NAPANSIN ni Sassa na medyo alangan si Ashton sa karinderya na pinagdalhan niya rito. Palinga-linga ito sa loob niyon. Dinala niya ito sa karinderya na malapit sa boardinghouse niya. Bukas iyon hanggang hatinggabi. Palaging maraming customer doon dahil masarap ang barbecue at Bicol express ng mga ito. Mura pa roon at napapalibutan iyon ng mga dorm at boardinghouse.
“Masarap dito,” sabi niya. Hinihintay nila ang order nilang chicken barbecue. “Kapag natikman mo ang barbecue nila, babalik-balikan mo.”
Tumango ito. “Ngayon lang kasi ako nakapasok sa ganitong restaurant.”
“Talaga? Bakit naman?”
Tumikhim ito. “May nagluluto kasi sa bahay namin.”
“Nanay mo?”
Tumango ito. “Hanggang kaya, sa bahay ako kumakain. Masarap magluto si Mommy, eh.”
Naisip niya na katulad ito ng kuya niya na iuuwi ang gutom upang hindi na ito mapagastos masyado sa labas. “`Buti ka pa, may mommy pa, ako wala na. Mabait ba ang mommy mo?”
“Yeah, super.” Nagkuwento ito ng tungkol sa mommy nito, pati na rin tungkol sa daddy nito.
Fascinated na nakinig siya sa mga ikinukuwento nito tungkol sa pamilya nito. Hanggang sa dumating ang order nila ay walang puknat ang kuwentuhan nila. Hindi naman pala ito gaanong tahimik. May kadaldalan din naman pala ito. Sa umpisa lang talaga marahil ito reserved. Kapag nasanay na ito sa company ng isang tao ay lumalabas na ang pagiging madaldal at friendly nito.
Tila nagustuhan nito ang barbecue roon dahil nagpaihaw pa ito nang maubos nila ang mga order nila. Nagkuwentuhan sila tungkol sa mga pamilya nila. Napakarami niyang nalaman tungkol sa pamilya nito. May nakababata raw itong kapatid na babae na malapit nang magtapos sa high school. Nasa mga mata nito ang fondness habang nagkukuwento tungkol kay Glanys. Tila nakikita niya ang kuya niya sa katauhan nito.
Bahagya siyang nainggit dahil base sa mga kuwento nito ay kabilang ito sa isang malaking pamilya. May lola raw ito sa probinsiya na mahal na mahal nito. Buhay pa rin ang lolo nito sa ama na siya raw nakasuporta palagi rito. Naikuwento rin nito ang ilang bagay tungkol sa malalapit nitong pinsan.
Enjoy na enjoy siya sa kuwentuhan nila at ayaw na sana niyang matapos ang lahat, ngunit hindi naman maaari. Pareho pa silang may pasok sa unibersidad kinabukasan. Labag man sa kanyang kalooban, kailangan nilang maghiwalay.
“Maraming salamat sa libreng barbecue,” aniya habang nasa harap na uli sila ng boardinghouse niya. “Ingat ka sa pag-uwi, ha. Saan ka ba umuuwi?”
“D-diyan lang. Sige na, pumasok ka na para makapagpahinga ka na. Thank you for trusting me, for being with me. Goodnight.”
Nginitian niya ito. “Goodnight.” Pumasok na siya sa loob ng bahay.
Pagdating sa kanyang silid ay ibinagsak agad niya ang kanyang sarili sa kama. Niyakap niya nang mahigpit ang unan niya. Hindi niya maipaliwanag ang kaligayahang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Apaw na apaw at tila hindi niya kayang i-contain. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang epekto sa kanya ni Ashton samantalang ngayon lang sila nagkausap at nagkasama nang matagal.
“Alam ko `yang ganyang klase ng ngiti,” nanunudyong sabi ni Claire, ang roommate niya. Hindi niya ito napansin pagpasok niya sa silid nila. Nakaupo ito sa kama nito at abala sa pagbabasa. Hindi niya namalayan na kanina pa ito nakatingin sa kanya. “In love yata ang bruha kong roommate,” panunudyo pa nito.
Natigilan siya. Sandaling nagkasalubong ang mga kilay niya. In love? Masyado pang maaga para doon. Masyadong malalim ang “love” upang masabi na iyon na nga ang nararamdaman niya para kay Ashton.
Umupo siya sa kanyang kama habang yakap-yakap pa rin ang unan. “Crush lang, bruha,” nakangiting sabi niya.
HINDI mabura ang ngiti sa mga labi ni Ashton kahit na nakauwi na siya sa kanilang bahay. Nag-taxi na lang siya pauwi. Bukas na lang niya kukunin ang kotse niya sa parking lot ng isang building na pag-aari ng lolo niya. Malapit lang iyon sa fast-food restaurant na pinapasukan niya.
Hindi niya mapaniwalaan ang nangyari sa kanya nang araw na iyon. Hindi niya inakalang makakasakay siya sa jeep at makakakain sa isang karinderya sa unang pagkakataon. It was fun. If he were to be more honest with himself, he would say it was fun because he was with Alessandra.
Mula nang unang araw silang nagkita—nang araw na magkabanggaan sila—halos hindi na ito maalis sa isip niya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit ganoon na lang ang atraksiyon na nadarama niya rito. She was very beautiful. He loved the color of her skin. He loved her simplicity. He loved the way she smiled. May isa at malalim itong dimple sa kanang pisngi.
Hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na titigan ito kapag nginingitian nito ang mga customer nila. He adored her dimple. Lalong tumitingkad ang kagandahan nito kapag lumalabas ang dimple na iyon. Ilang araw din siyang nag-alangan na lapitan ito.
He had met a lot of women. He had also dated a lot, too. Hindi siya kailanman naging torpe sa isang babae. Ngayon lang. Nag-aalangan siya dahil sa kasalukuyang trabaho niya sa fast-food restaurant. He didn’t want to be so involved. Ayaw niyang nagsisinungaling masyado tungkol sa totoong estado niya.
Hanggang maaari ay ayaw niyang malaman ng iba na apo siya ni Aurelio Tiamson, na siya ang tagapagmana nito. Tanging ang supervisor nila ang nakakaalam kung sino talaga siya. Ayaw niyang maiba ang turing sa kanya ng mga kasamahan niya kapag nalaman ng mga ito ang totoo. Hindi pa man alam ng mga ito na siya si Ashton Phillip Tiamson ay iba na ang turing ng mga ito sa kanya. Hindi niya malaman kung bakit tila naiilang ang mga ito sa kanya.
Nang makita niya kanina kung paano hablutin ng isang snatcher ang bag ni Sassa ay hindi na siya nag-isip pa. Hinabol agad niya ang kawatan. Mabuti na lang at nabawi niya ang bag nito. Matagal na niyang alam na malaking bagay para sa mga katulad nito ang maliit na suweldo. Hindi maaaring basta na lang iyon matangay ng sino man.
Nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap ito. Naihatid pa niya ito sa tinutuluyan nito. They even dated. Hindi nga lang sa lugar na madalas niyang pinagdadalhan sa mga babaeng nakaka-date niya. Noon din lang siya nag-enjoy nang ganoon sa isang date. Totoong masarap ang barbecue na kinain nila, ngunit mas ginanahan siya sa kuwentuhan nila.
Ang sarap-sarap magkuwento rito dahil tutok na tutok ang atensiyon nito sa kanya. Nakikita niyang interesado ito tungkol sa mga sinasabi niya tungkol sa pamilya niya. Hindi ito katulad ng ibang babaeng naka-date niya na kunwari lang interesado sa mga sinasabi niya tungkol sa pamilya niya. All they wanted was for him to tell them how lovely they were. All they wanted were compliments from him.
Nakakapanghinayang nga lang na hindi pa niya masabi rito ang tungkol sa lahat. May mga bagay siyang kinailangang kaligtaang sabihin. Nagkuwento siya na tila isang simpleng pamilya lang ang pinanggalingan niya.
Nakakatuwa rin itong pagmasdan habang maganang kumakain. Karamihan sa mga babaeng nakasama niya ay conscious na conscious sa sarili at halos hindi makakain. She seemed so natural, so unaffected.
Ayaw pa sana niyang matapos ang gabi ngunit hindi maaari. Nais pa niya itong makasama. Ayaw niyang matapos ang pag-uusap nila. Napakarami pa niyang nais na malaman tungkol dito. He wanted to get to know her more.
Ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na siya gaanong magiging reserved sa mga kasamahan niya sa fast-food. Makikipagkuwentuhan na siya. Hindi man niya masabi ang tungkol sa totoong siya, hindi na niya gaanong ilalayo ang kanyang sarili sa mga ito. Iiwasan na lang niyang magsinungaling hanggang maaari.
Pagpasok niya sa bahay nila ay nadatnan niya sa living room ang kanyang ina. Abala ito sa paggagantsilyo. Nakangiting nilapitan niya ito, niyakap, at hinagkan sa pisngi. “I’m home,” aniya.
Ginantihan nito ang ngiti niya. “Kumain ka na?”
Tumango siya at umupo sa tabi nito sa sofa. Madalas ay ganoon ang linya nito pag-uwi niya. She was the type of mother who would always wait for her children to come home. Pag-uwi nila ni Glanys ay inaasikaso agad sila nito. Pakakainin sila nito kapag nagugutom. Kaya hanggang sa kaya niya ay iuuwi niya ang gutom niya dahil sanay na sanay ang panlasa niya sa mga pagkaing iniluluto sa kanya ng kanyang ina.
“Sana ay natulog na lang po kayo at hindi n’yo na ako hinintay,” banayad na sabi niya. “Alam n’yo naman pong gagabihin ako dahil sa trabaho. Binata na rin po ako, `My.”
Natawa ito. “Nakasanayan ko na, anak. Sino ba naman ang ina na makakatulog kapag alam niyang wala pa ang isang anak niya sa bahay?” Bumuntong-hininga ito. “Ang bilis-bilis ng panahon. Parang kailan lang ay ang liit-liit n’yo pa ni Glanys. Ngayon, binata ka na. Nag-uumpisa nang magdalaga ang kapatid mo. Huwag ka munang mag-aasawa, ha?”
Natawa siya nang malakas. “Ang mommy ko talaga. Kung ano-ano po ang iniisip n’yo. Matagal pa bago ako mag-aasawa. Maghahanap pa ako ng katulad n’yo.”
Totoong ang katulad ng kanyang ina ang nais niyang mapangasawa balang-araw. Nais niyang makahanap ng babae na kasingmaalaga at kasingmapagmahal nito. His father was the luckiest man in the planet.
Marahan niya itong hinila patayo. “Umakyat na po tayo para makapagpahinga na rin po kayo.”
“May kakaiba sa `yo ngayon,” anito habang paakyat sila.
Hindi na niya sinubukang magkaila pa. Kilalang-kilala siya nito kahit na ano ang gawin niya. Madali para dito na malaman na may kakaiba sa kanya sa unang tingin pa lang.
“There’s this special girl at work,” panimula niya.
“Hmm... Special girl. Kasasabi ko lang na `wag ka munang mag-aasawa.”
Natawa uli siya. “Mommy!”
“So, girlfriend mo na?”
“Hindi pa.”
“Hindi pa,” gagad nito. “So, magiging girlfriend mo?”
Lumapad ang ngiti niya. Inakbayan niya ito. “You’ll love her.” In his heart, he knew her mother would love Sassa.
Wala siyang itinatago rito tungkol sa mga nagiging girlfriend niya. Alam nito kung sino ang first crush niya, ang first kiss niya, at ang first girlfriend niya. Ganoon siya ka-open at ka-close sa mommy niya. He could tell her anything.
“Ipakikilala mo siya sa `kin?” tanong nito habang nakataas ang isang kilay.
“Maybe,” tanging naisagot niya. Wala siyang itinatago rito ngunit hindi rin niya personal na ipinapakilala ang mga nagiging girlfriend niya. Alam kasi niya na marami itong maipipintas sa mga iyon.
Siguro ay kikilalanin muna niyang maigi si Sassa bago niya seryosong pag-isipan ang pagpapakilala rito sa mommy niya.