Prologue
BINUKLAT ni Sassa ang hawak niyang magazine habang nasa hardin. Hindi siya tipikal na nagbabasa ng mga showbiz magazine. Nahagip lamang ng mga mata niya ang cover habang nasa bookstore sila ni James kanina. Halos hindi siya makapaniwala na makikita uli niya ang babaeng ito.
Featured on the cover of the magazine was Adam Perez, a member of a famous international pop rock band, with his fiancée. Alam ng lahat na Pilipino ang bokalista ng sikat na bandang Merry Men. Kamakailan lang ay nagkaroon ng concert ang banda sa bansa. Nakasaad sa artikulo na katatapos lamang ng Asian tour ng mga ito.
Hindi siya magiging interesado kung hindi niya nakita ang mukha ni Glanys Robin Castañeda Tiamson sa cover na kasama ni Adam. They struck a very romantic pose. Sa lapit ng mga mukha ng mga ito sa isa’t isa ay halos magdikit na ang mga labi ng mga ito. Mababakas ang pag-ibig sa mga mata ng mga ito habang nakatingin sa isa’t isa.
Is Adam of Merry Men About to Marry?
Sa loob ng magazine ay mas marami pang mga larawan ang mga ito. May isang larawan na naghahalikan sa stage ang mga ito. Ayon sa mga nabasa niya ay kasa-kasama ni Adam si Glanys sa mga tour ng banda. Bahagi rin ang dalaga sa isang music video ng bagong kanta na nagtatampok ng tours ng mga ito behind the scenes. May ilang larawan ding naroon na kuha sa probinsiya. Ang sabi roon ay nakapagbakasyon si Adam sa probinsiya ni Glanys. Doon daw nagsimula ang pag-iibigan ng dalawa.
Isinara niya ang magazine at binuksan ang kanyang laptop. She searched the Internet for the latest music video of Merry Men. Kaagad niyang pinanood nang makita niya iyon. Kasama nga sa video si Glanys. Tila hindi mapaghiwalay ang dalawa. Hindi niya masabi kung sa paraan ng editing lamang iyon ng video o talagang halos hindi mapaghiwalay ang dalawa.
Bumuntong-hininga siya, saka pinatay at isinara ang kanyang laptop. Hindi niya alam kung magiging masaya siya para kay Glanys. Halo-halo ang nararamdaman niya sa kasalukuyan. May parte sa kanya na maligaya dahil nakahanap na ito ng isang lalaking mamahalin nito. Malungkot siya dahil nakalimutan na nito ang kapatid niyang si Alex. Nakaramdam din siya ng galit dahil ito lang ang masaya.
Ayaw man niya, tila mas nananaig na ang galit sa kanya. Bumabalik sa kanya ang masasakit na alaala ng nakaraan. Hanggang ngayon, nasasaktan pa rin siya. Nagbayad siya sa isang kasalanan na hindi naman siya ang gumawa. Pakiramdam niya, hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin siya.
Makatarungan ba na masaya ito samantalang siya ay hindi? Makatarungan bang naging ganoon ang kapalaran niya, ang kapalaran ng kapatid niya?
Pinakatitigan niya ang nakangiting mukha ni Glanys sa cover ng magazine. Hindi sila nagkaroon ng pagkakataong magkakilala noon dahil itinago na ito ng pamilya nito. Ngunit galit siya rito. Ito ang dahilan kung bakit nasira ang buhay at kinabukasan ng kuya niya. Ito ang dahilan kung bakit sinira ni Phillip ang buhay, kinabukasan, at kaligayahan niya. Iniwan siya ni Phillip nang dahil dito.
May alam ba si Glanys tungkol sa nangyari sa kanila ng kapatid nito? May alam ba ito kung paano siya pinarusahan ng kapatid nito? Malamang na may alam ito at wala itong ginawa upang mapigilan si Phillip.
Pinagmasdan din niya si Adam, ang lalaking ipinalit nito sa kapatid niya. Ibang-iba ito sa kapatid niya. Isa itong tipikal na rockstar. Sa uri pa lang ng tingin nito, alam na niyang may pagka-playful ito. Masyadong mahaba at magulo ang buhok nito. Tila hindi ito marunong gumamit ng razor dahil mukhang ilang araw nang hindi naaahit ang stubbles nito. Ang kapatid niya ay kabaliktaran nito. Alex had always been neat and clean. Mas makisig ang kapatid niya kaysa rito.
Umiling siya. Hindi na dapat niya pinagkokompara ang dalawang lalaki. Wala nang saysay pa iyon. Wala na ang kapatid niya at hindi na ito babalik. Hindi niya nais isipin kung ano ang nararamdaman nito sa kasalukuyan habang nakikitang maligaya si Glanys sa piling ng bagong lalaki na minamahal nito. Pitong taon na mula nang maganap ang trahedya sa kanila. Dapat lang siguro na makapag-move on na ito.
Ako, kailan makakapag-move on? Kailan ko makakalimutan ang lahat ng tungkol kay Ashton Phillip Castañeda Tiamson?
“Mommy?”
Nag-angat siya ng tingin at ngumiti. Palapit sa kanya ang anim na taong gulang na anak niya. Ibinuka niya ang kanyang mga braso at tumakbo ito upang pumaloob doon. Ibayong ligaya ang nadama niya habang yakap ang kanyang anak. James was her sole source of happiness. Ito na lang ang mayroon siya.
Naglaro silang mag-ina sa hardin hanggang sa makita niyang patungo na rin sa kanila si Benito, ang kanyang asawa.
“Daddy!” masayang bulalas ni James nang tumakbo ito palapit dito.
Nakangiting kinarga ni Benito si James. “How’s my boy?” masiglang tanong nito sa bata.
Iniiwas niya ang kanyang tingin sa dalawa. Pinigilan niyang mapabuntong-hininga. Sa mata ng ibang tao, isa silang masaya at perpektong pamilya. Kung alam lamang ng lahat. She was married to Honarable Benito Escarlan, mayor of Sta. Catalina.
Nilapitan niya ang mga ito at tipid na nginitian si Benito. Bumeso lang siya rito. It was hardly a kiss. “Welcome home,” aniya.
Nginitian siya ng kanyang asawa ngunit walang mababakas na warmth doon. “Thank you,” anito sa malamig na tinig.
NAG-ANGAT ng tingin si Phillip nang bumukas ang elevator. Ang buong akala niya ay nasa ground floor na siya. Nasa seventh floor pa lamang pala siya. Napangiti siya nang pumasok sa elevator si Xander.
“Hey,” bati niya rito. “Gabi na, narito ka pa rin. Hindi ka ba hinahanap ng asawa mo?”
Nasa building siya ng mga Castañeda nang gabing iyon. Dumaan siya roon pagkagaling niya ng opisina niya upang kausapin ang Kuya Jeff Mitchel niya. Kinonsulta niya ito tungkol sa isang business venture na plano niyang pasukin. Pagdating sa pagnenegosyo, madalas siyang lumapit sa nakatatandang pinsan niya. His opinions mattered very much to him.
Xander was Travis’ younger brother. Ito ang kauna-unahang nag-asawa sa kanilang magpipinsan. He married his wife at a very young age. Madalas na hindi alam ng ibang mga tao ang pagiging married man nito. Hindi sa itinatago nito ang totoong status nito, hindi lamang naging magarbo ang kasal nito. He got married in haste. Ni walang naimbitahang kamag-anak. Basta pag-uwi nito sa bahay ng mga ito ay may bitbit na itong asawa. Kapag may nagtatanong naman ay sinasabi nito ang totoo.
“May tinapos lang ako sandali sa opisina, Kuya Phillip,” nakangiting tugon nito.
“Masyado kang workaholic. Give yourself a break,” aniya.
Napailing ito. “Look who’s talking,” natatawang sabi nito. “Gabi na rin pero narito ka pa sa building. Nasa itaas pa ba si Kuya Mitch? Isa rin `yon, eh. It runs in the family, huh?”
Sabay silang lumabas ng elevator. “Siyempre iba naman ako. I don’t have a wife. Habang wala pa, susulitin ko na ang pagiging workaholic. Yep, nasa itaas pa si Kuya Mitch. Tinatapos daw niya ang lahat ng kailangan niyang gawin dahil magli-leave siya. He’s going out of the country with Hannah.” Ang tinutukoy niya ay ang fiancée ng Kuya Jeff Mitchel nila.
Pagdating nila sa parking lot ay nagpaalam na siya rito. “Say ‘hi’ to Kila for me,” aniya na ang tinutukoy ay ang asawa nito.
Natigilan ito sa pagbubukas ng pinto ng sasakyan nito. “Kuya Phillip?” tawag nito sa kanya. Nagtatakang nilingon niya ito. Tila nagtatalo ang kalooban nito sa nais nitong sabihin. “Kuya Dudes and Kuya Travis are in Mahiwaga,” panimula nito. “Do you have time? Let’s have a drink.”
Alam niyang may problema ito base sa pananalita nito. Sa lahat ng mga pinsan niya sa mother side, ito ang pinaka-distant. Madalas ay mas gusto nitong mapag-isa at hindi pinapakialaman. Sa mga kapatid nito, ito ang pinakaseryoso sa lahat ng bagay. Kaya nga madalas nitong makaaway at makasagutan si Travis.
“Sure,” tugon niya. “Where?” Wala rin naman siyang gagawin pag-uwi niya sa unit niya. Malulungkot lamang siya habang inaalala ang nakaraan. He didn’t want to miss someone tonight.
Sinabi nito ang lugar at nag-convoy sila patungo roon. They got settled in a quiet bar. Nakumpirma niya na may problema si Xander nang maging sunod-sunod ang shot nito.
“We’re filing for an annulment,” anito bago pa man siya makapagtanong. “Should I let her go?”
Hindi niya alam ang kanyang isasagot. Hindi siya sanay na tinatanong siya nito nang ganoon. Xander rarely asked for help or advice. He usually knew the answer to everything.
Nagulat din siya sa nalaman niyang maghihiwalay na ito at ang asawa nito. Sa mga family gathering lamang niya madalas na nakikitang magkasama ang dalawa, ngunit tuwing nakikita niya ang dalawa ay tila maayos naman ang mga ito at walang problema. Ano ang maaaring maging problema ng mga ito na kinailangang mauwi sa paghihiwalay?
“I want her to be happy, Kuya.”
Inisang-lagok niya ang laman ng baso niya at humingi pa siya ng isa sa bartender. Dahil sa narinig niya mula sa pinsan niya ay naalala niya si Sassa. Tila flash flood na rumagasa ang mga alaala ng nakaraan. He remembered how beautiful she was. He missed her so much.
“Wala tayong kontrol sa sitwasyon minsan. Hindi natin kayang piliin kung sino ang mamahalin ng puso natin. The heart is an involuntary muscle. Madalas, hindi natin alam kung bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo, `yong partikular na taong `yon ang minamahal natin. Hindi natin maintindihan kung bakit siya pa rin sa kabila ng lahat. Kaya naman nating pumili kung paano mamahalin ang isang tao. Sometimes, we love a person by not being with them. Kahit naman wala na siya sa tabi mo ay hindi ibig sabihin n’on ay hindi ka na maaaring magmahal. Gano’n talaga. Hindi naman lahat ng tao sa mundo ay masaya. Hindi lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa ay maganda. Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ka sasagutin sa tanong mo. Hindi ko naman alam ang buong sitwasyon. Sa palagay ko, walang makakasagot niyang tanong mo kundi ikaw rin lang. Alam mo sa sarili mo ang sagot. Ako, I hurt a woman years ago. I let her go. I left her. I don’t know where she is now. Alam kong nasaktan ko siya nang sobra noon pero kailangan kong gawin, eh. Kinailangan ko siyang iwan. Kinailangan kong pumili.”
“Do you regret it?”
Napangiti siya nang mapait. “I’ve missed her every single day in the last seven years. But I’ve chosen to love her that way. Hindi ko pa rin alam kung tama o mali ang ginawa ko hanggang ngayon.” Natawa siya. “I’m sorry, `insan, kung wala akong matinong maipapayo sa `yo. I don’t know.”
Tinapik nito ang balikat niya. “It’s okay, Kuya Phillip,” anito sa nakakaunawang tinig. Pinagpingki nito ang mga baso nila. “Tama ka, hindi lahat ay nagiging masaya. Hindi marahil tayo nakatakda na maging katulad ng mga pinsan natin na masaya sa buhay-pag-ibig ngayon.”
Tumango siya. Malaking konsolasyon na sa kanya na maligaya at muling umiibig si Glanys, ang kanyang nakababatang kapatid. Masaya na ito sa piling ni Adam. Dati ay hindi ito umaalis ng Mahiwaga. Ikinulong nito ang sarili sa probinsiya sa loob ng maraming taon. Ngayon ay kasa-kasama na ito ni Adam sa mga tour ng banda nito. Hinahayaan na nitong makunan ito ng mga larawan. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na niya itong nakita sa TV, magazines, at peryodiko. She was smiling all the time. Hindi ito naiilang kahit na nalalantad ito sa madla. She was now proud to tell the world she was in love.
Kahit man lang isa sa kanilang magkapatid ay may masaya.