Heather's POV
Napatingin ako sa hawak kong cellphone nang mag-ring ito. Napangisi ako. Tumatawag na naman siya. Kailan ba niya ako tatantanan? Ilang beses ko na siyang nireject pero nandiyan pa rin siya at kinukulit ako. Sa inis ko nang mabasa ko pa lang ang pangalan niya, agad kong pinatay ang aking cellphone at muling ibinalik iyon sa bulsa ko. Ang aga-aga, ginugulo niya ako.
Sandali akong napatigil sa paglalakad nang may makita akong isang pamilyar na tao. Naglalakad siya sa unahan ko. Nang mapansin ko ang suot niyang kulay pink na relo, walang dudang si Krylle nga iyon. Ang mortal kong kaaway sa dati kong university.
Nabwisit ako sa nalaman ko dahil schoolmates na naman pala kaming dalawa. Nakakairita. Hanggang dito ba naman? Talagang sinusundan ako ng b*tch na ito. Mukhang wala siyang balak na lubayan ako upang guluhin ang maayos kong buhay. Leche.
Sirang-sira na ang araw ko.
Bigla naman akong napangisi nang may pumasok na ideya sa utak ko. Bakit kaya hindi ko siya gantihan? Mabuti na lang at nakita ko siya ngayon. Kailangan na niyang pagbayaran ang lahat ng naging atraso niya sakin. Hindi ko na iisa-isahin pa dahil baka mabwisit lang ako ng tuluyan. Ngayon na ang tamang oras upang gantihan ko siya. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ito kaya itutuloy ko na ang binabalak ko.
Hindi maalis ang ngiti sa labi ko dahil wala siyang kamalay-malay na nasa likuran na niya ako at nakasunod sa kanya. Katangahan. Ang tanga talaga niya kahit kailan. Nakakatawa siya. Mukha yatang maiisahan ko na naman siya ngayon.
Humanda siya.
"Pagbabayaran mo ang ginawa mo," nakangisi kong bulong habang matalim na nakatingin sa likuran niya.
Habang nakatingin ako sa kanya, hindi maiwasang manumbalik sa memorya ko ang mga naging away namin. Mistula kaming mga bida at kontrabida sa isang teleserye na kapag nagkita ay palaging nagaaway at nagkakasagutan.
Naaalala ko pa nga ang huli naming away sa isang shop sa mall. Nagbatuhan kami ng mga sapatos at sandals na nakadisplay doon. Para kaming mga bata. Bwisit na bwisit na ang mukha niya habang ako'y nakangisi lang sa kanya. Isang patunay na kahit na anong gawin niya, hindi niya ako kaya.
Hindi niya ako matapatan dahil siya ang parating unang umaalis. Pero siyempre, hindi naman namin tinakasan ang nagiging atraso namin. Iyon lang ang ikinakainis ko. Nauubos palagi ang pera ko dahil sa walang kwentang pakikipagtalo at pakikipagaway ko sa kanya.
Nang makakuha ako ng tiyempo ay mabilis ko siyang itinulak sa may putikan. Kitang-kita ng dalawang mga mata ko kung papaano siya naging madungis at kung papaano siya nasubsob sa maruming putik. Nakakadiri.
Nakuha namin ang atensyon ng mga estudyanteng naglalakad. Huminto ang mga ito tsaka inilabas ang mga cellphone upang i-video ang kawawang si Krylle. Sa ngayon ay nakapako na sakin ang tingin niya. Tawang-tawa lang ako sa hitsura niya. Para siyang baboy na naliligo sa putikan.
Masayang-masaya na ako ngayon dahil nagantihan ko na rin siya. Tama lang sa kanya iyan tutal isa lang naman siyang basura. Isang basura na pinulot lang sa lupa kaya naging maginhawa ang buhay. Akala niya siguro'y hindi ko alam ang sikreto niya. Tsk.
Marami akong nalalaman.
"Bwisit ka talaga, Heather! Magbabayad ka!"
Ngumiti lang ako sa kanya habang nakapameywang. Tinaasan ko rin siya ng kilay at kita kong iritang-irita siya dahil wala siyang magawa. Halos lahat ng estudyanteng nanunuod samin ay tawa ng tawa habang nakatingin sa kanya. Ngayon ay hindi lang siya basta kinukuhaan ng video kungdi nililitratuhan na rin siya.
Loser talaga.
"Ha? Talaga? At anong gagawin mo?" Sambit ko kasabay ang mahinang pagtawa.
Naiinis na siya. Sigurado ako.
Tumalikod na ako sa kanya dahil tapos na ako. Hahakbang na sana ako nang maramdaman kong may humila sa buhok ko ng marahas at itinulak ako sa putikan. Sumubsob ako kaya ngayon ay puno na ng putik ang unifrom at paldang suot ko. Inis na tumingin ako sa kanya. Ginagalit niya talaga ako!
"Oh, ano ka ngayon? Sige, sumugod ka. Hindi ako natatakot sa'yo, b***h," matapang na sabi niya sakin habang pinupunasan ang mukha niya.
Ang dumi-dumi ko na. Nakakainis. Wala pa naman akong dalang reserbang uniform. Kahit kailan talaga, binibwisit ako ng Krylle na ito. Nakakasawa na. Sana mamatay na lang siya para matahimik na ang buhay ko. Panira siya ng araw!
"Ah ganon..."
Pinunasan ko lang saglit ang mukha ko at patakbo akong sumugod sa kanya. Sinabunutan ko siya at muling itinulak sa putikan. Hinawakan niya rin ako sa buhok at sinabunutan. Kaya ngayon, nagsimula na ang aming labanan.
"Bwisit ka! Sinisira mo talaga ang araw ko!" Sambit ko habang nakadagan sa tiyan niya. Mas hinigpitan pa niya ang kapit kaya napaaray ko. Nakakainis.
"Papatayin kitang bruha ka!" Bulyaw niya at sinipa ako sa tiyan. Natumba ako at napahiga sa putikan. Siya naman ngayon ang nakadagan sakin.
Puro sigawan at hiyawan lang ang ginawa ng mga estudyanteng nanunuod samin. Sumakit ang mga mata namin dahil sa flash ng camera nila pero di kami nagpatinag at tuloy pa rin kami sa pagaaway. Walang gustong umawat samin. Lahat sila'y nakangiti lang at tila masaya pa sa nasasaksihan nila.
Mga walang kwenta!
Ashlynn's POV
Nakangiti lang ako habang tinatahak ang daan ptungong Marcelino University. Pinagmamasdan ko sa mamahalin kong phone ang litratong kinunan ko kanina habang nasa bus. Wala pa rin akong ipinagbago. Napaka-ganda ko pa rin kahit na sa anong anggulo.
Bahagya akong napatawa ng mahina tsaka kinilig. Maya-maya'y napatigil ako nang marinig kong may mga estudyanteng nagsisigawan habang nagkukumpulan sa gilid ng daan. Nakalabas ang mga cellphone nila at tila may kinukunan ng video o litrato. Napaisip tuloy ako.
Ano bang meron doon at parang ang saya-saya nila?
Kumunot ang aking noo sa pagtataka. Dahil sa kagustuhan kong malaman kung anong kaganapan ang nangyayari doon ay lumapit ako upang makiusisa. Nanlaki naman ang mga mata ko sa aking nakita. Si Heather at Krylle, nagsasabunutan sa putikan. Nakakaloka. Hanggang dito ba naman ay nagaaway pa rin ang mga loka-loka.
Nakakatawa.
Schoolmates kami dati sa Saint Javier's University. Actually, ka-close ko silang dalawa dahil sikat kami sa campus. Hindi sa pagmamayabang pero tinuturing kasi akong diyosa dahil sa taglay kong kagandahan. Habang itong dalawa naman, sikat sila dahil parati silang laman ng away. Sa katunayan ay lagpas na sa sampu ang record nila sa guidance office noon at mukhang pati dito sa Marcelino University ay may balak pa silang dagdagan.
"Nakakatuwa silang panoorin. Sayang nga lang dahil hindi ako kasali sa laban nila," sabi ko sabay tawa ng mahina.
"Wag kang tumawa diyan. Hindi sila nakakatuwang pagmasdan," sabat ng katabi kong lalaki. Ang sama ng titig nito sakin na para bang ang laki ng kasalanan ko sa kanya.
Lumingon ako sa kaliwa ko kung saan naroon siya. Inirapan ko lang siya. Walang kwenta. Hindi naman kami close para kausapin niya ko. Wala akong balak na aksayahin ang oras ko para lang sa katulad niya. Nakakairita ang mga gaya niyang feeling close. Hambog. Nakakainis.
"Anong tinitingin-tingin mo?"
Nakipagtitigan ako sa kanya dahil mukhang iyon ang gusto niya. Ilang segundo ang lumipas at umiwas siya bigla ng tingin. Mukhang hindi niya nakayanan ang charm ko. Ang ganda ko kaya kahit na sinong titigan ko, matatalo sakin.
Napangisi lang ako sa kanya.
Augustus's POV
"Hoy pare! Baka naman puro babae agad ang atupagin mo pagkapasok na pagkapasok natin ng Marcelino University ha!" Tinapik-tapik ko ang balikat ni Tagakashi at inakbayan ko siya.
Sa aming magto-tropa, siya ang bukod tanging mahilig sa mga babae. Naging hobby na niya siguro na every month ay iba-iba ang nagiging girlfriend niya at every week naman ay kung sino-sino ang dine-date niya. Ang mokong, babaero ngang talaga.
Nagtawanan lamang kaming apat habang nakatingin ng nakakaloko sa kanya. Nainis naman siya kaya tinanggal niya ang braso ko sa pagkakaakbay sa kanya. Mas binilisan niya ang paglalakad kaya naman sinabayan namin siya.
"Oo nga bro. Stop ka muna sa mga babae. Aral muna tayo!" Si Jake naman ang nagsalita. Nakaakbay ito sa kay Iñigo na abalang-abala pa rin sa iginuguhit nito sa pahina ng notebook.
"At kelan ka pa natutong mag-aral bakulaw?" Inis na tinitigan ni Tagakashi si Jake.
Natawa na lang ako. Sino ba saming lima ang nagaral ng mabuti? Wala. Pare-parehas kaming patapon. Pasang-awa ang mga grado namin parati dahil bagsak kami sa exam at hindi kami nagpapasa ng mga projects at assignments. Mas binibigyang pansin kasi namin ang kalokohan kaysa ang pag-aaral.
Pikon na pikon na ang hitsura ni Tagakashi. Huminto siya saglit sa paglalakad at matalim na tumingin saming apat na nakatingin rin sa kanya.
"Hindi lang halata pero bro, nagbago na raw yan. Magmula nung-----"
Biglang natigil sa pagsasalita ang isa pa naming tropa na si Kei nang may makita siya na kung ano. Ewan ko. Gulat na gulat ang ekspresyon ng mukha niya. Tapos biglang tuwang-tuwa. Ang gulo. Minsan napapaisip rin ako kung may sayad ba itong kaibigan namin dahil sa mga ikinikilos niya.
Pambihira.
"B-bakit pare? Ano bang nakita mo?" Nagtatakang tanong ko sa kanya.
Sinundan ko ng tingin ang tinitignan niya. Ang daming estudyante. Nagkukumpulan sila sa gilid ng daan. Weird. Ano kayang meron doon? Nakalabas ang mga cellphone nila at tila may kinukunan ng video o litrato. Hindi ko alam pero bigla akong nacurious na malaman kung anong nangyayari doon at kung bakit ang saya ng mga nanunuod.
Hindi na ako nagatubili pa at lumapit ako doon upang makiusisa. Nagsisunuran rin sakin ang apat. Lahat kami ay nagulat nang matuklasan kung anong nagaganap doon. Kaya pala ang daming nagvi-video. Kaya pala ang daming nanunuod. Kaya pala ang daming todo kung shmigaw at magcheer dahil... may nagaganap na sagupaan.
"Awatin natin sila bago pa sila magpatayan," sabi ni Jake sabay tingin saming apat.
Sumenyas siya na hawakan raw namin sa braso ang dalawang babae na iyon para matigil sila sa pagaaway. Bukod kasi sa nakakaagaw sila ng atensyon, baka magkapatayan pa sila. Lumapit sila doon at agad na inawat ang dalawa.
Nanatili lang akong tahimik sa kinatatayuan ko habang nakatingin sa kanila. Mas gusto ko kasing manuod gaya ng iba pang estudyante na nandito. Nakakatawa kasi. Mas maganda pala manuod ng away kapag live kaysa makapanuod ka sa social media. Ibang klase talaga ito. Napaka-cool.
Ngayon ay nagbubuno silang dalawa habang nakaluhod. Walang gustong magpatalo sa kanila. Parehas silang determinado na mapabagsak muli sa putikan ang isa. Nahinto lang siya nang awatin sila nina Jake.
"Ano ba! Bitiwan mo 'ko! Hindi ko pa tapos kalbuhin yang impakta na yan!" Sigaw ng isa sa mga babae habang nakahawak sa magkabilang braso niya si Jake at Kei.
"Ikaw yung impakta, b***h!" Sigaw naman ng isa pa habang hawak-hawak naman sa magkabilang braso nina Tagakashi at Iñigo.
Ang sasama ng titig nila sa isa't-isa. Ganon rin ang ibinigay nilang tingin sa mga tropa ko. Hindi ko mapigilan ang matawa. Para silang umawat ng dalawang bata na nagaagawan ng laruan sa kanto. Ang ekspresyon ng mukha ng dalawang babaeng ito'y talaga namang palaban.
Nahinto sa pagkuha ng video at litrato ang ilan sa mga estudyante, nang may biglang dumating na isang babaeng guro. Hindi ko siya kilala. Tiningnan niya lang ang dalawa at isang pagngisi lang ang ginawa niya. Kinilabutan ako sa nakita ko. Bakit ganon? May kakaiba sa guro na ito. Hindi ko alam kung ano 'yon.
Sana'y hindi ko siya maging guro.
"Dahil sa ginawa niyong gulo, dadalhin ko kayo sa Principal's Office. Doon niyo matatanggap ang kaparusahan na nararapat sa inyo," sabi ng babaeng guro na iyon bago muling ngumisi. Nakakakilabot talaga.
Sino siya?