UMILING si Sassa sa Kuya Alex niya nang abutan siya nito ng pera. “May pera pa naman ako, Kuya,” nakangiting sabi niya.
Pilit nitong inilagay sa kamay niya ang nakatuping pera. “Sige na, tanggapin mo na. Nag-tutor ako noong nakaraang linggo. Extra income din. Matagal na kitang hindi nabibigyan ng allowance mo.” Kaagad niyang nasagap ang guilt sa tono nito.
Bisita niya ito nang hapong iyon sa boardinghouse niya. Hindi sila nakatira sa iisang boardinghouse dahil magkalayo ang pinapasukan nilang eskuwelahan. Nasa ikatlong taon na siya sa kanyang kurso na Education. Ito naman ay isang guro sa isang pribadong high school. He was a very good teacher.
“Ikaw naman ang nagbabayad ng tuition fee ko, eh. Ako na ang bahala sa allowance at pambayad ko sa boardinghouse.” Ibinalik niya rito ang pera ngunit ayaw na nitong tanggapin iyon. May natitira pa siyang pera mula sa huling suweldo niya. Natapos na kasi ang kontrata niya sa pinapasukan niyang pizza parlor. Nakapag-apply naman na siya sa iba. Ang dalangin niya ay sana makahanap kaagad siya ng mapapasukan upang hindi gaanong mahirapan ang kuya niya.
“Kunin mo na, Sassa,” pamimilit nito. “`Wag ka nang masyadong mag-alala. Napadalhan ko na sina Pilita sa probinsiya. Para sa `yo talaga `yan.”
Ibinulsa na niya ang pera. “Salamat, Kuya.” Iipunin na lang niya marahil iyon upang kaunti na lang ang idadagdag niya sa pambayad sa boardinghouse.
Ang inaalala niya ay sina Pilita sa probinsiya. Asawa ito ng kuya niya. May dalawang taong gulang na anak na lalaki ang mga ito, si Conner. Alam niya na napilitan lamang ang kuya niya sa pagpapakasal ngunit wala itong nagawa dahil buntis na si Pilita. Nilasing ni Pilita ang kapatid niyang hindi naman sanay na uminom at inakit ito. Siniguro nitong fertile ito nang mga panahong iyon kaya nagbunga ang minsang nangyari sa mga ito.
Naiinis siya sa hipag niya ngunit wala na siyang magagawa pa dahil sa pamangkin niya. Mahal na mahal ng kapatid niya ang anak nito at ganoon din siya. Kaya nga ito nagsusumikap sa Maynila ay dahil nais nitong mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak nito.
Naiinis siya sa hipag niya dahil pakiramdam niya ay inagawan nito ng magandang kinabukasan ang kapatid niya. Matayog ang pangarap ng Kuya Alex niya. Mula nang mamatay ang mga magulang nila sa isang aksidente, kumayod na ito para sa kanila. Katu-katulong ito ng lola nila sa paghahanapbuhay. Nagpursigi itong makapag-aral kahit na hirap na hirap sila sa buhay. Ang nais din kasi ng lola nila ay makatapos silang magkapatid dahil iyon daw ang pangarap ng mga magulang nila para sa kanilang dalawa. Hindi pa man nakakatapos ang kuya niya sa kursong Education ay pumanaw na ang lola nila.
Nagkaroon sila ng malaking utang na pinansiyal at malaking utang-na-loob kay Ernesto Datuin, ang barangay captain sa kanilang baryo sa Sta. Catalina at ama ni Pilita. Naipalibing nila ang lola nila dahil sa malaking halagang ipinahiram nito sa kanila. Mas nagsumikap ang kuya niya upang makatapos. Determinado itong umunlad. Hindi niya alam na lumaki nang lumaki ang utang nila sa ama ni Pilita. Nag-aaral din kasi siya at marami rin siyang gastusin.
Kaya naman hindi na nakatanggi ang kuya niya nang ipakasal ito kay Pilita. Burado na raw ang lahat ng utang nila rito. Basta maging mabuti lamang itong asawa sa anak nito. Sa palagay nga niya ay sadyang napipisil nito ang kuya niya para sa anak nito kaya sinadya nitong ibaon sila sa utang upang hindi na makawala ang kapatid niya.
Ang kuya niya ang pinakamatinong lalaki sa buong Sta. Catalina. Ito ang may pinaka-potential na umasenso, alam iyon ng lahat. Alam din ng lahat kung gaano ito kasipag at kadeterminado. Bukod sa matalino at madiskarte sa mga bagay-bagay, magandang lalaki rin ang kapatid niya. Mailap ito sa mga babae kaya mas hinahangad itong makuha ng marami.
Nakapagtapos ang kuya niya dahil na rin sa tulong ng pamilya ni Pilita. Mahirap mang tanggapin, pumisan sila sa pamilya ng hipag niya. Bumawi naman ang kapatid niya. Nang magtapos ito ay kaagad itong naghanap ng trabaho upang masustentuhan nito ang pamilya nito. Hindi rin nagtagal ay nagpasya itong lumuwas sa Maynila. Mas marami raw oportunidad sa lungsod at mas malaki ang kikitain nito.
Ayaw pumayag ni Pilita ngunit nagpumilit ang kuya niya. Nagpasalamat siya na isinama siya nito. Pilit na sumasama rin si Pilita, ngunit nangatwiran ang kuya niya na mahihirapan sila sa mga gastusin. Wala pa itong trabaho noon. Sinabi nitong tutulong siya sa pagtatrabaho sa lungsod upang makaluwag-luwag sila.
Inakala rin niya noong una na magtatrabaho nga siya sa lungsod at hindi mag-aaral. Nagulat na lang siya nang sabihin nito na mag-aaral siya. Kahit daw mahirap ay tutustusan nito ang pag-aaral niya. Bago ito matanggap na guro sa isang pribadong high school ay kung ano-ano ang naging trabaho nito. Kung maaari lamang nitong gawing umaga ang gabi ay ginawa na nito. Lahat ng puwedeng maging raket ay pinasok nito upang kumita lang ito ng pera.
Upang hindi gaanong makabigat, nagtrabaho rin siya. Regular kasi ang pagpapadala nito sa probinsiya. Alam niyang hindi biro ang hirap nito upang maibigay nito ang lahat ng pangangailangan nila. Hanggang sa kaya niya ay hindi siya humihingi rito. Hanggang sa may magagawa siyang paraan, siya muna ang nagbabayad ng mga gastusin niya.
“Kumusta ang pag-aaral mo?” tanong nito.
“Okay naman, Kuya. Hindi ko pinapabayaan. Magtatapos ako. Magiging teacher din ako balang-araw, parang ikaw.”
Idol na idol niya ito. Mataas ang tingin niya rito. Para sa kanya, ito na ang pinakamatino, pinakamabait, at pinakaguwapong lalaki sa buong mundo. Kung may buhay na Prince Charming, ang Kuya Alex na niya iyon.
Inakbayan siya nito. “Pagsumikapan mong makatapos. Gusto kong matupad ang lahat ng mga pangarap mo. Gusto kong maging masaya ka.”
“Pangako, Kuya,” aniya sa mariing tinig. Lahat ng ikaliligaya nito ay gagawin niya. Ito na lang ang natitirang pamilya niya. Tutuparin niya ang lahat ng pangarap nitong hindi nito natupad para sa sarili nito.