Chapter 08

2143 Words
Kung wala pang maglalakas-loob na lumapit para awatin sila, baka lamog na siguro sa sugat si Kino dahil panay depensa lang ang ginawa niya. Si Marko mismo ang hinila ng ilang mga customers at dinala sa labas. Lalapitan ko na sana si Kino at hihingan ng tawad ngunit `yong kahera na mismo ang umusisa sa kaniya. Sinenyasan ako nitong lumabas gamit ang matang tila naglalagablab sa galit. Kagat-labi akong lumabas upang puntahan si Marko. Nagwawala siya sa hawak ng mga umaawat sa kaniya at nais pang dagdagan ang mga suntok kay Kino. Nang malapitan ko na siya, sinubukan ko siyang sigawan nang abot sa aking makakaya. Pinagtitinginan na nga kami ng ilang napapadaan. Nakakahiya ngunit iyon lang yata ang paraan nang sa gayo’y mapakalma ito. Napagod na lang ako kaya habang patuloy siya sa pagwawala, nagpasya na akong maglakad palayo sa sakop ng convenience store. Sa bawat hakbang, unti-unting humihina ang boses niyang nanggagalaiti sa galit. Sa isang iglap, para bang namanhid na lang ako. Sunod-sunod na lang na nagsibagsak ang mga luha ko, dahilan kung bakit nanlalabo ang mga ilaw ng sasakyang umuusad sa kalsada. Nakasagi pa nga yata ako ng taong naglalakad sa daanan. Minsan’y napapaupo ako sa sahig at walang kagana-gana kung bumangon. Hindi ko alam kung saan ang punta ko ngayon. Hindi ko alam basta’t ang gusto ko’y mapalayo sa lugar kung saan nagwawala ngayon si Marko. Pagkamalan ba namang nangangabit ako? At talagang si Kino pa na tanging naging mabait sa akin sa mga oras na may pangangailangan ako? Ang sakit lang isipin na siya na nga ang higit na may mali sa amin pero siya pa itong may ganang maging bayolente. Hindi ko kailanman intensyon na iwan siya o `di kaya’y mangabit. Hindi iyon kailanman pumasok sa isip ko kahit na hindi lang si Rodeo ang nagsabing dapat ko na siyang hiwalayan. Mahal ko siya eh. Sobrang mahal ko na kahit nagmumukha na akong tanga, nagagawa ko pa ring manatili. Kahit na marami na akong nasasaksihan na hindi kanais-nais mula sa kaniya, mas pinili kong magpatawad. He was a nice boyfriend. And looking back, he never failed to make me feel his love despite the consequences we had. He never failed. But that was before. Huminto ako sa ilalim ng lamp post nang madama kong hindi na kakayanin ng tuhod kong humakbang. Sinapo ko ang aking mga mata at doon tuluyang binuhos nang malakas ang luha. Akala ko nga hindi na ako makakaiyak nang ganito kalala dahil maghapon na akong nagmukmok sa underpass na para bang namatayan. Pero ano `to? Bakit wala na yatang katapusan ang mga luha ko? “Sana sinabi mong may kabit ka, `di ba?” Nang marinig ko ang boses na `yon, kaagad kong inangat ang tingin ko at hinagilap kung saan siya nakatayo. Pagkakita ko sa aking gilid, hindi ako nagdalawang isip upang lapatan ng malakas na sampal ang kaniyang pisngi. Buong lakas kong ginawa iyon dala ang masidhing panggigigil. “Talaga, Marko? T-talaga?” ulit-ulit ko habang humihikbi. “Sa lahat ng puwede mong i-akusa sa’kin, talagang `yan pa ang sinabi mo?” Wala ni bakas ng sugat sa kaniyang mukha dahil hindi naman siya ginantihan ni Kino. Doon pa lang, kahit na wala namang kasalanan ang tao, mas pinili nitong hindi gumanti sa paraan kung paano siya sinaktan. Suminghal siya. “Masisisi mo ba ako? Napaghahalataan ko na ang panlalamig mo Angelique kaya huwag mo akong pagmukhaing tanga!” “Hindi ako nanlalamig—” “Anong hindi? Una, mas madalas mo na akong tawagin sa pangalan ko kahit na hindi naman `yon ang madalas mong itawag sa’kin mula no’ng naging tayo. Pangalawa, ayaw mong may mangyari sa’tin. Pangatlo, natuto kang magsinungaling. Sinabi mong nawala ang pera kahit ang totoo’y ginamit mo lang sa date niyo ng hinayupak na `yon!” “Kaibigan ko siya! Bakit ba ayaw mo maniwala?” “Kaibigan?” Sarkastiko siyang tumawa. “Ang sarap ng tawanan at kwentuhan niyo na para bang wala kang nobyo. Sinong `di mag-iisip no’n?” Napailing-iling ako. “Hindi ko siya makakausap kung hindi mo ako iniwan kaninang umaga. At lalong `di ko siya makikilala kung hindi mo ako nilayuan kahapon. Napakalabo ng akusasyon mo, Marko. Minahal kita nang higit pa sa sarili ko pero ito ang isinusukli mo.” “Tang ina!” Tumalikod ako upang `di makita ang mga luhang nagniningning sa kaniyang mga mata. Napatakip ako sa mga labi ko dahil gaya niya, mas napahikbi ako sa sobrang sakit ng mga nangyayari. Wala akong dapat aminin dahil wala naman akong ginagawang masama. At kung palalabasin niya na ako ang may mali sa relasyong ito, sana ay naisip niya kung paano ako nawasak nang iwanan niya ako. “Anniversary n-natin kahapon…” garalgal kong sambit habang umaagos pa rin ang luha. “Akala ko ba susulitin natin ang araw na `yon? Pero ba’t gano’n? Bakit naubos ang oras nang hindi ka man lang nagpakita? Bakit hinayaan mo akong matulog nang hindi ka kasama? Paano mo ako natiis?” “M-mahal…” dinig kong bulong niya. Muli akong humarap upang salubungin ang kaniyang mga mata. Basang basa na ang kaniyang pisngi mula sa repleksyon ng ilaw na nagbibigay liwanag galing sa lamp post na nakapagitna sa amin. “Kahit alam kong nagbago ka Marko, hindi kita pinagdudahan. Hindi ako kailanman nagduda dahil gano’n kita kamahal…” “Mahal… please. Pag-usapan pa natin—” Sinubukan niyang hagilapin ang mga kamay ko subalit mismong mga paa ko na ang nagkusang umatras. Inilayo ko ang sarili ko sa kaniya tulad kung paano niya ako iniwasan kanina. “Paulit-ulit akong nakiusap kanina pero anong ginawa mo, Marko?” “P-please, huwag ganito…” Umiling ako. “Eh kung tapusin na lang kaya natin para wala ka ng problema?” Niyakap niya ako nang mahigpit pagkasabi ko nito. Sa sobrang higpit ay para bang wala na siyang balak pang pakawalan ako. Lalo tuloy akong nawalan ng lakas at lumuha na parang dinadaig ko na ang bagyo. Ngunit kung iisipin ko lahat ng pagkakamaling ginawa niya, nanunumbalik sa’kin ang pagpupursigeng iwan na lang siya at tapusin kung anong dapat nang matapos. Kapwa na kami pagod. Ayaw ko na. “Maaayos pa natin `to basta't bigyan mo lang ako ng pangalawang pagkakataon,” aniya ngunit isang malakas na tulak ang iginawad ko sa kaniyang dibdib. Sa puntong ito, desidido na talaga akong makipaghiwalay. “Pakawalan mo na ako.” “Hindi… hindi puwede.” “Sinabi ngang pakawalan mo na ako! Bakit ba ayaw mong makinig?” Isinigaw ko na ang mga salitang iyon kaya natigil siya sa pagpupumilit. Wala na akong pakialam kung masasayang lahat ng mga napagdaanan namin bilang magkasintahan. Dahil sa sobrang sakit ng mga ginagawa niya, mas malakas na kung mamutawi sa’kin na hindi ko na dapat ito palagpasin. Pagod na ako. Lumunok ako at pinalis ang mga natitirang luha sa aking pisngi. Ito man ang pinakamasakit na maririnig niya mula sa akin, ito rin ang hindi ko kailanman inakala na magagawa ko palang sabihin sa kaniya. Mahal kita, Marko. Gustuhin ko mang hagilapin ang sarili ko upang ipaglaban ka, mas nananaig na ang pagnanais kong pakawalan ka. “Pasensya na… Alam kong maiintindihan mo rin. Hindi man ngayon, darating din ang araw,” lakas-loob kong sabi saka nagsimulang maglakad. Akala ko ay susundan pa niya ako at pipiliting bumalik sa kaniya. Akala ko ay patuloy pa rin siyang magmamakaawa. Ngunit lumipas ang halos limang minuto kong paghakbang papalayo sa kaniya, doon ko natanto na wala na nga kami. Tapos na kami. ** Bago matulog sa underpass na binalikan ko, doon lang nag-sink in sa akin ang lahat. Nagwakas na ang tatlong taon naming relasyon. Naputol na ang mga pangako at pangarap na akala ko’y magkasama naming tutuparin. At sakaling malaman ito nina Bonita at Rodeo, paniguradong magugulat iyon. Masakit. Sobra. At batid kong hindi ito matatapos nang basta-basta lang. Pero dapat ba akong magmukmok na lang? Dapat ko bang damhin iyon nang walang katapusan? Inisip ko kung ano ang maaari kong gawin sa mga susunod na araw at isa na roon ang desisyon kong tumigil sa pagnakakaw. Magpapasya na akong kunin ang slot ng trabahong inalok sa akin ni Bonita upang makapag-ipon at makapagsimula muli. Magbabagong buhay na ako. Sa gusto ko man o sa hindi, iyon ang pinakamagandang paraan upang mas madali ang paglimot. Nakatulog na lang yata ako nang lumuluha. Kinabukasan, pagkagising ay bumangon na ako mula sa kartong hinihigaan. Sumambulat kaagad ang umuugong na ingay ng underpass mula sa mga yapak at usapan ng mga taong dumadaan. At kung may hindi man ako inaasahan, ito ay ang bumulagang presensya ni Marko na ngayo’y naka-indian seat sa aking gilid. Napansin kong nakayuko lang siya habang abala sa paghahalo ng umuusok pang cup noodles. Hiwalay na kami ah? Bakit pa siya narito? “Magandang umaga!” nakangiti niyang bati nang i-angat niya sa’kin ang tingin. Halata ang pamamaga ng mga mata dahil sa mga nangyari kagabi, halata mula sa mabigat na iyak. Kumunot ang noo ko nang ilipat niya sa tabi ng hita ko ang cup. Bigla na lang akong nanakam nang malanghap ang mabango nitong aroma. “Kain ka na, may surpresa ako sa’yo mamaya `pag naubos mo.” Taka akong tumugon sa kaniya. “M-marko?” “Sige na, kainin mo na…” Sa hindi maunawaang dahilan, gulong-gulo kong pinanatili ang tingin sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit ganito siya ngayon gayong tinapos ko na ang relasyon namin kagabi. Walang mababanag na lungkot base sa ngiti niya. Walang galit. Wala ni kahit ano. Bakit ganito? Akma na sana niya akong sasabihan ulit ngunit inunahan ko na. Kinuha ko na ang cup at sinimulang kainin. Napapalingon-lingon na lang ako sa mga kagaya naming nakaupo lang dito sa gilid ng daanan habang iyong iba ay abala sa pamamalimos. Wala namang nakapansin sa amin kaya para akong binunutan ng tinik sa lalamunan. Habang kumakain, hindi maiwasang magtama ang mga mata namin ni Marko. Halos mabali na ang kilay ko dahil sa gulo ng sitwasyon ngunit kung makangiti siya ay tila hindi kami naghiwalay. Tahimik niya lang akong hinihintay habang inuubos ko ang aking kinakain. Ano kaya ang sinasabi niyang surpresa? Ikakagulat ko ba iyon? Teka, hindi naman siguro ako nanaginip kagabi `di ba? Sigurado ako dahil dama kong totoo ang mga nangyari! Sinimot ko ang sabaw upang maipakita sa kaniyang tapos ko nang kainin ang inalok niya. At kasabay ng paglapag ko sa mismong cup, may dinukot naman siya ngayon sa kaniyang pants. Noong una ay hindi ko ma-recognize kung ano `yon dahil nakabalot pa sa kulay asul na plastic. Subalit nang alisin niya iyon sa pagkakabalot, doon na unti-unting namilog ang aking mga mata. Cellphone? Inilahad niya sa akin iyon. Hindi maalis-alis ang aking tingin dahil halatang bago. Kulay itim ang case nito at base sa repleksyon ng screen ay wala ni anumang gasgas. Nang makalipas ang ilang segundo ay dahan-dahan ko nang ipinukol ang paningin ko sa mismong balintataw niya. “Ibibigay mo `to sa’kin?” kuryoso kong tanong sa napapaos na boses. Tumango siya. “Bigay ko sa’yo.” “Pero Marko…” “Tanggapin mo na, please? Paraan ko na `to para bumawi sa’yo. Aayusin ko lahat ng naging pagkukulang ko.” Hindi ko pinansin iyon. Sa halip ay mas naging interesado ako sa cellphone na hindi ko pa rin kinukuha mula sa pagkakalahad niya. “Saan mo `to nakuha?” Nagtaas-baba ang balikat niya. “Alam mo na kung saan.” “Nakaw?” tanong ko nang mas lumalalim ang pangungunot-noo. Sumang-ayon siya kaya napasinghal na ako. “Utang na loob naman Marko. Tigilan mo na `yan!” Inagaw ko na sa kaniya ang cellphone. Inusisa ko ang brand nito at napag-alaman kong Oppo. Sinubukan kong pindutin ang power button nito at nakita ang wallpaper ng babaeng mirror shot ang kuha. Naka-crop lang iyon mula paa hanggang bewang kaya hindi kita ang mukha. Nang silipin ko ang battery percentage, nasa five percent na lang ito. Naisip ko na lang bigla ang nagmamay-ari nito at paniguradong umiiyak na iyon kahahanap sa ninakaw niyang phone! Pinanlisikan ko ng mga mata si Marko dahil sa biglang pagkulo ng galit na akala ko’y matatakasan ko na.  “Akala mo ba sinusuportahan pa rin kita sa gawain mong `to? Akala mo matutuwa pa ako dahil lang dito?” Umiling ako. “Hindi na.” Kasabay ng pagsabi ko nito, nagpasya na akong tumayo. Ganoon din ang ginawa niya upang harangan ang aking dadaanan. “S-saan ka pupunta?” Sumagot ako, “Hahanapin ko ang may-ari nito.” “Huh? Pero—” “Sawa na ako maging kriminal, Marko. Please lang. Tama na.” Hinawi ko siya gaya ng paghawi na ginawa niya sa akin kahapon. Nang makahakbang na ako nang sunod-sunod at makalagpas sa kaniya, hindi ko na sinubukan pang lumingon dahil batid kong masasaktan lang ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD