6

1347 Words
NAGING mas malapit si Sassa kay Ashton nang mga sumunod na araw. Palagi na silang nagbabatian at nagngingitian sa trabaho. Tuwing break ay magkakuwentuhan sila. Nang mapansin ng mga kasamahan nila ang magandang pakikitungo nila sa isa’t isa ay naging komportable na rin ang mga ito kay Ashton. Hindi naman pala ito mahirap kaibiganin. Medyo naiilang lang ang ilang mga kasamahan nila rito noong una dahil tila kakaiba ito, ngunit hindi nagtagal ay naging komportable na silang lahat sa isa’t isa. Nakikipagbiruan na ito sa mga kasamahang lalaki. Habang lumilipas ang mga araw ay lalo silang nagiging malapit sa isa’t isa. Madalas na nga silang natutukso ng mga kasama nila. Hindi naman sila napipikon. Noong una ay nahihiya at nagba-blush siya, ngunit nakasanayan din niya. “`Kainis, hindi raw crush. Wala na. Suko na ako. Wala na akong laban sa ganda mo, Sassa,” nagbibirong sabi ni Arlene sa kanya minsan. “Ano’ng panama ko riyan sa dimple mo?” nakaingos na dagdag pa nito. Madalas nitong sabihin sa kanya na tila tinamaan sa kanya si Ashton. Hindi raw magtatagal ay manliligaw na ang binata sa kanya. Ayaw niyang kiligin at umasa kaagad. Wala namang ipinapahiwatig na anuman si Ashton sa kanya. Sa palagay pa nga niya ay friendly lang ito. Wala naman itong ipinapakita o sinasabi tulad ng isang tipikal at normal na kaibigan. Pauwi na siya nang gabing iyon nang bigla siyang tawagin ni Ashton. Nagmamadaling nilapitan siya nito. “`Hatid na kita,” nakangiting sabi nito. Kapag nakangiti na ito nang ganoon ay nahihirapan na siyang tanggihan ito. Ayaw na rin naman niyang magsinungaling pa masyado sa sarili niya. Nais niya itong makasama. Hindi iyon ang unang pagkakataon na inihatid siya nito pauwi. Kaya nga mas tinutukso sila ng mga kasamahan nila. “May barya ka ba ngayon?” pagbibiro niya habang pumapara ng jeep. “Hah! Mula nang mapahiya ako sa `yo dati dahil ikaw ang nagbayad ng pamasahe, nangolekta na ako ng barya,” tugon nito habang inaalalayan siyang sumakay. Napahagikgik siya. “Ikaw talaga.” Nais niya itong tudyuhin na gusto lang yata siya nitong makasama ngunit nakahiyaan na niya. Baka mapahiya lang siya dahil masyado siyang assuming. Masaya silang nagkuwentuhan habang sakay ng jeep. Hindi katulad noong una, wala nang mababakas na pagkailang dito. Papara na sana siya nang tumapat ang jeep sa boardinghouse niya ngunit pinigilan siya nito. “Kain muna tayo,” kaswal na yaya nito. “Na-miss ko ang barbecue ni Aling Panyang.” Nakangiting tumango siya. Dahil sa dalas nila roon ay kilala na nito si Aling Panyang na  may-ari ng karinderya. Ganoon naman palagi ang nangyayari tuwing inihahatid siya nito pauwi. Sa karinderya ni Aling Panyang sila bumababa, kakain ng pagkarami-raming barbecue habang nagkukuwentuhan at saka sila maglalakad pauwi sa boardinghouse niya. “Parang noong isang araw lang narito tayo, ah,” aniya habang papasok sila sa loob ng karinderya. “Hindi ka ba nagsasawa rito?” “Hindi kaya. Ang sarap-sarap, eh.” Namili ito ng mga barbecue na ipapaihaw nito. Ikinuha na rin siya nito ng paborito niyang chicken barbecue. “Ayaw mo talaga ng isaw, tainga, atay, at dugo?” natatawang alok niya habang kumukuha ng tig-iisang stick ng mga nabanggit niya. Hindi raw ito kumakain ng mga ganoon. Nang tanungin niya kung bakit, may aftertaste daw ang isaw. Nakangiwing umiling ito. “No, thanks. Masaya na ako sa barbecue.” “Ako, gusto ko.” Isinama niya ang mga iyon sa ipinapaihaw nito. “Sigurado ka?” nakangiwi pa ring tanong nito. “Oo, sawa na ako sa chicken barbecue. Ito naman, ang selan-selan.” Hindi na ito nagsalita pa. Umupo na sila sa isang bakanteng mesa. Um-order na rin ito ng isang litrong Coke. “Ikaw, nawiwili ka na sa pagsama-sama sa `kin, ha,” aniya sa magaang tinig. “Kaya tayo palaging natutukso sa restaurant, eh. Kung ganyan ka nang ganyan, iba na ang iisipin ko sa `yo,” pagbibiro niya.  Hindi niya alam kung ano ang nagtulak sa kanya para sabihin ang ganoon. Siguro, nais niyang malaman kung ano ang nararamdaman nito para sa kanya. O nais niyang magkaroon ng clue kahit paano. Para sa kanya kasi, hindi lang ito basta kaibigan. Kahit gaano niya pilitin, hindi ito mananatiling simpleng kaibigan lang. Habang lumilipas ang mga araw ay lalo itong nagiging espesyal sa puso niya. Lalong lumalalim ang nararamdaman niyang crush para dito. May palagay pa nga siya na hindi na iyon simpleng crush. She was already infatuated with this man. Isinilbi ang mga order nilang pagkain. “Di patuloy kang mag-isip ng kakaiba,” kaswal na sabi nito bago ito kumagat sa barbecue nito. Naguluhan siya sa naging sagot nito. “Ha?” Sinalubong nito ang kanyang tingin. “Gusto mong totohanin ang mga tukso nila sa `tin?” Hindi niya malaman kung ano ang isasagot. Hindi kasi niya masabi kung seryoso ito sa sinasabi nito o nagbibiro lamang ito. Ano ang tototohanin nila? Madalas silang tinutukso ng mga kasama nila sa trabaho na may romantikong relasyon na raw sila. Kung seryoso ito, ganoon na lang ba iyon? Hindi na ba siya nito pakikiligin nang bonggang-bongga? Bakit hindi na lang nito seryosong sabihin na manliligaw ito? Bakit hindi na lang nito deretsahin at huwag nang daanin sa biro o pasaring? Nagdesisyon siya na hindi ngayon ang tamang panahon upang pag-usapan ang mga ganoong bagay. Siya ang nagsimula kaya siya rin ang tatapos. “Kung ano-ano ang sinasabi mo riyan. Kumain na lang tayo. Tikman mo `to.” Iniabot niya rito ang isang stick ng isaw. Nakangiwing umiling ito.  “Sige na. Tikman mo, masarap ito. Malinis sa pagluluto ng mga pagkain si Aling Panyang. Trusted siya pagdating sa mga isaw. Hindi masisira ang tiyan mo dito,” nakangiting pangungumbinsi niya rito. Umiling ito. “Ayoko nga, eh. Ikaw ang nagpaihaw niyan kaya ikaw ang kumain.” Pinandilatan niya ito. “Tikman mo nga lang, eh. Masarap nga sabi.” Kinuha nito ang stick ng isaw. “Kapag kinain ko `to, pagbibigyan mo ako sa sasabihin ko?” Nagsalubong ang mga kilay niya. “Sige,” aniya habang hindi gaanong iniisip kung ano ang maaari nitong sabihin o hilingin sa kanya. Dinala niya sa kanyang bibig ang isa pang stick ng isaw. “Kapag naubos ko `to, papayagan mo na akong manligaw sa `yo?” nakangiting hamon nito sa kanya. Nasamid siya. Kaagad nitong inilapit sa kanya ang isang baso ng Coke. Nanlalaki ang mga matang napatingin siya rito nang makabawi siya. Tama ba ang kanyang narinig? Talaga bang sinabi nito na manliligaw ito sa kanya? “Kaya kong ubusin ang lahat ng isaw rito basta ba sasagutin mo na ako kaagad.” “Kainin mo na nga `yan!” tanging nasabi niya. Hindi na kasi niya alam ang iisipin niya. Talaga bang nangyayari ang ganoong pag-uusap sa pagitan nilang dalawa? Baka naman nananaginip lamang siya? Halos umabot sa mga tainga ang pagkakangiti nito. “Wala nang bawian, ha?” anito bago kumagat ng isaw. Nakangiwing nginuya nito iyon. Malinaw na malinaw na hindi nito gustong kumain ng bituka ng manok. Pero dahil sa kanya, kaya nitong tiisin ang lahat. Nangalumbaba siya at pinanood ito sa pagkain. Hindi na niya naiwasang mapangiti. “Kapag hindi mo naubos `tong mga `to, sorry ka na lang,” pagbibiro niya habang inilalapit pa rito ang stick ng dugo, atay, tainga ng baboy, at karagdagang isaw. Mabilis nitong kinain ang isaw na hawak nito. Hindi na nito iyon gaanong nginuya. Sinaid na lang nito ang isang baso ng Coke. “You’re gonna be my girl,” pangako nito bago muling dinampot ang isa pang stick ng isaw. Natawa siya. Hindi niya maipaliwanag ang kaligayahang nadarama niya. Nais niyang magtatalon sa tuwa kung hindi lamang siya nakakahiya sa lugar na iyon. Manliligaw ito sa kanya. Tila katuparan na iyon ng pangarap niya. Wala pa man, kung ano-ano nang makukulay na eksena ang pumapasok sa isip niya. Halos mapapalakpak siya nang maubos nito ang lahat ng ipinakain niya rito. Tama nga yata ang sinasabi ng mga kaibigan niya. In love na nga yata siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD