“DUDE, awat na at baka madatnan kayo ni Lola dito,” saway ni Phillip kay Travis na akmang susuntukin na ang kapatid nitong si Xander. Nitong mga nakaraang araw ay madalas na nagkakainitan ang magkapatid.
“Eh, `yan, eh!” naiinis na sabi ni Travis habang dinuduro si Xander. “Wala nang pinapakinggan. Para sa kabutihan naman niya ang sinasabi ko.” Tumingin ito sa kapatid nito. “Masasaktan ka lang sa babaeng `yon. Hindi ka niya seseryosuhin.”
“Hindi lahat ng babae katulad ni Yvonne, Kuya,” nanunuyang sabi ni Xander.
Maagap niyang napigilan si Travis bago pa man nito masugod ang kapatid nito. “Layuan mo muna ang kuya mo, Xander,” aniya sa nakababatang pinsan. Sa hitsura nito ay hindi nito uurungan ang kapatid nito.
“Hindi matino ang babaeng gusto mong pakasalan, Xander!” singhal ni Travis dito.
“Shut up!” naiinis na sabi niya rito. Inaawat na nga ito ay sige pa rin ito nang sige.
Nagpasalamat siya na tinalikuran na sila ni Xander at naglakad ito palayo. Itinulak niya si Travis. “Kumalma ka nga. May masosolusyunan ba diyan sa ginagawa mo? Lalo lang maiinis sa `yo ang kapatid mo, lalong hindi makikinig.”
“Bahala siya kung ayaw niyang makinig! Sirain niya ang buhay niya. Magpakasal siya sa babaeng `yon!” Pagkasabi niyon ay nilayasan na rin siya nito.
Napabuntong-hininga na lang siya habang tinatanaw niya ito. Ilang araw nang nagkakairingan ang magkapatid. Ang totoo, naaawa na siya kay Xander dahil kalaban nito ang lahat sa pamilya nito. Naiintindihan niya ang nais na iparating ni Travis sa kapatid ngunit hindi maganda ang approach nito.
“Nakakainis na talaga ang dalawang `yan.”
Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig. Kaagad niyang sinalubong ang Lola Ancia niya. Nakasimangot ito kaya alam niyang narinig at nakita nito ang pagtatalo at muntik nang pag-aaway ng magkapatid.
“I’m sorry,” aniya.
Natatawang ginulo nito ang buhok niya. “You’re sorry about what?”
“I’m sorry you had to see that,” malungkot na sabi niya rito. Tuwing bakasyon na nga lamang sila nito nakikita ay madaratnan pa nitong nag-aaway ang dalawang apo nito.
Banayad itong natawa. Marahan nitong tinapik ang kanyang pisngi. “Do you think I can’t handle something like that? I’m not that old, apo. I’m don’t break that easily. Hindi mahina ang puso ko sa mga ganyan. Hindi naman palaging masaya. Kahit na gusto kong palagi kayong magkakasundo na magkakapatid at magpipinsan, hindi naman maaari iyon. Natural na hindi magkaintindihan minsan, magkaaway-away. Parte iyon para mas gumanda at mas tumibay ang kahit na anong relasyon. I’m okay, apo. Don’t worry. Thank you.”
Napangiti siya nang matamis. Naglalambing na yumakap siya rito.
Gumanti ito ng mahigpit na yakap. “Sana ay dalasan mo ang pagbabakasyon dito, apo. Naiintindihan ko na kailangan ka rin ng Lolo Aurelio mo pero sana ay tagalan mo ang stay mo rito. Masyado kang pinapahirapan ng lolo mo sa mga responsibilidad na hindi mo pa dapat iniisip ngayon. You’re still young. Dapat ay nae-enjoy mo pa ang kabataan mo. Hindi iyong hindi ka pa man nakaka-graduate ay kung ano-anong trabaho na ang ipinapagawa niya sa `yo.”
Nagkibit-balikat siya. “It’s necessary.”
“It’s not necessary. Magiging mahusay kang negosyante kahit na hindi ka niya pagtrabahuhin na crew sa isang fast-food branch. Hindi na naawa sa `yo ang Lolo Aurelio mo. Ulyanin na rin siguro kaya kung ano-ano ang ipinapagawa sa `yo.”
Natawa siya nang marahan. Naikuwento na niya rito ang bagong trabaho niya. Isa siyang crew sa isang fast-food restaurant. Ang sabi ng lolo niya, dapat ay maranasan naman niya kung paano ang magtrabaho na may mababang posisyon upang maranasan din niya ang mahirapan. Upang mas pahalagahan daw niya ang mataas na posisyon na hindi nito basta-basta ibibigay sa kanya.
Maraming negosyo ang kanyang lolo, isa lamang doon ang fast-food restaurant. Pinakamalaki ang electronics company nito. He had a lot. Pulos mga lalaki ang naging anak nito kaya hindi ito nahirapan na palaguin nang husto ang kayamanan nito. Siniguro din nito na ang pakakasalan ng mga anak nitong lalaki ay galing sa mga prominenteng pamilya sa bansa. To his grandfather, marriage was also a business to invest in.
Kahit na hindi nito sabihin nang lantaran, alam niyang dismayado ang kanyang abuelo dahil nag-iisa lamang siyang lalaki sa mga apo nito. Lahat ng naging anak ng mga tiyuhin niya ay pulos mga babae. Bata pa lamang siya ay sinasabi na nito kung gaano kabigat ang magiging responsibilidad niya balang-araw.
“I enjoy working naman po,” tugon niya. Nagsasabi naman siya nang totoo rito. Naaaliw siya sa mga taong nakakasalamuha niya na hindi alam ang totoong estado ng buhay niya. Mas madali niyang nalalaman kung ano ang mga pangunahing kailangan at reklamo ng mga tauhan. Mas madali rin niyang nalalaman ang maliliit na problema na maaaring maging malaki kapag hindi kaagad nasolusyunan. Sa katunayan, pagkatapos ng bakasyon niya sa Mahiwaga ay magsisimula na siya sa bagong branch ng fast-food restaurant. Natapos na ang “kontrata” niya sa unang branch na pinaglagakan sa kanya ng lolo niya. Ang akala pa naman niya, kahit paano ay aangat ang posisyon niya. Ngunit crew pa rin pala siya.
Okay lang iyon sa kanya dahil nasanay na siya sa pag-iimis ng kalat sa mga mesa at pagma-mop ng sahig.
“May punto naman talaga ang lolo mo sa ginagawa niya pero dapat ay hinay-hinay lang. Malapit ka nang magtapos, hindi ba? Dapat ay naka-focus ka na lang muna sa pag-aaral mo.”
“Kaya ko po. I can keep up.”
Mataman siyang tinitigan nito. He gave her a reassuring smile. May tendency ito na mag-alala nang husto pagdating sa mga apo nito. Masyado na itong maraming alalahanin upang makadagdag pa siya. Matanda na ito upang mag-alala.
“Kapag may problema, tatawag ka sa `kin, ha?” napapangiti na ring sabi nito. “Kapag nahihirapan ka na at kailangan mo ng tulong o kausap, lola will always be here for you. You already know that, right?”
Tumango siya nang sunod-sunod. Lubos siyang nagpapasalamat dahil mayroon siyang lola na katulad nito.
“I promise,” aniya kahit na alam niya sa kanyang sarili na kapag nagkaproblema siya ay susubukan muna niyang solusyunan nang mag-isa bago niya sabihin dito. Kapag wala na talaga siyang choice, saka lamang siya hihingi ng tulong dito.
He was raised that way. Pinalaki sila ni Glanys ng kanilang ina na palaging sumusunod sa mga rule. Palaging may parusa kapag hindi sila sumusunod. Wala raw silbi ang mga rule kung hindi raw nila susundin. Kahit na munting rule na “keep off the grass” ay sinusunod nilang magkapatid noong maliliit pa sila. Pinalaki sila ng kanyang ina na may takot sa mga consequence kapag hindi sumunod sa rules.
Lumaki rin siya na namulat sa responsibilidad ng nag-iisang lalaking apo ng Lolo Aurelio niya. He had to be the best at all things. Kailangan ay numero uno siya sa lahat ng bagay. Sa lahat ng sasalihan niyang contest ay dapat na manalo siya. Dapat ay manguna siya sa klase. He had to constantly push himself.
Minsan, napapagod na siya nang husto. He was only twenty but he could already feel the weight of his humongous responsibility. He had no right to screw things up. Hindi siya maaaring magpakita ng hindi magandang ugali dahil baka may masabi ang ibang tao sa kanya, sa kanilang pamilya.
Bata pa lang sila ni Glanys ay ipinaintindi na sa kanila ng kanilang ina kung bakit hindi nila maaaring bigyan ng kahihiyan ang mga Tiamson at Castañeda. Sinabi nito sa kanila ang kuwento niyon. Produkto ang kanilang ina ng isang pagkakamali. Hindi ito totoong anak nina Lola Ancia at Lolo Andoy. Lahat naman ng tiyuhin niya ay hindi tunay na anak ng grandparents niya sa ina. Walang kakayahang magbuntis si Lola Ancia. Ang mga tiyuhin niya ay anak ng kapatid ni Lolo Andoy na namatay nang maaga. Wala mang nagsasabi sa kanila, alam nilang magkapatid na naiiba sila sa mga Castañeda. Tanging sila ang hindi kadugo ng mga ito.
Wala naman silang mairereklamo sa pamilya nila. They loved them so much. Ramdam na ramdam niya ang pagmamahal na iyon. Hindi ipinaramdam ng mga ito sa kanila na naiiba silang magkapatid. Maayos ang relasyon niya sa mga pinsan niya. Hindi ipinagdadamot sa kanya ang mga naitatag na negosyo at kompanya ng pamilya. Kusa lamang siyang nagbibigay hindi dahil naiisip niya na hindi siya karapat-dapat sa kayamanan ng mga Castañeda. Ayaw lamang niya ng mga karagdagang responsibilidad. There was just too much on his shoulders already.
He was happy with his family. He loved them so much. Pinalaki siya ng mommy niya na pinapahalagahan ang pamilya kaysa sa kahit anong bagay sa mundo. Ang sabi nito, kaya siyang iwan ng lahat, maliban sa mga kapamilya niya.
Lahat ay gagawin niya para sa mga ito. Isasakripisyo niya ang lahat para sa kaligayahan ng mga kapamilya niya. Kakalabanin niya ang lahat para sa ikabubuti ng mga ito.