*Tok tok tok*
"Putek ang aga-aga e katok nang katok", mahina kong sabi.
Agang-aga may nambubulabog, bumangon ako at kinuha ang tshirt ko, nakaboxer lang kasi ako matulog. Binuksan ko ang pinto at bumungad sakin si Ninang Hilda, ang daming dala.
"Ay jusko tirik na ang araw ikaw ay natutulog parin?", sabi ni Ninang sa akin.
"Ninang naman eh, pasok ho kayo", sabi ko.
"Hala hala, areng mga dala ko'y dalhin mo sa loob", utos nya sa akin.
"San po kayo galing, Nang?", tanong ko sa kanya.
"Kagagaling ko lang ng Bulacan, sa mga kamag-anakan natin", sagot nya habang binubuksan ang mga bintana. "Ayos ka lang ba dito ha?", tanong naman nya.
"Opo, ayos naman. Ito po nga pala bayad ko po sa renta", sabay abot ko ng pera sa kanya.
"Nako, nako, wag na, ipunin mo nalang yan, kuryente at tubig lang ang sinisingil ko pero yang sa renta di ko na kukunin", sabi ni Ninang.
"Sigurado po ba kayo? Nakakahiya naman po tsaka roon sa mga anak nyo", sabi ko naman.
"Nako wala yan, tsaka yung mga anak ko walang interes sa apartment na to. Wag kang mag-alala", sabi ko.
"Nakakahiya naman po pero salamat po nang marami", pasasalamat ko sa kanya.
"Walang anuman Tristan. Naaawa nga ako sayong bata ka kase nabuhay ka nang mag-isa. Pambawi ko nalang yung pagiging magulang ko sayo", sabi ni Ninang.
"Salamat po talaga ninang", pasasalamat kong muli.
"May dinala nga pala ko, mga pagkain tsaka souvenir yan galing sa mga lugar na napuntahan ko", sabi sakin ni Ninang habang hinahalungkat yung mga dala nya.
"Eh bat ho kayo may dalang buntot ng pagi? Souvenir nyo galing Palawan?", tanong ko.
"Yan ay ang panlaban mo sa masasamang nilalang", sagot nya.
"Ano hong gagawin ko sa kanila? Sasakalin sila gamit yan?", pabiro kong tanong.
"Yan ay pampalo mo sa aswang, hangal kang bata ka. Lagi mo yan isasabit sa likod ng pinto", sabi nya.
"Ninang 2019 na aba, di na uso yang mga ganyan", sabi ko upang pabulaanan ang mga sinasabi nyang imahinasyon.
"Nako, mga kabataan talaga ngayon. Di ka maniniwala hanggat di mo nakikita. Sya, sya, ako'y aalis na, bibisitahin ko pa ang mga amiga ko", sabi ni Ninang habang naglalakad palabas.
"Sige ho, ingat po kayo Ninang", sabi ko sa kanya bago sya umalis.
"Ikaw rin mag-iingat ka, yang binilin ko sayo ha. Yang mga pagkain ilagay mo sa ref yung iba ilagay mo sa cabinet para di dagain", utos sakin ni Ninang, sabay alis nya.
Ano bang laman ng mga plastik bag na 'to? Binuksan ko ang mga bag, panay palaman sa tinapay tulad ng strawberry jam, coconut jam, peanut butter, chiz whiz, mayonnaise. May pulang itlog din mga isang dosena, meron ding ibat ibang klase ng longganisa, tapa, at tocino. Pinaglalalagay ko sa ref lahat ng iyon.
May isa pang plastic bag sa loob ng bag na binuksan ko, may lamang dalawang plastic ng asin. "Hanep sino bang gagawin kong bagnet sa dami ng asin na dinala nya dito?", biro ko.
Itinabi ko sa lalagyan ng ice cream ang asin, sa sobrang dami eh nakadalawang garapon ako. "Wala naman sigurong koneksyon to sa tradisyon nya ano?"
Binuksan ko ang isa pang plastic bag. May lamang mga boteng may halamang gamot, tsaka mga langis, at isang mahabang itak. Napakatalim at kumikinang-kinang pa ang itak ng bunutin ko mula sa lalagyan nya.
Nako baka hindi to para sakin, ibabalik ko nalang mamaya, o ihahatid ko nalang sa kanila mamaya pag-uwi ko.