Hindi pa kami mawawala sa atensyon ni Sandra kung hindi darating ang pagkain. Pangdalawang tao lang ang in-order niya pero kay Marko na niya binigay iyong dapat na sa kaniya. Nagpadagdag na lamang siya ng drinks dahil hindi naman daw siya ganoon kagutom. Ako na nga ang nahihiya para kay Marko dahil kung makalantak ng manok ay akala mong isang taon na halos `di kumakain. Napapayuko na lang ako at saglit na napapapikit-mata.
“Ilang taon ka na nga Ranya? Grabe, hindi ko inaasahang marinig `yon ah? Bakit `di niyo agad sinabi?”
Nais ko sanang samaan ng tingin si Marko dahil napakapanira talaga. Todo na nga ako tapal sa identidad namin ngunit lalo lang niyang pinalala. Somehow, naisip kong hindi nga naman iyon magiging basehan kung bakit maiisip ni Sandra na masamang tao kami. Iyon nga lang, hindi ko na mapaninindigan `yong sinabi kong magkaibigan lang kami.
Habang abala sa pagkain si Marko, sinimulan kong hawakan ang kutsara’t tinidor, saka sumagot.
“Twenty two na ako,” pagsisinungaling ko ulit kahit na dise-otso pa lang ako. “Uh… pasensya na kung `di ko agad sinabi.”
“Okay lang, wala ka namang dapat ikahiya. Mukha rin namang marangal `yang asawa mo.”
Mabuti na lang at wala pang laman ang bibig ko dahil paniguradong maibubuga ko iyon mula sa mga narinig. Kung sa bagay, hindi ko siya masisisi. Sa unang beses na napadpad siya rito nang mag-isa, magiging madali lang para sa mga manloloko na utuin siya.
Sana, makauwi siya nang maayos mamaya. Mukha pa naman siyang `di maingat.
Ngumiti lang ako bilang tugon doon. Pagkatapos ay sinimulan ko na kumain nang hindi gaya ng paraan kung paano ngumata ang nobyo ko. Kapwa kami sarap na sarap sa manok. Sa halos ilang beses ba naman kasing makapasok nang minsan sa ganitong klaseng lugar, sinong palaboy-laboy ang hindi masasarapan?
Minsan nga napapatanong na lang ako kay Marko kung habang buhay na lang ba kami magiging homeless. Ilang beses kong inaasam na sana sabihin niyang 'hindi' ngunit paulit-ulit lang ang tugon niya na baka hanggang ganito lang kami. Susundan niya iyon ng dahilang masaya naman siya dahil kasama ako’t katuwang. `Di bale na raw maghirap kaysa mawala ako sa piling niya.
Minsan din, pumasok sa isip ko kung anong mangyayari `pag naghiwalay kami; lalo na kung may dumating na mabigat na problema at `di namin iyon mareresolba. Noong una, iniisip kong napaka-imposible no’n upang mangyari subalit ano nga kayang gagawin ko kung may mangyari sa higit kong iniiwasan? Saan ako pupulutin? Paano ako magsisimula?
May tinitipa na ngayon sa cellphone si Sandra kaya mula sa amin, doon na nakatuon ang atensyon niya. Muli kong sinulyapan si Marko na saktong napatingin din sa’kin at ngumisi.
Umirap ako.
“Psst,” mahina niyang tawag sa akin nang ibalik ko ulit sa pagkain ang pansin.
Nangunot ang noo ko.
“Ano?” pabulong kong tanong. Sa puntong ito ay inilapit niya sa aking tenga ang kaniyang bibig upang bumulong din gaya ko.
“Manghingi ka,” sambit niya.
“Manghingi?”
“Ng pera. Pang-hotel natin.”
Kaagad kong binitawan ang tinidor upang kurutin ang hita niya. Humagikhik naman siya nang mahina na para bang hindi nagalit dahil sa mga ginawa ko kanina. Siguro, nabago ng pagkain ang mood niya. Maaari ding dahilan `yong tiwala na nasaksihan niya kay Sandra— `yong klase ng tiwala na kay dali-daling linlangin.
Muli pa siyang bumulong.
“s*x tayo… anniversary naman natin.”
“Marko?” reklamo ko. “U-umayos ka nga.”
“Sige na, pagbigyan mo na `ko.”
Gusto ko na lang magtakip ng mga mata. Hindi ko inakalang dito pa talaga niya `to sasabihin kung saan nasa harap pa namin si Sandra. May kalakasan pa naman ang boses niya. Diyos ko!
Umismid si Sandra, dahilan kung bakit sabay na kaming napalingon ni Marko sa kaniya. Bigla ay naglapag siya ng isang libo, tumayo mula sa kinauupuan saka pinulot ang purse na nakapatong sa mesa. Marahang umangat ang tingin ko upang ipukol sa kaniya ang mga mata.
“By the way, nag-chat na sa’kin si Mommy. Kailangan ko na umuwi kaya sorry kung kailangan ko na ring umalis. Nabayaran ko na rin pala `yong pagkain kaya no worries. Inyo na `yang isang libo.” She then whispered, “Pang-hotel niyo.”
Literal na pumarte ang labi ko sa narinig. Lilinawin ko sana na hindi naman ako papayag sa nais mangyari ni Marko ngunit umalis na siya at hindi na ako hinintay. Nang ibaba ko ang tingin upang ibalik ang pansin sa isang libo, wala na `yon doon dahil hawak-hawak na ng makulit kong nobyo. Ngising-aso siya habang inaamoy-amoy `yon.
“Gago ka rin talaga eh `no?” sumbat ko sa mahinang boses. “Kung narinig niya ang usapan natin, malamang sa malamang eh narinig din niya ang pangalan mo.”
“Pangalan ko?”
“Ikaw yata ang ulyanin sa’tin, tinawag kitang Marko, at hindi Kino.”
Bumusangot siya. “Bakit kasi kailangan mong magsinungaling? Akala ko ba mabait `yon?”
“Kahit na. Paano kung kasabwat pala o `di kaya’y may kakilalang pulis? Eh `di tayo pa ang napahamak.”
“Tss. Nagrereklamo ka pa e may isang libo na tayo. Kasya na `tong isang oras sa hotel.”
Naningkit ang mga mata ko. “Sigurado ka? `Yan pa talaga ang nasa isip mo? Marko naman, huwag mo unahin ang luho mo. Gamitin natin `yan sa tama.”
Nanlamig na lang bigla ang ekspresyon niya. Sa isang iglap ay binitawan niya ang pera saka padabog na umalis. May mga natitira pa sanang pagkain ngunit bago ko siya sundan, sinimot ko muna ang laman ng manok pati na rin ng softdrinks na nasa glass. Pinulot ko ang pera at mabilis na lumabas upang habulin siya.
Ito ang ayaw ko sa kaniya eh. Kung hindi masusunod ang nais niyang mangyari, aalis na lang nang walang sabi-sabi.
“Ano bang problema mo? Ha?” sigaw ko sa kaniya habang naglalakad siya. Sinisiguro kong nakabuntot ako sa distansyang maririnig niya. “Diyos ko! Maliit na bagay pinapalala mo!”
Hindi siya tumigil kaya para akong tanga na pinagtitinginan ng mga unipormadong nakasasalubong. Sa ganda ng mga outfit nila, para bang naligaw lang kami rito sa Intramuros. Ngunit wala akong pakialam. Ano kung pagtinginan nila kami? Problema na namin `to.
“Hotel ba kamo? s*x? Hah! Nakalimutan mo yatang hindi pa tayo nakakaligo at nakakapagpalit.”
Sa puntong ito ay huminto na siya. Saktong nasa tapat kami ng isang lamp post sa sidewalk at may mga dumadaan sa gilid.
“Ano bang pinuputok ng buchi mo? Sa’yo na `yang pera kaya gastusin mo!”
Suminghal ako. “Ano bang nangyayari sa’yo? Mahirap bang intindihin na dapat nating unahin kung anong mas kailangan? Mahal ang hotel at `di tayo tumatae ng pera!”
Umiling siya. “Ikaw ang hindi nakakaintindi. Anniversary natin pero ayaw mo akong pagbigyan.”
“Paano mo ako maiintindihan kung sarili mo lang `yang iniisip mo?”
“Oh sige, sarili ko lang pala ang iniisip ko. Eh `di ikaw na! Ikaw nang tama. Ikaw nang magaling. Ikaw na lahat!” sigaw niya sabay talikod. Nais ko sana siyang habulin at kumbinsihin sa puntong nais kong igiit. Kaya lang sa sobrang tigas ng ulo niya, mukhang hindi talaga maganda ang oras na `to upang pag-usapan ang tungkol dito. Mas mainam pa kung hahayaan ko siya sa gusto niya. Pipiliin ko na lang muna mag-isa.
Naghiwalay kami ng landas. Lumiko siya sa isang kanto samantalang ako ay dire-diretso palabas ng Intramuros. Bahala siya basta’t gagastusin ko sa tama itong pera ni Sandra. At least hindi nakaw. At least kusang binigay.
Pumasok ako sa department store kahit na ganito kadusing ang pananamit ko. Mabuti’t mabait ang guard kaya kahit paano’y napayagan ako. Itong lugar ang tinungo ko para bumili ng maaari naming kainin mamaya at bukas. Hindi ko naman kailangang ubusin ang isang libo. Kalahati lang siguro ang gagamitin ko para may reserba pa kami sa susunod na araw.
Mga ready-to-eat foods ang sinilid ko sa cart. Mga canned goods, cup noodles, biscuits, at tigpipisong junkfoods bilang pantawid gutom. Nang dalhin ko na ang mga pinamili ko sa counter, saktong sakto dahil kulang-kulang five hundred lang ang kabuuan. Mag-isa kong dinala ang mga plastik nito pagkalabas habang tinatahak ang daan patungong Lawton Underpass.
Sa underpass may bakanteng lugar kung saan kami maaaring magpalipas ng gabi. Sikat din namang lugar iyon para sa mga homeless kaya magiging madali lang din kay Marko sakali mang magdesisyon na siyang hanapin ako. Iyon lang naman ang katapat niya. Siguraduhin niya lang na hindi siya maghahanap ng ibang babae upang pagbalingan ng libog. Patay talaga siya sa’kin.
Tama ang hinala ko nang marating ang underpass. May mga pulubi sa gilid at mukhang wala namang security guard na nagbabantay upang magpaalis. Nakahanap naman ako ng bakente upang mapagpuwestuhan. Ibinaba ko ang plastic bag saka nag-indian seat.
Huminga ako nang malalim. `Yong mga dumadaan dito ay sinasadyang sa pinakagitna maglakad dahil halatang umiiwas sa mga nanlilimos sa kanila. May isa pa akong nakitang bata na halos kumapit pa sa laylayan ng isa, mapansin lang at mabigyan ng pera. Sa dami ng nakita kong ganito, hindi ko alam kung maaawa pa ba ako. Hindi naman kasi lahat ng pulubi ay deserve maabutan. `Yong iba binibigyan na ng pagkain ngunit nagde-demand pa ng pera.
“Nasa’n ang boyfriend mo?”
Lumingon ako sa pinanggalingan no’n. Laking gulat ko nang makita si Rodeo na ngayo’y nakaupo na pala sa kabilang gilid ko.
Kagaya rin namin si Rodeo; marungis ang pananamit, bahagyang magulo ang buhok, at mahahalata ang dumi sa katawan dahil may pagka tisoy. Mas matanda siya sa’kin nang isang taon ngunit mas bata kay Marko. Matagal na kaming magkakilala. Mag-iisang taon pa lang kami rito noon sa Maynila, siya na ang tumutulong sa’min upang maka-adjust. Mabait siya bilang kaibigan pero kung may isang bagay man akong ayaw sa kaniya, iyon ay `yong siya mismo ang nagturo kay Marko kung paano maging snatcher.
“Hindi ko alam,” sagot ko sa kaniyang tanong. Nangunot kaagad ang noo niya.
“Pa’nong hindi mo alam eh sanggang dikit kayo?”
“Nagtalo kasi kami.”
Humagikhik siya na para bang hindi makapaniwala. “Talaga? Anniversary niyo ah? Matagal niyang hinintay `to.”
“`Yon nga ang punto. Mahalaga para sa’min ang araw na `to pero sarili niya lang ang iniisip niya.”
“Bakit, anong nangyari?”
Kinuwento ko ang nangyari, mula sa kung paano ko natagpuan si Sandra hanggang sa parteng iniwanan kami nito ng pera. Napahanga pa nga siya nang malaman iyon. Kung siya raw si Marko, mas uunahin daw niyang gastusin ang pera sa kung ano talaga ang aming kailangan, kaysa gamitin sa hotel.
Bumuntonghininga ako.
“Tsk, kaya ayaw ko magka-girlfriend eh,” sabi niya. “Hindi bale nang mamroblema akong mag-isa kaysa isipin pa ang gustong mangyari ng isa.”
“Depende sa partner mo.”
“Siguro… pero `di mo ba naisip hiwalayan `yon? Masyado ka nang nasasakal sa kaniya.”
Tumanggi ako. “Mahal ko si Marko. Hindi ko kakayanin.”
“Kahit na araw-araw kang nahihirapan?”
Hindi ako sumagot. Sa halip ay nagpatuloy siya. “Maganda ka, Angel. Kung makikipaghiwalay ka, siguradong mapaglalaanan mo naman nang husto ang sarili mo. Tingnan mo nga. Hanggang sa anniversary ba naman ay sarili pa rin ang iniisip. Pa’no pa `pag nagtagal kayo lalo? Pa’no kung—”
“Rodeo, mahal ko siya, okay. Kung sinasabi mo `yan para makumbinsi mo akong makipaghiwalay sa kaniya, hindi tatalab `yan.”
“Pero isipin mo ring mabuti ang sinasabi ko. Masyado nang immature `yang boyfriend mo. Isip-bata. Malibog.”
“Puwede ba?” naiinis ko nang turan. “Problema na namin `to kaya huwag ka na makisali.”
“Nakikisali ako dahil nag-aalala lang din ako sa’yo. Hindi mo deserve `to.”
“Ah so kanino ako deserve? Sa’yo?” kumpronta ko. Natigilan siya na para bang hindi inasahan ang mga sasabihin ko. Kahit na hindi naman niya sabihin, halatang halata sa kilos niya na may gusto siya sa’kin. At hindi ako assumera upang ideklara iyon dahil hindi lang ako ang nakapansin. Mabuti nga’t hindi pa ito umaabot kay Marko.
“Oo, gusto kita,” pag-amin niya. Hindi ko inasahang diretsahan niyang sasabihin iyon kaya muntik na akong mapadama sa aking dibdib. “Matagal na kitang gusto pero tiniis ko dahil may boyfriend ka. Pero maawa ka naman sa sarili mo. Masyado siyang demonyo para sa anghel na gaya mo. Makipaghiwalay ka na.”
Parang hangin lang na dumaan ang huling parte ng kaniyang mga sinabi. Ano mang pangungumbinsi ang gawin niya, ipangalandakan man niya ang baho ni Marko; hindi pa rin ako makikipaghiwalay.
May kung ano pa siyang sinabi tungkol sa mga dahilan kung bakit dapat ko siyang ikonsidera upang ipalit kay Marko. Nanuya pa nga ako nang marinig na handa raw siya maging rebound. Sa pag-ahon ng iritasyon ay hindi ko na napigilang tumayo. Walang sabi-sabi kong binitbit ang grocery bag saka naglakad palayo.