Windang ako sa mga pangyayari. Hindi ko inakalang aabot sa ganito gayong pagkukunwari’t simpatya lang naman ang habol ko. Noong una ay akala ko nagbibiro lang o `di kaya nagloloko. Sinong mag-aakala na kasa-kasama na niya ako sa pamamalengke niya ngayon? Tahimik lang ako habang sumusunod sa kaniyang tabi. Hindi na plastic bag ng carrots ang kaniyang dala dahil bitbit-bitbit na rin niya ang napamiling karne ng baboy, manok, at mga frozen goods gaya ng tocino, hotdog, at fries. Sa dami ng kaniyang binili, siya na mismo ang nakiusap sa’kin upang ako naman ang magdala ng prutas. Wala naman akong reklamo dahil sa mga ipinangako niya kanina. Sinabi niyang isasama niya ako upang pakainin sa kanila. At ang malupit ay bibigyan niya pa ako ng permiso para lang makaligo. Huwag ko na raw alalahanin

