Nakalatag na sa panggabing langit ang buwan at mga bituin ngunit hindi ko pa rin nakikita si Marko. Naka-isang de lata na ako at tatlong junk foods para lang ibsan ang gutom ko bilang hapunan. Nagtanong-tanong na ako sa mga palaboy na nakasasalubong ko sa kalsada pero wala ni isa ang nakakita. Posible kayang bukas pa kami magkikita dahil pinapalamig pa lang niya ang sarili niya?
Hindi ko maintindihan kung bakit hindi niya maunawaan ang punto ko. Hindi kami mayaman upang basta na lang mag-hotel. Sa laki ng maaaring bayaran, paniguradong mangangapa na naman kami. Saka, kahit sino ang tatanungin, maiisip din nila ang iniisip ko. Aanhin ang temporaryong sarap kung babalik din sa reyalidad kinabukasan? Matagal na kaming magkasama kaya dapat naiisip niya `to. Ako ang nasa rason kaya ako ang dapat na may ganang magalit.
Pumasok ako sa isang convenience store at nakiusap sa kahero upang humingi ng mainit na tubig. Sa sobrang bait niya, inalok pa niya ako ng upuan sa loob na para bang dine-in customer ako rito. Suot-suot niya ang pulang polo at cap para ma-recognize na isa siyang trabahador dito. Isang matamis na ngiti ang iginawad niya sa’kin nang i-abot niya pabalik ang cup noodles na pinalagyan ko ng mainit na tubig.
Dala ang cup at isang grocery bag sa kabilang kamay, umupo ako sa bakanteng upuan malapit sa transparent wall nitong store. Wala ni isang customer na narito maliban sa’kin. Siguro ay dahil halos alas diyes na ng gabi at mga night shift workers na lang ang aktibo’t gising.
Habang hinihintay na lumambot ang noodles, umupo ang kahero sa aking tapat. Ngumiti siya na parang anghel habang diretso ang tingin sa aking mga mata.
“Ikaw lang mag-isa, miss?”
Tumango ako. “May hinahanap sana ako, `yong boyfriend ko…”
Saglit siyang yumuko nang marinig iyon. Naglaho ang ngiti ngunit ibinalik din ang tuon sa akin.
“May boyfriend ka pala…”
Naging ngiwi ang ngiti ko, “Hindi ba halata dahil palaboy ako?”
“No no. What I mean is, nasaan siya? Bakit ikaw lang mag-isa ngayon?”
Hindi agad ako nakasagot doon. Ilang segundo ang hinayaan kong palipasin bago ako nakahagilap ng paraan upang maging tapat sa kaniya. Mukha naman siyang mabait. Mukha namang mapagkakatiwalaan.
“Nag… nag-away kasi kami.”
Inalis niya ang pagkakapatong ng cap sa kaniyang ulo sabay patong nito sa lamesa. Hinawi niya ang medyo makapal at magulong buhok ngunit kahit wala iyon sa ayos, bumagay pa rin sa kaniya dahil aminado akong may taglay siyang kaguwapuhan. May girlfriend na kaya siya para maintindihan ang kalagayaan ko? Ilang taon na kaya siya?
Tumaas ang isa niyang kilay kasabay ng paglaho ng ngiti. Sa isang iglap ay nawala ang aliwalas ng kaniyang mukha. Naging seryoso na para bang problema niya rin ang problema ko.
“Okay lang kung tanungin ko kung bakit?”
Hindi na ako pumayag dahil masyado nang personal iyon. Sapat na siguro `yong malaman niya kung bakit mag-isa lang ako. Total wala rin naman siyang magagawa kung sasabihin kong lahat sa kaniya.
But I wonder. Hindi kaya niya ako pinagdududahan gayong ang dungis-dungis kong tingnan? Marami sa mga tao ngayon ang masyado nang maingat dahil sa mga gaya ko kaya hindi na ako magtataka kung sakali mang mangangamba siya.
Pero hindi eh. Ang chill niya lang.
“Hindi ko na ikukwento kung bakit. `Di ba’t normal lang naman ang away sa relasyon?”
“Siguro…” bulong niya.
“Hindi ka sigurado?”
Umiling siya. “No girlfriend since birth ako kaya `di ko alam.”
Bahagyang umawang ang labi ko sa narinig ngunit kaagad ko ring itinikom. Sa takot pa nga na baka nakita niya `yon ay saglit pa akong umiwas ng tingin. Natawa na lang siya.
“Nagulat ka?”
I cleared my throat. “H-hindi ah...”
“Nagulat ka,” deklara niya sabay tawa nang mahina. “Don’t worry, hindi lang naman ikaw ang may ganiyang reaksyon. Kahit mga kaibigan ko rin sa probinsya.”
Nagpanting ang pandinig ko. “Probinsya? Hindi ka talaga taga-rito?”
“Working student lang ako rito. Then weekly kung umuwi.”
Bigla ako naging interesado roon. Hindi naman kasi bago sa pandinig ko ang mga working students ngunit palaisipan sa’kin kung paano nila napagsasabay ang trabaho at pag-aaral. Noon kasing estudyante pa ako sa Aklan, pinilit ko mamasukan sa isang café noon bilang bartender. But guess what? May sahod nga ako linggo-linggo pero bagsak naman ang grades ko. Nakatanggap pa ako ng warning sa adviser ko kaya wala pang isang buwan ay nag-resign na ako.
Nang mapadpad kami ni Marko rito sa Maynila, akala ko magiging madali na ang pagtatrabaho sa’kin dahil hindi ko na poproblemahin ang pag-aaral. Inakala kong hindi na hassle dahil kaming dalawa na lang ang iisipin ko at malayo na kami sa pamilyang gumagapos sa’min sa hirap ng buhay. Pero mapaglaro ang tadhana. Ayaw yata akong pagtrabauhin nang disente dahil minalas ako sa lahat ng naging amo ko. Grabe ang pang-aabuso na natamo ko. Nagahasa pa ako ng isang matandang biyudo na matagal na raw namatayan ng asawa.
Kung babalikan ko ang mga panahong iyon, abot-langit ang trauma at takot na natamo ko. Hindi pa ako magawang kausapin ni Marko dahil bukod sa tindi ng galit niya, hindi rin ako makapagsalita. Kahit nga lang makakita ako ng lalaki noon ay nanunumbalik na agad sa’kin ang lahat. Para akong baliw na gumagawa ng eksena sa tuwing may didikit sa balat ko at sa tuwing binabangungot ako sa hatinggabi.
Pakiramdam ko’y nilimot na kami ng daigdig dati. Mas lumala pa noong ayaw pansinin ng mga pulis ang reklamo namin at nakulong pa si Marko. Masasabi kong iyon na ang pinakamadilim na yugto na napagdaanan namin dito sa Maynila. Kundi dahil kay Bonita na siyang kaibigan ko at tumulong nang wala akong kasama, baka matagal na akong wala sa mundong ito.
Hinawi ko ang nakawalang talikwas ng aking buhok sabay puri sa sinabi niya, “Ang sipag mo naman…”
“Sayang kasi ang bakanteng oras kung hindi ko naman magagamit. Hindi nga raw `to magandang ideya sabi ni Papa, pero ginusto ko naman.”
“Suportado ka rin pala nila?”
“Yupp.”
“Saan napupunta ang sweldo mo rito, kung gano’n?”
“Pandagdag-bayad sa bills at rent. Tuition fee na lang ang problema ng mga magulang ko kaya `di na nila kailangan pang mamroblema doon.”
Saktong pagsabi niya no’n, may pumasok na customer. Agad naman siyang nagsuot ng cap at nagpaalam upang bumalik na sa counter. Aniya, babalikan daw niya ako kapag wala na ulit siyang inaasikaso. Napasarap yata sa kwentuhan namin.
Binalingan ko ang cup noodles na ngayo’y malambot na mula sa mainit na tubig. Sinimulan ko na itong higupin na para bang sa gabing ito lang ako nakahanap ng tuluyang kapayapaan. Pinilit ko. Pinilit kong iblangko ang isipan sa lahat ng pag-aalalang kanina pa bumabagabag. Kaso hindi eh. Hindi ko rin pala kaya. Patuloy pa ring namumutawi sa sistema ko si Marko dala ang pangamba na baka may nangyari nang hindi maganda sa kaniya.
Saan ko ba kasi siya mahahanap gayong napakalawak ng Maynila? Nakailang balik na ako sa underpass kanina matapos layuan si Rodeo ngunit wala ni bakas ng anino niya ang aking nakita. Nais ko sanang suyurin ang Pasay o sa kung saan man siya napadpad pero pa’no kung bukas pa pala talaga niya balak makipagkita? Sayang naman ang pamasahe ko.
“Anyway, I’m Kino. Ikaw?”
Iyon kaagad ang mga sinabi ng kahero nang mapansin kong wala na ulit customer. Umupo siya sa tapat ko na para bang hindi nataranta sa biglang dagsa kanina.
Kino… iyon ang pangalang sinabi ko kay Sandra upang ipakilala si Marko. What a coincidence.
“Ranya,” sagot ko naman na para bang pinanindigan kong iyon na ang pangalan ko. `Di bale na. Hindi rin naman kami magkikita sa hinaharap para malaman kung sino at ano ba talaga ang totoong tawag sa’kin.
“Wow,” mangha niyang wika matapos magpasilay ng ngiti. “Kapangalan ka ng…”
Kumunot ang noo ko nang huminto siya. “Ng?”
Tumamlay siya.
Para akong tangang napaisip kung bakit nagkataong parehas significant sa kaniya ang mga pangalang nilikha ko upang manlinlang. Isiniksik ko na lang sa isip ko na sadyang nagkataon lang dahil common names naman ito sa Pilipinas. Humigop na lang ako ng noodles at sabaw upang maiwaksi ang atensyon.
“Ng pusa ko,” wika niya, finally. “Sorry, baka na-offend ka.”
Muntik na akong mabulunan sa kinakain ko. Buti na lang ay nagamit ko bilang panulak ang sabaw na hindi naman ganoon kainit.
“Wala namang nakaka-offend do’n, Kino. Okay lang.”
“Salamat…”
“By the way, hindi ka ba nababahuan sa’kin?” kuryoso kong tanong sabay lapag ng cup. Ginamit ko ang laylayan ng damit ko upang ipamunas sa nabasa kong labi.
Hindi siya sumagot. Walang reaksyon.
“Pasensya ka na. Ilang araw na kasi akong hindi naliligo.”
“Ayos lang,” aniya. “Mas magugulat ako kung mabango ka.”
“Uh, hindi ka ba nandidiri o natatakot sa’kin?”
Nagtaka siya. “Bakit ako matatakot o mandidiri?”
“Dahil ganito ako. Marusing. Mukha pang... magnanakaw.”
Umiling siya. “Hindi ka naman masamang tao para pagdudahan ko. Mukha kang inosente. Maganda ka pa rin kahit na ilang araw ka nang `di naliligo.”
Pakiramdam ko ay pinamulahan ako ng pisngi mula sa mga sinabi niya. Hindi ako ngumiti o nagpakita ng kung anong reaksyon pero bakit ang gaan sa pakiramdam?
Ang bait niya…
“Anyway, nice meeting you. Night shift ako rito ng MWF mula alas siyete hanggang alas onse kaya punta ka lang kung gusto mo ng kausap.”
“S-sige.”
“Balik na ako sa trabaho, Ranya…”
**
Bumalik ako ng underpass matapos maubos ang cup noodles. Hinanap ko sa bawat sulok si Marko ngunit hindi ko siya nakita. Nakahanap na lang ako ng karton sa gilid ng kalsada at doon natulog. Kinaumagahan, paggising ko, wala na ang grocery bag na binili ko. Nang kapkapin ko rin sa pants ko ang five hunded pesos, suminghap ako’t nataranta dahil wala na rin iyon!
Bumangon ako habang nag-iingay ang pang-umagang kalsada mula sa malalakas at paulit-ulit na busina ng mga sasakyan. Hindi ko inalintana ang mga taong dumadaan sa side walk dahil nilalagpasan din naman nila ako. Abot-langit ang kaba ko at panginginig ng mga tuhod. Okay lang sana kung ninakaw ang grocery bag na yakap-yakap kong matulog pero bakit isinama pa ang pera?
Lagot ako… patay ako kay Marko!
“Miss? May nakita po ba kayong five hundred o `di kaya’y bag ng groceries?” lakas-loob kong tanong sa isang ale na nakatayo lang malapit sa hinihigaan ko kanina. Nang umiling siya, pinuntirya ko naman ang lalaking katabi niya.
“Kuya—”
Inunahan na niya agad ako. “Hindi ko alam.”
“Pusang gala naman,” iritado kong bulong sa sarili sabay kamot sa sentido. Binalikan ko pa ulit ang hinigaan ko dahil baka naipit lang sa karton ang pera ngunit kahit na anong pagpag pa’t paghahanap ang gawin ko, wala talaga!
Hindi maaari. Hindi `yon maaaring mawala sa’kin!
Lumingon ako sa kabilang side ng kalsada at halos lumuwa ang mga mata ko sa nakita. Nakita kong naglalakad na patungo sa direksyon dito si Marko at ganoon pa rin ang pananamit. Hindi gaya ng galit niyang ekspresyon bago kami naghiwalay ng landas kahapon, ngayo’y abot-langit na ang kaniyang ngiti. Siguradong ako ang nginingitian niya dahil sa’kin ang direksyon ng kaniyang tingin!
Hinayupak. Bakit naman kasi magiging okay kami kung kailan wala na ang pera?
Kabado kong hinintay ang pagtawid niya mula sa kabila. Lalong lumala ang panginginig ko kaya pinaglaruan ko na rin ang aking mga daliri. Pambihirang buhay. Bakit minalas pa ako sa ganitong klaseng pagkakataon?
Nakakatawang isipin na ninakawan ang isang magnanakaw. Ang bigat-bigat sa pakiramdam.
Nang tumapat na sa red light ang traffic sign, nakisabay sa tawiran ng maraming tao si Marko. Pumasok sa isip ko na baka may hahablutin siyang gamit mula sa mga kasabayan. Ngunit hindi. Narating niya ang puwesto ko nang walang ginawa kundi maglakad at halos mapunit na ang labi sa lawak ng ngiti.
Hinila niya ako at siniil ng halik. Wala siyang pakialam kahit na may mga batang nakakakita sa’min. May mga singhap pa akong naririnig mula sa mga dumadaan pero wala talaga siyang pakialam. Animo’y nanabik muling gawin ito sa’kin dahil sa magdamag na hindi ako nakita.
Hindi ko namalayang nanggilid na pala ang aking mga luha. Nang maglayo na ang aming mga labi at iharap niya ako nang mabuti sa kaniya, nagtaka siya kung bakit nagsimula na akong umiyak.
“Dito na ako mahal. Huwag ka ng malungkot,” bulong niya, dahilan kung bakit ako napahikbi. Yumuko ako at sinapo ang mukha kasabay ng tila ulang pagpatak ng mga luha. “Sorry…”
“A-ako dapat ang magsabi niyan,” garalgal kong wika saka tumingala. Hindi na ako nagulat pa nang sumimangot siya mula sa mga sumunod kong sinabi. “Ako ang dapat na humingi ng tawad dabil naiwala ko ang pera.”