7

1073 Words
NGITING-NGITI si Sassa habang palabas ng boardinghouse niya. Pakiramdam niya ay lumulutang siya sa mga ulap. Paminsan-minsan ay itinatanong niya kung talagang nangyari ang lahat ng iyon sa kanila ni Ashton o nananaginip lamang siya. Kaagad na nasagot ang tanong niya nang makita niya kung sino ang naghihintay sa kanya. Walang iba kundi si Ashton. “Ano ang ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong niya. Hindi nabura ang kanyang ngiti, mas lumapad at mas tumamis pa iyon. Natutuwa siyang makita ito nang ganoon kaaga. He looked so gorgeous and fresh in the morning. Simpleng puting T-shirt, maong na pantalon, at lumang sneakers ang suot nito, ngunit daig pa yata nito ang ilang modelo sa magazine at artista sa TV. Hindi siya exaggerated sa pagsasabing mas bagay itong maging modelo o artista kaysa crew sa isang fast-food restaurant. Nakangiting nilapitan siya nito. “Good morning, lovely,” malambing na bati nito bago nito inilabas ang isang mahabang tangkay ng rosas mula sa likuran nito. Nahigit niya ang kanyang hininga habang nakatingin sa rosas. Ngayon lamang siya nakatanggap ng ganoon kagandang bulaklak. Hindi ito ang unang manliligaw niya, ngunit walang sinuman sa mga manliligaw niya dati ang nag-abala na ibili siya o kahit man lang ipitas siya ng kahit na anong bulaklak. Pulos pambobola sa pamamagitan ng salita ang sinasabi ng mga ito. Si Ashton, wala pa man itong sinasabi ay kinikilig na siya. Makita pa lang niya ito ay nag-iiba na kaagad ang t***k ng kanyang puso. Napupuno ng ibayong kaligayahan ang buong pagkatao niya. Tinanggap niya ang bulaklak. “`Morning. Maraming salamat dito. Sana hindi ka na nag-abala, nagastusan ka pa tuloy.” Siyempre, kinikilig siya sa bulaklak ngunit iniisip din naman niya ang magiging epekto niyon sa bulsa nito. Kahit na isang tangkay lamang iyon, nasa hitsura ng bulaklak na hindi iyon basta-basta nabibili lang sa kung saan-saan. Magandang klase iyon at tila imported pa. Halos gabi-gabi na siya nitong inililibre sa karinderya ni Aling Panyang. Magkano lang ba ang suweldo nila? Ang sabi nito ay nag-aaral pa ito. Masuyong pinisil nito ang ilong niya. “Bakit hindi ako mag-aabala? Nanliligaw nga ako, `di ba? Giving flowers is one of the basics. Do you like it?” Tumango siya. Pilit niyang itinago rito kung gaano siya kinikilig. “Ang ganda.” “Bibigyan pa kita nang marami.” “`Wag na. Tama na `to.” Ayaw niyang maubos ang pera nito sa mga bulaklak. Hindi naman nito kailangang magpasikat sa kanya. Hindi niya kailangan ng maraming bulaklak at tsokolate. Sapat na sa kanya na makita ang sinseridad nito sa kanya at hindi siya nito sasaktan at paluluhain. “I’d like to give you more.” “Maraming salamat. Bakit ka nga pala narito?” “Bukod sa para bigyan ka ng bulaklak? Gusto kitang ihatid sa school. Kung hindi mo mamasamain, gusto ko sanang malaman ang schedule mo. Gusto kitang sunduin at ihatid araw-araw, eh.” “Bakit?” Banayad itong natawa. “Bakit? Tinatanong mo pa ako kung bakit? Gusto kitang makasama sa lahat ng libreng oras ko. Paano kita susuyuin kung hindi kita makakasama palagi?” “Seryoso ka ba talaga sa panliligaw mo?” Sinalubong nito ang kanyang tingin. “`Palagay mo?” Nabasa niya ang sinseridad sa mga mata nito. “Bakit hindi mo masagot nang deretso?” nakalabing tanong niya. “Bakit mo ba kasi itinatanong? Naiintindihan ko naman na hindi pa natatagalan mula nang magkakilala tayo at naging close. Pero ano ang palagay mo sa `kin? Basta na lang ako manliligaw dahil trip ko lang manligaw? Siyempre, may espesyal akong nararamdaman para sa `yo. Mula nang una tayong magkita—noong una tayong magkabangga—may espesyal na damdamin nang tumubo sa puso ko para sa `yo.” Pinigilan niya ang kanyang sarili na mapangiti. Nakagat niya ang kanyang ibabang labi upang masupil ang ngiting nagsisimulang gumuhit sa kanyang mga labi. Kinikilig siya. “Ilang babae na ang napasagot mo sa linya mong ganyan?” tudyo niya. “Take me seriously, Sassa,” anito sa napakaseryosong tinig. “I know it’s too soon and I can’t really blame you for doubting me, but—” “Talaga bang sanay kang magsalita nang ganyan?” nagtatakang tanong niya bago pa man nito maituloy ang sinasabi nito. “Ha?” “Bakit parang sanay na sanay kang mag-Ingles? Parang normal na normal sa `yo ang pagsasalita nang ganyan. Naiilang na ako minsan, eh. Minsan, naiisip ko na hindi ka lang basta ordinaryong crew sa fast food.” Naging malikot ang mga mata nito. Tumikhim ito. “Nasanay lang ako sa university. Parte ng kurso ko ang maging mahusay sa ibang lengguwahe. Iniiba mo ang usapan, Sassa.” Huminga siya nang malalim bago siya nag-umpisang maglakad. “Bakit ako, Ashton?” seryosong tanong niya. “What do you me—ano ang ibig mong sabihin?” Nagkibit-balikat siya. “Parang too good to be true kasi, eh. Tingnan mo naman ikaw, tingnan mo ako. Parang ang hirap paniwalaan. Marami namang iba diyan na mas maganda, mas sexy. Sa guwapo mong `yan, makukuha mo ang lahat ng babaeng gugustuhin mo. Mga babae na higit-higit pa ang katangian kaysa sa `kin. Aminado ako na nakakakilig pero hindi ko maiwasang itanong kung bakit ako. Bakit ang isang ordinaryong babae na tulad ko ang gusto mong ligawan at pagkagastahan mo pa talaga ng bulaklak.” “`Goodness, isang tangkay lang `yan ng rosas, Sassa. At masyadong mababa ang tingin mo sa sarili mo. Hindi ka ba masyadong tumitingin sa salamin? Hindi mo ba alam kung gaano ka kaganda? You don’t know the effect you have on me, on other men? You have the most adorable smile, the most adorable dimple. Ang sarap-sarap mong kasama. Ang sarap mong kakuwentuhan. I want to be with you. Ayoko nang lokohin ang sarili ko nang matagal. We’re great as friends but I don’t want you as a friend anymore. I want you to be my girl. `Wag mo nang tanungin kung bakit ikaw dahil hindi ko rin alam. Basta, sa `yo ko lang naramdaman ang ganito. Walang panama sa `yo ang ibang mga babae.” Ngalingali na niya itong sagutin nang mga sandaling iyon. Nakapagpigil lamang siya nang husto. Sinong babae ang hindi mahuhulog ang loob sa lalaking ito? Sino ang hindi mababaliw sa sobrang kilig? “Tara na at baka ma-late ako sa unang klase ko sa umaga,” aniya sa pilit na pinakaswal na tinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD