may sarili buhay ang aking mga braso at napayakap na ako sa kanya. Naramdaman ko naman na tila na-estatwa siya sa naging kilos kong iyon kaya agad akong napabitiw. Saka ko lamang napagtanto kung ano ang ginawa ko nang makita ko ang pagkabigla sa mga mata ni Javadd at hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Hindi ko alam kung dapat ba akong humingi ng tawad dahil sa nabigla ko siya. "Hindi ko sinasadya, Javadd," sabi ko. Nawala lamang ang kaba ko nang makit ko siyang ngumiti. Bagaman may hiya sa mga ngiti niya ay alam ko na hindi niya minasama. "Ayos lamang, Ayesha. Sadyang nabigla lang ako. At isa pang dahilan ng pagkakahinto ko ay dahil sa kakaibang pakiramdam nang yakapin mo ako," sabi ni Javadd at sa tingin ko naman ay hindi masama ang ibig niyang sabihin sa pakiramdam na iyon. Siguro ay tulad siya ng naramdaman ko kanina ngunit nahihirapan akong intindihin iyon. Basta ang alam ko lamang nang mga sandaling yakap ko siya ay ang pakiramdam na sana ay hindi na matapos ang mga sandaling iyon. Talagang kinailangan ko lang siya bitiwan dahil sa naging reaksyon niya na akala ko ay minasama niya. "Nadala lang din ako ng labis na kaligayahan, Javadd kaya bigla kitang nayakap," sabi ko dahil pakiramdam ko ay kailangan kong magpaliwanag sa kanya. "Kung gayon ay dapat pala kitang paligayahin, Ayesha, nang sa gayon ay lagi mo rin akong mayayakap," sabi niya at nanlaki ang mga mata. Hinampas ko siya sa kanyang balikat nang makita ko siyang tumatawa. "Nang-aasar ka pa, Javadd e," pagalit ko sa kanya kaya muli siyang natawa. "Anong nang-aasar, Ayesha? Totoo ang sinasabi ko," sabi niya ngunit sa pagkakataon na ito ay hindi ko alam kung seryoso pa ba siya dahil tawa siya nang tawa. Hindi ko tuloy alam kung totoo ba na gusto niya akong laging kayakap. Ngunit sa tingin ko naman ay totoo iyon dahil wala naman akong nakitang galit sa kanyang mukha nang bumitiw ako kaya sa tingin ko ay talagang nabigla lang siya kanina. "Ngunit mahirap ka palang napapasaya, Ayesha," sabi niya at bigla siyang nagseryoso. Napakunot naman ang noo ko dahil sa biglaan niyang pagbabago ng mood. Talento na yata ni Javadd ang ganito. 'Yung kanina nakangiti siya, tapos ngayon ay bigla siyang magseseryoso. "Bakit naman mahirap akong napapasaya, Javadd? Ayaw mo ba akong makitang masaya?" tanong ko na nagtonong nasasaktan. Kahit ako ay nangilabot sa tonong ginamit ko. Mabuti na lamang at hindi inalintana ni Javadd ang bagay na iyon. "Paano kung mapasaya ka ng iba, Ayesha? Sabihin na nating ibang lalaki. Paano kung mapasaya ka ng ibang lalaki, Ayesha? At dahil sa kaligayahan mo ay mapayakap ka na lang din sa kanya." Hindi ko mapigilan ang matulala kay Javadd dahil sa sinabi niyang iyon. Tinitingnan ko nang mabuti kung seryoso ba siya sa pagtatanong ng bagay na iyon o nagbibiro lang. At base na rin sa nakikita ko ay talagang seryoso siya. Mayamaya lang ay natawa na ako. Alam kong serysoso siya sa tanong niya ngunit sadyang nakakatawa kung anong klase ng pag-iisip ang mayroon siya. Hindi ko alam kung maiinsulto ba ako sa sinabi niya dahil para na rin niyang sinabi na niyayakap ko ang kahit na sino. Pero mas nananaig ang pagka-aliw ko sa mga iniisip ni Javadd. "Bakit naman ako mangyayakap ng iba dahil lang sa napasaya nila ako. Napayakap ako sa iyo dahil alam ko na si Javadd ka. Kung hindi ikaw ang dahilan ng tuwang naramdaman ko kanina ay hindi ako mapapayakap. At saka marami na rin naman ang nakapagpasaya sa akin ngunit hindi ko naman naisipan na yakapin," sabi ko at nakita ko na naman ang pagkunot ng noo ni Javadd. Pakiramdam ko ay may nasabi na naman akong mali. Kaya pilit ko na binalikan ang mga sinabi ko para malaman dahil baka may nasabi nga akong hindi niya nagustuhan. Ngunit wala naman akong nakikitang mali sa mga ginamit kong salita kaya hindi ko alam kung bakit ganito na naman si Javadd. "Marami nang nakapagpasaya sa iyo, Ayesha? Ano ang ibig mong sabihin sa mga salitang iyan, Ayesha?" taas kilay niyang tanong at halos matawa ako dahil iyon pala ang tumatak sa isip niya. Iyon pa talaga ang napansin niya. Minsan talaga ay hindi ko na maintindihan ang takbo ng isip ni Javadd. Minsan naman nasa matino, pero kadalasan talaga ay sablay. Ganito ba talaga kapag may nararamdaman sa iba? Pakiramdam ko kasi ay ganito rin ako minsan. Kaya hindi ko rin magawa na magalit sa kanya ay dahil naiintindihan ko ang pinanggagalingan niya. "Kasi Javadd, kaunting pagpapakita lang ng pag-aalala sa akin ay kinatutuwa ko na. Maraming umiintindi sa akin kaya marami na rin ang nakapagpasaya sa akin," sabi ko nang hindi alam kung paano ba ipapaliwanag sa kanya ang lahat ng nais kong sabihin. Nakikita ko naman kay Javadd na naiintindihan niya ang nais kong sabihin kahit pa hindi ko maipaliwanag nang ayos. Sadyang hindi lang siya matahimik at iyon ang dahilan kaya nakakaramdam din ako ng taranta kahit pa wala naman akong ginagawa. Marahan siyang tumango bilang pagsuko dahil maging siya ay alam na wala akong ginawa. Nginitian ko na lamang siya at hinayaan na muna sa kanyang pananahimik. Hanggang sa muli na niya akong hinarap at sa tingin ko ay oras na para umalis kami. "Ang mabuti pa siguro ay simulan na natin ang ating paghahanda dahil malayo-layo ang ating lalakarin," sambit ni Javadd. Hindi naman sa nagrereklamo ako dahil maglalakad na naman kami. Pero nagtatakha lang ako kung bakit kinakailangan naming maglakad. May kabayo naman siya, at siguro din naman ay may kalesa sila rito. "May problema ba, Ayesha?" tanong niya nang mahalata ang pag-iisip ko. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanya ang mga nasa isip ko ngayon dahil baka mamaya ay isipin niya na nagrereklamo ako. Ngunit nais ko rin kasi na malaman. Wala naman sigurong masama kung magtatanong ako. "Hindi ka ba sumasakay sa kahit na anong lakad mo, Javadd? Lagi ka lang talagang naglalakad?" tanong ko na hindi ko alam kung naging ayos ba sa pandinig niya. Sana ay hindi niya masamain ang tanong ko at isipin na nagrereklamo ako. "Mayroon naman, Ayesha. Ngunit napapagod ka na bang maglakad? Paumanhin kung hindi kita natanong man lang kung nais mo ba na sumakay o maglakad na lang. Kung nais mo namang sumakay tayo ay magpapatawag ako ng kalesa," sabi niya at umiling ako. Sabi ko na nga ba at baka isipin niya na napapagod na ako sa lagi naming paglalakad at isipin niya na nagrereklamo ako. "Hindi, Javadd. Sa totoo lang ay ayos lang sa akin. Walang kaso sa akin kahit pa araw-araw tayong maglakad. Nagtatakha lamang ako." Totoo ang sinabi ko na ayos lang sa akin kahit pa araw-araw kaming maglakad ng malalayo ngunit hindi ko na sinabi ang mga salitang basta kasama siya dahil nahihiya na rin ako. "Ano namang pinagtatakha mo, Ayesha?" tanong nito. "Kung 'yung iba ay tamad na tamad maglakad, ngunit ikaw ay heto at tila ba tamad na tamad naman na sumakay." Natawa si Javadd sa sinabi ko at napailing. "Akala ko naman ay kung ano na ang sasabihin mo, Ayesha. Ngunit nais kong malaman mo na mas gusto ko rin ang sumakay. Ngunit kung ikaw ang kasama ko sa paglalakad ay parang mas ginaganahan ako. Kapag kasama ka ay mas ginaganahan akong maglakad dahil mas matagal kitang nakakasama. Nagkakaroon din ako ng pagkakataon na ma-solo ka," sabi ni Javadd at saglit akong natahimik. Hanggang sa napangiti na lamang ako dahil sa tuwa sa sinabu niya. Ngunit tulad niya ay mas gusto ko rin na maglakad kapag kasama siya. Pakiramdam ko ay kaming dalawa lang ni Javadd ang nasa paligid at tama siya, nagkakaroon kami ng pagkakataon na ma-solo ang isa't isa. Hindi rin ako nakakaramdam ng pagod kapag kasama siya kaya hindi talaga ako magrereklamo. "Ako rin, Javadd. Mas gusto kong maglakad kapag kasama siya." Nakita ko rin ang pagsilay ng mga ngiti ni Javadd matapos kong sabihin ang mga salitang iyon. "Kung gayon ay halika na, Ayesha. Nasasabik na akong makarinig ng mas marami pang kwento tungkol sa mundong ibabaw." Dahil na rin sa labis na pagkasabik na pinapakita ni Javadd ay mas nadagdagan din tuloy ang pagkasabik na kanina ko pa nararamdaman. Tuluyan na nga kaming naglakad ni Javadd palabas ng palasyo hanggang sa makalabas kami. Ang sabi sa akin kanina ni Javadd, bagaman malayo ang kinaroroonan ng dati niyang maestro ay hindi naman mahirap ang daan papunta roon. Kaya sa tingin ko ay hindi naman kami magkakaroon ng aberya sa pagpunta roon. Habang naglalakad na kami ni Javadd ay muli kong tiningala ang itaas para lang mapatunayan na hindi na kita rito ang mga kumikislap na nakikita namin sa balkonahe ng silid ni Javadd. At wala nga akong natatanaw mula rito. Nilingon ako ni Javadd na tila ba alam na niya kung ano ang ginagawa ko. "Hindi iyon tanaw rito, Ayesha. Talagang ako lang ang nakakita roon," sabi niya at napakibit balikat na lamang ako. "Isa iyong pambihirang tanawin kaya talagang nais ko iyong ipagdamot. Ngunit pagdating sa iyo ay nais kong ibahagi." Napangiti ako kay Javadd at binalik nang muli sa daan ang aking paningin. Naging tahimik ang paglalakad namin ni Javadd . Ang tanging ingay na naririnig ko ay ang pagbati ng mga Algenian na nakakasalubong namin. Kahit na parehas kaming tahimik ay alam ko na dahil iyon sa pagkasabik namin na marating ang tahanan ng kanyang dating maestro. Sa paglalakad namin ni Javadd ay may mga nadaraanan kaming nagtitinda ng mga gamit at pagkain. Hindi ko maiwasan ang mapatingin sa mga gamit na nadaraanan namin lalo na sa mga panlalaki. Iniisip ko kasi kung ano ang pwede kong iregalo kay Javadd at nagbabaka sakali ako na may makikita ako rito. Ayoko naman na wala man lang akong maireregalo sa kanya. Gusto ko kahit na papaano ay may maitatago siya na galing sa akin. Hindi ko naman magawang tingnan ang mga iyon dahil sigurado ako na magtatakha si Javadd. Makakakuha rin siya ng ideya tungkol sa plano ko at hindi naman iyon pwedeng mangyari dahil ang gusto ko sana ay sorpresahin siya. Ilang tindahan na rin ang nadaanan namin ngunit wala pa rin akong nakikitang gamit na babagay kay Javadd. Hindi rin naman ako pwedeng basta na lamang dumampot ng kung ano dahil isang prinsipe ang pagbibigyan ko at ayoko siyang madismaya sa ibibigay ko. May kaunting salapi naman akong nadala rito at sa tingin ko naman ay sasapat na ito upang makabili ng makatarungang regalo para sa isang prinsipe. Ang kailangan ko na lang siguro ay oras upang makapamili. At hindi ko alam kung makakuha pa ba ako ng oras na hindi kasama si Javadd. Kakailanganin ko ng isang matibay na palusot kung gusto kong mahiwalay sa kanya kahit papaano. Sa pagdaan namin sa mga tindahan ay patuloy pa rin ako sa ginagawa kong pagtingin-tingin ng mga gamit panlalaki. Hanggang madako ang paningin ko sa isang lalagyan ng espada na maaari niyang ilagay sa kanyang silid upang doon i-display ang paborito niyang espada. Oo, tama. Iyon na lamang ang bibilhin ko. Sa tingin ko ay magandang dekorasyon iyon para sa sili ni Javadd. Tinandaan ko na lang ang eksaktong lugar kung nasaan ang tindahan na ito. Sana nga lamang ay makakuha ako ng oras para makadaan ulit ako rito nang hindi na kasama si Javadd. Hindi pa naman kami gaano nakakalayo sa palasyo kaya sa tingin ko ay mahahanap ko ito kung makakuha man ako ng pagkakataon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD