Chapter 68

2503 Words
Chapter 68 Ayesha's POV Nang malagpasan namin ni Javadd ang tindahan na babalikan ko ay hindi ko maiwasan na balikan pa iyon ng tingin. Sobrang nagandahan kasi ako sa lalagyan ng espada. Sigurado ako na maraming espada si Javadd na nakatago ngunit kung hindi naman kalabisan, hihilingin ko na ang paborito niyang espada ang ilagay niya roon. Para sa tuwing makikita niya ang kanyang espada ay maaalala niya rin ako. Sa ganoong paraan, kahit pa hindi na kami magkita ay maaalala niya pa rin ako. Sana nga lang ay magustuhan niya iyon. May nakalagay naman na presyo kung magkano iyon kaya alam ko na sasapat ang aking salapi. Sa tingin pa lang din kasi roon ay alam kong magandang klase na iyon at hindi na nakakahiya kung ireregalo ko man sa isang prinsipe. Kahit na binalikan ko ng tingin ang lalagyan ng espada ay naramdaman ko pa rin ang paghinto ni Javadd sa kanyang paglalakad kaya binalingan ko siya ng tingin at huminto na rin ako para harapin siya. Kinunutan niya ako ng noo at sinundan ang kaninang tinitingnan ko. Kinabahan ako dahil baka mamaya ay makahalata siya sa plano ko. Kaya bago pa mapuno ng tanong ang isip niya habang nakagtingin sa tindahan ay hinawakan ko na siya sa braso upang makuha ang atensyon niya. Hindi naman ako nabigo dahil muli niya akong tiningnan. "Anong mayroon doon, Ayesha?" tanong niya na naging kumpirmasyon ko na nahalata nga niya ang pagtingin ko roon. Sino ba namang hindi makakahalata, e nagawa ko pang balikan ng tingin. Hindi ko rin kasi nakontrol ang leeg ko. Kaya agad na lamang akong nag-isip ng pwede kong isagot sa kanyang tanong. "Ano kasi, Javadd, parang may nakita akong isang kakilala." Mas lalo pang nangunot ang noo niya dahil sa naging sagot ko. Mukhang mali pa yata ang naisagot ko. "Kakilala? Paanong magkakaroon ka ng kakilala rito gayong nasa Algenia ka," aniya at saka ko lang napagtanto na mas nakakaduda pa nga talaga ang naging sagot ko. Bakit ko nga ba iisipin na may kakilala ako rito gayong nasa Algenia ako. Mukhang kaduda-duda nga talaga ang sagot ko. Baka mamaya ay isipin pa ni Javadd na nagpapalusot lang ako. Kahit na totoo naman na nagpapalusot lang ako ay hindi niya iyon pwedeng malaman. "Iyon na nga, Javadd. Kaya talagang binalikan ko siya ng tingin para patunayan na imposible ang iniisip kong iyon. At hindi nga ako nagkamali. Talagang akala ko lang pala iyon dahil nang muli kong makita ang inaakala ko na kakilala ko ay ibang mukha nga talaga. May kaunting pagkakahawig ngunit hindi pala talaga siya," sabi ko. Sana lang ay kagatin ni Javadd ang paliwanag kong iyon. Ilang sandali rin niya akong tinitigan hanggang sa tumango siya at muli na lamang niya akong niyaya na magpatuloy na sa paglalakad. Saka lamang nawala ang kaba ko nang kahit papaano ay makalayo na kami sa tindahan. Tulad kanina ay muling nagpatuloy ang tahimik naming paglalakad ni Javadd. Hanggang sa ilang minuto pa nga ang lumipas ay may natanaw ako na isang malaking bahay. Nakita ko ang pagtanaw rin ni Javadd sa bahay na iyon at malakas ang kutob ko na malapit na nga kami. "Maghanda ka, Ayesha. Malapit na tayo," sabi niya at hindi nga ako nagkamali. Bigla na lamang magkahalong tuwa at kaba ang naramdaman ko. Nilingon ako ni Javadd at nginitian. Kaya naman nginitian ko rin siya. Parehas kami ni Javadd na hindi na maitago ang pagkasabik na marating ang bahay na iyon. Pakiramdam ko ay bumalik ako sa aking pagkabata na nananabik na makarinig ng isang kwento. Ganitong-ganito ang nararamdaman ko noon sa tuwing alam ko na makakarinig ako ng kwento tungkol sa mundong ibabaw. Maraming kabahayan pa kaming nadaanan at lahat ng Algenian na nakakasalubong namin ay nababakas ang pagkabigla sa tuwing makikita si Javadd. Halatang hindi nila inaasahan ang pagdating ng prinsipe. Ngunit kahit pa mga nabibigla ay nagagawa pa rin naman nilang bumati. Sa tapat ng pintuan ng bahay na sadya namin ay isang matandang babae ang nakaupo. Halatang nagpapalipas siya ng oras sa pamamagitan sa pagtanaw sa mga nadaan. Nang mabaling ang tingin niya sa amin ay inaninag pa niya nang mabuti kung sino ang paparating. At maging siya ay nabigla nang makilala niya ang prinsipe. Dali-dali siyang pumasok sa loob na kinatakha ko. Hindi naman siya nabakasan ng takot kaya hindi ko alam kung bakit siya pumasok sa loob. Mayamaya lang ay nakita kong muling lumabas ang babae sa pintuan at agad niya kaming tinanaw. Ngunit sa pagkakataon na ito ay hindi na lamang siya ang nakikita namin dahil kasunod niyang lumabas ng pintuan ang isang matandang lalaki. At ngayon ko lang napagtanto na ang dahilan ng pagpasok ng babae sa loob ay upang tawagin ang lalaki. Tinuro ng matandang babae ang nilalakaran namin at nilingon din naman kami ng lalaki. Agad na tinaas ni Javadd ang kanyang kamay at marahan na kumaway sa kanya. Sabay na napangiti ang dalawang matanda at sa tingin ko ay mag-asawa sila. Mas lalo pa kaming nagmadali ni Javadd sa paglalakad nang sa gayon ay marating na namin sila. Sinasalubong naman nila kami ng ngiti. Ilang sandali pa nga lang ay nasa harapan na nila kami. Agad na binuka ng matandang lalaki ang kanyang mga braso at hindi naman nagdalawang isip si Javadd na yakapin ang matanda na sa tingin ko ay ang dati na niyang maestro.. "Kumusta, mahal na prinsipe?" tanong ng matanda matapos bumitiw sa kanilang mga yakap. "Mabuti naman ako, maestro. Kayo, kumusta kayo rito?" ganting tanong ni Javadd. "Heto at talagang tumatanda na. Anong dahilan at napadpad ka rito? Ang bahay ko ba ang sinadya ninyo?" Saglit pa na napasulyap sa akin ang matanda para siguro tingnan kung kilala niya ako. Ngunit agad rin naman niyang binalik ang tingin niya kay Javadd nang mapagtanto na hindi niya ako kilala. "Kayo talaga ang sadya namin, Maestro. Pinagtanong ko sa mga taga-palasyo ang maaaring kinaroroonan ninyo at hindi naman ako nabigo. Sana ay hindi ninyo masamain kung sinabi man nila sa akin," sabi ni Javadd at natawa naman ang dati niyang maestro. "Oo naman, mahal na prinsipe. Walang problema sa akin. Mabuti na lamang pala at may ilang taga-palasyo ang nakakaalam nitong aking tahanan. Kung ako pala talaga ang sinadya mo rito ay nasisiguro ko na mayroon tayong mahalagang pag-uusapan. Kaya ang mabuti pa siguro ay pumasok na muna tayo sa loob." Niyaya kami ng dati niyang maestro at bago pumasok ay nilingon pa ako ni Javadd rito sa kanyang likuran. Nabaling tuloy ulit sa akin ang tingin ng matanda. "Oo nga pala at may kasama siya," sabi ng maestro na tila naghihintay sa sasabihin ni Javadd tungkol sa akin. "Oo, Maestro. Si Ayesha, ang aking..." Napalingon ako kay Javadd nang bigla siyang nahinto sa papapakilala sa akin na tila ba hindi niya maituloy ang kanyang sasabihin. Ang buong akala ko ay hindi niya lang alam kung paano ako ipapakilala. Ngunit nakita ko sa mga mata niya ang pag-aalinlangan na ituloy ang pagpapakilala sa akin sa kanyang maestro. Nilingon ko siya at napangiti siya nang pilit. Naiintindihan ko naman kung isang tagasilbi ang ipapakilala niya sa akin. Hindi naman na niya kailangan pa na pagandahin. "Siya ang iyong..." tanong ng matandang babae na naghihintay rin ng sasabihin ni Javadd. "Aking tagasilbi," sabi ni Javadd at wala namang kaso sa akin dahil iyon naman talaga ako sa kaharian na ito. Tumango-tango ang matandang babae ngunit nagtakha naman ako nang marinig ko ang pagtawa ng dating maestro ni Javadd. Nagtatakha tuloy namin siyang tiningnan ng kanyang asawa. Nilingon ko si Javadd na hindi naman napapaisip kung bakit ganito na lamang kung makatawa ang dati niyang maestro at sa tingin ko ay alam niya kung bakit. Napalingon pa nga sa ibang direksyon si Javadd na tila ba iniiwasan ang mga tingin ng kanyang maestro. "Magaling kang pumili, Prinsipe Javadd," sabi pa ng dati niyang maestro na hindi ko alam kung kailan pa matatapos sa pagtawa. Bigla na lamang akong hindi mapalagay dahil pakiramdam ko ay ako ang pinagtatawanan nila. "Ano ba ang iyong tinatawa riyan, mahal ko?" Hindi na rin napigilan ng asawa niya ang mapatanong at hindi ko rin naman siya masisisi sa pakikialam niya sa usapan ng dalawa. Maging ako man ay nais kong magtanong ngunit nahihiya lang akong sumabat. Umiling na lamang ang matandang lalaki at inakbayan na ang asawa niya. Niyaya na niyang pumasok sa loob ang kanyang asawa at sumunod na lamang daw kami ni Javadd. Hahakbang na sana si Javadd para sumunod sa mag-asawa ngunit hinawakan ko siya sa braso para pigilan siya. Sasamantalahin ko na ang pagkakataon na kami lamang ni Javadd ang magkasama at tatanungin ko na siya. Sa palagay ko kasi ay hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman kung ano nga ba ang pinag-uusapan nila. Siguro naman ay hindi iyon isang sikreto. Kaya kung hindi sasabihin ni Javadd ay malamang na ako nga ang pinagtatawanan ng matandang iyon. Wala namang panunuya sa mga tawa niya ngunit nais ko lang makasigurado. Nilingon naman ako ni Javadd nang hawakan ko siya sa braso. Sa mga tingin ko pa lang sa kanya ay sigurado ako na alam na niya ang nasa isip ko. "Halika na sa loob, Ayesha. Ayoko kasing paghintayin sina maestro," sabi niya at alam ko naman na umiiwas lang siya sa maaari kong maging tanong. Ngunit niya ako madadaan sa ganyan niyang mga palusot dahil desidido ako na malaman kung ano ang naging dahilan ng pagtawa ng ganoon ng dati niyang maestro. Umiling ako sa nais niya na pagsunod sa loob at bumagsak ang balikat niya na tila ba isang pagsuko dahil wala na siyang iba pang magagawa kundi ang magsalita. "Bakit siya tumawa nang ganoon, Javadd? Ako ba ang pinagtatawanan niya?" tanong ko at napaawang pa ang bibig niya natila ba hindi siya makapaniwala na iyon ang iniisip ko. Bakit? May iba pa ba na dapat kong isipin? Mas lalo lang tuloy akong nilalamon ng kuryosidad ko dahil baka mali ang hinala ko. "Hindi, Ayesha. Hindi ikaw ang pinagtatawanan niya. Bakit ka naman pagtatawanan ni maestro gayong wala namang katawa-tawa sa iyo," sabi niya at napangiwi ako dahil sigurado ako na ako ang pinagtatawanan ng matandang iyon. "Tumawa siya nang ganoon matapos niyang marinig na isa akong tagasilbi. Ano ba ang nakakatawa sa pagiging tagasilbi? Ganoon ba kababa ang tingin niya sa amin?" Mas lalo nang nabigla si Javadd dahil sa mga sinasabi ko. Tiningnan pa niya ang pintuan dahil baka narinig kami ng kanyang maestro. Kahit papaano naman ay nakaramdam ako ng hiya na baka nga mamaya ay narinig niya ang sinabi ko. Ngunit mabuti na lamang at walang bakas na may tao pa roon dahil baka tuluyan na nga silang pumasok sa loob. Nakahinga naman ako nang maluwag. "Ayesha, ano ba iyang mga iniisip mo? Hindi ganoon mag-isip si maestro. Mataas ang tingin niya kahit sa mga tagasilbi," sabi ni Javadd at muli akong nakaramdam ng hiya dahil mukha naman talagang mabait ang matandang maestro. Sadyang nabahala lang talaga ako sa ginawa niyang pagtawa sa akin kanina kaya nakapag-isip ako nang ganoon. Kaya ganoon na lamang din talaga ang hiling ko na sana nga ay hindi talaga niya narinig ang mga sinabi ko. Dahil kung nagkataon na may nakarinig ay siguradong wala na akong mukhang maihaharap sa kanilang mag-asawa. Mukha pa naman silang mabait at magiliw kung tumanggap ng bisita. Huwag naman sana nila akong ipagtabuyan o pagdabugan man lang. "Ngunit bakit nga kasi siya tumawa nang ganoon? Gusto kong malaman kasi hindi talaga ako matatahimik, Javadd," sabi ko at napabuntong hininga na lamang siya na tanda ng kanyang pagsuko. At alam ko na magsasalita na siya ano mang oras. Sana nga lamang ay pawang katotohanan lang ang mga lalabas sa kanyang bibig. Ngunit kung sakali man na kasinungalingan nga ang sasabihin ni Javadd ay sigurado ako na malalaman ko naman iyon at mahahalata. Alam ko rin naman na hindi magagawa ni Javadd ang magsinungaling sa akin. "Tumawa siya nang ganoon dahil sa tingin ko ay naalala niya ang sinabi ko sa kanya noon," sabi niya at napakunot ang noo ko dahil muli na naman akong nabitin sa mga sasabihin ni Javadd. Ganoon ba talaga kahirap para sa kanya ang magdire-diretso sa kanyang pagkukwento? "At ano naman ang sinabi mo sa kanya noon?" Gusto kong malaman kung ano iyon dahil mukha sobrang naligayahan ang maestro sa bagay na iyon. At kung bakit nagkataon din na ang pagpapakilala ni Javadd sa akin bilang kanyang tagasilbi ang tila nagpaalala sa maestro sa bagay na iyon. "Malapit talaga ako sa kanya mula pagkabata. Siya na ang tumayo kong pangalawang am. Kaya may mga alam siya sa akin na tanging siya lang ang nasasabihan ko." Tumango ako sa sinabi niy kahit pa sa totoo lang ay naiinip na ako dahil ang bagal niyang mapunta sa tinutumbok niya. Ngunit alam ko naman na hindi ko siya pwedeng madaliin dahil baka mainis siya at mas lalo lang tumagal ang usapan namin na ito. At kailangan na niyang magsalita dahil baka mamaya tawagin na kami ng maestro at mawalan na kami ng pagkakataon na pag-usapan ito. At kung mangyari man iyon ay hindi ko alam kung paano haharapin ang maestro dahil hindi maaalis sa isip ko na maaaring ako nga ang dahilan ng kanyang pagtawa. Hindi nga kaya iyon ang dahilan ni Javadd? Siguro ay sinasadya niyang bagalan ang pagkukwento para balikan na kami ng mag-asawa. Kung hindi pa siya magsasalitang muli ay magagalit talaga ako sa kanya. "At ano naman 'yung sinabi mo na siya lang ang tangi mong nasabihan?" Talagang sinadya ko nang ipahalata sa kanya ang pagkainip sa akin dahil baka sakaling magsalita na siya. Muli siyang napabutong hininga at tumango. "Tulad ng alam ng lahat ay ayoko talagang magkaroon ng tagasilbi ngunit wala akong sinabihang iba kung bakit, maliban na lang kay maestro. Alam niya ang dahilan ko kung bakit ayokong magkaroon ng sarilig tagasilbi. Sinabi ko sa kanya na ang tanging nilalang na gusto kong bumubuntot sa akin ay 'yung nilalang na gusto ko laging kasama. Kaya nang malaman niya na mayroon ako tagasilbi ay naalala niya siguro iyon." HIndi agad ako nakapagsalita sa mahabang paliwanag ni Javadd. Kung gayon ay iyon pala ang pinagtawanan ng maestro. AT tama siya, siguro nga ay naalala niya iyon. Ngunit hindi rin nawala sa isip ko ang sinabi niya. Nilalang na gusto niya laging makasama? Ang sarap sanang pakinggan dahil ganoon din siya sa akin. Siya rin ang nilalang na gusto ko laging kasama. Pero kung iisipin namin iyon ay kami lang din naman ang masasaktan dahil alam namin parehas na hanggang pangarap lamang iyon. "Masaya ka na, Ayesha? Pwede naman na siguro tayong pumasok sa loob at sumunod sa kanila? Baka kasi hinihintay na nila tayo," sabi ni Javadd na halatang nang-aasar kaya hinampas ko siya sa kanyang braso at inirapan.Wala naman pala akong dapat na ipag-alala sa maestro na iyon. Kaya naman sabay na kaming pumasok ni Javadd sa loob at sinundan na lamang namin ang pinanggagalingan ng ingay na sa tingin namin ay hinahandang hapag-kainan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD