NAKANGITI si Sassa habang naghihintay ng jeep pauwi sa boardinghouse na tinutuluyan niya. Bagong suweldo siya kaya masaya siya. Nakatayo siya malapit sa fast-food restaurant na pinagtatrabahuhan niya.
Malapit na ang kaarawan ng kapatid niya at nais niya itong bigyan ng magandang regalo. Basta na lang kasi nito pinapadaan ang birthday nito taon-taon. Wala na itong nabibili para sa sarili nito. Ang lahat ng kinikita nito ay ibinibigay nito sa kanya o sa pamilya nito sa probinsiya.
Paparahin na sana niya ang jeep na parating nang biglang may sumulpot na lalaki mula sa kung saan at hinablot ang bag niya. Sa sobrang pagkasindak niya ay hindi niya nagawang tumili. Pinanood lang niya ang pagtakbo ng kawatan palayo sa kanya, tangay-tangay ang bag niya.
Natauhan lang siya at bigla na lang nanlaki ang kanyang mga mata nang may humabol sa lalaking humablot ng bag niya. Kahit na nakatalikod ito, nakilala niya ito. Si Ashton. Mabilis na inabutan nito ang kawatan. Dinamba agad nito ang snatcher at parehong bumagsak ang mga ito. Naunang nakatayo si Ashton at kaagad na binawi ang bag niya. Sisipain pa sana ni Ashton ang lalaki ngunit nakailag ito. Nakatayo ito ngunit hindi na sumubok lumaban. Kumaripas na ito ng takbo palayo.
Akmang susunod si Ashton ngunit tinawag niya ito. Tumakbo siya palapit dito.
“Huwag na,” hinihingal na sabi niya. “Okay na. Baka mapahamak ka pa. Ang importante, nabawi mo ang bag ko.” Kinuha agad niya ang bag niya mula sa kamay nito at binuksan. Tiningnan niya kung naroon pa rin ang sinuweldo niya. Nakahinga siya nang maluwag nang masigurong buo at walang nabawas sa pera na nasa isang maliit na brown envelope. Nginitian niya nang matamis si Ashton. “Maraming salamat.”
Nawala ang galit sa mukha nito nang ngumiti siya. Nakatingin lang ito sa kanya at walang sinabing ano man.
Kumunot ang noo niya. Nailang siya sa paraan ng pagkakatingin nito sa kanya. “Okay ka lang? Hindi ka ba nasaktan?”
Tila ito naman ang biglang natauhan. Tumikhim ito at tumingin sa ibang direksiyon. “I’m okay. Ikaw, okay ka lang?” tanong nito habang hindi tumitingin sa kanya.
Tumango siya. “Maraming salamat talaga, ha? Hindi ko alam ang gagawin ko kung tuluyang natangay ang suweldo ko. First time kong maranasan ito. Matagal-tagal na rin akong nandito sa Maynila pero ngayon lang ako muntik na mabiktima ng snatcher. Thank you, ha?”
Napangiti na ito. Halos matulala siya habang nakatingin dito. Ang guwapo talaga nito, lalo na kapag ngumingiti na ito nang ganoon.
“Dalawang ulit ka nang nagpapasalamat. Walang anuman, Alessandra,” anito habang hindi nabubura ang ngiti sa mga labi nito.
Tila ang ganda ng buong pangalan niya nang ito ang bumigkas. Wala pang bumibigkas nang ganoon sa pangalan niya. Tila may ekstrang tamis at lambing.
“S-Sassa,” nahihiyang sabi niya.
“Huh?” Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito na napatingin sa kanya.
“‘Sassa’ ang tawag sa `kin ng lahat,” aniya. Hindi na siya sanay na tinatawag na “Alessandra.” Ang mga professor lang niya sa eskuwelahan ang tumatawag sa kanya sa buong pangalan niya.
Bumalik ang ngiti sa mga labi nito. “Bakit?”
“Bakit ‘Sassa’?”
Tumango ito. “Ang ganda ng buong pangalan mo. Bakit `yon ang palayaw mo?”
Nagkibit-balikat siya. Tumimo na sa kanya na iyon ang unang pagkakataon na nagkausap sila. “Noong nag-uumpisa raw akong magsalita, hindi ko raw mabigkas ang buong pangalan ko. Palaging ‘Alessa...sa.’ Ang kuya ko raw ang nagbigay ng nickname na ‘Sassa’ sa `kin. Mula noon, `yon na ang tawag sa `kin ng lahat. Nakasanayan ko na.” Kahit na sa nameplate niya ay “Sassa” lang ang nakalagay.
Natutuwa siyang makakuwentuhan ito. Hindi na niya maramdaman ang sindak at takot na kanina lang ay nararamdaman niya. Tila nais pa nga niyang magpasalamat sa snatcher dahil sa wakas ay nakakausap na niya nang ganoon si Ashton.
“Cute,” anito.
Wala siyang maisip na puwedeng itugon. Tila hindi rin naman niya nais na magsalita. Mas gusto niyang pagmasdan na lang ang guwapong mukha nito.
“Saan ka ba umuuwi? Ihahatid na kita at baka mapahamak ka na naman,” anito kapagkuwan. “Is it okay with you? Sana ay pagkatiwalaan mo ako.”
Hindi na siya nag-isip. “Sige,” sagot niya. Hindi na sumagi sa isip niya na hindi pa sila gaanong magkakilala. Kahit na magkasama sila sa trabaho ay hindi sila gaanong nagkakausap. Sa katunayan, ngayon lang sila talagang nagkausap mula nang una silang magkita.
Ang tanging nasa isip niya nang mga sandaling iyon ay nais niya itong makasama. Nais pa niya itong makausap. Hindi pa siya handang mahiwalay rito. Tila may munting tinig din naman na nagsasabi sa kanya na walang masamang mangyayari sa kanya kapag ito ang kasama niya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit lubos na ang pagtitiwala niya rito.
Pumara siya ng jeep bago pa man magbago ang isip nito at bago pa man siya mahiya. Tila nag-aalangan itong sumakay sa jeep ngunit sumakay pa rin ito. Tiningnan pa nito ang mga pasahero sa loob ng jeepney bago nito hinugot ang wallet nito sa bulsa. Naglabas ito ng buong limang daan. Akmang magbabayad na ito nang pigilan niya ang kamay nito.
“Wala kang mas maliit na bill?” tanong niya.
Umiling ito. “This is the smallest—ito na ang pinakamaliit kong bill sa wallet. Hindi ko rin naman kasi alam kung magkano ang pamasahe hanggang sa inyo.”
Natawa siya. “Ako na ang magbabayad. May barya ako.” Nagbigay siya ng buong beinte pesos sa driver. Bagong suweldo rin ito kaya marahil wala itong barya. Nagpasalamat siya sa driver nang ibigay nito ang sukli niya.
“T-thanks.”
Pinagmasdan niya ito. Tila hindi ito mapalagay sa kinauupuan nito. Patingin-tingin ito sa paligid, sa dinaraanan nila. Hindi niya masabi kung naiilang ito o ano. Tila kasi iyon ang unang pagkakataon na nakasakay ito sa isang jeepney.
“Okay ka lang?” tanong niya.
Tumango ito. “Of course.”
Natutuwa siya sa pagsasalita nito. Iba ang pagkakabigkas nito sa mga Ingles nito. Tila gamay na gamay nito ang wika. Parang sosyal na sosyal sa pandinig niya at hindi katulad ng iba na trying hard.
Hindi sila gaanong nakapag-usap habang nakasakay sa jeep kaya laking dismaya niya. Pilit siyang nag-iisip ng mga bagay na maaari nilang mapag-usapan ngunit tila nablangko bigla ang isip niya. Tila mas gusto niyang pagmasdan na lang ito. Halos hindi niya mapaniwalaan na kasama niya ito sa kasalukuyan, na malapit siya rito at halos abot-kamay lang niya.
Napapansin din niya na halos lahat ng mga nakasakay sa jeepney ay napapatingin dito. Kakaiba kasi talaga ang presence nito.
Napalabi siya nang mapansin na malapit na sila sa boardinghouse niya.
“Dito na tayo,” sabi niya kay Ashton bago siya pumara. Nauna siyang bumaba bago ito sumunod sa kanya. Hindi na niya napigilan ang mapabuntong-hininga pagkababa niya ng jeep. Hindi niya maiwasang itanong kung magkakausap pa ba sila kinabukasan sa trabaho. Baka bumalik na naman ito sa pagiging tahimik at unreachable.
“Dito na ako,” aniya habang itinuturo ang bahay na tinutuluyan niya. Pinilit niya ang kanyang sarili na ngumiti. “Safe na ako rito. Wala na sigurong snatcher na bigla na lang hahablot ng bag ko.” Ayaw pa sana niyang magpaalam, ngunit gabi na rin. Kailangan na rin naman nitong umuwi.
Tumango-tango lang ito at walang sinabing ano man.
“Paano, papasok na ako sa loob?” aniya kahit na labag na labag iyon sa kalooban niya. “Gusto sana kitang papasukin pero tapos na ang visiting hours. Mahigpit ang landlady ko sa mga bisita ng boarders niya, lalo na kung lalaki. Ingat ka sa pag-uwi.” Nag-umpisa na siyang lumakad patungo sa gate.
“Goodnight,” anito sa mahinang tinig.
Laglag ang mga balikat na binuksan niya ang gate.
“Ahm... Sassa?”
Nilingon agad niya ito. Ayaw man niya, tila nabuhayan siya ng loob. Hindi siya nagsalita. Hinintay lang niya ang sasabihin nito sa kanya.
Tila nag-aalangan ito at hindi malaman kung paano mag-uumpisa. “Ahm...” Tumikhim ito at luminga sa paligid. Nakikita niyang hindi ito komportable. Nababasa rin niya sa kilos nito na tila hindi nito mapaniwalaan na nagkakaganoon ito.
Hindi pa rin siya nagsabi ng ano man kahit na nais na niya itong tanungin kung bakit siya nito pinigilan sa pagpasok.
“I... I feel bad for—Nahihiya ako na ikaw pa ang nagbayad ng pamasahe natin kanina,” anito habang alanganing nakangiti.
Natawa siya. “Ano ka ba? Wala pang beinte pesos `yong binayaran ko. Okay lang. Huwag mong intindihin `yon.”
Muli itong luminga-linga sa paligid. “May oras ka pa ba? Gusto mo bang kumain muna? Treat ko para makabawi naman ako.”
Hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Napangiti siya nang matamis. May oras pa naman siya bago ang curfew niya. “Sigurado ka?”
“May malapit bang kainan dito?” Nakangiti na rin ito sa kanya.
Muli niyang isinara ang gate at nilapitan ito. “Matakaw ako.” Sinong babae ba ang makakatanggi sa lalaking ito? Ayaw na niyang palagpasin ang pagkakataon na makasama ito nang mas matagal.
Lumapad at tumamis ang ngiti nito. “Lead the way, Madam.”