“Welcome to the party!” bungad ng lalaking sumalubong sa kanila ni Cliff pagpasok sa Function hall ng hotel na pagdadausan ng birthday party. Tantiya ni Enso nasa late forties ang edad.
Tumingin sa kaniya si Cliff. “Enso, heto si Sir Wil. Supervisor ko,” pakilala ng binata sa kaniya.
Nasa lampas limang talampakan ang height ni Mr. Wil kaya bahagyang nagyuko pa ng ulo si Enso para tumingin sa friendly na mukha nito saka inilahad ni Enso ang kamay na inabot naman ng lalaki. “Kumusta po kayo?”
“Okay naman,” nakangiting sabi ni Mr. Wil na nag-angat ng tingin at sa liwanag ng mga ilaw sa kisame, kumintab ang lumapad nitong noo sa papanipis na buhok sa ulo. “Sa ‘yo pala ako dapat magpasalamat at nagbago ang isip ,” tumingin kay Cliff, “ng batang ito dahil sa ‘yo. Ikaw pala ang sinasabi niya kaninang umaga na—”
Sumabad si Cliff, “Sir…”
Mukhang close si Cliff sa kaniyang Supervisor sa tono ng tinig nito at nagawa pang pamulagatan ng mga mata mapigil lang sa kung anoman ang ire-reveal nito.
“Ano pong sabi?” tanong naman ni Enso. Nabanggit kaya ni Cliff ang pagiging time traveller niya? Malamang hindi dahil sigurado siyang maging si Cliff hindi naniniwala sa kwento niya.
“May bagong kakilala raw siya at habang nagkukwento kita ko ang ngiti sa mukha niya. Iyong tipo ng sa loob ng tatlong buwan niya sa kumpanya, first time ko lang nakita.”
“Sir…!”
Hindi na nagpatuloy si Mr. Wil sa sasabihin. Nakangiti lang na nagpalipat-lipat ng tingin sa kanila ni Cliff at mukhang nage-enjoy sa defensiveness ni Cliff. “Okay, okay,” pagkuwa’y sabi nito na nagpa-relieved naman sa tension sa mukha ni Cliff. “Natutuwa talaga ako at nagpunta ka Cliff. Biruin mo sa unang pagkakataon may kakaiba sa birthday party ni Sir na ikaw ang may idea. Kaya dapat lang na nandito ka at makita mo how it will turn out.”
Tumingin si Enso sa paligid. Nasa function hall nga sila ng isang hotel pero pansin niyang hindi ganoon ka-bongga ang ayos at mukhang kakaunti pati ang handang pagkain. Bilang din ang mga tao na malayo sa ini-expect ni Enso na kadalasang dumadalo sa party ng isang may-ari ng isang malaking cargo door-to-door delivery company na ilang libo ang branches nationwide.
“Tayo na sa loob,” yaya ni Mr. Wil na sinundan nila papasok. “Titingnan ko pa iyong projector at ayaw gumana. Hindi tuloy mai-play iyong slideshow para sa party.”
“Nasaan na iyong bagong pasok na IT Specialist?” tanong ni Cliff.
“Naku hindi natuloy at sumabit sa medical,” sagot naman ng lalaki.
Tumuloy si Mr. Wil sa isang puting mesa kung saan nakapatong ang isang laptop at overhead projector. Buhay naman ang projector at ang ang asul na liwanag ay naka-flash sa puting dingding ng hall pero tanging makikita lang ay ang nakasulat na ‘NO SIGNAL’
Inokupa nila ni Cliff ang isang mesang malapit sa projector. Hanggang ngayon tinatantiya pa rin niya kung nabago ba ng pagdadasal ang mood ni Cliff. Hindi kasi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito paglabas ng simbahan kanina maging nang magbiyahe na sila papunta rito. Pili lang ang mga salita ng binata at halos tahimik.
“Ano iyong idea mo na sinasabi ni Mr. Wil?” tanong niya kay Cliff na nakahawak sa stem ng wine glass na may tubig sa kaniyang harapan habang nakatingin sa stage kung saan naka-setup na ang mga instrumento ng Crayons Band sa may parteng kaliwa pero wala pa ang grupo.
Nate-tense ba si Cliff sa muling pagkikita nila ng kaniyang dating bandmates? Naisip niyang hawakan ang kamay ni Cliff at sabihing mag-relax lang at huwag mag-worry kagaya ng ginagawa nito sa kaniya pero pinigilan niya ang sarili at madaming tao ang makakakita sa gagawin niya.
Tumingin sa mukha niya si Cliff. Itinaas ang wine glass, inilapit sa mga labi saka lumagok ng tubig bago nagsalita. “Ah, iyon ba?” Kita niya ang bahagyang pagliwanag ng mukha nito na ikinatuwa niya. “Last month kasi kinuhanan ng suggestion ang mga empleyado at gusto ng may-ari na maging kakaiba naman ang celebration ng birthday nito kumpara sa mga nagdaan na palaging kainan, inuman at sayawan.”
“Anong sinuggest mo?” Siguradong kakaiba at ayon kay Mr. Wil, idea nito ang napili.
“Sinuggest ko lang na bawasan ang handa. Iyong tama lang para iyong matitipid sa budget ay ibibigay sa mga batang inaalagaan ng mga madre sa bahay ampunan.”
Hindi na nagtaka si Enso sa idea ni Cliff kung ibabase niya sa mga ugali nitong namalas niya sa binata. Hindi nga ba’t isa siya sa mga charity case ng lalaki? “Maganda nga ang suggestion mo Cliff. Kaya pala may theme,” sabi niya na ang tinutukoy ay ang nakasulat na ‘Happy to Share. A Dare to Share’ na nakalagay rin sa harapan na design ng stage maliban sa pagbati sa celebrant.
“Meron pang twist,” dagdag pa ni Cliff.
“Anong twist?”
A Dare to Share. Iyon malamang ang parte ng twist.
“Para mas malaki ang maibibigay na tulong para sa mga bata, bubunot ng mga empleyado na bibigyan ng isang dare na kung hindi gagawin, kalahating buwan ng sweldo ng empleyado ang ido-donate para sa mga bata. Pero kung magagawa naman ang dare, dodoblehin naman ng may-ari. Bale katumbas ng isang buwang sweldo ng empleyado ang ibibigay bilang pabuya na mapupunta rin sa mga bata.”
“Mukhang exciting. Pumayag lahat?”
“Game naman ang lahat sa awa ni Lord. Wala naman kasi ni isa ang nag-isip na aatras sa dare kaya kampante lahat na talo ang birthday celebrant,” nakangising paliwanag ni Cliff.
“Ano naman kaya ang dare?”
“Iyon ang hindi kasama sa suggestion ko. Human Resources at Accounting and Finace Department na ang bahala doon,” sagot ni Cliff na napatingin sa kaniyang Supervisor na halos pagpawisan na ang noo at hindi pa rin nailalabas sa projector ang slideshow. “Kung nakakaintindi lang ako sa computer, ako na ang gagawa noon.”
“Well, well… look who’s here,” bungad ng lalaking lumapit sa kanilang mesa.
“Rob? Nandito ka rin?” tanong ni Cliff sa maputing lalaki na nakasuot ng purple polo shirt at black jeans. Maganda. Iyon ang akmang description ni Enso sa effeminate na lalaki.
“I accepted Uncle Wil’s invitation the last minute,” anito saka hinila ang bangko sa tabi ni Cliff at umupo, “after waiting for you to ask me to be your plus one.”
Hinawakan ni Rob ang kamay ni Cliff na nakapatong sa mesa. Hindi iyon nakalampas sa mga mata ni Enso na nakaramdam ng pagngitngit ng damdamanin. Buti na lang at kaagad namang binawi ni Cliff ang kamay nito.
“Hey, Rob. Ito pala si Enso… my plus one.”
My plus one. Enough na iyon sa kaniya para mapalitan ng tuwa ang sumargong inis sa kaniyang dibdib.
“Enso, heto naman si Rob. Siya iyong nurse na nabanggit ko sa ‘yo na inusap ko na pakitingnan si Nanay.”
Well, mabait naman pala si Rob. Mukhang malakas lang talaga ang tama nito kay Cliff.
“Hello there,” sabi naman ni Rob na walang balak makipagkamay. “I heard you from Uncle Wil but never expected Cliff will brought you here instead of me.” Nilaro-laro nito ang kanang kwelyo ni Cliff sa mga daliri habang nakatingin sa mapupulang labi ng binata.
Napaka-flirt ng Rob na ito.
Sorry for you at ako ang plus one niya. Huwag kang magkakamaling halikan mo siya, sigaw ng isip niya.
Or else… Wait, bakit nga ba siya naiinis? Hindi ba’t sinabihan na niya ang sarili na bawal siyang magkaroon ng attachment kanino man sa panahong ito? Sa nararamdaman niya ngayon mukhang mahihirapan siyang panindigan ito.
Tumayo si Enso na ikinagulat ni Cliff. “Saan ka pupunta?”
“Kay Mr. Wil,” buti at mabilis siyang nakaisip ng dahilan, “Try kong tingnan iyong projector.”
“Marunong ka?”
“Baka. Malalaman kapag nagawa ko,” sagot niyang nginitian si Cliff. Iyon ngang aircon ng delivery van napagana niya na hindi nalaman ni Cliff kaya walang masama kung ita-try niya.
“Samahan kita?”
Tiningnan siya ng masama ni Rob. “Huwag na.”
“Kumusta pala si Tita Irma?” narinig niyang masayang tanong ni Rob kay Cliff pagtalikod niya saka humakabang palapit sa mesang kinaroroonan ni Mr. Wil.
“Bakit ba hindi ka makisama?” dinig niya ang naiinis na tinig ni Mr. Wil na kinakausap ang laptop computer habang kinakatok-katok ang magkabilang gilid. “Kung kailan kailangan saka naman ayaw mong gumana.”
“Pwede ko pong tingnan?” bungad niya na nang mag-angat ng tingin at mapagsino siya ng lalaki ay napangiti.
“Sige nga at baka mapagana mo.” Tumayo ito at siya naman ang pinaupo saka hinila nito ang laptop paharap sa kaniya.
“Na-chek niyo na ba itong connection?” hinawakan niya ang USB connector saka ianalog-alog.
“Natanggal-kabit ko na ‘yan at na-restart ko na rin iyang laptop ng dalawang beses pero ayaw pa rin.”
May lumapit sa kanila ni Mr. Wil pero hindi na pinansin pa ni Enso. Narinig pa niya ito nang magtanong, “Anong problema Mr Wilson?”
Parang pamilyar ang boses ng nagsalita pero na-absorbed na siya sa pag-iisip ng gagawin kaya hindi na niya binigyang-pansin.
“Ayaw pong gumana Sir Rom,” dinig niyang sagot ni Mr. Wil sa kausap.
Tiningnan ni Enso ang settings ng screen sa laptop. Instinctively, binago niya ng naayon sa nakakabit na projector. Nang subukang i-play ang nakaopen na slideshow at i-run, napasigaw sa tuwa si Mr. Wil nang lumabas na ang display sa dingding na kagaya ng nasa laptop screen. Nag-play na rin kasabay ang background music.
“Wow, ang galing mo Enso,” tinapik siya sa balikat ni Mr. Wil. “Hulog ka ng langit.”
Baka hulog ng billboard.
Natawa siya sa naisip. Pagtayo niya saka napansing nakatingin sa kaniya ang kausap ni Mr. Wil.
“Ikaw?” hindi makapaniwalang tanong niya sa mismong lalaking tinakbuhan niya kanina sa hair salon.
“Yes, it’s me,” nakangising sagot nito. Siya ang sagot sa pantasya ng mga trip ang Daddy image or older men above thirties bilang kapareha sa kama. Kumpara kanina, kagagalang-galang ngayon ang lalaki sa suot na black tuxedo suit at red shirt sa loob imbes na karaniwang puti.
“Kilala mo si Mr. Rom?” tanong naman ni Mr. Wil.
Mr. Rom? Hindi ba’t Sir Aldo ang tawag sa kaniya ng parloristang si Candy?
“Actually Mr. Wil, I saw him in Vanessa’s hair salon this afternoon. Ngayon ko lang nalaman ang pangalan niya, finally.” Tumingin sa kaniya ang lalaki at inilahad ang kamay. “I’m Romualdo. Rom. Aldo. Take your pick.”
Wala namang masama kung makipagkamay siya. So far wala namang ginawang masama sa kaniya ang lalaki. Bakit nga ba niya tinakbuhan ito kanina eh nagtanong lang naman ito kung nagkita na sila somewhere? Bukod sa ayaw niyang lumaki ang circle of friends niya, ang pagiging inglisero lang naman nito kagaya ng nurse na si Rob ang so far medyo nakakairita para sa kaniya.
“Enso,” pakilala ulit niya sa sarili saka mabilis ding binawi ang kamay pagkatapos.
Tama na iyong sina Cliff, Nanay Irma, Greta at isama na rin si Mr. Wil na mukha namang mabait, sa mga taong nakakakilala sa kaniya.
“Babalik na ako sa mesa, Mr. Wil.”
Tumango si Mr. Wil. “Ok salamat ulit Enso.”
“Nice meeting you Sir Aldo,” sabi niyang tinanguan naman siya ng lalaki. Tumalikod na siya bago pa ito magsalita at nagmamadaling humakbang pabalik kina Cliff.