HINDI mawari ni Almira kung bakit bigla na lang nagpaalam si Maureen. May emergency daw. Binayaran na lang nito ang kinain nila at umalis ito. Humingi naman ito ng pasensiya sa kanila ni Gabriel dahil hindi na sila nito maihahatid sa bahay. Wala namang problema sa kanila ni Gabriel dahil kung emergency ang pupuntahan ng kaibigan niya ay dapat naman talaga nitong unahin iyon. Tinapos lang din nila ni Gabriel ang pagkain at nagdesisyon na rin sila na umuwi. Medyo late na rin kasi at paniguradong nag-aalala na ang mga magulang niya. Lalo na at ang paalam niya ay magsisimba lang sila ni Gabriel. Sumakay sila ng tricycle at ibinaba sila sa may kalye papasok kung saan naroon ang bahay nila. Mas maigi iyon para naman makapaglakad-lakad silang dalawa. Busog na busog kasi sila.

