Chapter 09

2277 Words
Tawag siya nang tawag sa’kin samantalang ako ay layo nang layo. Gustuhin ko mang higpitan ang pagkakahawak ko sa cellphone, niluluwagan ko na lang nang bahagya upang ingatan. Halatang bago ito at maaaring mahalaga sa taong ninakawan niya. Paano kung may mga mahahalagang transaksyon pala rito? Paano kung ito ang ginagamit ng may-ari para sa kabuhayan niya? Guilty ako sa lahat ng mga ginawa namin bilang mga kriminal dito sa Maynila. At natauhan lang ako nang malala pagkatapos kong makipaghiwalay sa kaniya. Nadala ako at aminado akong maling mali talaga. Tanga na lang ako kung tatanggapin ko pa ito at magkukunwaring okay ang lahat. Napahinto lang ako sa paglalakad nang marating na namin ang bungad ng underpass. Hinila niya ang kamay ko at sa sobrang lakas nito’y nagpatianod ako palayo sa dagat ng mga tao. “Angelique! Makinig ka nga,” anas niya sa akin nang maiharap niya ako sa kaniya. Nagsasalubong na ngayon ang kilay niya sa inis at pinagpapawisan ang noo. Nakikita ko sa mga mata niyang masidhi ang kaniyang kaba. Naroon ang pagnanais niyang pigilan ako sa binabalak ko subalit masyado na akong determinado. “Wala na akong dapat pang pakinggan Marko. Nakaw ito at hindi sa’yo.” Binitawan na niya ako saka ginulo sa inis ang buhok. “Puta. Alam mo ba ang mangyayari kung ibabalik mo `yan, ha? Hindi lang ako ang mahuhuli, pati na rin ikaw.” “At bakit pati ako kasali? Ginagawa ko lang kung anong tama.” “Oo, sige, sabihin na nating tama `yang ginagawa mo. Pero baka nakakalimutan mong magnanakaw ka rin gaya ko?” Alam ko ang strategy niya. Pinapamukha niya sa’king magnanakaw din ako at maaari akong hulihin ng pulis sa gagawin ko. Sa dami ng pinagdaanan namin bilang mga kriminal dito, hindi na mabilang sa mga daliri namin ang dami ng mga na-snatch na pitaka. Ginawa namin itong hanap-buhay. Literal na kapit sa patalim kahit na kapwa namin batid kung anong magiging kahihinatnan. Kaya nga sa puntong ito, sa kagustuhan kong magbago at magsimula ay kailangan ko ng lumayo sa ganitong bagay. Hindi sagot ang pagnanakaw sa kahirapan. Hindi dahilan ang kamalasan upang huminto, magmukmok, at wala ng gawin sa buhay. Umusli ang labi ko sa lalong paglala ng pangungutya. Hindi ko na ito kayang tagalan. Nandidiri na ako. “Hindi ko malilimutang naging magnanakaw ako sa siyudad na ito,” mahina kong sabi. “At lalong `di ko ibabaon sa limot na ikaw mismo ang dahilan kung bakit pinasok ko rin ito.” “Oh, ako pa pala ang may kasalanan?” “Ikaw na ang nagsasabi niyan kaya aminin mo na lang. Saan ko mahahanap ang may-ari ng cellphone na ito at ano ang itsura ng taong pinagnakawan mo?” Hindi siya sumagot sa tanong kong `yon. Sa halip ay pinakatitigan niya lang ako nang malalim at naging tahimik sa paligid na pinupunan ng maiingay na yapak. Humahalo din ang ingay ng tren mula sa malayo. Sobra ko nang nakasanayan ang gulo ng Maynila at `di na ito alintana sa aming pagitan. Hinintay ko siya. Hinintay ko hanggang sa lumagpas na ng higit limang minuto. “Ayaw mong sabihin?” sambit ko sa nanghahamong tono. Saka ako nagkibit-balikat bago tumalikod. “Okay. Kung wala kang babanggitin, sa presinto ko mismo ito dadalhin at ikaw ang sasabihin kong nagnakaw nito—” Hindi ko na natuloy ang akma kong paglayo dahil mabilis pa sa mabilis nang harangin niya ako sa daanan. Sa puntong ito, kitang kita ang lalong paglagablab ng galit sa kaniyang mga mata. Naroon ang tila pagpipigil ngunit sa sitwasyon niyang `yan ay wala na siyang magagawa. “Tang ina naman, huwag mo nga gawin sa’kin `to. Kung gusto mong lumayo na ako, sige lalayo na ako. Lalayuan kita.” “Lalayuan mo lang ako kung maibabalik na natin ito sa may-ari.” “Angelique…” Umiling ako saka umiwas ng tingin. Kahinaan ko kasi `yang pagpungay niya at isa `to sa mga epektibong paraan upang magawa niya akong suyuin. Ilang beses na akong nabiktima nito, lalo na noong mga panahong maganda pa ang sitwasyon namin. Sinungaling na lang ako kung sasabihin kong hindi ko na siya mahal. Sa totoo lang, naaawa na ako sa kaniya. Kung paulit-ulit niyang gagawin ito sa araw-araw, hindi imposibleng sumuko ako at manumbalik gaya ng nais niya. Ngunit higit sa lahat, kailangan ko na ring bigyan ng panahon ang sarili ko. Mas kailangan kong maawa sa sarili ko dahil unti-unti na niyang nilalason ang isipan ko. Kung natitiis ko pa ang lahat sa nakaraan, ngayon hindi na. Lakas-loob kong ibinalik ang tingin sa kaniya. Sa pagkakataon ding ito ay bumuga ako ng hangin sa pag-asang hindi niya ako matitinag. “Sagutin mo na ang tanong ko, Marko. Sabihin mo na kung saan mo ito mismo nakuha.” Umalon ang kaniyang lalagukan. Hinintay ko mismo ang magiging sagot niya… hanggang sa tuluyan na niyang masabi. “Sa Caloocan.” Nanlaki ang mga mata ko. “H-huh? Ang layo n-no’n ah? Paano ka nakarating `don?” Umiling-iling siya. “Ginawa ko ang lahat ng `yon para sa’yo. Bumiyahe pa ako nang malayo kahit na walang sigurado kung magtatagumpay ba ako sa mga gagawin ko. Tingin mo, wala lang sa’kin? Kung wala na akong pakialam sa’yo, sana hindi ko binigay `yan,” aniya sabay turo sa hawak-hawak ko. Napakamot ako sa aking noo. Nakalalambot man kasi ang dahilan niya upang sumadya roon, hindi pa rin ako matitinag ng layong narating niya. “Paano ka nakarating do’n? Anong sinakyan mo?” “Tren,” tugon niya. “Sumakay ako ng Central Station papuntang 5th Avenue.” “Sa Caloocan na ba ang baba no’n?” Tumango siya. Namroblema na lang ako bigla kung paano ako pupunta roon gayong wala naman akong pera. Ni hindi ko nga alam kung paano ako makakakain mamayang tanghali’t gabi. Walang wala ako para magsimula at dumagdag pa ang problemang ito. Kinapalan ko na ang mukha ko. “May pera ka diyan?” Kinapa niya ang kaniyang bulsa. Nakarinig ako ng kalansing doon kaya nasiguro kong mayroon. “Kung sasabihin kong meron, anong gagawin mo?” “Gagamitin ko,” matapang kong sagot. “Total nakaw mo rin `yan.” “Tang ina…” “Ibibigay mo sa’kin o hindi? Maglalakad ako kung ayaw mo.” “Angel, huwag ka ngang makulit.” “Kasalanan mo rin `to at ako lang ang gumagawa ng paraan para maayos. Kaya kung `di mo ako tutulungan, hindi ka tatantanan ng konsensya mo.” `Di katagalan ay nakumbinsi ko rin siya sa nais kong mangyari. Inabutan niya ako ng singkwenta pesos bilang pamasahe. Balak ko sanang ako na lang ang mag-isang aalis ngunit masyado siyang makulit upang pigilang sumama. Hindi niya raw mapapatawad ang sarili niya kung may mangyayari sa’kin dahil dito. Nakakatawa ngang isipin. Hindi niya ito natanto nitong nakaraan kung kailan ko siya kailangan. Ilang beses akong natulog nang hindi siya kasama. Iniwan pa niya ako sa isang magdamag at `di nagparamdam. Bakit kaya ganito kumilos ang buhay? Bakit matatauhan lang kung kailan huli na ang lahat? Alam niyang hindi ako sanay mag-tren kaya siya sumama. Alam niyang madalas ako maligaw at aanga-anga sa daanan. Alam niyang hindi ako confident na magagawa kong hanapin ang may-ari ng cellphone na ito. Marami siyang alam sa’kin at hindi na iyon maipagkakaila sa haba ng panahong pinagsamahan namin. Kaya sa loob ng tren kung saan kami narito ngayon, habang nakaharap siya sa bintana ay prente akong nakatitig sa kaniya. Nasa kaliwang parte niya ako at kapwa nakatayo dahil wala ng mapag-uupuan. Ang rupok ko… sobra. Tipong alam ko na halos lahat ng `di kanais-nais ngunit ayaw pa ring magtigil ng puso ko. Mas guwapo pa siya sa mga disente ang ayos. Mas mabait din kung hindi lang winasak ng mundo. Sa tinagal-tagal kong nanatili, ilang beses kong inulit-ulit sa sarili ko ang nag-iisang dahilan— ang dahilan kung bakit kahit na naging masama siya sa tingin ng iba, mas naniwala pa rin ako sa mga pangako namin. Mahal ko siya. At iyon ang pinakamahirap bitawan. Lumingon siya sa akin mula sa paninitig sa bintana. Inayos niya ang pagkakakapit sa hanging strap habang ako’y nakahawak sa vertical pole. Kapwa namin kaharap ang hilera ng mga babaeng tila nandidiri sa aming presensya; maliban sa dalawang nakapikit at halata sa eyebags na kulang sa tulog. Napalunok ako dahil sinasamantala ni Marko ang pagkakataon. Batid niyang hindi ako makakilos kaya mula sa hanging strap, inilipat niya ang kamay upang ipatong sa likod ng aking palad. Pinandilatan ko siya ng mga mata. At sa halip na matakot, talagang ngumiti pa. God. Natutunaw man ang puso ko sa ginagawa niya, kailangan niya akong tantanan! Ibinaba ko ang kamay ko, dahilan kung bakit nakawala ako sa pagpatong ng kamay niya. Akma na sana niyang huhulihin iyon ngunit inunahan ko na. Ang harot naman! “Marko,” paasik kong bulong. “Nasa tren tayo kaya umayos ka.” “Ang sarap mo.” Namilog ang labi ko sa sagot niyang `yon. “Ang sarap mong asarin.” Namula na lang ako dahil natawa ang mga nakarinig. Imbes na mahiya siya roon, parang proud pa siya sa mas lumawak pa niyang ngiti. Ewan ko lang kung magiging kampante pa ang mga taong ito sakaling sabihin kong mga magnanakaw kami. Ilang station pa ang aming mga nadaanan bago sabihin ng announcer na nasa 5th avenue station na ang tren. Nang makalabas kami, mabuti ay walang guard na nag-iinspect pababa ng hagdan. Sadya lang kaming nakalusot kanina. Wala rin yatang report na dumating sa kanila upang matukoy na magnanakaw kami. Pagkatapak namin sa gilid ng kalsada, huminto muna ako sa tapat ng pader upang usisain ang cellphone. Pinindot ko ang button nito at nakitang three percent na lang ang battery life. Sinubukan ko ring i-swipe kaya napunta bigla sa camera. Saka ko itinutok sa aking sarili upang i-capture. “Anong ginagawa mo?” kunot-noong tanong sa akin ni Marko. “Huwag mo sabihing pinicturan mo ang sarili mo?” “Sinubukan ko lang kung gumagana pa.” “Bakit, nailaglag mo ba?” “H-hindi ah.” “Tss, nilaglag mo yata eh.” “Hindi nga sabi,” diin ko sabay patay sa cellphone. “Teka, saan ba natin siya mahahanap?” “Diretso pa. Sa unang kanto lang iyon mula rito.” “Sasama ka?” tanong ko. “Tingin mo hahayaan kita mag-isa?” Patuya akong tumawa. “Nag-iisip ka ba Marko? Kung ayaw mong mahuli’t isumbong ng ninakawan mo, maiwan ka na lang dito at hintayin ako.” Umiling siya. “Ikaw yata ang `di nag-iisip. Sige nga, anong sasabihin mo sa may-ari `pag tinanong niya kung paano sa’yo napunta `yang cellphone niya?” Napalunok ako. s**t. Kailangan ko bang magsinungaling? “A-ako nang bahala,” tugon ko. “Anong sasabihin mo?” “Marko, ako na ang bahala.” “Aakusahan ka rin niya at sa maniwala ka o sa hindi, pagdududahan ka.” “Puwede ba? Hayaan mo na ako rito. Problema ko na `to kaya dito ka na lang at hintayin akong bumalik.” “Hindi puwede.” “Anong hindi? Mas mapapahamak tayo kung—” Para akong nakakita ng multo nang may narinig akong sigaw ng isang galit na lalaki mula sa `di kalayuan. Tila binuhusan ako ng malamig dahil hindi lang iyon ordinaryong tao kundi isang grupo ng mga pulis na hindi bababa sa apat ang bilang. Nakatingin sila partikular na kay Marko— kay Marko na ngayo’y halos madinig ko na ang lakas ng t***k ng puso sa kaba. “Anak ng puta, namukhaan pa yata ako,” bulong niya na mas kinatakot ko. “Magbibilang ako ng tatlo, maliwanag? At sa oras na tutuntong na sa huling bilang, kakaripas na tayo ng takbo.” Naguluhan ako bigla. “A-anong nangyayari?” “Isa…” panimula niya sa bilang. “S-saan tayo magtatago?” “Dalawa…” “Marko. Utang na loob, sagutin mo ako, paano tayo—” “Tatlo!” Hinigit niya ang palapulsuhan ko sabay hila upang kumaripas ng takbo. Sa pag-ahon naman ng takot ko na baka mahuli kami, sumabay ako sa bilis ng mga hakbang niya. Siya na mismo ang humahawi sa mga taong nadadaanan namin kaya malayo pa lang ay lumilipat na sila sa gilid. Sa likod naman ay dinig ang mga pulis na humahabol kalakip ang sigaw na huwag na raw kaming tumakas. “Liko sa kanan!” bulyaw ni Marko. Mas humigpit ang pagkakahawak ko sa cellphone dahil mas bumilis pa kami. Para bang kamatayan ang sumusunod sa kagustuhan naming makawala sa paningin ng mga humahabol. Dahil sakali mang mahuli kami, matagal-tagal pa ang aabutin bago kami makalaya. Ilang kanto ang nilikuan namin. Kanan, kaliwa, kanan, at kaliwa. Ilang minuto namin itong ginawa hanggang sa makaramdam na lang kami ng pagod. Sa puntong ito ay huminto kami sa tapat ng nakaparadang truck kung saan niya binabalak magtago sa ilalim. “Paano kung umandar `to?” nag-aalala kong tanong habang habol-habol ang paghinga. Kapwa na tumatagaktak ang aming pawis dahil sa dami ng kantong tinahak. “Gawin mo na bago tayo maabutan!” “Pero—” “Pucha naman, Angelique, bilisan mo!” Humugot ako ng malalim na hininga at sinunod na lang ang kaniyang sinabi. Inalalayan niya ako hanggang sa makahiga na ako sa ilalim ng truck kaya tanging mga paa na lang niya ang aking nakikita. Susunod na sana siya ngunit isang malakas na boses mula sa malayo ang tila nagpapigil sa kaniya. Ganoon na lang ang sunod-sunod na daloy ng luha ko nang ibaling ko sa kabila ang tingin at makita ang papalapit na yapak ng mga pulis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD