CHAPTER 9- Double Date

3126 Words
Iniisip niya ang mga nangyayari at hindi siya makapaniwala. Ang akala niya, ang hindi nito pagpansin sa kanya at pambubwisit nito ay wala lang dahil trip lang nito iyon. Pero sa mga narinig niya kanina ay parang gusto niyang tumalon sa tuwa dahil gusto rin pala siya nito. Pero nalulungkot rin siya at the same time dahil may Sharon na ito. Na alam niyang mag-boyfriend na ang dalawa dahil lagi itong magkasama at sweet pa sa isa't isa. Kaya nainis siya kanina at umalis na lang bigla dahil baka pinagloloko lang siya nito para mahalikan siya. Pero naisip niya ang seryoso nitong tingin sa kanya. Ang ginawa nitong paghalik sa kanya ng walang permiso ay nakakatuliro ng utak dahil bakit pa ginawa nito iyon kung sila ng dalawa ni Sharon. Bakit pa ito umamin sa kanya kung alam nitong masasaktan si Sharon? Ano ba talaga ang relasyon nilang dalawa? Mga nakakabuang na tanong niya sa kanyang sarili. Naisip niyang mag-cutting classes. Kaya tatayo na sana siya nang biglang dumating ang subject teacher nila ng mga oras na iyon. Napa-upo na lang tuloy siyang muli sa kanyang upuan. "Okay class, get your book and open it," bungad agad ng kanilang teacher. Palinga-linga si Jhanna dahil hindi pa rin bumabalik sa kanilang silid si Dale. 'Saan na naman kaya siya? Bakit hindi pa rin siya bumalik dito? nagtatakang tanong niya sa kanyang sarili. Ilang minuto pa ay nakita niya na itong naglalakad at papasok na sa silid. Agad na tumahip ang dibdib niya nang makita niya itong nakatingin sa mata niya. Dumaan ito sa gilid niya. Ganun na lang ang pagsinghap niya nang biglang hinawakan nito ang kabila niyang pisngi. Saglit lang iyon. Hindi siya makapag-react dahil nasa harap nila ang kanilang teacher. Mabuti na lang at nakayuko ito nang hawakan ni Dale ang mukha niya kaya hindi nito nakita iyon. Nag-init agad ang kanyang mukha sa ginawa nito. Nahihiyang lumingon-lingon siya sa mga kaklase niya kung meron ba'ng nakakita sa ginawa nito. Nakahinga siya nang maluwag dahil lahat ay busy sa pagkuha ng kanya-kanyang libro. Napaigtad pa siya nang tumunog ang cellphone niya. Kinuha niya ito sa kanyang bulsa at pasimpleng sinilip kung sino ang nag-message sa kanya. Bwesit : Jhanna, humanda ka. Dahil liligawan na kita simula ngayon! Gagawin ko ang lahat ng paraan para gustuhin mo rin ako. Gaya ng pagkagusto ko sa'yo. Tandaan mo 'yan! Napatanga siya sa kanyang nabasang text mula kay Dale. Hindi niya alam kung matatakot ba siya dito, o, kikiligin dahil sa ikalawang pagkakataon ay umamin na naman ito sa kanya. Lihim siyang nagkagusto dito simula nang unang pasukan nila. Kaya nga napasingit siya nang magpakilala ito sa kanilang harapan, dahil iba ang pakiramdam niya nang makita niya ito. Hindi niya lang kayang aminin sa kanyang sarili dahil baka mapahiya lang siya kapag malaman ng iba lalo pa at mayaman ito at mahirap lang sila. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang magkaibang antas ng pamumuhay nila. Imposibleng magaya siya kay cinderella dahil kwento lang iyon na malabong maging totoong mangyari sa totoong buhay. Nilingon niya ito nang palihim at nakita niyang nakatingin din pala ito sa kanya. At para bang kanina pa nito ginawa iyon. Sinimangutan niya ito bilang sagot sa text nito pero bigla itong kumindat at ngumiti sa kanya na animo nagpapa-cute, bagay na lalo itong gumwapo sa paningin niya at bigla na lang bumilis sa pagtibok ang kanyang puso. Kaya agad niyang binawi ang kanyang tingin dito at umayos ng upo. Natapos na ang maghapon ngunit balisa pa rin si Jhanna sa kakaisip sa mga nangyari kanina. Naguguluhan siya kung sasama pa ba siya sa paanyaya ni Harry. Ngunit nakapangako na siya rito at nasabi na rin niya kay Joan na lalabas sila at kasama ito para maipakilala sa lalaki. "Let's go, Jhanna?" Napaangat ang ulo niya sa tanong na iyon ni Harry. Nakatayo ito sa gilid niya at kasalukuyang hinihintay na siya nito kung kailan tatayo. "Ah, sige.." nakangiti niyang sagot at tumayo na rin. "Sige mauna ka na, Harry," aniya. "No, ladies first," sagot nito sa kanya na nakalahad pa ang mga kamay. Sign na pinapa-una siya nitong maglakad. Lumingon muna siya sa kanyang likuran upang tingnan si Dale. Nakita niyang salubong ang mga kilay nitong nakatingin sa kanila ni Harry. Inirapan niya ito bago hayunin ang pintuan palabas sa kanilang silid. Pagkalabas niya sa pintuan ay nakita niya si Joan na nakatayo na sa may di-kalayuan, malawak agad ang ngiti nito nang makita silang dalawa ni Harry. "Hi, bes! Hi, Harry!" masayang bati ni Joan na halatang kinikilig na nakatingin kay Harry. "Hi.." ganti bati naman ni Harry kay Joan at ngumiti ng tipid. "Ahm...Harry? Si Joan nga pala, bestfriend ko. Okay lang ba kung...kasama natin siya?" alanganing tanong ni Jhanna kay Harry. Nakita niyang napakamot ito sa ulo at palipat-lipat ang tingin sa kanila ng bes niya. Pero maya-maya ay pumayag rin ito. "Okay.." halatang napipilitan lang ito. "Let's go?" bigla ay yaya na nito sa kanila. "Let's go!" magkasabay pa na sagot nilang dalawa ni Joan at agad na naglakad. "Sandali!" Narinig nilang sigaw sa bandang likuran nila. Kaya napahinto silang tatlo sa paglakad at agad nilingon ito. Ganoon na lang ang paglaki ng mga mata ni Jhanna nang makita at makilala kung sino iyon, dahil walang kundi si Dale. Agad siyang kinabahan at nilingon niya si Harry. Nakakunot ang noo nitong nakatingin lang kay Dale. "Bakit, ano'ng kailangan mo?" nakasimangot niyang tanong dito. Hindi ito sumagot at naglakad ito papunta sa kanila at huminto sa tabi niya. "Isang lalaki at dalawang babae ang mag de-date? Parang hindi yata tama at ang pangit tingnan." sa halip ay sabi pa nito sa kanilang tatlo. Kaagad siyang pinamulahan ng mukha sa sinabi nito. Sinamaan niya ito ng tingin "Pakialam mo ba? At saka hindi ito date no? Simpleng pamamasyal lang to!" inis niyang sabi rito sabay irap. 'Pinagsasabi nitong lalaking 'to?' ani sa kanyang sarili. Bumaling ito kay Harry. "Hindi nga ba? Ano sa tingin mo, Harry? Mali ba ako?" tila hamon nitong tanong kay Harry. Hindi ito sinagot ni Harry at seryoso lang itong nakatingin kay Dale. Nakasimangot niya itong binalingan. "Tumigil ka nga!" Singhal niya rito. "At pwede ba umalis ka na?" taboy niya kay Dale. Humarap ito sa kanya at seryosong tumingin. "Ayoko." matigas nitong sagot sa kanya. "Nakalimutan mo na ba ang mga sinabi ko kanina? Lalo na ang ginawa ko sa'yo sa may banyo?" paalala pa nito sa kaniya na ikinalaki ng mga mata niya. "What is it?" takang tanong ni Harry kay Dale. "Gusto mo ba'ng malaman?" sagot nito kay Harry na hindi inalis ang tingin kay Jhanna. "Bes, ano ba ang sinasabi nito?" naguguluhan na ring tanong ni Joan sa kanya. Ganoon na lang ang pagsalakay ng kaba sa dibdib ni Jhanna sa anumang sasabihin ni Dale sa kanilang harapan. Parang gusto na niyang lumubog sa kinatatayuan niya sa mga oras na iyon. Tiningnan niya ito lalo nang masama . Pero nakipag-sukatan din ito ng tingin sa kanya. Nangangati na ang kamay niya na sampalin ito dahil sa kadaldalan nito. 'Subukan mo lang De Jesus at kakalmutin ko talaga iyang makinis mong mukha! Paduduguin ko talaga 'yan ng bonggang-bongga' piping saad niya sa sarili. "Okay, fine! You can come, If you want!" tila naiinis na sabi ni Harry kay Dale. "Oo, nga naman!" sang-ayon naman ng bes niya. Bigla na lang ngumisi si Dale sa kanya. "Okay, let's go, babe.." halos pabulong na sabi nito sa kanya bago ito nagpatiuna sa kanilang maglakad. Wala ng nagawa si Jhanna kundi ang pumayag na rin na sumama si Dale sa kanila. Nakita niyang pumantay si Harry sa paglalakad nito kaya hindi niya maiwasan na tingnan ikumpara ang dalawa. Magkaiba ang ugali ng mga ito dahil tahimik si Harry at mabait, at napaka-gentleman nito sa kanya. Samantalang si Dale naman ay wala ng ginawa kundi asarin at bbwisitin siya simula no'ng unang pasukan pa lang nila. Lagi na lang silang nagkapikunan at nauwi sa awayan. Nakailang beses na rin niya itong sipa at sampal na rin siya rito pero hindi naman siya nito binawian. Bagay na ikinamangha niya dito. Kaya lalong lumalim ang pagkakagusto niya rito pero kailangan niyang supilin iyon dahil may Sharon na nga ito. Ngunit naguguluhan din siya dahil sa nangyari kanina. Ang pag-amin nito sa kanya at ang walang sabing paghalik nito sa kanya sa may banyo. Iyon ang nagpapagulo sa kanya ng mga sandaling iyon. Napabuntong hininga na lang siya sa kawalan. "Ang lalim no'n bes, ah?" Gulat siyang napatingin sa kaibigan na nakalimutan niyang nasa katabi niya lang pala ito. "May problema ba?" tanong pa nito sa kanya. Umiling siya at ngumiti ng tipid dito. "Wala, bes.." pagsisinungaling niya. "Sigurado ka?" giit pa nito. "Wala..ikaw naman, bawal ba akong huminga nang malalim?" mataray niyang sabi rito pero nakangiti. Nakangiti rin ito sa kanya. " Pwede naman kaso...para kasing ang laki ng problema mo, e…" "Sira! Ma-isyu ka.." tatawa-tawa niyang wika rito at tinulak ito ng mahina. Tumawa rin ito sa kanya at gumanti rin ng tulak. Napahinto sila nang bigla na lang lumingon sa kanila si Dale. "Bakit, ba ang bagal niyong maglakad?" iritadong tanong nito sa kanila. "Ano ba ang pakialam mo? Kung gusto mo mauna ka na doon!" asar niyang sagot dito. "Problema nitong lalaking 'to? Siya na ngang sumama, siya pang mareklamo." nakasimangot niyang bulong sa sarili. Tumingin muna ito sa kanya bago bumalik sa paglalakad. "Hoy, Harry. Ano ba'ng plano mo sa christmas party natin?" Narinig niyang tanong ni Dale kay Harry. Napaisip siya na malapit na pala ang pasko. Parang ang bilis ng panahon. Kailan lang ang pasukan 'tas ngayon ay magpapasko na. Pagkatapos bagong taon at ilang buwan na lang gagraduate na sila sa High school. Napapikit siya at nag-isip kung makapag-kolehiyo pa ba siya. Dahil matanda na ang kanyang mga magulang at mabilis na rin mapagod. Hindi naman sila mayaman na hindi namomroblema sa pera. Kaya nakakahiya kung pipilitin niya ang kanyang magulang na pag-tapusin siya ng kolehiyo habang ang mga ito ay pagod na pagod sa pagtataguyod sa kanila. 'Bahala na si batman, tsaka ko na isipin 'yon.' aniya sa sarili. "Wala.." narinig niyang sagot mula kay Harry. "Wala? Ano'ng wala? Hindi ba ikaw ang Class President natin? Tapos ito lang sasabihin mo? Wala?" hindi makapaniwala na tanong ni Dale kay Harry. Napakunot din ang noo si Jhanna sa sagot nito kay Dale. 'Wala ba siyang plano?' Sa isip-isip niya. Nakita niyang huminto si Harry sa paglalakad at humarap ito kay Dale. "Bakit ba? Napalakalayo pa n'on. Marami pang pwedeng mangyari at saka hindi basta-basta inaagad ang pagpaplano. Dapat pinag-isipan at pinaghahandaan 'yan para maganda ang kinalabasan." 'Tama nga naman ito!' Napatango na lang si Jhanna sa narinig na sagot mula kay Harry. ' Ang talino talaga ni Pres.' dugtong niya pa sa kanyang isip. Lumingon sa kanya si Dale. Sumimangot ito nang makita nito ang pag-ngiti niya matapos ang sagot ni Harry. Kaya agad niya itong dinilatan at inirapan dahilan na tumalikod ulit ito at nagpatuloy sa paglalakad. "Ang galing talaga ni Harry ko." Narinig niyang sabi ni Joan na namumungay ang mga mata at kinikilig pa. "Grabe, bes, lalo tuloy akong nagkakagusto sa kanya." mahinang bulong nito sa kanya. Tumingin siya rito at nakita niyang masaya itong nakatingin kay Harry. Matagal na niyang alam na may gusto ito sa kaklase niyang si Harry kaya lagi itong pumupunta sa kanya para lang tingnan lang si Harry. Minsan naisip niya na alibi na lang siya nito. Dahil ang totoong pakay talaga nito ay ang makita ang crush nito na walang iba kundi si Harry. Masaya siya para dito kahit hindi pa nito sinasabi ang nararamdaman para sa kaklase niya. Gano'n din naman siya dito. Hindi rin niya sinasabi ang lahat kay Joan lalo na ang nangyari kanina. Parang wala siyang lakas ng loob na i-kuwento rito iyon. 's**t na malagkit!' Biglang nag-init ang pisngi niya nang maalala niya ang halik na iyon. Hindi siya makapaniwala na may humalik na sa kanyang bibig. Unang halik niya tapos ito pang bwisit na to ang first kiss niya. Okay lang sana kung wala lang sanang Sharon sa buhay nito. Ayaw niyang makisawsaw sa relasyon ng mga ito. Baka gwapong-gwapo na ito sa sarili kapag nalaman nitong may gusto siya rito. "Hay, nakakaasar!" Wala sa sariling nabigkas niya iyon nang malakas. Dahilan na mapalingon ang tatlo sa kanya. "Okay ka lang, Jhanna?" tanong sa kanya ni Harry. Napatingin din siya sa mga ito. Mataman itong nakatitig sa kanya. "Ah..O-oo, okay lang ako, Harry," nauutal niyang sagot dito. Nakita niyang matatawa na si Dale sa kanya kaya mabilis niya itong pinandilatan para tumigil na ito. Tumigil naman ito at biglang sumeryosong tumingin sa kanya. Yumuko siya dahil hindi niya matagalan ang init ng tingin nito sa kanya. "Ang ganda mo talaga! Kaya gustong-gusto kita eh!" sabi nito na walang preno sa pagsasalita. Napatanga si Jhanna sa mga sinabi ni Dale. Palipat-lipat ang tingin niya kina Joan at Harry. Bigla din itong natigil sa paglalakad at tahimik lang na nakatingin sa kanila ni Dale nang marinig ang pag-amin nito sa harap nila. Hiling niya ng mga sandaling iyon na sana ay bigla na lang siyang lamunin ng lupa dahil sa sobrang hiya. "O, nandito na pala tayo," basag ni Dale sa pananahimik nilang tatlo. Napalingon din siya pati na rin sina Harry at Joan nang sabihin iyon ni Dale. Nakita niya na nasa harap na nga sila ng mall. "Tara pasok na tayo dahil nagugutom na ako kanina pa!" tila walang pakialam pa na sabi ni Dale. Matalim niyang tiningnan ito pero ngumisi lang ito sa kanya at nauna nang naglakad papasok sa mall. Sumunod naman si Harry dito. Nakita niyang medyo salubong ang mga kilay nitong nakatingin kay Dale. "Bwesit na lalaking 'to wala man lang preno ang bibig! Humanda ka sa akin mamaya!" Inis na inis niyang bulong sa sarili. Nagtaka si Jhanna kung bakit hindi pa kumikilos ang kaibigan niya. Kaya nilingon niya ito. "Bes!" tawag niya dito. Agad naman itong natauhan at nagulat pa itong nakatingin sa kanya. "Bes, totoo?" tanong nito sa kanya. "Ang?" "Na may gusto ang lalaking 'yon sayo?" Namula si Jhanna sa tanong nito. "Wala.." tanggi niya. "Weh? Sinabi niya na nga, e! Parang marami ka ng sinisikreto sa akin, bes. Nagtatampo na ako sa'yo. 'Di ba ang motto natin bawal nga secret." nakangusong wika nito. Nakokonsensya na siya dito kaya nagdesisyon na siyang sabihin na dito ang lahat. "Sorry, bes, pero mamaya sasabihin ko na sa'yo ang lahat," nakangiting turan niya dito. Namilog ang mga mata nitong tumingin sa kanya. "Talaga? Promise?" Ngumiti siya at tumango dito. "Promise. Tara pasok na tayo." sabi niya at agad na silang pumasok sa mall at hinanap ang dalawang lalaki. Agad naman nila nakita si Dale sa may di-kalayuan at parang hinihintay sila nito. Alam niyang naiinip na ito dahil salubong na ang mga kilay nitong nakatingin sa kanila. "May lahi ba kayong pagong? Bakit ang bagal niyong maglakad?!" bungad agad sa kanila nito. "Pakialam mo?!" singhal niya dito at nilagpasan ito. "Saan niyo gusto kumain girls?" tanong ni Harry sa kanila. Tumingin siya rito at ngumiti. "Bahala ka na, Harry.." "Gusto ko doon," singit naman ni Dale at tinuro ang restaurant na medyo mamahalin. Sinimangutan niya ito. "Kung gusto mo, ikaw na lang pumunta doon at kumain mag-isa!" asar niyang sabi. Hindi niya alam kung manhid ba ito o nanadya. Dahil alam naman nitong hindi sila mayaman tapos nagturo pa sa mamahaling restaurant. "Doon na lang tayo, Harry." Baling niya kay Harry at sabay nguso sa Jollibee. Inungusan niya si Dale nang tumingin siya rito. Pero ang loko ay seryoso at napalunok na nakatingin sa kanyang nguso. Kaya mabilis siyang lumingon sa ibang direksyon. "Tama! Diyan na lang tayo Harry ko." sabad naman ni Joan na namimilog ang matang nakatingin kay Harry. "Ano kayo bata? Huwag mong sabihin gusto mo rin diyan Harry?" salubong ang kilay na tanong ni Dale kay Harry. "Why, not? Masarap naman diyan at saka gusto nila diyan." sagot nito. Let's go?" At nagpatiuna na itong pumasok sa Jollibee." Sumunod na rin sina Jhanna at Joan dito kaya napilitan na rin si Dale na sumunod sa mga ito. Pagpasok nila sa loob ay halos lahat ng lamesa ay okupado na. "Doon banda sa sulok." sabi niya sa mga ito. Tinungo nila ang lamesa na walang tao at sakto naman dahil apat din ang upuan nito. Parang tinadhana talaga para sa kanilang apat. "Dito lang kayo. O-order lang ako." suhestyon ni Harry. "Gusto mo samahan na kita Harry?" tila nahihiyang sabi ni Joan dito. "Okay," nakangiting sagot naman nito at agad na umorder. Kaya naiwan silang dalawa ni Dale sa lamesa. Kaagad naman itong naupo sa tabi niya na ikinasimangot niya. Tiningnan niya ito ng masama. "Pwede ba, umurong ka doon?!" naiinis niyang sabi rito. Masyado itong malapit sa kanya. Naiilang siya dito lalo na't seryoso na naman itong nakatingin sa kanyang mukha. Para ba'ng mini-memorize nito iyon. "Jhanna, may gagawin ka ba bukas?" tanong nito na hindi man lang inalis ang tingin sa kanyang mukha. "Bakit?" mataray niyang sagot. "Mag-date naman tayo," deretsong sabi nito sa kanya. Lumaki ang mga mata niya nang marinig iyon. Agad siyang nag-palinga-linga sa paligid at baka may nakarinig na ibang tao na katabi nila. Wala naman siyang nakitang nakatingin sa kanila dahil mukhang busy ang lahat sa pagkaen at isa pa ay maingay rin sa loob. "Ayoko." mariin niyang tanggi. "Bakit?" malungkot nitong tanong. "Basta lang ayoko." tugon niya na ikinatahimik nito. "At saka ano pa ba ang tawag mo dito?" dugtong niya para maiba ang aura nito. "Ang alin? Ito ngayon?" tanong nito. "Oo." "Di ba sabi mo. Hindi ito date? Dahil simpleng pamamasyal lang ito." "Ganon na rin 'yon no?" "Ayoko. Gusto ko tayo lang dalawa!" halos pabulong na lang ito sa pandinig nya dahil lumapit na naman ito sa kanya. "Basta ayoko!" mariing tanggi pa rin niya kay Dale. "Ayaw mo? E, 'di sasabihin ko sa kanila na nililigawan kita at nahaha---ouch!!" Hindi na natapos ni Dale ang sasabihin nito sa kanya dahil kinurot niya na ito sa may tagiliran. Napangiwi ito sa sakit. Naiinis siya dito, dahil wala man lang preno ang bibig nito sa anumang sabihin nito na akala mo sila lang dalawa sa lugar na 'yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD