8

1555 Words
NANG may kumatok sa locker room nilang mga babae ay bigla na lamang itinulak ni Arlene si Sassa patungo sa pinto. Nakangiting inambaan niya ng suntok ang kaibigan na napaingos. Kahit na halos mapasubsob na siya sa pinto ay hindi niya magawang magalit dito. Iba na ang pintig ng kanyang puso. Hindi pa man niya nabubuksan ang pinto, alam na niya kung sino ang nasa kabilang bahagi niyon. Kaya siya itinulak ni Arlene patungo roon kahit na masubsob na siya ay dahil alam na rin nito kung sino ang kumakatok. Huminga muna siya nang malalim bago niya binuksan ang pinto. Nakangiting mukha ni Ashton ang bumungad sa kanya. Nahigit niya ang kanyang hininga. Ilang araw na nitong ginagawa iyon, ilang araw na niya itong madalas na nakikita, ngunit hindi pa rin nagbabago ang epekto nito sa kanya. Halos mapatulala pa rin siya sa kaguwapuhan nito. Kaagad nitong iniabot sa kanya ang dalawang tangkay ng rosas. “Hi,” nakangiting bati nito sa kanya. Hindi siya nito nasundo kaninang umaga kaya nang hapong iyon sila nagkita nang araw na iyon. Tila kadarating pa lamang nito dahil hindi pa ito nakasuot ng uniporme nito. Hindi pa rin niya naaayos ang kanyang buhok. “Hello,” ganting-bati niya nang tanggapin niya ang bulaklak na ibinibigay nito. “Thank you.” She felt her heart swell with so much happiness and love. Ilang araw na siya nitong binibigyan ng mga bulaklak—isa sa umaga at isa sa hapon. Bago sila magsimula sa trabaho ay kinakatok siya nito upang ibigay ang rosas niya. Minsan, bago siya umuwi ay nabibigyan siya nito ng isa pa. Tuwing day off niya ay nagpapadala ito ng isang bungkos ng mga rosas sa boardinghouse niya. Ilang beses na niyang sinabi na tigilan na nito ang pagbibigay ng bulaklak sa kanya. Nang minsang magtungo siya sa isang mall ay hindi sinasadyang nakita niya ang presyo ng isang tangkay ng uri ng rosas na ibinibigay nito sa kanya. Tama siya sa unang hinala niya na hindi basta-bastang rosas ang mga natatanggap niya. Ayaw niyang masyadong mapagastos ito. Tinawanan lamang siya nito sa sinabi niya tungkol sa gastos. Huwag daw niyang alalahanin iyon. Nais siya nitong bigyan ng maraming bulaklak at iyon daw ang gagawin nito. Ipagpapatuloy raw nito ang pagbibigay kahit na sinagot na niya ito. Marahan nitong pinisil ang kanyang ilong. “Magpapalit na ako. I’ll see you around.” Tumango na lang siya. Tila nangangarap na isinara niya ang pinto ng locker room at sumandal doon. Dinala niya ang mga rosas sa ilong niya at sinamyo. Hindi mabura ang ngiti sa kanyang mga labi. Walang pagsidlan ang kaligayahan niya. Napatingin siya sa mga kasama niya nang mapapalatak ang mga ito. Nakangiting pailing-iling si Arlene. “Nabuwang na sa pag-ibig si Teacher Alessandra,” anito habang nakatirik ang mga mata. “Kung ako sa `yo, sasagutin ko na kaagad si Ashton, bruha. Kung patatagalin mo, baka masulot pa `yan ng iba. Ang mga katulad n’on, hindi na masyadong pinapahirapan. Kung masarap siyang manligaw, mas masarap siguro siyang boyfriend.” Nilapitan niya ang locker niya at maingat na inilagay roon ang mga bulaklak niya. Kahit na ang roommate niya ay iyon ang sinasabi sa kanya. Hindi na raw uso ang mahabang ligawan. Halatang-halata naman daw na may gusto siya sa binata. Doon din ang ending nila kaya bakit pa niya patatagalin? “Hindi ko pa siya naipapakilala kay Kuya Alex,” aniya. “Medyo busy pa siya sa school dahil periodical exam ng mga estudyante niya. Gusto kong ikonsulta muna sa kanya ang bagay na ito bago ako magdesisyon. Parang siya na ang magulang ko, eh.” “Kung hindi siya magustuhan ng kapatid mo, babastedin mo? Bruha ka, gawin mo `yan at kawawa ka. Akin na si Ashton kapag pinakawalan mo pa ang pagkakataon. Hindi ka na makakahanap ng katulad n’on.” Napangiti siya. “May tao bang hindi magugustuhan si Ashton?” “Kunsabagay, my point ka diyan, bru.” Sigurado siya na walang magiging problema sa kuya niya. Magkakasundo ito at si Ashton. Lahat naman ng ikaliligaya niya ay ibinibigay ng kapatid niya. Kailangan lamang talaga niyang maipakilala ang dalawa sa isa’t isa upang maging pormal ang lahat. Nais niyang i-share ang kaligayahan niya sa kapatid niya. “WOW, ANG gara naman. Kaninong kotse `to?” tanong ni Sassa kay Ashton nang makita ang isang kotse na nakaparada sa harap ng fast-food restaurant. Nagtataka siya na imbes na pumara ng jeep ay dinala siya ni Ashton doon. Lalo siyang nagtaka nang buksan nito ang pinto sa passenger seat at inudyukan siyang sumakay. Hindi niya magawang kumilos. “Kotse mo?” nababaghang tanong niya. “Kung sabihin kong ‘oo,’ sasakay ka na?” tugon nito habang may mapaglarong ngiti sa mga labi. Hindi niya alam kung maniniwala siya rito o ano. Sa unang tingin, masasabing galing sa isang mayamang pamilya si Ashton. Tuwing magkukuwento ito tungkol sa pamilya ay nagkakaroon siya ng impresyon na simple lamang ang buhay ng mga ito base sa paraan ng pagkukuwento nito. Madalas nitong sabihin sa kanya na simple at payak lang ang pamumuhay ng lola nito sa probinsiya. Pinisil ni Ashton ang pisngi niya. “Huwag ka nang masyadong mag-isip. Hindi akin `to. Nasa talyer `yong akin,” anito sa nagbibirong tinig. “Hiniram ko `yan sa pinsan ko. At hindi ito magara. Luma na nga ito. Mas magara `yong akin.” Hindi na naman niya malaman kung nagbibiro lamang ito o ano. “Sumakay ka na lang, Sassa,” anito nang hindi pa rin siya kumikilos sa kinatatayuan niya. Halos wala sa loob na sumakay nga siya sa kotse. Umaandar na sila nang maisipan niyang magtanong. “Saan nga pala tayo pupunta?” Sandaling nilinga siya nito, may ngiti sa mga labi. Nakita niyang nagliliwanag sa excitement ang mga mata nito. “Nagsasawa ka na sa karinderya ni Aling Panyang kaya pakakainin naman kita sa ibang lugar. Pakakainin kita sa isang magandang restaurant. Baka kasi isipin mo masyado naman akong kuripot, hindi man lang kita madala sa isang magandang lugar.” “Ano ka ba?” natatawang sabi niya. “Hindi mo naman kailangang gawin `yon, eh. Hindi mo na kailangang gumastos masyado para sa `kin. Ang dami-dami mo nang ginagawa para sa `kin.” “I want to shower you with gifts. Gusto kitang dalhin sa magagandang lugar. I want to give you everything that will make you happy.” Kapag kasama niya ito, pakiramdam niya ay siya na ang pinakamaligaya at pinakamasuwerteng babae sa buong mundo. May nagawa marahil siyang tama upang mangyari ang lahat ng mga iyon sa kanya.  “Maraming salamat, Ashton,” tanging nasabi niya. “Phillip.” “Ha?” “Tawagin mo akong ‘Phillip’ mula ngayon. ‘Ashton Phillip’ ang buong pangalan ko. Lahat ng malalapit sa `kin, ‘Phillip’ ang tawag sa `kin.” “Okay.”Nagkibit-balikat siya.  Dinala siya nito sa isang restaurant. Nag-alangan siya nang mapansing hindi basta-basta ang restaurant na pinagdalhan nito sa kanya. Sa hitsura pa lang niyon, alam na niyang mahal ang mga pagkain doon. Nag-aalangan din siya dahil tila hindi siya bagay sa mga ganoong uri ng lugar. Masyado yatang sosyal doon. Pinagbuksan siya ni Ashton Phillip ng pinto. Hindi siya gumalaw sa kinauupuan niya. “What’s wrong?” nagtatakang tanong nito. “Kina Aling Panyang na lang tayo,” yaya niya rito. Maganda ang restaurant at kahit paano naman ay pinangarap niyang makapasok sa mga ganoong lugar, ngunit nakakailang lamang. Natawa ito nang marahan. Hinawakan nito ang kanyang braso at inalalayan siyang makaibis ng sasakyan. “It’s all right. Ako ang bahala.” “Baka naman  maghugas tayo ng pinggan diyan, ha?” tudyo niya. Natawa ito nang malakas. “Wala kang tiwala sa `kin, ano?” Napangiti siya. “Hindi naman sa ganoon. Hindi mo lang kailangang gumastos nang sobra.” “Sassa, just relax and trust me.” “Eh, hindi ako prepared sa ganito. Tingnan mo nga ang suot ko.” Pinagmasdan niya ang kanyang sarili. Simpleng puting T-shirt at lumang pantalon lamang ang suot niya. Inakala kasi niyang sa dati pa rin sila kakain. Hinawakan nito ang baba niya at marahang pinisil. Sinalubong nito ang kanyang tingin. “You’re beautiful. Wala namang dress code sa restaurant na ito. You’re going to be the most beautiful lady there.” Wala na siyang nagawa kundi ang magpaakay papasok sa loob ng restaurant. Mas maganda sa loob niyon. Tahimik doon at magkakalayo ang mga mesa. Dimly lit ang lugar at maraming mga bulaklak. May maliit na stage doon kung saan may mga tumutugtog ng piano at violin. Masarap sa tainga ang melody na pumapailanlang sa buong lugar. Romantic ang ambiance ng lugar. Nakapagpa-reserve pala si Ashton Phillip ng mesa para sa kanilang dalawa. May malaking bungkos ng mga rosas na naghihintay sa kanya sa mesa. Nakikita niya na magaganda ang suot ng ibang mga customer, ngunit wala namang sumisita sa mga suot nila. “Sobra na ito, Ash—Phillip,” aniya habang naluluha na siya. “Totoo ba talaga ito? Totoo ka ba?” Nginitian siya nito nang masuyo. “You’re a very special girl. I’m gonna pamper you silly.” “Maraming salamat, Phillip. Maraming salamat na dumating ka sa buhay ko. Maraming salamat dahil napapasaya mo ako.” “Mas napapasaya mo ako, Sassa.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD