•Amanda•
Napatingin ako sa dalawang taong nag-uusap sa labas ng kwartong kinaroroonan ko. Kumunot ang aking noo nang humawak pa sa braso ni Duke si Jessa at inosenteng nakatingin sa kanyang mukha.
Hindi naman ako nagseselos dahil wala naman akong nararamdaman para rito. Pilit lang din ang relasyon namin na dalawa. Hindi ko lang maintindihan ay kung bakit sa harapan pa ng classroom ko naglalampungan ang dalawang ito, kung pwede naman sila roon sa classroom nila.
Senior Highschool na kami at magkaiba kami ng strand ni Duke kaya magkaiba rin ang building namin, ngunit araw-araw ko na yata itong nakikita sa labas ng room ko.
"Tine, are you okay?" tanong ng bestfriend ko na si Andrius. Matanda ito sa akin ng isang taon ngunit nagkakaintindihan pa rin naman kami sa mga kabaliwan sa buhay. "Kanina pa kita nakikita na nakatitig sa dalawang iyan. Huwag mong sabihin na may gusto ka na kay Duke Salvatore—aray, Tine!"
Napalakas yata ang hambalus ko sa kanya kaya napasigaw ito. Pareho kaming napalingon sa gurong nasa harapan namin dahil sa ginawa nito.
"Kasalanan mo talaga ito, Andrius," inis kong bulong. Lumingon naman siya sa akin at tinitigan ako nang maigi, tila ba nababaliw ako. Itinuro pa nito ang kanyang sarili dahil hindi makapaniwala sa sinabi ko. "G*go, sino pa ba? Ako ba dapat ikaw naman iyong sumigaw!"
"Ms. Madrigal at Mr. Cuevas, anong ginagawa niyong dalawa?" Kunot ang noo ni Ms. Santisima habang nakatitig sa aming dalawa ni Andrius. Kung pwede ko lamang itong batukan ay kanina ko pa ginawa. "Hindi na ako magtataka sa sobrang pasaway mo, Christine, dinamay mo pa talaga si Andrius!"
Tumaas ang aking kilay nang marinig iyon mula kay Ms. Santisima. Narinig ko pa ang mahinang hagikhik ni Andrius sa aking gilid kaya mas lalo akong nainis.
Pasaway naman talaga ako aaminin ko naman talaga iyon, pero hindi naman kasi ako ang may kasalanan ngayon. Si Andrius kaya iyong sumigaw! Kasalanan ko pa ba kung madali itong masaktan?
"May I excuse Ms. Amanda Madrigal for awhile, Ms. Santisima?" Napaayos ako ng upo nang marinig ang boses ni Duke.
Nakita ko itong nakasandal sa may pintuan tila ba pagmamay-ari niya ang lugar na iyon. Magkadikit pa ang dalawang kilay nito habang nakatingin sa aming dalawa ni Andrius.
"Problema ng lalaking iyan, Tine?" Nagkibit-balikat ako sa tanong nito. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin ng mga tinging iyon, kaya wala rin akong maisagot kay Andrius.
Tumingin naman sa akin si Ms. Santisima na puno nang pagtataka. Alam nito na minsanan lang kami mag-usap ni Duke at kapag nangyari iyon ay awayan at asaran lang ang ginagawa naming dalawa.
"Ano na naman ang gagawin mo sa estudyante ko, Mr. Salvatore?" striktang saad nito. Nakagat ko ang aking ibabang labi dahil sa sinabi nito kay Duke. Kung pwede lang na tumayo ako at palapakan ito ay ginawa ko na, ngunit kapag ginawa ko naman iyon ay ako naman ang babanatan nito, tsk.
"Saglit lang naman po, Ms. Santisima—" Natigil ito sa pagsasalita nang biglang tumama sa kanyang balikat ang chalk na itinapon nito.
"Wala akong pakialam kong ang ama mo ang mayor dito nasa paaralan ka kaya dapat mong respetuhin ang mga guro," mariin na saad nito. Parang aso namang napagalitan si Duke na umatras. Naiiling ko siyang sinundan ng tingin at umayos nang pagkakaupo.
"Kapag may mag-iingay ulit ngayon papalabasin ko na talaga. Nagkakaintindihan tayo, Christine at Andrius?" Sabay naman kaming tumango at nagpokus na sa klase.
Ngunit magsusulat pa lamang ako ng mga pwedeng lumabas sa exam ay naramdaman ko naman ang pag-vibrate ng cellphone ko sa aking bulsa.
Napabuntong-hininga ako at dahan-dahan iyong kinuha, habang nakatingin pa rin sa aking harapan. Mahirap na at baka mapagalitan na naman ako at papuntahin dito si daddy.
Pasulyap-sulyap ako kay Ms. Santisima habang tinitingnan ang cellphone ko. Tumaas kaagad ang aking kaliwang kilay nang makita ang pangalan ni Duke na nakatatak sa screen ng phone ko.
Duke Salvatore:
After class, Amanda. Same place hihintayin kita sa may tambayan.
Iyon ang mensaheng ipinasa niya sa akin. Gawain ko naman na talagang puntahan ito tuwing uuwi ako, dahil kapag hindi ko gagawin iyon ay sandamakmak na naman na mensahe nito ang ipapadala niya sa akin at puro pamba-blackmail lang naman ang laman.
Hahayaan ko na lamang sana ito at ibabalik na sa aking bulsa nang mag-vibrate na naman ito.
Duke Salvatore:
Hindi ko nagustuhan ang paghawak mo sa lalaking katabi mo ngayon. Why do you need to touch him, Ms. Madrigal?
Inis kong sinilid ang phone sa aking bulsa dahil sa bagong mensahe nito. Kung itapon ko na lang kaya ang phone na ito para hindi na siya makapag-text sa akin at hindi na niya ma-istorbo ang pag-aaral ko?
Ang ayaw ko pa naman sa lahat ay iyong binabantayan ang mga kilos ko. Nilingon ko saglit ang bintana para tingnan kung naroon pa nga ba ito. Nakaginhawa ako nang maluwag nang wala akong namataan na Duke Salvatore roon.
Mabuti na lang pala at natauhan siya at umalis na nga. Muli ko nang ibinaling ang aking paningin sa unahan para makinig na idi-discuss ni ma'am.
—
Nag-aayos ako ng mga gamit ko nang bigla akong kalabitin ni Andrius. Tiningnan ko siya saglit at ibinalik na rin ang paningin sa mga gamit na inaayos ko. Ayaw kong magtagal sa pagpunta sa tambayan at baka matagalan din ako sa pag-uwi, mahirap na at baka malaman pa ni daddy ang mga pinanggagawa ko.
"Saan ka na naman pupunta ngayon? Hindi mo na ako sinasamahang gumala, ah?"
May pagtatampo sa boses nito habang sinasabi iyon sa akin. Isinilid ko muna sa aking bag ang tapos ko ng ayusin na libro at notebook tsaka siya binalingan ng tingin.
"Mga next week na lang, Andri, may kailangan kasi talaga akong gawin ngayon." Hindi makapaniwalang tumingin siya sa akin ngunit tumango rin naman hindi kalaunan.
Tinapik ko ang kanyang balikat at binuhat ang aking bag nang maramdaman ko na naman ang pag-vibrate ng aking cellphone. Hindi talaga matigil ang lalaking ito, baka akala nito ay lalayasan ko siya?
—
Naiinis kong binuksan ang pintuan ng tambayan namin at hinanap ng aking mga mata si Duke.
"Bakit ba hindi ka matigil kaka-text? Alam mo naman na may pasok iyong tao—Duke!" hiyaw ko nang bigla nitong hinapit ang aking bewang at inilapit ang katawan ko sa kanya.
Pigil-hininga ko siyang tiningala sa kaba na baka marinig niya ang mabilis na pagtibok ng aking puso.
"You're mine, Amanda, bakit marami pa ring lalaking umaaligid sa'yo?" bulong niya sa aking tainga na halos ikatayo ng lahat ng balahibo ko sa katawan.