“Iyon ang lumang bahay namin,” sabi ni Cliff sabay turo kay Enso ang madadaanan nilang malaking bahay na nasa binabagtas na main road ng kanilang sasakyan.
Sinadyang bagalan ng binata ang takbo ng van nang tumapat ito sa mala-mansion na three-story white house. Diyan ako nagkaisip.”
“Matagal na kayong wala diyan?” tanong ni Enso na gustong samantalahin ang pagkakataon na mag-open si Cliff sa kaniya.
Tumango ang binata saka nag-accelarate ulit ang takbo ng van pabalik sa normal na bilis.
“Magte-ten years na. Naipagbili namin ‘yan isang taon pag-alis ni Tatay. Parte ng pinagbilhan ang ginamit sa pagpapatayo ng apartment para may regular na kita mula sa renta at iyong iba naman inilagay sa banko na siyang panggastos namin during emergency at kapag walang nako-close na deal si Nanay as real estate agent.”
Hinintay niya ulit magsalita si Cliff pero makalipas ang ilang minutong walang imik, siya na ang nagtanong. “Umalis ang father mo as in nangibang bansa?”
Matagal na nag-isip si Cliff bago ito sumagot. “American citizen ang tatay ko. Isang sundalo na nakadestino sa Clark Pampanga nang magkakilala sila ni Nanay. Nang umalis ang military bases dito sa Pilipinas, kasama siya sa mga bumalik ng America. Pero binalikan niya ang nanay ko makalipas ang ilang taon at nagsama sila. Napakasaya ng pamilya namin hanggang kinailangan niyang bumalik ng Amerika nang mamatay ang grandfather ko.”
“Hindi na siya bumalik?” Iyon ang karugtong na naisip ni Enso na inayunan naman ni Cliff. “May contact pa kayo sa kaniya?”
“Nagsulatan sila ni nanay ng mga ilang beses hanggang dumalang tapos kalauna’y tumigil na.”
“Nag-asawa na ng iba?” iyon ang tanong na lumabas sa bibig ni Enso bago pa man niya naisip na mukhang hindi dapat.
“Siguro.”
“Hindi kayo naghabol ng sustento?”
Umiling si Cliff. “May trabaho naman si nanay.”
“Pero ngayon may sakit na siya, Cliff.”
“May trabaho naman ako.”
Ten years ago pa iyong savings nila sa banko at nagkasakit pa si Aling Irma three months ago kaya malamang malaki na ngayon ang pangangailangn nilang mag-ina. Hindi nga ba’t nagtrabaho na ulit ang Mommy ni Greta para hindi maging pabigat bagkus makatulong din sa mag-ina?
“Mas malaki ang pangangailangan niya sa pagpapagamot.” Wait, mukha yatang nangingialam na yata siya ng wala sa lugar. “I’m sorry,” dugtong niya.
Itinigil ni Cliff ang van. “Hey, manageable pa naman ang sitwasyon namin ni Nanay.” Hinawakan siya ni Cliff sa kaliwang balikat. “Salamat sa concern mo Enso at sorry dahil sa ikinuwento ko, dinagdagan ko pa ang mga iniisip mo ngayon.”
Mabilis siyang umiling. “Ano ka ba? Ako nga ang dapat mag-sorry dahil nakasama pa ako sa mga pinoproblema mo. Considered excess baggage na ako sa inyo.”
Sinserong ngumiti si Cliff. “Huwag mong isiping pabigat ka sa amin ni Nanay, Enso. Isipin mo na lang kung bakit nandoon ako sa oras na iyon at sinagip ka? Bukod sa iniligtas ka ni Lord sa pamamagitan ko, siguradong may ibang rason pa Siya bakit iyon ang nangyari. Kung bakit binigyan ka pa niya ng second chance.”
Lord na naman.
Hallelujah.
Pinigilan ni Enso ang suminghal at sinarili na lang ang naramdaman bilang respeto sa pananaw ni Cliff. “At ano naman kaya iyon?”
Pinisil ni Cliff ang kaniyang balikat. “Kasama iyan sa mga ipagdadasal ko ngayon,” anito saka pinindot ang switch sa may kaliwang pinto ng van na nagpababa sa windshield at tumingin sa labas.
Sinundan ni Enso ang tinitingnan ni Cliff. Ngayon lang niya napansin na sa tapat pala ng simbahan itinigil ng binata ang sasakyan. Bagama’t walang misa ang araw na iyon, bukas naman ang simbahan sa ganoong oras para sa mga mananampalatayang ibig magdasal.
“Ipagdadasal mo ako?”
Tumango si Cliff. “Ipinagdadasal ko lahat ng mga taong malapit at importante sa akin,” malumanay nitong sabi.
Importante siya kay Cliff. Iyon lang ang pumasok sa isip niya. Nang hindi siya gumalaw man lang sa kabila ng binuksan na ng binata ang pinto sa may side nito pagkalipas ng dalawang minuto, “Hey, may problema ba?”
Huminga ng malalim si Enso. “Siguro.”
“Bakit siguro?”
Napapikit siya, sinubukang hukayin sa isip ang estado ng pananalig niya sa Diyos. Pero wala siyang mahagilap na anomang memorya na magsasabi na isa siyang deboto. At kung ibabase lang niya sa sariling instinct, hindi siya matutuwang pumasok sa loob ng simbahan.
Ayaw niyang ma-disappoint si Cliff kaya hindi siya umimik. Pero mukhang hindi papayag ang binata na hindi malaman ang kaniyang nasa isip dahil nanatili lang itong nakatitig sa mga mata niya.
“Hindi lang siguro ako palasimba.” Iyon ang pinaka-safe na sagot na naisip niya.
Hinawakan nito ang kamay niya, bagay na isa sa mga nagugustuhan niya kay Cliff sa tuwing kailangan nitong makuha ang kaniyang atensiyon.
“Baka isa ‘yan sa rason.”
Nakakunot-noo siyang tumingin sa mukha ni Cliff.
“Rason para magsimba. At kung nawalan ka man ng pananalig sa Kaniya dati, malamang ito na ang panibagong pagkakataong ibinigay sa iyo para humarap sa kaniya.”
Sa isang banda, baka nga tama si Cliff na nawalan siya ng pananampalataya dahil naisip niyang kitlan ang sariling buhay. Maaaring maraming mga bagay na hindi maganda ang nangyari sa kaniya na hindi pa niya maalala sa ngayon.
Hindi alam ni Enso ang sasabihin para mawala sa kaniya ang sentro ng usapan. Mabuti na lang at naisip niya ang sinabi ni Greta kanina. “Pwede ring rason ay dahil kailangan mo ng plus one sa birthday party.”
Bahagyang ngumiti si Cliff.
Naisip ba nitong mababaw ang rasong sinabi niya? “Ibig kong sabihin, malamang itong birthday party ang panibagong pagkakataong ibinigay rin sa iyo para humarap sa kanila.” Inulit lang niya ang sinabi ni Cliff na ang tinutukoy naman niya ay ang ka-bandmates nito sa Crayons Band.
Naglaho ang ngiti sa mukha ni Cliff. Tuloy parang gusto niyang magsisi at binanggit pa niya ang tungkol doon. Nasira ba niya ang mood ni Cliff? Sana naman hindi.
“Sinabi sa iyo ni Greta.”
Patay na, mapapagalitan si Greta nang dahil sa kaniya. Baka sa susunod hindi na mag-open up sa kaniya ang dalagita. Pero tungkol lang naman doon sa Carlo ang bawal nilang pag-usapan ‘di ba?
“Pinilit ko lang si Greta para magsalita ng tungkol sa ex-bandmates mo. Please huwag kang magalit sa kaniya. Tsaka minor details lang naman ang nabanggit niya.” Hindi nga nakuhang sagutin ni Greta ang tanong niya kung bakit kumalas si Cliff sa banda dahil na-interrupt na sila ng binata.
Tumingin si Cliff sa manibela. Bumukas ang bibig pero walang salitang lumabas hanggang isara ulit.
Kaninang bago sila umalis, plano talagang itanong ni Enso ang dahilan kung bakit kumalas si Cliff sa grupo pero sa nakita niyang pagbabago ng mood ng binata, naisip niyang hindi ito ang tamang oras para buksan niyang topic ang tungkol doon.
“Okay lang kung gusto mong maghintay na lang dito sa loob o sa labas kaya ng van,” sabi ni Cliff na sa manibela pa rin nakapako ang tingin. “Hindi naman ako magtatagal sa loob.”
Napagdesisyonan na ni Enso na sumama sa loob ng simbahan at wala namang mawawala sa kaniya kung sakali pero biglang nagbago ang kaniyang isip. Mas kailangan ni Cliff ang mag-isa. Baka mas pakikinggan ng sinasabi nilang nasa Itaas ang mga dasal ni Cliff kung wala itong kasamang kagaya niya na mukhang kwestiyonable ang paniniwala.
“Okay.”
Tinanguan lang siya ni Cliff bago ito lumabas ng van at isara ang pinto pagkatapos. Inihatid niya ng tingin ang lalaki hanggang makapasok sa loob ng simbahan.
Sana mabago ang mood ni Cliff at bumalik sa kanina ng gagawin nitong pagdadasal.
Sana. Sana.