“MAY KAKAIBA sa `yo, Sa.”
Nginitian ni Sassa ang Kuya Alex niya. Binisita siya nito nang araw na iyon sa boardinghouse niya. Kahit na medyo kinakabahan, nagawa pa rin niyang ngumiti rito. Darating din doon mayamaya si Phillip. Ipakikilala na niya ito sa kuya niya.
Nang sabihin niya kay Phillip na ipakikilala muna niya ito sa Kuya Alex niya ay hindi niya inasahan na papayag agad ito.
Alam daw nito na ang kuya niya ang itinuturing niyang magulang. Alam daw nito na mahalaga para sa kanya na malaman ng kapatid niya ang lahat ng nagaganap sa buhay niya. Kinakabahan daw itong humarap sa kapatid niya ngunit kailangan daw nitong gawin iyon upang maiparating sa kanya at sa kapatid niya na malinis ang intensiyon nito sa kanya.
Tinabihan niya sa sofa ang Kuya Alex niya. “Kuya, may sasabihin ako sa `yo,” panimula niya. Kinakabahan siya dahil hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon nito sa sasabihin niya. Nang magdalaga siya ay palagi nitong sinasabi sa kanya na huwag muna siyang makikipag-boyfriend. Dapat daw ay tapusin muna niya ang pag-aaral niya at distraction lamang ang mga lalaki, ang pag-ibig.
Mataman nitong pinagmasdan ang kanyang mukha. Hindi niya masalubong ang tingin nito. Marahan nitong hinaplos ang ulo niya. “May boyfriend ka na? Iyan ba ang sasabihin mo dapat na hindi mo masabi-sabi, ha?” malumanay na tanong nito.
Bahagyang nabawasan ang kaba niya nang makitang may ngiting naglalaro sa mga labi nito. “Wala pa akong boyfriend. Pero malapit na malapit na kung papayagan mo ako.”
Natawa ito nang banayad. “Kung hindi ako papayag, hindi mo siya sasagutin?”
Nakagat niya ang ibabang labi niya. Sumagi na sa isip niya ang bagay na iyon. Paano nga kaya kung hindi gusto ng kapatid niya na may distraction sa pag-aaral niya? Paano kung isipin nito na makakasama sa kanya ang pagkakaroon ng guwapong boyfriend? Hindi niya kayang tanggihan si Ashton Phillip. Tumututol ang buong pagkatao niya tuwing naiisip niya na kailangan niyang tanggihan ang pag-ibig nito dahil ayaw ng kuya niya ng sagabal sa pag-aaral niya.
“Magugustuhan mo siya, Kuya,” aniya habang nakikiusap ang mga mata niyang nakatingin dito. “Napakabait niya. May mga pagkakataon na naiisip ko na magkapareho kayo. Pareho kayong guwapo at mabait. Pareho kayong responsable. Ang sweet niya, Kuya. Hirap na hirap na akong patagalin ang panliligaw niya dahil hindi ko pa nakukuha ang pagpayag mo.”
“Napapasaya ka ba niya?” seryosong tanong nito.
Sunod-sunod ang naging pagtango niya. “Sobra, Kuya. Ganito pala ang pakiramdam. Palaging maganda ang gising ko. Kahit na pagod ako sa gabi, hindi mabura ang ngiti ko kasi nagkasama kami. Hindi ko maipaliwanag ang kaligayahan ko. Parang ang ganda-ganda ng mundo. Palaging makulay ang paligid. Wala akong nakikitang pangit. Iba pala `yong feeling na may ibang tao na nagpapasaya sa `yo. Iba `yong pakiramdam na alam mong may isang tao na espesyal ang nararamdaman sa `yo at ipinapakita niya iyon. Nadagdagan ang inspirasyon ko. Kapag nakikita ko siya, parang walang dahilan para malungkot ako. Pakiramdam ko, kompleto ako.”
Kahit siya ay nagulat sa mga sinabi niya. Hindi niya inakala na ganoon na kalalim ang nadarama niya para kay Ashton Phillip. Hindi pa niya nasasabi iyon sa iba, sa kuya pa lang niya. Sanay kasi siya na halos wala nang itinatago rito. Nasasabi niya ang lahat ng nararamdaman niya. Ito rin ang itinuturing niyang best friend.
Marahan nitong hinaplos ang ulo niya. “In love na nga ang kapatid ko. Dalagang-dalaga ka na nga.” May kaunting bahid ng lungkot ang tinig nito.
Tuluyan nang nawala ang kaba sa dibdib niya. Alam niya na may malaking posibilidad na payagan siya nitong makipagnobyo. “Kuya, beinte na ako. Hayaan mo naman na maranasan ko kung paano makipag-boyfriend. Iyong iba nga, maagang nai-in love, eh. High school pa lang, may boyfriend na. Ako, ngayon lang talaga nagpaligaw.”
Natigilan ito.
Nagtaka naman siya sa naging reaksiyon nito. “Bakit, Kuya? Duda ka ba sa `kin? Pangako, hinding-hindi ko pababayaan ang pag-aaral ko. Magtatapos ako. Ipapasa ko kaagad ang board. Magiging teacher ako katulad mo. Hindi magiging distraction ang pag-ibig. Mas pag-iigihan ko pa ang pag-aaral. Dagdag inspirasyon lang ang boyfriend.”
Nginitian siya nito. “May tiwala naman ako sa `yo, Sassa. Ang sabi mo nga, beinte ka na. Hindi na talaga maiwasan na iibig ka. Mararanasan at mararanasan mo rin naman iyon. Pero bago kita payagan, kikilatisin ko muna `yang ipinagmamalaki mong manliligaw. Kapag hindi ko siya nagustuhan, malalaman mo kaagad.”
Napayakap siya rito. “Salamat, Kuya!”
Tila may kakaiba pa rin dito ngunit hindi na niya gaanong pinansin. Ang mahalaga ay bibigyan nito ng tsansa si Ashton Phillip. Kumpiyansa siya na magugustuhan nito ang manliligaw niya. Lahat ng tao ay gusto si Ashton Phillip.
Hinaplos nito ang buhok niya. “Gusto kong maging masaya ka, Sassa. Gusto kong maranasan mo rin kung gaano kasarap magmahal at mahalin. Masarap umibig.”
Napatingin siya rito. May naramdaman siyang kakaiba. Hindi ito dating ganoon. Hindi niya ito naririnig dati na nagsasalita tungkol sa pag-ibig. “Kuya?”
“I met a very special girl. She makes me happy. Kapag kasama ko siya, pakiramdam ko ay buhay na buhay ako. Kagaya nga ng sabi mo, tila lahat ng bagay dito sa mundo ay maganda dahil sa kanya. Iba `yong sayang ipinaparamdam niya sa `kin.”
Kinabahan na naman siya. Hindi na para sa kanyang sarili kundi para dito. “Kuya, may Pilita sa buhay mo,” paalala niya rito. Kahit na sabihing hindi nito mahal ang asawa nito, asawa pa rin nito si Pilita at may anak ang mga ito. Kahit na gusto niyang maging masaya ito sa piling ng babaeng totoong iniibig nito, ayaw rin naman niyang malubog ito sa kasalanan. Hindi niya hahayaan na magkasala ito sa Diyos.
Kilala rin niya ang pamilya ng napangasawa nito. Hindi papayag si Mang Erning na makawala nang ganoon na lang ang kapatid niya. Masyado nitong mahal ang anak nito. Kilala rin niya si Pilita. Alam niyang hindi nito basta-basta hahayaan na may ibang babae ang kuya niya sa lungsod. May pagka-spoiled brat ito. Kaya nitong eskandaluhin ang buong mundo.
Nanamlay ang mga mata ng kapatid niya. “Hindi ko nakakalimutan, Sa. Sayang, dahil hindi siya maagang dumating sa buhay ko. Sayang, dahil nauna akong ipinanganak nang maraming taon. Sayang, dahil teacher ako.”
Nakadama na siya ng takot, hindi lang basta kaba. “Kuya, hindi mo puwedeng gawin ito sa sarili mo.”
Pinisil nito ang ilong niya at nginitian siya. “Alam ko, Sa.”
Pilit niyang sinupil ang takot na nararamdaman niya. May tiwala siya sa kapatid niya. Alam niyang matalino ito at may takot sa Diyos. Gagawin nito ang tama. Hindi nito hahayaan na malugmok ito pati na rin ang babaeng iniibig nito.
Itinuon na lamang niya ang buong isip niya kay Ashton Phillip.