Di ko alam kung kailan ulit magbubukas ang Lino's Cafebar. Ang pagpupulong pala na naganap noong nakaraang araw ay tungkol sa misyon nila sa Tarlac, malaking isda ang bibingwitin nila doon at ang mga taong nakipagpulong ay ang mga representative ng iba't ibang kapatiran. Panigurado mawawala sila sa loob ng ilang linggo. Sinabihan ako ni Mang Juan na di pa ako maaaring sumama sa kanila dahil baguhan pa lamang ako. Sina Maverick at Jonathan ay may dalawang taon na sa organisasyon at nasa ika-walong lebel na kaya makakasama sila. Nasa ika-sampung lebel palang ako, pinakamababa.
Minabuti kong mamalagi muna sa bahay, di naman ako nawawalan ng pagkain eh. May higit sa tatlong buwang bakasyon pa naman akong uubusin dahil malayo-layo pa ang umpisa ng semester sa kolehiyo.
Tanghaling tapat at nakatambay ako sa tindahan ni Aling Nerva kasama si Ernesto at Komang. Si Ernesto ay kababata ko rin kasama si Patrick at Komang, apat kami palagi mula eskwelahan at hanggang dito sa subdivision eh di kami nag-iiwanan. Kaso itong si Ernesto may pagka-weirdo mula pa noong bata kami. Mahilig sya sa pamahiin, pangontra, mga halamang gamot, tsaka kung anu-ano pang tradisyon na ginagawa nya sa kanyang buhay. Batangueño kasi itong si Ernest at albularyo ang tatay nya. At dahil sa katangian nya, nabubully sya noon, kaya kami ang tigapagtanggol nya palagi. Ang liit-liit pa naman nya at ang payat tapos batangueño pa magsalita, wala namang masama sa mga ganoong pananalita pero di natin talaga maikakaila na may mga taong ginagawang katatawanan yun. Kung sa bagay, pinagtitripan ko din naman tong si Ernesto pero di sya naooffend, tropa kami nyan eh.
Naisipan namin bumili ng isang boteng softdrinks tas hatiin sa tatlo. Ang init init kasi ng panahon.
"Oh teka lang, pantay pantay dapat ha, hating kapatid.", sabi ni Komang.
"Aba'y oo naman. Pagkaineyt ng panahown!", sabi ni Ernesto sabay punas ng pawis.
"Ala eh! Talagang maineyt nga!", pabiro kong sabi.
"Ahahahaha siraulo ka talaga Tristan.", sabi sakin ni Komang.
"Tagal tagal mo na dito sa Kalakhang Maynila eh Batangueño accent ka parin.", sabi ko kay Ernesto.
"Ala ey shempre, puro batangueño kami duon sa aming bahay.", sabi ni Ernesto.
"Nga pala, habang ng bakasyon natin ano?", sabi ni Komang.
"Oo nga, nakakaineyp, tara't ating yayain si Patrick na mag-inom.", sabi ni Ernesto.
"Pucha ang init init na nga mag-iinom pa tayo? Tas gin at emperador pa iinumin natin. Nako po.", sabi ko naman.
"Edi mamayang gabii, sunduin nateyn doon sa kaniyang trabaho!", sabi ni Ernesto.
"Oo, mamaya punta tayo doon, mapera si tabachoy baka manlibre yun.", sabi ko naman.
"Bakit? May trabaho na si Patrick?", tanong ni Komang.
"Oo, sa palengke. Kumain pa nga sya dun sa karinderya ni Aling Sonya nung nakita ko sya.", sagot ko.
"Ay juskopow! Duon pa siya kumaeyn...", biglang sabi ni Ernesto.
"Bakit?", tanong ko.
"Nakow, hinde naman kayo maniniwala sa akeyn.", sabi ni Ernesto.
"Malamang tungkol na naman yan sa mga impakto.", sabi ni Komang.
"Tara magsipunta duon nang inyong malaman.", sabi ni Ernesto.
"Mamaya na, tirik na tirik ang araw eh. Diretso muna tayo dun samin at manood tayo ng pelikula.", sabi ko naman.
"Sige sige, lalong umiinit dito sa tindahan eh.", sabi ni Komang.
Tumambay muna kami sa bahay at nanood ng pelikula. Inantay ko mag alas kwatro para di masyadong mainit ang pagpunta namin sa palengke.
"Oh, tara na alas tres na, katayin na natin si Patrick sa palengke!", sabi ni Komang.
"Hala tara tara, nang makita ninyo ang inyong hinahanap.", sabi ni Ernesto.
Sinara ko ang apartment at nagsialis na kami papuntang palengke. Sakto pagdaan namin sa tapat ng karinderya ni Aling Sonya ay nasalubong namin ni Patrick.
"Oh mga pre andito pala kayo!", sabi ni Patrick.
"Oo, nandito kami para magpalibre sayo.", sabi ni Komang kay Patrick.
"Ahahaha, tara ilibre ko kayo. Kain tayo sa karinderya.", sabi ni Patrick.
"Aba aba, tiba-tiba ka ata ngayon tabachoy ah!", sabi ko naman.
"Wahahahaha, sumweldo lang. Malakas ang kita ng amo ko eh.", sabi ni Patrick.
Siniko ako ni Ernesto sabay bulong, "Ipapakita ko sayo ang paninda dito.", sabi ni Ernesto.
Umorder si Patrick ng apat na kanin at dalawang order ng bopis at kaldereta. Kapansin pansin na kakaiba ang kinikilos ng mga waiter at kusinero dito, lahat sila ang weirdo tumingin at di nangiti, lahat din sila ay puro lalaking may mahahabang buhok at may mga makakapal na bigote at balbas. Si Aling Sonya naman tawa nang tawa habang nakikipagkuwentuhan sa isa pang babae. Napakataba ni Aling Sonya at nakaupo lang siya sa isang upuan na para bang hindi na nya kayang tumayo.
Inilapag ng isang lalaki ang pagkain nang padabog sabay abot ni Patrick ng bayad at sinabing, "Kainan na!"
Kumain nang kumain si Patrick at si Komang naman tinira yung kanin at sabaw ng kaldereta. Nakita ko naman si Ernesto hinihiwa yung kalamansi sa ilalim ng mesa.
"Ang tabang ng sarsa ng Kaldereta ha. Walang alat, puro tomato sauce, pero pwede na.", sabi ni Komang.
"Oo, napakasarap kumain dito 'tol, halos mayat maya na nga ako nakain dito eh.", sabi ni Patrick habang sarap na sarap sa kanyang kinakain.
Pinatakan ni Ernesto ng katas ng kalamansi yung kaldereta, kukuha palang sana ng karne si Komang kaso natigilan sya, napatitig kaming pareho sa Kaldereta na para bang namamalikmata kami. Kinuskos ko pa yung mga mata ko pero totoo ang nakikita ko, may ilong ng tao na nakalutang sa kaldereta at madugo dugo pa. Kinawkaw ni Komang ng kutsara ang mangkok at nakakita sya ng hilaw na lamang loob at kung di ako nagkakamali, ay putol na hilaw na dila.
Napatayo si Ernesto at pumunta sa pinakagilid ng hilera ng karinderya kung saan tinatapon ang mga basura. Binatukan ni Komang si Patrick at naiduwal nito ang dapat sanay ilulunok nya.
"Bakit?!", pagtataka ni Patrick.
Tinuro ni Komang ang mangkok gamit ang kanyang nguso. Napatingin si Patrick sa mangkok at inilapit pa nya ang kaniyang mukha para tignan nang maigi ang laman ng kaldereta hanggang sa bigla nalang nagduwal si Patrick at pigil na pigil nito ang pagsusuka. Tumakbo ito papunta sa kinaroroonan ni Ernesto na syang sinundan naman ni Komang. Tumayo lamang ako habang tinititigan ang pagkain, napaatras ako at nakita kong nakatingin sa akin si Aling Sonya. Napalunok ako ng laway at napatayo ako, pumunta ako sa kinaroonan ng tatlo.
Sukang suka si tabachoy at si Komang naman ay dura nang dura. Nakita kong namumutla si Ernesto sa kanyang nakita at halata kong nanginginig sya.
"Mga tol, nakita nyo naman yun diba?", tanong ni Patrick.
"Oo, putangina, puta, nagawa ko pang higupin yung sarsa.", sabi ni Komang.
Di mapigil ang pagsusuka ni Patrick. Pinainom sya ni Ernesto ng katas ng kalamansi sabay sumuka si Patrick ng tubig
"Ayos na yan, wala na sa kataw-an mo ang iyong kinaen.", sabi ni Ernesto.
"Kailangang umalis na tayo dito bago pa pumatak ang dilim.", sabi ko sa kanila.
Lumabas kami mula sa gilid at nakita namin na lahat sila ay nakatingin sa aming direksyon, at si Aling Sonya, nakatayo. Lahat sila ay nakangiti at may panlilisik sa kanilang mga mata. Naunang tumakbo si Ernesto at sumunod si Patrick. Napatulala ako sa mga nakikita ko, putangina, mga aswang na higit pa sa lima. Nanginginig na ako sa takot at napahawak ako sa binigay sa akin na asero.
"Tangina nila, di ko sila uurungan.", sabi ni Komang at biglang pumosing na parang bang makikipagsuntukan.
"Tara na Komang! Di sila basta basta tao lang, di natin sila kaya dito, lalo pa kung di tayo agad makakauwi.", sabi ko sa kanya.
Hinila ko na sya at tumakbo kami palayo. Takbo lang kami nang takbo at naabutan pa namin sina Ernesto at Patrick sa daan.