10

1444 Words
PAALIS na sana ng bahay si Phillip nang makita niyang medyo nakabukas ang pinto ng silid ni Glanys. Tumingin siya sa kanyang relo. Maaga pa naman kaya nagdesisyon siyang makipagkuwentuhan muna sandali sa kanyang kapatid upang mabawasan na rin kahit na paano ang kabang nararamdaman niya. Hindi niya maintindihan kung bakit kinakabahan pa siya. Pinalaki siya ng lolo at mga magulang niya na confident at marunong makiharap sa lahat ng uri ng tao. Ipakikilala lamang naman siya ni Sassa sa kuya nito. Hindi siya dapat na kinakabahan o natatakot. Ano ang maaaring mangyari na hindi maganda? Hindi ka niya gustuhin para sa kapatid niya, tugon niya sa sarili niyang tanong. Alam marahil niya na kapag hindi siya nagustuhan ng kapatid ni Sassa ay malabo nang maging nobya niya ang dalaga. Sa paraan pa lang ng pagkukuwento nito, alam niya na mahal na mahal nito ang kuya nito. Alam niya na mataas ang respeto nito sa nakatatanda nitong kapatid. Alam din niya na likas itong masunurin. Kahit pa marahil may nararamdaman na itong espesyal para sa kanya ay magagawa pa rin siya nitong tanggihan kapag sinabi ng kapatid nito. Wala siyang ideya kung paano magpapa-impress sa kuya ni Sassa. Hindi niya sigurado kung makukuha kaagad niya ang loob nito. Ipinapanalangin niya na sana nga ay magkaroon ito ng magandang impresyon sa kanya upang mapasagot na rin niya si Sassa. Natutuwa at enjoy na enjoy siya sa panliligaw niya sa dalaga. Natutuwa siyang suyuin ito. Excited siya tuwing nakikita niya ito. Hindi nawawala ang excitement niya kahit na magkasama na sila. Mas excited siya tuwing binibigyan niya ito ng mga bagay na alam niyang makapagpapasaya rito. Hindi ganoon ang nadarama niya sa ibang babae. Wala siyang matandaan na naging ganoon siya ka-excited. Alam niyang mas matutuwa siya kapag naging girlfriend na niya ito. He would pamper her silly. Lahat ng magpapaligaya rito ay ibibigay niya. Lahat ng hilingin nito ay ibibigay at gagawin niya. Nais na niyang sagutin siya nito dahil hirap na hirap na rin siyang magpigil. Tuwing nasa malapit ito ay gustong-gusto na niya itong yakapin nang mahigpit at samyuhin ang lahat ng bango nito. Tuwing ngumingiti ito sa kanya ay natutukso na siyang hagkan ang mga labi nito. Gusto na rin niyang halik-halikan ang nag-iisang dimple nito sa kanang pisngi. Kinatok niya ang pinto ng silid ng kapatid niya bago siya pumasok. Napabalikwas ito ng bangon at kaagad na itinago ang isang pink na notebook sa ilalim ng unan nito. Gulat na gulat na napatingin ito sa kanya. Bahagyang namumula ang mga pisngi nito. “Kuya!” sita nito sa kanya. “Lumabas ka nga muna. May ginagawa ako, eh.” Nginisihan niya ito. Umupo siya sa gilid ng kama nito at pinisil ang ilong nito. “Bakit ganyan ka na sa kuya mo ngayon, ha? Dati ang lambing-lambing mo.” Malapit silang magkapatid sa isa’t isa, ngunit nang magdalaga ito ay hindi na ito gaanong nagdididikit sa kanya. Naging abala na ito sa mga kaibigan nito na kasing-edad nito. Naging abala na rin siya sa pagtatrabaho. Madalang na madalang na silang makapagkuwentuhan. Kadalasan kasi ay nasa loob na ito ng silid nito kapag umuuwi siya. Kapag wala namang pasok ay nasa labas ito kasama ang ilang mga kaibigan. “Eh, Kuya, may ginagawa nga ako, eh.” “Hindi naman `yan assignment, eh,” tudyo niya rito. “Baka pulos pagdo-drawing lang ng heart ang inaatupag mo, ha. Hoy, baka may boyfriend ka na, ha. Bawal ka pang mag-boyfriend hangga’t hindi ka pa eighteen.” Alam niya na may mga kaedad ito na may mga nobyo na. Ayaw niyang magkaroon ito ng nobyo sa mga panahong iyon dahil hindi pa siya handa. Idagdag pang masyado pa itong bata upang makipagnobyo. Ang ganda-ganda ng kapatid niya. Hindi lingid sa kanya na marami ang mga lalaking nagkakagusto rito. Sasamain sa kanya ang sinumang lalaki na mananakit o gagawa ng masama kay Glanys. Kahit na isang patak lang ng luha ang makita niyang dumaloy sa mga mata ng kapatid niya, makakapanapak siya. Kaya mas kinakabahan siya sa pakikipagkilala sa kuya ni Sassa ay dahil kuya rin siya. Alam niya ang mararamdaman nito kung saka-sakali. Nag-iwas ng tingin si Glanys sa kanya. Lalong namula ang buong mukha nito. Nabura ang ngisi niya. Hindi niya nagustuhan ang reaksiyon ng nag-iisa niyang kapatid. “Hoy, Glanys Robin, huwag mong sabihin na may boyfriend ka na nga. Sasamain sa `kin ang lalaking `yan. I’ll skin him alive, I swear. Seryoso ako, hindi ka puwedeng makipag-boyfriend hangga’t hindi ka pa eighteen. Paghintayin mo `yang lalaking `yan kung sino man siya nang dalawang taon.” Lumabi ito. “Unfair. Bakit ikaw, fourteen nang magkaroon ng unang girlfriend?” “Thirteen, actually. The relationship only lasted a day.” “See? Unfair!” Pinisil niya nang mariin ang makabilang pisngi nito. “Anong ‘see?’ Lalaki ako, ikaw babae. Basta bawal ka pang makipag-boyfriend. Walang unfair-unfair. Kapatid kita kaya hindi puwede.Teka nga, umamin ka nga sa `kin, mayroon na ba talaga?” seryosong tanong niya. Nagyuko ito ng ulo. “W-wala.” “Look me in the eye and tell me slowly.” Ginawa naman nito. “I don’t have a boyfriend,” dahan-dahang sabi nito, may diin ang bawat salita. Nakahinga siya nang maluwag. “Very good.” May tiwala siya sa kapatid niya ngunit wala siyang tiwala sa mga lalaking nakakasalamuha nito. Masyado pa itong bata upang umibig. “Umalis ka na nga. May lakad ka yata, eh,” taboy nito sa kanya. May bahid ng iritasyon sa tinig nito. “Bakit ba ayaw mo na akong makasama at makakuwentuhan?” “Eh, nakakainis ang unfairness ng mundo, eh,” nakaingos na sabi nito. Natatawang niyakap niya ito nang mahigpit. Kahit na nagpupumiglas ito upang makawala, hindi niya ito hinayaang makaalpas sa mga bisig niya. Kahit paano ay na-miss niya ang lambingan nilang magkapatid. “Kuya, hindi na ako bata,” nagrereklamong sabi nito. “I met a very special girl, Glanys. She’s very, very special and very, very lovely. Ipagdasal mo na sana sagutin na niya ako. I want you to meet her one of these days. You’ll like her.” Nagtatakang napatingin ito sa kanya. Salubong na salubong ang mga kilay nito. “Parang ngayon lang kita narinig na ganyan magsalita. Seryoso ka yata ngayon sa babae?” Tila manghang-mangha talaga ito. “Bakit, mahirap bang paniwalaan na puwede akong magseryoso sa isang relasyon?” Sunod-sunod ang naging pagtango nito. “Iba siya, eh.” “Paanong naging iba?” Nagkibit-balikat siya. “Iba `yong kaligayahang nararamdaman ko kapag siya `yong kasama ko. Hindi ako nabo-bore. Hindi ako naaartehan sa kanya. Hindi naman kasi siya maarte talaga. She’s beautiful but it seems like she’s not aware of it. She’s natural, unspoiled, and very lovely. She’s beautiful inside and out. I want to spoil her rotten. Lahat ng magagandang bagay dito sa mundo, gusto kong ibigay sa kanya kahit na wala naman siyang hinihingi sa `kin. I want to make her happy for always. Makita ko lang siyang nakangiti, nagiging masaya na rin ako.” Napatulala ito sa kanya. Nang makabawi ito ay sinalat nito ang noo niya. “May sakit ka ba? Nagdedeliryo ka ba?” Natatawang inalis niya ang kamay nito sa noo niya. “Ano ka ba? Minsan lang magkaganito ang tao, eh.” Natawa na rin ito. “In love ka na ba sa wakas, Kuya Phillip?” Natigilan siya. “In love?” nausal niya. Napakibit-balikat siya. “Maybe. I guess so. I’m not sure,” he answered honestly. Lalong natawa si Glanys. Kumawala ito sa kanya at binatukan siya. “Puwede ba naman `yon?” “It’s too early to tell, really,” aniya habang inaayos ang suot niyang T-shirt. “Sige na, aalis na ako at baka ma-late pa ako. Hoy, seryoso ako doon sa sinabi kong bawal ka pang makipag-boyfriend, ha?” Hindi na niya hinintay na makatugon ito, lumabas na siya ng silid nito. Hindi siya sigurado kung pag-ibig na ang nadarama niya para kay Sassa at ayaw muna niyang pakaisipin sa ngayon. He witnessed how his cousins fell in love. Hindi niya alam kung nais niyang danasin ang mga dinanas nina Damian at Travis. Si Damian, patuloy sa pagmamahal ng isang babae na hindi siguradong susuklian ang pag-ibig nito. Si Travis ay naging cynical na. Tuluyan nang nagbago ang pananaw at buhay ng dalawang pinsan niya dahil sa pag-ibig. Ang kailangan niyang isipin sa ngayon ay kung paano niya haharapin ang kuya ni Sassa. Ayaw niyang masyadong paghintayin ang mga ito. Kinakabahan man, kailangan niyang patatagin ang kanyang dibdib. He could do it. He was Ashton Phillip Castañeda Tiamson.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD