Kabanata V NAGISING si Miguel sa unang gabi niya sa Alabat Island dahil sa biglang pagbuhos ng ulan. Sinamahan pa iyon ng malakas na hangin. Manaka-naka ay lumiliwanag din ang kapaligiran dahil sa pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Nahinuha niya agad na may bagyo. Dahil sa wala naman siyang dalamg cellphone o kahit telebisyon sa resort na tinutuluyan niya ay hindi niya nabalitaan na may bagyong parating. Kaya pala kaninang hapon ay makulimlim na ang kalangitan na parang may nagbabadyang malakas na ulan.
Namaluktot ng higa si Miguel sa lamig. Hinila niya ang kumot sa tabi at ibinalot ang sarili gamit iyon. Pero ayos na rin ang ganitong panahon. Malamig. Isa pa, mas lalong nakakaantok ang tunog na nililikha ng ulan na pumapatak sa bubong na yari sa pawid. Wala naman siguro siyang dapat ipag-alala. Mukhang matibay naman ang pagkakagawa ng kubo na kaniyang tinutuluyan.
Nakapikit na siya nang may marinig siyang katok sa pinto ng kubo. Napabalikwas tuloy siya ng bangon para pagbuksan at malaman kung sino iyon.
Bahagya siyang nagulat nang mapagbuksan niya si Manang Grasya. Nakapayong ito pero basang-basa na ito ng ulan. “Manang, bakit po kayo napasugod dito? Ang lakas ng ulan, a!” May pag-aalala sabi ni Miguel. “Halika, pasok kayo.”
Kita sa mukha nito ang pagkabahala. “Hindi na,” iling nito. “Pasensiya ka na kung nagambala ko ang pagpapahinga mo ngunit ikaw na lang kasi ang naisipan kong hingian ng tulong.”
“Sige po. Anong tulong po ba?”
“Si Upeng kasi, pumalaot na naman para manghuli ng isda. Pinipigilan ko nga pero ayaw papigil. Kaya daw niya ang alon. Miguel, nag-aalala kasi ako sa asawa ko. Baka kung mapaano siya sa laot. Tulungan mo sana ako kung maaari na puntahan siya.”
“Sige po. May bangka po ba kayo na extra?” Mabilis niyang sagot. Walang pag-aalinlangan. Naawa kasi talaga siya sa matanda.
“Meron naman. Nandiyan lang sa unahan ng kubo mo. Halika at sasamahan kita—”
“Manang, huwag na. Ako na lang po. Delikado, e.”
“M-marunong ka ba gumamit ng bangka?”
“Oo naman po. Wala kayong dapat ipag-alala sa akin. Susunduin ko si Manong Upeng sa laot at ligtas ko siyang ibabalik dito. Pangako po, manang!”
Napaluha sa kasiyahan si Manang Grasya. “Maraming salamat, Miguel! Maraming salamat!” Niyakap pa siya ng matanda. “Mag-iingat ka. Ipagdadasal kita at si Upeng.”
Hindi na nag-aksaya ng oras si Miguel. Kumilos na siya para sundan ni Manong Upeng sa laot. Nakita niya ang bangkang tinutukoy ni Manang Grasya. Hindi na bago sa kaniya ang pamamangka. Nagtatrabaho kasi noon ang tatay niya sa isang malawak na palaisdaan at gumagamit ito ng bangka. Simula bata hanggang maging binatilyo siya ay sumasama siya dito paminsan-minsan. Ang tatay niya ang nagturo sa kaniya na gumamit ng bangka at pagsagwan.
Itinulak na niya ang bangka papunta sa dagat. Marunong nga siya na magbangka pero ang hindi lang niya sigurado ay kung kakayanin ng bangka ang malalakas na alon.
Napahinto siya sandali at nag-isip kung tutuloy pa ba.
Kung hindi naman siya tutuloy, paano na si Manong Upeng? Paniguradong malulungkot si Manang Grasya kapag may nangyaring hindi maganda dito.
Ah, bahala na nga! Aniya sa sarili at tuluyan na niyang itinulak ang bangka sa tubig.
Sumakay na siya sa bangka at inumpisahan na magsagwan. Kailangan niyang dagdagan ng puwers ang bawat pagsagwan niya para umusad.
Halos kalahating oras na siyang nagbabangka nang may makita siyang ilaw sa kalayuan. Bumangon ang saya sa puso niya dahil alam niyang ang liwanag ay mula sa bangka ni Manong Upeng.
Mas lalo siyang nagkaroon ng lakas na magsagwan kahit masakit na ang magkabilang braso niya. Ngunit isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Biglang nagliwanag ang paligid ni Miguel. Isang mabilis na ilaw ang nakita niyang tumama sa unahan ng bangka. Tinamaan iyon ng kidlat!
May matinis na ingay ang tumining sa kaniyang tenga. Sandali din na nagdilim ang paningin niya pero bumalik din naman agad. Malabo nga lang.
Sa lakas ng pagkidlat ay tumilapon siya sa tubig. Malakas na humampas ang noo niya sa katig ng bangka. Nanlabo ang paningin niya at nawalan siya ng lakas na gumalaw. Unti-unti siyang lumulubog sa tubig. Isinisigaw ng utak niya na lumangoy siya paitaas pero hindi niya maigalaw ang kahit na anong parte ng kaniyang katawan.
Habang papalubog siya ay naalala niya ang kaniyang mga magulat at kapatid. Sumagi din sa utak niya si Jeric at ang pangako niya na babalik siya dito kapag ayos na ang lahat.
Dahil doon ay nagkaroon siya ng lakas para magising. Naigalaw na niya ang mga paa at kamay. Mabilis niyang ikinampay ang mga iyon at lumangoy papunta sa ibabaw. Kahit wala siyang makita dahil madilim ay langoy lang siya nang langoy. Ang importante ay makasagap na siya ng hangin dahil kinakapos na siya niyon. Naninikip na nang bahagya ang kaniyang dibdib.
Hanggang sa maramdaman na ng kamay niya ang ibabaw. Pero nang akala niya ay makakaahon na siya mula sa ilalim ng tubig, nauntog naman ang ibabaw ng ulo niya sa isang matigas na bagay. Sa tignin niya ay iyon ang ilalim ng parte ng bangka.
Sa lakas ng pagkaka-untog niya ay tuluyan na siyang nawalan ng malay. Matapos iyon ay wala nang naalala pa si Miguel sa mga sumunod na nangyari…
“BWISIT na bagyo `yan. Bigla-bigla kung dumating, aba! Isang gabi lang naman palang mananantala dito sa lugar natin, dapat ay hindi na tumuloy!” Himutok ng nanay ni Almira matapos nitong buksan ang bintana ng kanilang bahay.
“Mabuti nga at isang gabi lang. Walang pinsalang iniwan,” tugon naman ng tatay niya dito.
Siya naman ay naghahain na ng almusal. Nagluto siya ng pritong itlog para palaman sa pandesal. “Bago pa po kayo mag-away diyan ay kumain na kayo dito,” anyaya ni Almira sa mga magulang.
Ginising na rin niya ang mga kapatid na sina Arman at Arra para sabay-sabay silang kumain lahat. Sabado ng araw na iyon kaya medyo tanghali na rin silang mag-aalmusal. Wala kasing pasok ang tatay niya. Pahinga nito kapag ganitong araw.
Matapos niyang gisingin ang dalawang nakakabatang kapatid ay dumungaw siya sa bintana. Pinuno niya ng sariwang hangin ang kaniyang dibdib.
Aalis na sana siya sa bintana nang makita niya ang isang lalaki na humahangos na tumatakbo papunta sa kanilang bahay. Hindi nga siya nagkamali dahil huminto ito sa pintuang nakabukas sa bahay nila.
“Kapitan!” Humihingal na tawag nito sa tatay niya.
“O, Mando? Bakit humahangos ka?” Nilapitan ito Arnold.
“Kapitan, kailangan po namin ang tulong ninyo! May nakita daw lalaki sa pampang!”
“Daw? Hindi ka sigurado?”
“Ah, e…” Kakamot-kamot sa ulo si Mando. “H-hindi po, e. Sabi lang po nila. Pumunta na lang po kayo. Nagkakagulo sila sa pampang, kapitan.”
“Ay, sige. Pupunta na ako doon. Hintayin mo na lang ako at samahan mo ako, Mando!”
GABI na nang umuwi ang tatay ni Almira sa bahay nila simula nang umalis ito nang dumating si Mando kaninang umaga. Bakas sa mukha nito ang pagod. Inasikaso naman agad ito ng nanay niya. Naghain ito ng pagkain nang sabihin ng tatay niya na nagugutom ito.
Habang kumakain ang tatay niya ay tinabihan niya ito at ng nanay niya para mag-usisa.
“Tatay, bakit ngayon lang po kayo umuwi? Totoo ba `yong sinabi ni Mando na may lalaking natagpuan sa pampang?” Medyo duda kasi siya sa sinabi ni Mando dahil kilala ito sa pagiging tuliro at malituhin. May mga ginagawa at sinasabi ito na hindi ito sigurado dahil sa ugali nitong iyon.
“Galing ako ng ospital. At oo, totoo naman iyong sinabi ni Mando. Merong lalaki sa pampang. Walang malay at may malaking sugat sa ulo. Siya ang dinala namin sa ospital kaya ngayon lang ako nakauwi,” sagot ng tatay niya sa kaniyang tanong.
“Kaya naman pala. E, ano nang balita doon sa lalaki? Kilala niyo ba?” Ang nanay naman niya ang nagtanong dito.
Umiling ito. “Hindi nga, e. Mukhang dayo. Itinawag na namin sa kabilang isla, sa Alabat kung may nawawala sa kanilang lalaki pero wala naman daw. Ang problema pa nito, walang maalala iyong lalaki nang magising. Ang sabi ng doktor, nagkaroon daw ng trauma iyong utak no’ng lalaki gawa ng matinding injury na nakuha nito. May sinabi iyong doktor na salita, e. Ano nga ba iyon? Am… am… am…”
“Amnesia?” aniya.
Napapitik sa hangin ang tatay niya. “Oo. Amnesia! Iyon nga, anak. Pero baka daw babalik din naman ang alaala nito kapag nakapagpahinga ito nang maayos. Bukod sa sugat nito sa ulo at wala itong maalala, iyon lang naman ang problema ng lalaki.”
“Ano nang balak niyo sa lalaki, Arnold?”
“Ipapanawagan namin sa dyaryo at TV. Tamang-tama, bukas ay papunta sa Lucena City si Mando. Pipicturan namin iyong lalaki at ipapadala ko kay Mando sa radio station doon. `Di ba, pagmamay-ari ng malaking TV network iyon radio station sa Lucena?”
“Tama iyan. Ganiyan nga ang gawin ninyo,” sang-ayon ng nanay niya.
“`Tay, si Mando talaga inutusan ninyo? Kilala niyo naman iyon, `di ba?”
“Kaya na iyon ni Mando. Hindi iyon malilito…” Mabilis na tinapos na ng tatay niya ang pagkain nito. “Oo nga pala, sa makalawa ay pwede nang ilabas ng ospital iyong lalaki. Napagdesisyunan ko na dito na muna siya sa bahay natin magpapagaling habang hindi pa siya nahahanap ng kaniyang pamilya.”
NANG sumunod na araw ay tinanggap ni Mando ang utos sa kaniya ni Kapitan Arnold. Pinicturan nito ang lalaking natagpuan sa pampang kahapon at pina-develop nito iyon. Ibinigay sa kaniya at inutusan siyang dalhin iyon sa isang radio station sa Lucena City. Ipakiusap na rin daw niya na ipanawagan din iyon sa telebisyon.
Ilang beses pang inulit ni Kapitan Arnold sa kaniya ang gagawin dahil alam nitong mabilis siyang malito at makalimot. Tinandaan naman niyang mabuti ang lahat.
Pauwi kasi siya sa nanay niya na nasa Lucena. Doon ito nakatira kasama ang pangalawa nitong asawa at kapatid niya sa ina. Namatay na kasi ang tatay niya at nang mag-asawa ang nanay niya ay inaya siya nitong sumama dito. Pero ayaw niya. Mas gusto niya manirahan malapit sa dagat.
Nakasakay na si Mando ng bus nang kuhain niya sa bag ang picture ng lalaking natagpuan sa pampang. Tinitingnan niya iyon nang lumapit na sa kaniya iyong kundoktor para bigyan siya ng ticket.
“Saan ka, boy?” tanong nito sa kaniya.
“Lucena po. Sa Grand Terminal.” Dahil kailangan niyang magbigay ng bayad ay inipit muna niya ang litrato sa may gilid ng upuan. Kumuha siya ng pera sa bag at inabot iyon sa kundoktor.
Matapos magbayad ay isinandal niya muna ang likod sa upuan at pumikit. Mahigit isang oras pa ang biyahe niya kaya matutulog na lang muna siya. Maaga din kasi siyang nagising para pumunta sa ospital.
Makalipas nga ang ilang oras ay narating na niya ang Grand Terminal sa Lucena. Bumaba na siya at sumakay ng jeep papunta sa lugar kung saan naroon ang bahay ng nanay niya. Habang bumabiyahe ay naramdaman niya na para bang may nakalimutan siyang gawin.
Pilit niyang inisip kung ano nga ba iyon pero hindi niya magawang maisip. Hanggang sa inisip na lang niya na wala naman siyang gagawin. Kesa naman sumakit ang ulo niya kakaisip, `di ba?
Ilang sandali lang ay narating na niya ang bahay ng kaniyang nanay. Sinalubong pa siya nito sa labas at mahigpit na niyakap.
KABANATA VI
WALANG trabaho si Almira ng araw na iyon kaya naman naisipan niya na tulungan ang nanay niya sa mga gawaing bahay. Nakita niya kasi kahapon na marami ang labahan nila. Siya na lang ang gagawa niyon mamaya pagkatapos niyang magwalis sa kanilang bakuran.
Ang suot lang niya ay ang luma niyang t-shirt na may mga butas. Manipis na rin ang tela niyon dahil sa kakalaba. Ngunit kahit ganoon na ang hitsura ng damit niyang iyon ay isinusuot niya pa rin kapag nasa bahay lang siya. Kumportable kasi siya at paborito niya iyon kaya kahit may sira na ay hindi pa rin niya itinatapon o ginagawang basahan.
Abala siya sa pagwawalis sa harapan. Maraming dahon ng mangga doon. May dalawang puno ng mangga kasi sila sa harapan ng kanilang bahay. Sa ilalim ng isa ay may duyan at ang sa isa naman ay lamesa at upuan na yari sa kawayan. Doon siya madalas tumatambay dahil malilim at presko kahit mainit ang panahon.
Habang nagwawalis ay narinig niya ang pagbukas ng kanilang gate na yari sa kawayan. Pag-angat niya ng mukha para tingnan kung sino ang dumating ay nakita niya ang tatay niya. Ang akala niya ay ito lang kaya naglakad siya palapit dito para salubungin ito.
Bigla siyang napahinto sabay yakap sa sarili para takpan ang manipis na suot nang malaman niya na may isang lalaki sa likuran nito! May benda sa ulo ang lalaki at walang emosyon ang mukha.
“T-tatay, nandito na pala kayo,” natataranta niyang turan.
“Ang nanay mo?” kaswal nitong tanong.
“N-nasa loob po.”
Hindi magawang tingnan ni Almira ang lalaki. Nang masulyapan niya ito nang saglit ay parang pamilyar pala ito sa kaniya. Hindi niya maalala kung saan niya ito nakita. Nahulog tuloy siya sa malalim na pag-iisip. Pamilyar kasi talaga ito, e.
“Sige. Mag-uusap lang kami ng nanay mo. Oo nga pala, Almira. Siya iyong lalaki na natagpuan sa pampang noong isang araw. Dito muna siya atin titira pansamantala habang hindi pa siya natatagpuan ng pamilya niya. Wala pa rin kasi siyang maalala. Alam mo na, bilang kapitan ng baranggay natin, responsibilidad ko ito,” mahabang sabi ng tatay niya.
“S-siya pala iyon…” Iyon lang ang tanging kaniyang nasabi.
“Anak ko iyan. Si Almira,” pagpapakilala ng tatay niya.
Tumango lang ang lalaki. In all fairness, gwapo kung sa gwapo ang lalaki. Artistahin. Mukhang mayaman.
Matapos ang pag-uusap na iyon ay iniwan na siya ng tatay niya at ng lalaki para pumasok sa loob ng kanilang bahay. Doon lang niya inalis ang pagkakayakap sa sarili sabay buga ng hangin. Hindi naman siguro nakita ng lalaki ang panloob niya. Naitakip naman niya agad kanina ang mga braso niya sa kaniyang dibdib. Bakit ba kasi hindi man lang tumawag o nag-text ang tatay niya na darating naito at may kasama pang lalaki?
Ipinagpatuloy na ulit niya ang pagwawalis. Habang nagwawalis ay bigla na niyang naalala kung saan niya nakita ang lalaki. Mabilis na bumalik sa alaala niya ang tagpo kung paano nag-krus ang landas nila sa unang pagkakataon…
“Ay, ano ba?!”
“Miss, okay ka lang ba?”
“H-ha? A-anong sabi mo?”
“Ang sabi ko, okay ka lang—s**t! Maiiwanan na ako no’ng bangka!”
Tama! Naalala na niya. Nakita niya ang naturang lalaki sa may terminal ng bus sa Atimonan. Iyong malapit sa pier. Kung ganoon, dayo nga lang ito dahil mukha itong bakasyunista ng makita niya. May dala itong malaking bag, e. Tapos naghahabol ng biyahe ng bangka.
Kung walang maalala ang lalaki, kawawa naman pala ito. Parang ang hirap ng ganoon na nawala ang lahat ng memorya mo. Hindi mo na matandaan kung sino ka, ang pagkatao mo at maging ang mga mahal mo sa buhay.
Ikinibit na lang ni Almira ang balikat at tinapos na niya ang pagwawalis.
KUMAKAIN sila ng hapunan nang ipaliwanag ng tatay nila na sa kanila muna titira ang lalaking natagpuan sa pampang. “Habang nagpapagaling siya ay dito muna siya. Maging mabait kayo sa kaniya, mga anak. Huwag niyong papasakitin ang ulo niya dahil sa may trauma pa siya sa nangyari sa kaniya,” sabi pa ng tatay nila.
Habang nagsasalita ang tatay nila Almira kanina ay tahimik lang ang lalaki. Siya naman ay pasulyap-sulyap dito. Nakakahiya man na aminin sa sarili ngunit nagagwapuhan siya nang husto sa naturang lalaki. Noong unang beses niya kasi itong makita ay parang ang sungit nito. Ngayon ay iba na. Ang bait-bait nitong tingnan dahil hindi nagsasalita.
“E, `tay, ano po bang pangalan ni kuya?” tanong ng kapatid niyang si Arra.
Sandaling natahimik ang tatay nila nang tumingin ito sa lalaki. “Oo nga pala, kahit ang pangalan mo ay hindi mo maalala, `di ba?” anito.
“Hindi po.” Matipid nitong tugon.
Maganda din ang boses niya, ha! Turan ni Almira sa sarili. Lalaking-lalaki at parang hindi nakakasawang pakinggan.
“Kung ganoon, dapat pala ay may pangalan ka. Ano bang gusto mo?”
“Wala po akong maisip…”
Lahat tuloy sila ay napaisip ng ipapangalan sa lalaki.
“Gabriel…” Wala sa sarili na sabi niya. Lahat ay napatingin sa kaniya. Tila napapahiyang inayos ni Almira ang sarili. “O, bakit ganiyan kayo makatingin sa akin:? Nag-suggest lang naman ako, a.” Ibinaling niya ang atensiyon sa pagkain.
“Sige. Gabriel na lang ang itatawag natin sa iyo habang wala ka pang naaalala,” pagkumpirma ng tatay niya.
“Bagay na bagay sa kaniya ang Gabriel dahil mukha siyang angel!” Kinikilig na wika ni Arra na sinundan pa nito ng impit ng tili.
Nakurot tuloy ito ng nanay nila sa tagiliran. Magkalapit lang kasi ang dalawa. “Ang harot-harot mo! Ke bata-bata mo pa!” pinandilatan pa ito ng nanay nila.
“Nanay naman, e! Pinapahiya mo naman ako kay Kuya Gabriel!” Maarteng sabi pa ni Arra.
KADILIMAN. Iyon lamang ang kaniyang nakikita. Madilim man ang kaniyang paligid at wala siyang ideya kung ano ang nasa paligid ay wala siyang nararamdaman na kahit kaunting takot. Bagkus pakiramdam niya ay ligtas siya.
Hanggang sa may makita siyang liwanag. Lumitaw na lamang iyon sa kaniyang harapan. Naglakad siya palapit doon at nang malapitan niya ang liwanag ay may isang kamay na lumapas doon. Hinaplos ang kaniyang mukha.
Sandali siyang napapikit para damhin ang haplos. Pagbukas niya ng mata ay isang tao na ang nasa harapan niya. Malabo ang mukha nito kaya hindi niya makita kung sino ito. Isa lang ang sigurado siya—isang lalaki ang may-ari ng kamay na nakahawak ngayon sa kaniyang mukha.
“Sino ka?” tanong niya.
Hindi pa man nakakapagsalita ang lalaki ay isang malaking alon ang biglang dumating. Tinangay siya ng alon palayo sa lalaki. Nagsisigaw siya pero tuluyan na siyang nilamon ng alon. Unti-unti siyang kinapos ng hininga nang unti-unti ay pumasok na ang tubig sa kaniyang katawan…
NAPABALIKWAS ng bangon si Gabriel mula sa pagkakatulog. Humihingal siya at parang kinakapos ng hininga. Basang-basa ang mukha niya dahil sa malamig na pawis. Medyo naninibago pa siya sa lugar kung nasaan siya. Sa kwarto ng mag-asawang sina Kapitan Arnold at Irma siya pinatulog. Habang ang dalawa ay sa salas.
Lumabas siya ng kwarto at nagtungo sa kusina. Naghahanap ng tubig ang kaniyang lalamunan. Uminom siya ng isang baso ng tubig mula sa water jug.
Hindi muna siya bumalik sa kwartong tinutulugan. Bagkus ay lumabas siya sa pinto sa likuran ng bahay. Nasa kusina lang iyon. Pagkalabas niya ay narinig niya ang paghampas ng alon sa dalampasigan sa hindi kalayuan. Kusang naglakad ang kaniyang mga paa. Sinundan ang ingay na naririnig.
Makalipas ang kaunting minuto ng paglalakad ay narating na niya ang pampang. Huminto siya habang nakamasid sa kalawakan ng dagat. May mangilan-ngilan na poste ng ilaw doon kaya hindi masyadong madilim sa kaniyang kinaroroonan.
Malamig ang simoy na nagmumula sa dagat. Maligamgam naman ang alon na humahalik sa kaniyang mga paa. Umaasa siya na kapag pumunta siya sa lugar kung saan siya natagpuan ay may maalala siya kahit kaunti.
Ayon sa kwento sa kaniya ni Kapitan Arnold ay dito siya natagpuan. Kahit ang bagay na iyon ay hindi niya maalala. Wala siyang maalalang kahit na ano. Kahit ang sarili niyang pangalan. Wala. Tila nag-uumpisa pa lang siya sa buhay niya at napakahirap para sa kaniya niyo.
Ano nga ba ang buhay na meron siya bago mawala ang kaniyang memorya?
Ang sabi sa kaniya ng doktor ay maaaring bumalik din naman ng kusa ang memorya niya. `Wag lang daw niyang pilitin. Ang mahalaga daw ang inumin niya ang gamot na ibinigay nito at magpahinga siya ng husto.
Gabriel… Iyon ang pangalan na pansamantalang ibinigay sa kaniya ng anak ni Kapitan Arnold na si Almira.
“Gabriel… Gabriel…” Mahina at paulit-ulit niyang sambit sa pangalan.
Pilit niyang hinahalukay ang kaniyang utak at baka sakaling maalala niya kahit ang pangalan man lang niya. Pero kahit anong pilit niya ay wala siyang nakuha. Sumakit lang ang ulo niya.
Napahawak siya sa ulo sabay pikit nang mariin nang kumirot iyon. Impit siyang napasigaw dahil sa sakit. Nanghihinang napaluhod si Gabriel at nabasa ng alon ang kaniyang tuhod at binti. Hindi naman nagtagal ay nawala na rin ang p*******t ng ulo niya. Habol ang hininga na itinukod niya sa buhangin ang dalawang kamay.
Matagal siya sa ganoong posisyon nang may tumawag sa kaniya.
“Gabriel!” boses ng isang babae.
May humawak sa braso niya at tinulungan siyang makatayo. Nang tumingin siya kung sino iyon ay nalaman niyang si Almira.
“Ano bang ginagawa mo dito ng ganitong oras tapos mag-isa ka pa?” May pag-aalalang tanong nito. Isinampay nito ang isa niyang braso sa balikat nito.
Nanlulumong umiling si Gabriel. “Baka kasi may maalala ako kapag nagtungo ako dito…” Malungkot niyang turan.
“Ayos ka lang ba? Tara na sa loob. Kaya mo bang maglakad?”
“Kaya ko. Pasensiya ka na kung hindi ako nagpaalam sa inyo.”
Tumingin siya sa mukha ni Almira at nagtama ang mga mata nila. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bumilis ang t***k ng puso niya. Kahit medyo madilim sa kanilang kinaroroonan ay nakikita niya pa rin ang kagandahan nito. Hindi niya maipagkakaila na kaakit-akit ang ganda ni Almira. Napaka-inosente ng mukha nito at mabait tingnan.
Napalunok siya nang bumaba ang mata niya sa labi ng babae. Maya maya ay ipinilig niya ang kaniyang ulo. Ano ba itong naiisip niya? Bakit may bumubulong sa kaniya na halikan niya si Almira?