Chapter 02

1165 Words
Krimen ang pagnanakaw. Hindi na namin ito kailangan pang marinig sa iba dahil maraming beses na itong sinabi sa amin. Ngunit kahit anong klase pa ng sermon ang ipaulan para lang matauhan kami, napupuwersa pa rin kaming kumapit sa patalim. Mamamatay kami sa gutom kung `di namin ito gagawin.   “Ang sarap,” ungol ni Marko habang ngumunguya ng fishball. Nakasandal siya sa posteng may poster pa ng kandidatong natalo naman noon sa eleksyon. Hindi ko naman makain-kain ang akin dahil maanghang ang sawsawan. Parang sinusunog ang dila ko sa sobrang lala pero kailangang lunukin.   Inubos ko muna ang laman ng bibig ko bago bumulalas. “Bakit naman kasi ang anghang ng sawsawang nilagay mo? Alam mo namang `di ako mahilig sa maaanghang, `di ba?”   Tumigil siya at bumaling sa akin. Umingay man ang kalsada dahil sa mas dumami pang sasakyan, narinig ko pa rin naman ang kaniyang sinabi.   “Maanghang pala `yon? Sorry, `di ko alam.”   “Palit na lang kaya tayo?” suhestyon ko pero umiling siya.   “Hindi mo ba nakikita? Parehas lang tayo ng sawsawan. Tiisin mo na lang `yan kaysa mamatay ka sa gutom.”   Padabog kong itinusok ang stick sa maanghang na fishball. Tiniis ko na lang dahil hindi naman na ito maibabalik pa sa tindero. Iyong mineral water na binili din namin ay kailangan pang tipirin. Sampung piso rin iyon kaya `di lang ako dapat basta-basta kung uminom.   Habang ngumangata, hindi ko napigilang mapatitig kay Marko, lalo na sa pananamit niya at sa kung gaano na siya karungis gaya ko. Sa unang tingin, mahahalata na agad na mga taong kalye kami. Iyong itim niyang t-shirt ay tagpi-tagpi pa dahil iyon na ang pinakamatino at wala na kaming ibang pamalit.   Malayo. Malayo ang klase ng buhay na iniwan namin sa Aklan, ilang taon na ang nakararaan. Natatandaan kong grade ten pa ako noon samantalang siya ay nasa huling taon na ng high school. Dalawang buwan na lang sana bago ang graduation niya at moving up ko pero hindi na namin tinapos.   Wala na rin akong balita sa amin mula nang makipagtanan ako. At mukhang wala namang interes ang pamilya ko na hanapin ako dahil hindi rin naman ako tinuring na anak ng mga tao roon. Matagal-tagal nang yumao si Papa hanggang sa magkaroon ako ng basagulerong step father. Doon nagkanda-ugat-ugat ang mga problema ko dahil only child lang naman ako habang si Mama ay nagtitiis sa lahat ng mga pinagagawa sa kaniya. Kung `di nga ako nagkakamali, naging tulak pa siya ng droga.   Sa mundo nila, pakiramdam ko ay hindi na ako parte. Nakakapag-aral na lang ako dati dahil kay Marko at sa mga pera na ibinibigay niya para lang makaraos ako sa isang araw. Mula nang dumating siya sa buhay ko, doon ko lang naramdamang may kasama pala ako. Sa kaniya ko lang natanto na may halaga rin pala ako hanggang sa nagkaproblema rin sila ng pamilya niya.   Hindi ako nagdalawang isip sumama nang anyayahan niya akong umalis na sa Aklan at magsimula rito sa Manila. Kaagad akong pumayag para din makalayo na sa araw-araw kong delubyo. Wala akong pakialam kung anong klaseng buhay ang matatamo ko rito basta’t kasama ko lang siya. Para sa akin, ano man ang problemang mahaharap namin, makakaya namang lagpasan hangga’t magkasama kami.   Pero minsan, sa gitna ng bawat paghihirap na dinaraanan, sumasagi rin sa isip ko na bumalik na lang para `di na siya makitang nahihirapan. Kahit siya na lang. Kahit iwan na lang ako rito. Kahit siya na lang dahil kung tutuusin, may kaya naman ang pamilyang nilayasan niya. Iyon nga lang, sa tuwing sasabihin ko iyon sa kaniya, tumatanggi na agad siya. Sabay daw naming tatahakin ito dahil magkasama naman daw namin pinasok.   Huminga ako nang malalim nang kapwa na namin maubos ang fishballs. Pagkatapos ay itinapon ko sa pinakamalapit na sako ang plastic cup na ginamit. Saka ako tumayo sa tabi niya nang sinasadyang sanggain ang kaniyang siko upang magparamdam.   “Nilapitan ako kahapon ni Bonita,” panimula ko habang nakatitig siya sa kalsada, tila malalim ang iniisip. “May bakante raw slot sa karinderya para maging dishwasher. Payag sana ako kaya lang, kailangan ko munang magpaalam sa’yo…”   Marahan siyang bumaling sa akin. Nakita ko agad kung paano nanlisik ang mga mata niya sa galit.   “Kakagat ka? Bakit hindi mo tinanggihan?” matigas niyang tanong. Unti-unti nang nanginig ang labi ko sa kaba.   “E-extra l-lang naman `yon, m-mahal.”   “Anong extra-extra? `Tang inang `yan. Hindi pa ba malinaw sa’yo ang usapan natin dati?”   Mariin akong pumikit. Ilang beses na rin kaming nagtalo sa problemang ito dahil ayaw niya akong payagan.   “Mabait naman daw ang amo kaya—”   “Sinabi mo rin `yan sa pangatlong trabaho mo noon pero anong nangyari? Ha? Anong nangyari?”   Hindi ako nakasagot, ni hindi ko magawang ibuka ang labi ko. Sa kagustuhan kong tumulong at magkapera nang disente, tila ba nilimot ko na ang naging usapan namin noon. Ayaw niya akong mamasukan. Ayaw niya akong magtrabaho. Ayaw niya akong payagan mula nang abusuhin ako ng mga naging amo ko.   Hinawakan niya ang kamay ko saka nagsalita nang may gigil at diin, “Una, pinangakuan ka ng mataas na sweldo pero umuwi kang may pasa at namamaga ang mukha. Pangalawa, pumayag na naman akong sumubok ka. Pumayag ako nang `di ko alam na mas malala pa pala ang taong iyon sa nauna. Umuwi kang may sugat sa braso at halatang mga gilit `yon ng kutsilyo. Sa huli, ano? Tanda mo pa? Tanda mo pa kung paano ka dinugo? Ha? Tang ina, ginahasa ka!”   “Shh… shh…” pagpapakalma ko saka siya niyakap. Muli na naman kaming pinagtinginan ng mga dumadaan dahil sa lakas ng boses niya. “Naririnig ka nila…”   “A-ano kung maririnig? Tang ina nila, `tang inang batas `yan. Ginawa ko na rin lahat noon para lang mailapit ka sa pulis pero pinansin ba tayo? Hindi!”   Masyado na kaming agaw-atensyon kaya hinila ko na siya patungong eskinita— sa lugar kung saan tanging ako lang ang makakaintindi’t makaririnig sa mga sinasabi niya. Kung alam ko lang na babalik pala sa alaala niya lahat ng mga pinagdaanan ko sa trabaho, sana hindi ko na lang sinabi.   Huminto lang kami nang marating na namin ang masikip na eskinitang daanan ng mga taga-iskwater. Nag-aalala ko siyang iniharap sa akin habang nakapatong ang mga palad ko sa magkabila niyang balikat.   “Pasensya na, okay? Hindi ko tatanggapin ang alok—”   “Dapat lang! D-dapat l-lang…”   Niyakap niya agad ako nang mahigpit matapos sabihin `yon. Nanlambot na lamang ako nang ibaon niya sa aking batok ang kaniyang mukha at doon humikbi nang humikbi. Nauunawaan ko dahil naranasan din niya kung ano ang mga naranasan ko. Dahil kung ako ay binugbog, inabuso, at ginahasa… siya nama’y nakulong nang anim na buwan matapos akusahan ng amo sa salang hindi naman ginawa. Ang malala? Pinagtulungan pa siyang galawin ng mga kapwa preso sa loob mismo ng kulungan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD