Bagong bago sa akin ang strategy na `to pero sa ilang beses kong nagnakaw nang kasama si Marko, hindi na ganoon kalala ang kaba ko. Ang nakapagtataka lang, bakit ang lakas magtiwala sa akin ng babaeng ito? Halata naman sa mukha ko na gusgusin ako. Halata namang hindi ako katiwa-tiwala pero bakit parang madali lang sa kaniya na utusan ako?
Ngayon pa lang kaya siya nakapunta ng Maynila? Sinong kasama niya?
“Miss? Sigurado ka?” paniniguro ko nang maibalik ko ulit ang tingin sa kaniya. Nag-aabang siya sa tugon ko dahil diretsong diretso ang tingin niya.
She nodded.
“Oo. Kanina pa kasi ako tanong nang tanong dito pero wala ni isang pumapayag. Tatanggi ka rin ba?”
Mabilis akong umiling. “H-hindi. Puwede naman ako.”
Lalong lumawak ang ngiti niya, dahilan kung bakit mas nadepina ang taglay na kagandahan. Hindi ko maipagkakaila na lumilitaw siya sa mga kababaihang narito. Ang flawless lang din kasi tingnan ng kutis niya. Halatang naaalagaan nang husto.
Ang inosente rin ng mukha niya. Kung makatingin sa akin ay walang bahid ng panghuhusga at pandidiri, hindi gaya ng iba. Dahil dito ay nanlambot sa hindi inaasahan ang puso ko. Kung gagawin ko ang plano, baka hindi ako tatantanan ng konsensya ko.
Nakalahad pa rin ang purse niya at cellphone kaya maingat ko iyong kinuha. Pagka-abot sa akin, saka siya tumalikod at pumuwesto sa pader na napupunan ng mga halaman sa bawat gilid. Para akong tangang nabighani dahil bumagay sa kaniya ang background. Bahagya siyang nag-side view at tumingala na para bang isang modelo sa magazine.
Model nga kaya siya? Bakit parang sanay na sanay siya sa pictorial?
Sinunod ko ang utos niya. Habang hawak sa isang kamay ang purse, itinapat ko nang maayos ang camera saka nag-capture ng larawan. Sinabi niyang tuloy-tuloy lang ako sa pagpindot ng capture button habang paiba-iba siya ng pose. May mga napapatingin na nga sa kaniya ngunit hindi niya alintana.
Napalunok ako nang matapos na ang utos niya. At sa halip na tumakbo ako upang nakawin ito, dala ng sigaw ng konsensya ko ay ibinalik ko iyon sa kaniya.
Nagtama ang mga mata namin ni Marko nang sulyapan ko siya sa ilalim ng arko. Sumama ang tingin niya dahil sa inis.
“God, ang galing mo kumuha! Thank you ah.”
Pilit akong ngumiti habang tumitingin-tingin siya sa mga larawan. “W-walang ano man…”
“Anyway, huwag ka sana ma-offend sa itatanong ko pero… pulubi ka?”
Hindi na ako nagtaka roon dahil kahit hindi naman niya iyon tanungin, halata naman sa itsura ko na gusgusin ako. Ngunit kung nais niyang malaman kung ano ako, hindi ako pulubi; kundi isang magnanakaw.
Umiling ako. “Walang matitir’han pero hindi ako pulubi.”
“Oh, anong ikinabubuhay niyo ngayon? Saan kayo nakatira?”
May kung anong kirot na sumabutahe sa puso ko. Oo, matagal ko nang tinanggap na ganito ang klase ng kapalarang natamo namin dito sa siyudad. Ngunit sa tuwing mamumutawi sa akin na mas mahirap pa kami sa daga, ang sakit lang isipin na parang wala na kaming pag-asang umangat.
Ang sakit isiping hanggang dito na lang kami.
Pero may posibilidad pa kaya? May posibilidad pa kayang matakasan ang kahirapang `to? Ayaw naman kasi ni Marko na pagtrabauhin ako. Ayaw ko rin namang mawala siya sa’kin.
Mula sa saglit na pananahimik, sumagot na ako, “Uh, sa kung saan-saan. Sa tabi ng kalsada, minsan sa tulay. Nangangalakal lang kami minsan.”
Hinintay ko ang magiging reaksyon niya. Inasahan kong normal lang na parang walang pakialam subalit kabaliktaran ang aking nakita. Bahagya pang namungay ang kaniyang mga mata. Sigurado ay mababaw ang emosyon upang maramdaman ang bigat na pinagdadaanan ng isang tulad ko.
Narinig ko ang paghinga niya nang malalim. Nagtaas-baba pa ang balikat niya bilang suporta roon.
“Actually, pauwi na sana ako sa’min. But since may oras pa naman ako, payag ka ba kung anyayahan kitang kumain kahit sa KFC?”
Bahagyang pumarte ang labi ko. s**t…
“S-sigurado ka?”
“Oo naman. Sure ako. `Yon ay kung payag ka? Saglit lang naman.”
Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Tumango na ako at naglakad kasama siya. Nakasalubong naman namin si Marko habang palabas sa arko. Halatang naguguluhan siya sa nangyayari ngunit hindi ko pinapansin dahil baka mapaghinalaan kami. Mahirap na.
Sumakay kami sa pedicab na saktong dumaan sa tapat ng Casa. Isang huling sulyap ang iginawad ko kay Marko nang makita kong sumunod ito palabas, saka sinenyasang babalik ako. Balak ko kasi mag-take out ng pagkain sakali mang mag-suggest pa ang babaeng ito. Sayang naman kung hindi ko sasamantalahin. Minsan lang `to.
“Ang ganda pala rito sa intramuros `no?” aniya habang abala ang driver sa pagpadyak. Magkatabi kami rito sa loob at nangangapa kung ano ang maaaring sabihin. “First time ko rito. Ngayon lang kasi ako nagka-oras dahil busy sa acads. Ikaw? Dito ka na talaga ever since?”
Umiling ako. “Minsan lang.”
“Oh? Saan ba kayo madalas?”
“Kung saan may bakanteng matutulugan. Hindi kami permanente dahil may nanghuhuli.”
“Sinong kasama mo? Pamilya mo?”
Napaisip ako bigla kung sasabihin ko ba talaga ang totoo. Ang dami niyang tanong.
“H-hindi. Hindi ko sila kasama…”
“Kung ganoon, sino?”
“Mga kaibigan ko lang.”
“Okay… mabuti at okay ang kondisyon mo. I assume na hindi ka na rin nag-aaral?”
“Hindi na…”
Ewan ko, kahit bigyan pa siguro ako ng pagkakataon para mag-aral, hindi ko na `yon kukunin. Tinamad na ako mula noong huminto ako. Nawalan na ako ng gana mula nang magtanan kami ni Marko at makipagsapalaran dito. Gayunpaman, sa kabila nito, hindi ko naman maitatanggi kung gaano ito kahalaga. Saka malabo namang mangyari iyon. Sino pa bang magpapa-aral sa’kin kung iyong pagkain nga sa araw-araw ay `di malaman kung saan kukunin?
“Hay. Na-realize ko tuloy na sobrang swerte ko,” aniya sabay singhap. Saglit pang napatingin sa amin ang nagmamaneho dahil sa lakas nito. “Umalis kasi ako sa’min dahil sa mga problema sa bahay. Pero kung ikukumpara sa’yo, walang wala lang pala `yon.”
“Bakit, anong nangyari?”
“Ayaw kasi nila Mommy sa boyfriend ko. Ayaw din ni Daddy.”
“Anong mali sa boyfriend mo?”
“Ewan ko ba ro’n,” may pait niyang sabi. “Hindi raw kasi na-meet ang standard nila. Hindi raw mayaman.”
Hindi ko masisisi ang mga magulang niya kung nasa standard ng mga ito ang estado sa buhay. I mean, kahit kasi hindi niya ipangalandakan, mahahalata naman sa itsura niyang mayaman siya. Mula sa gara ng pananamit, kutis, at cellphone… kitang kita na.
“Ano namang nagustuhan mo sa kaniya kung hindi pala siya… mayaman?”
Agad siyang sumagot, “Matalino… at siyempre, gwapo.”
“Oh…”
“May pagkamasungit lang at tahimik. I guess nature na ng mga lalaki.”
“Matalino naman pala siya. Malayo ang mararating.”
“Exactly! Gano’n nga ang sinabi ko kila Mommy. Kaso kahit na anong paliwanag pa ang sabihin ko, ang hirap-hirap pa rin nilang kumbinsihin. Gusto ko na nga lang minsan maglayas at makipagtanan para makita nila kung anong hinahanap nila. Hays.”
Napangiwi na lang ako bigla. Hindi siya aware sa magigng epekto no’n kung susundin niya ang puso niya. Ngunit `di gaya ng karanasan ko, may pakialam sa kaniya ang pamilya niya. Walang sense ang paglalayas kung hahanapin din siya at ibabalik sa kanila.
Eh ako, magpakamatay man yata ako ay `di pa rin ako hahanapin ni Mama. Higit niyang mahal kaysa sa’kin ang kinakasama niya. At kung concern siya sa akin bilang anak niya, sana matagal na niya akong natunton dito. Madali lang ako hanapin kung nanaisin niya. Hindi naman ako kailanman nagtago.
“Kaya ayun, nag-cool off kami ng boyfriend ko. Pinag-awayan namin hanggang sa umalis ako,” dagdag niya na ikinatango-tango ko. Kunwari ay nakikinig nang taimtim sa mga kwento niya.
“Hindi pa naman kayo break?”
“Hindi pa. At wala akong balak.”
Huminto na ang pedicab sa tapat ng KFC, dahilan kung bakit bumaba na kami at naglakad papasok sa fast food. Nanibago ako dahil sa lamig na dulot ng aircon nito. Iilan lang ang mga customer pero mukha namang walang pakialam sa amin ang mga narito.
Inutusan niya akong maghanap ng mapag-uupuan. Siya na raw ang bahalagang mag-order kaya pumila na siya sa counter. Kasalukuyan pa lang akong naghahanap ng maaaring pag-upuan ngunit nang mahagip ng mga mata ko ang labas dahil transparent lang naman ang dingding, namilog ang mga mata ko nang makita si Marko na pasilip-silip para lang hanapin ako. Tiningnan ko muna ang kasama ko na ngayo’y nakatalikod at naghihintay ng turn niya sa pila. Saka ako lumabas upang daluhan si Marko.
“Mahal,” tawag niya nang makita ako. Nagmamadali akong lumapit nang humahangos. “Anong nangyari? Bakit `di ka tumakbo gayong nasa kamay mo na `yon kanina?”
Lumunok ako bago sumagot. “Masyado siyang mabait para nakawan ko.”
Umigting ang kaniyang panga sa narinig. Halatang halata na nagpipigil ng galit dahil pagkakataon na sana namin para mangyari ang inaasam sa anniversary.
“Napag-usapan na natin `to. Nag-uulyanin ka na ba?”
“Marko…”
“Ayan pa. Madalas mo na akong tawagin sa pangalan ko.”
“I mean—”
“Hindi mo na ba ako mahal?”
Hindi ako nakapagsalita dahil sa tanong niyang iyon. May kung anong inis ding umahon sa akin ngunit mas pinili kong maging kalmante. Hindi ngayon ang tamang oras para mag-away dito. Hangga’t maaari, pipilitin kong umunawa.
“Siyempre, mahal…” mahina kong sagot. Umiling lang siya. “Mahal kita pero kailangan mo ring maintindihan. Hindi niya deserve manakawan.”
“Angel…”
Kinilabutan ako sa paraan kung paano niya iyon binanggit. Sa tagal-tagal ng aming pagsasama. Ngayon lang ulit niya ako tinawag sa pangalan ko.
“`Yong totoo? Mahal mo pa rin ba ako?”
Tatango na sana ako at sasagot. Hihilahin ko na ulit sana siya at hahalikan kagaya ng ginawa ko kanina. Pero sa hindi inaasahan, narinig ko mula sa aking likod ang babaeng nang-aya sa akin dito. Tinatawag niya ako kaya kaagad akong humarap.
Nakangiti pa rin naman siya. Kung may bago lang sa ekspresyon niya, walang iba `yon kundi ang bahagyang pangungunot ng noo niya.
“Kaibigan mo?” tanong niya. Saglit akong bumaling kay Marko saka tumango.
Hindi ko alam kung bakit hindi ko kailangang aminin ang totoo. Basta’t ang nauunawaan ko, hindi ko dapat ipaalam kung ano ba ang buo kong identidad dahil sa mga ginawa namin dito sa Maynila.
Mga magnanakaw kami.
At iyon ang iniiwasan kong malaman niya.
“Uh, oo, kaibigan ko…”
“Tara, isama mo na siya sa loob.”
Nang pumasok na siya, kunot-noo naman si Marko dahil sa naging sagot ko. Hindi ko na lang inalintana dahil pabor din naman sa kaniya na kumain dito. Pagtitinginan nga lang dahil sa pananamit.
Bahala na.
Tahimik kaming sumunod sa loob at gaya ng inasahan ko, may ilang napatingin sa’min, partikular na kay Marko. Hindi naman inalintana ng babaeng kasama ko kahit na ganito ang kalagayan namin. Sa halip, tinawag niya lang kami sa puwestong pinili niya saka pinaupo.
Wala pa ang pagkain dahil hinahanda pa lang ang mga inorder. Ngunit sa amoy pa lang ng lugar na ito, para bang nabubusog na ako.
Magkatabi kami ni Marko habang katapat ang babaeng hindi mawala-wala ang ngiti. Wala ni kahit na anong pandidiri. Parang tanga naman itong boyfriend ko dahil parang ngayon lang nakapasok sa ganito. Kung tutuusin, kahit noong nasa Aklan pa lang kami, ilang beses na kaming nag-date sa mga fast food resto. Matagal-tagal na nga lang ang huli kaya siguro naninibago nang ganito.
“Anyway, you can call me Sandra. Kayo, anong mga pangalan niyo?”
Inunahan ko na si Marko. Ako na mismo ang sumagot para sa aming dalawa. “Ako si Ranya. Ito naman si… si Kino.”
“Ranya and Kino? Nice names…”
Naramdaman ko ang kalabit ni Marko sa hita ko, senyales na nagtataka siya kung bakit nagsisinungaling ako. Hindi ko na lang pinansin dahil magpapaliwanag naman ako mamaya. Sa ngayon, ang mahalaga ay makakain kami ng masarap. Saka ito naman ang nais niyang maganap ngayong anniversary, `di ba? Sapat na `to kaysa ipagpilitan niya pang magnakaw kami mamaya. Sana ay ipagpabukas na lang.
“So ayun, habang naghihintay, magkwentuhan muna tayo. Total mga strangers naman tayo, `di ba?”
“Tama ka…” sang-ayon ko kahit sa kaloob-looba’y nais kong siya lang ang magsalita rito. Mahirap na dahil baka madulas pa ako.
“Okay, kwento na kayo, makikinig ako,” sambit niya.
Kinabahan ako bigla. “Tungkol saan?”
“Kahit saan, kahit sa love life…”
Gusto ko na lang bigla matawa. Sanay naman kasi akong magsinungaling, sa totoo lang. Pero mahirap magsinungaling kung katabi ko ang taong kilala na ako mula sa kaluluwa’t kasulok-sulukan ng isip. Kung alam kong ganito lang pala ang mangyayari, sana hindi ko na siya sinama rito. Nakakainis.
Kapwa niya ipinatong ang mga kamay sa mesa. Magsasalita na sana ako upang simulan ang maaaring ikwento ngunit inunahan ako ni Marko.
Nagulat ako nang marinig ang sinabi niya.
“Mag-asawa kami,” wika niya sa matigas na boses sabay akbay sa’kin. Unti-unti namang namilog ang mga mata ni Sandra.