NAGISING si Sassa dahil sa pagyugyog sa mga balikat niya. Hindi niya namalayan na nakatulog na siya habang nagbabantay sa anak niya. Pakiramdam niya ay kapipikit lamang niya. Nananakit pa rin ang buong katawan niya. “My God, are you okay, Sassa? Can you hear me? Wake up, please.” Nagtatakang napatingin siya sa yumuyugyog ng mga balikat niya. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang nag-aalalang mukha ni Marione. Ano ang ginagawa nito sa silid ng anak niya? Paano ito nakapasok sa bahay nila? Dinala ba ito ni Benito roon? “Can you hear me? Are you all right?” tanong nito sa kanya habang maingat na hinahawi ang buhok na tumatabing sa mukha niya. Base sa ekspresyon ng mukha nito, alam niya na kalunos-lunos ang hitsura niya nang mga sandaling iyon. Tumango siya. “B-bakit ka narito?”

