Madilim ang naging kasaysayan namin dito sa Maynila. Ilang trabaho na ang sinubok naming pasukin dati ngunit sa huli, hindi kami pinapalad. Maliban sa sinira ang dignidad ko, ilang buwan din akong hindi halos nakatulog nang maayos dahil sa mga trauma ko. Idagdag pa ang pagkakulong ni Marko nang napagbintangang nagnakaw kahit `di naman daw talaga niya ginawa.
Nagtataka nga rin ako kung paano nangyari iyon. Kung paano siya ginahasa gayong nasa kulungan naman sila. Wala raw siyang kalaban-laban dahil hindi lang dalawa o tatlo ang pumalibot sa kaniya. Kahit na anong sigaw at panlalaban ang ginawa niya para lang marinig ng nagbabantay doon, tila naging bingi raw ang mga ito sa pagmamakaawa niya.
Ilang oras ang pinalipas ko bago humupa ang damdamin ni Marko. Kakaunti lang ang ininom ko sa bote ng tubig dahil batid kong mas kakailanganin niya ang malaking bahagi nito. Sa mga ganito kasing klase ng pagkakataon, talagang inaabot ng mahigit isang oras bago siya bumalik sa katinuan. Wala siyang ibang kailangan kundi karamay, maikling panahon, at katahimikan.
“Pasensya ka na kung inatake na naman ako ng trauma ko kanina,” wika niya sabay lagok ng tubig. Lumipat na kami ngayon sa malawak na puwesto, hindi kalayuan sa drive thru ng Jollibee. Prente lang kaming nakaupo sa gilid at nagmamasid ng mga sasakyang dumadaan. Kahit paano’y gumagaan daw ang loob niya kapag nakakakita lang ng ganito.
“Ayos lang. Sanay na ako ro’n. Sigurado ka bang okay ka na? Baka kailangan mo pa ng pahinga—”
“Hindi na, sapat na sa’kin `to. Ayaw ko namang gastahin lang `tong anniversary natin sa kaartehan ko.”
“Anong kaartehan? Ano ka ba, okay lang `yon,” sambit ko. “Saka okay sa’kin kung lilipas ang araw na ito nang hindi nagagawa ang gusto natin. Sapat nang kasama kita.”
Muli siyang tumanggi. Saka siya nagsalita nang masimot na ang tubig sa bote. “Isipin mo. Sa higit three hundred days na mayroon sa isang taon, isang araw lang natin gagawin ito. Isang araw lang kaya dapat na nating sulitin, `di ba?”
Ngumuso ako. “Nag-aalala lang kasi ako.”
“Saan?”
“Na baka mahuli tayo ng pulis. Alam ko namang na-master na natin `to pero ayaw ko namang mag-anniversary tayo sa presinto.”
“Tss, ang nega mo naman kasi,” singhal niya. “Kaya nga sa Intramuros tayo mag-s-snatch dahil tahimik doon at walang gaanong makakakita.”
“So… itutuloy pa rin natin?”
Tumango siya. “Itutuloy natin hanggang sa makakuha na tayo ng sapat, okay?”
Hindi na ako tumanggi roon dahil ngayon lang niya ulit ako pinilit nang ganito. Iyong huli kasi ay noong tinuturuan pa lang niya ako. Siyempre, bilang baguhan, naroon ang takot ko na baka pumalpak kami at mahuli. Sadyang dinaan ko lang sa bilis kaya nakaligtas pa.
Mula nang matuto kaming magnakaw sa mga tulad naming taong kalye, nakagawian na naming gawin iyon para lang mabuhay sa mga susunod na araw. Sa lala kasi ng pinagdaanan namin sa dati naming mga trabaho, ito na lamang ang nakita naming paraan upang makakain nang `di inuutusan at inaabuso. Nag-aalangan pa ako noong nagsisimula pa lang pero nakasanayan din kalaunan. Wala nang malinaw sa amin kundi ang kumapit sa patalim.
Nang kumulimlim ang langit, napagdesisyunan na naming bumalik ng Intramuros. Tahimik kaming naglakad na parang walang binabalak. Minsan lang kami magawi rito kaya hindi ko pa makabisado ang daan. Pero ewan ko ba, parang `di naman totoong may mayamang turista rito.
“Mahal, may naisip akong strategy,” bulong niya sa’kin habang patuloy sa paglalakad. Mas lumapit lang siya sa’kin kaysa kanina.
“Strategy? Paano?”
“Gawin nating target ang mga solo travelers. Alukin mong ikaw ang kukuha ng picture nila hanggang sa i-abot nila sa’yo ang cellphone o camera.”
Nabali ang kilay ko roon. “Seryoso ka? Sa itsura kong `to? Walang magtitiwala sa’kin nang ganito ako kadugyot.”
“Mas lalo na ako! Saka anong dugyot? Mas mukha ka pa ngang disente sa mga gala riyan.”
“Papalpak `yan promise, maniwala ka. Maghihintay lang tayo sa wala kung itutuloy natin iyan.”
“Subukan muna kasi natin.”
“Paano kung—”
“Hindi natin malalaman kung hindi susubukan kaya tara na.”
Kinuha niya ang kamay ko at pinagsalikop iyon sa mga daliri niya. Saka kami lumiko sa kanto kung saan nadaanan na rin namin kanina. Lihim na lang akong ngumiti dahil para akong tangang kinikilig. Sa tinagal-tagal namin, hanggang ngayo’y kinikilig pa rin ako sa tuwing ginagawa niya ito.
Sa ilang mga hakbang pa, narating na namin ang tapat ng Casa Manila. Iyon kasi ang nabasa ko nang makita ang signage nito. Hindi na nakapagtataka kung bakit maraming bumisita rito dahil sa ganda ng arkitektura. Sa bungad pa lang, para bang dinadala ka na sa nakaraan. Palatandaan nito ang pader na gawa sa adobe at parang pinaglumaan ng panahon. Kahanga-hanga rin ang mismong exterior ng ancestral house na gawa sa tila mamahaling kahoy.
Dagdag pa rito, masasabi kong prominente ang arch sa entrada ng Casa. Lalo na ang mga customer na nag-aabang sa bawat stall ng kainan.
“Dito? Sure ka?” paniniguro ko. Sumang-ayon naman siya.
“Oo… dito tayo magsisimula. Basta gawin mo lang ang sinabi ko sa’yo, hihintayin kita rito.”
Saglit ko siyang tiningala upang tingnan ang mga mata niya. Wala iyong bahid ng pag-aalangan kaya binitawan ko na ang kaniyang kamay. Ako na ang naunang humakbang hanggang sa makapasok na sa bungad nito. Sa ilang usad pa ay nalula na lang ako nang matantong marami palang nasa loob nito at karamiha’y mga foreigner pa!
Napalinga-linga ako sa paligid upang maghanap ng solo traveler. Aminadong kabado dahil marami-rami pala ang pumapasyal dito. Nang makaramdam ako ng pangangalay, akma na sana akong uupo sa bench na nasa isang gilid. Ngunit hindi natuloy nang biglang may kumalabit sa akin.
Inasahan kong si Marko iyon pero doon ako nagkamali nang lingunin ko. Halos ilang pulgada lang kasi ang tangkad niya sa akin, mestisa pa at mahaba ang itim na buhok. Ang ganda rin ng pagkakakulot ng pilik-mata niya. Kulay rosas ang labi at may blush-on sa magkabilang pisngi.
Nakaramdam ako bigla ng inggit. Hindi ko maiwasang alalahanin ang bersyon ng sarili ko sa nakaraan kung kailan kaya ko pang ayusin nang ganito ang sarili. Ngunit ano mang reaksyon ang gawin ko sa panunumbalik ng ganitong pakiramdam, kailangan kong tanggapin na ito na ang klase ng buhay na aking pinili.
Nang ilipat ko ang tingin sa kamay niya, nakita kong may hawak siyang cellphone. Nakalahad din ang purse niya sa kabila na para bang may ipagagawa sa akin.
“Hi miss? Puwedeng magpatulong?” anito sa mahinhing boses. Nanginig na lang bigla ang tuhod ko lalo’t baka ito na ang sinasabi ni Marko kanina.
“S-sige lang. Anong maitutulong ko?”
“Uhm, wala kasi akong kasama. Okay lang kung magpa-picture ako? Pahawak na rin sana `tong purse ko para sa ideal pose ko.”
Nang masabi niya iyon, pasimple akong lumingon sa paligid upang alamin kung sumunod ba si Marko. Pagkakita ko sa kaniya sa ilalim ng arch kung saan siya nakatayo at nakatitig sa akin, napansin ko kung paano kumurba ang kaniyang labi dahil sa namumuong ngiti.