"Okay, so 2nd year na tayo.." Inilabas ng president ang isang cardboard na naglalaman ng results.
Medyo naging confident ako dahil sa naging impact ng rampa ko sa audience. Kumpara kasi sa iba ay ako lang ay pinalakpakan. Nakakataba ng puso pero ayokong mag-expect nang masyado dahil magaganda rin naman ang mga kalaban ko.
"Ferrer, Polaris.." unang banggit nito.
Unti-unting dumapo ang kaba sa akin dahil isang spot na lang ang natitira sa Finals. Iniwasan ko rin ang pag-eexpect nang sobra dahil baka ma-disappoint lang ako sa huli.
"Santiago, Hale Celestina."
Agad nanlaki ang mata ko pero tinago ko ang tuwa. Gusto kong maging considerate sa mga hindi nakapasok dahil bakas ang panghihinayang at lungkot sa mga mukha nila. Sayang nga lang at naparami ang applicants sa batch namin kaya marami ang na-eliminate.
Nang kusang lumapit sa akin si Heize ay agad akong nakarinig ng bulungan. Mabuti na lang at humupa na ang issue noon kay Chelsea dahil talagang na-stress ako do'n. Ikaw ba namang masabihang kabit sa isang imaginary relationship, 'di ba?
"You did great, Hale. Sure win ka na sa Finals." Humalakhak siya.
Nginitian ko siya. "Akala ko nga ay nangalawang na ako eh! Nakita mo ba ‘yung signature move ko?"
"Yes. I even called it 'Whirl Walk'." Humalakhak siya at ginulo ang buhok ko.
"Wow! Hindi pa ako nakakaisip ng pangalan sa galaw kong ‘yun, ang ganda ng naisip mo!"
Sigurado akong mukha akong bata kung makipag-usap sa kanya ngayon. Sa tatlong taon ko kasing pag-pa-pageant, wala ni isang nakapag-suggest ng kung anong itatawag sa inimbento kong ikot. But now that he told me about it, lumukso na naman ang dugo ko sa tuwa.
"Iyon ang una kong naisip eh. Your turns are like whirlwinds, malakas at nakakadala. Kumbaga sa isang ipo-ipo, kami ang mga bahay na dinadala mo palipad sa hangin mo." Humalakhak siya. "Pero totoo, ang galing mo."
Napakamot ako sa ulo nang dahil sa hiya. "Uwi na tayo! Hinihiya mo 'ko eh."
Sa buong oras na byahe pauwi ay wala siyang ibang ginawa kung ‘di ang puriin ako. Tinanong-tanong pa niya kung paano ako maghahanda para ro'n. Mabuti na lang talaga at lumipat din sa Manila ang mentor ko noon sa probinsya. Mamayang pag-uwi ay kokontakin ko siya para rito.
Hindi ko rin maiwasang makaramdam ng excitement para sa unang sabak ko. Maraming mga magaganda at magagaling na kalaban kaya mas nabuhay ang thrill sa akin. Gustong-gusto ko kasing may strong competitor para hindi boring ang paglaban.
"Papa! Mama! Miss ko na kayo!" Mangiyak-ngiyak akong kumaway sa cellphone kung saan ka-video call ko ang aking pamilya.
Nanatili sila sa probinsya dahil medyo may katandaan na rin ang magulang ko, mahihirapan sila sa kanilang pagbyahe. Kung pwede nga lang na manatili rin ako do'n ngayong kolehiyo, ay doon na sana ako. Ang kaso ay limitado lang ang courses na inooffer sa mga university doon kaya wala na akong choice kung ‘di ang lumuwas pa-Maynila.
"Celestina! Ang ganda-ganda mo na lalo!" tuwang-tuwang sabi ni Papa.
Madalang lang kasi kami kung makapag-video call dahil hindi sila maalam sa mga cellphone. Tina-timing-an lang talaga namin na pumunta roon ang pinsan kong taga-kabilang bayan para ang cellphone niya ang gamitin.
"Oo naman, Pa! Sino na po bang kamukha ko?"
"Kanino ka pa ba magmamana? E 'di sa Mama mo! Pareho kayong magaganda!" Sumulyap pa siya kay Mama na maluha-luhang nakatingin sa akin.
"Kumusta r'yan, anak? Kumakain ka ba nang maayos?" tanong ni Mama na kulang na lang ay humagulgol sa tuwa.
"Opo, Mama! Puro uno rin po ang grades ko. Paniguradong mag-la-latin honors ako pagka-graduate!" pagmamalaki ko pa.
Pinipigilan ko ang lumuha ngayong kausap ko sila. Sa totoo lang ay miss na miss ko na silang pareho. Ang magagawa ko lang talaga sa ngayon ay ang mag-aral nang mabuti at maging successful sa buhay. Syempre ay gusto ko ring tuparin ang mga pangarap nila para sa akin. Si Mama ay gusto akong maging isang Stewardess dahil gusto niya raw na makarating ako sa iba't-ibang lugar, bagay na hindi raw nila nagawa ni Papa. Si Papa naman ay gusto akong maging modelo at maging mukha ng iba't-ibang mga brands. Ang sabi niya pa nga'y gusto niya raw akong lumaban sa Binibining Pinas, iyon daw kasi ang paborito kong panoorin bawat taon.
"Eh anak, may boyfriend ka na ba?" Tumaas ang kilay ni Papa, nang-aasar.
"Huh? Papa wala po! Kayo po ang priority ko!" depensa ko.
Naniningkit pa ang mata niya saka tumawa nang malakas. Iyong tawa niyang parang tunog ng kabayo, kaya't nakakahawa.
"Bakit wala pa, anak?" sabi pa niya kaya agad siyang hinampas ni Mama. "Dapat ngayon ay meron na! Kami nga ng Mama mo ay nagkakilala noong high school pa."
Tumawa ako. "Eh iba naman ang panahon ngayon pa. Mahirap na pong makahanap ng lalaking katulad niyo."
Nagsalita si Mama, "Pero anak, kung sakaling meron, ipakita mo sa amin ha?"
"Anak gusto kong gwapo at matangkad 'yan ha? Sayang naman ang lahi natin kung ibabahagi mo sa iba." biro ni Papa.
"Ano ba yan! Hindi naman po ako magboboyfriend eh." Naupo ako sa kama. "Ay oo nga po pala. Sumali po ako sa Miss Intramurals sa school namin."
Nang dahil sa sinabi ko ay nakita ko ang pagliwanag ng mukha ni Papa. Sa ganitong usapan ay talagang siya talaga ang nangunguna. Hindi siya nagsasawang iparamdam na proud na proud siya sa mga nakakamit ko sa buhay.
"Talaga, anak? Magpicture ka ha! Isend mo sa amin ng Mama mo. Pasensya na kung wala kami riyan ha? Pero nakasuporta naman kami sa ‘yo!"
"Na-contact mo na ba si Gina, 'nak? Magpatulong ka roon!"
"Opo, Mama. Kokontakin ko po mamaya. I-se-send ko rin po sa inyo ang pictures ko. Ipapanalo ko po ‘yun para sa inyo."
"Ay basta, 'nak! Galing mo roon ha? Mag-iingat ka rin! Oh sige na, andito na ang kuya mo."
Muli akong nalungkot. Miss na miss ko na sila.
"Sige po, Ma, Pa. Ingat din po kayo dyan. I love you!"
Nahiga ako sa kama at doon nagsunod-sunod sa pagtulo ang luha ko. Nakakalungkot pala ang maging mag-isa. Nakakalungkot pala ang mawalay sa mga mahal mo sa buhay.
Kinabukasan ay weekend kaya agad kong kinontak ang mentor kong si Gina. Mabuti na lang at malapit lang siya rito kaya natulungan niya rin ako. Sa Lunes ay magsusukat ako ng gowns at ibang attire na para sa pageant.
May limang phases kasi iyon. National costume, casual, sports wear, lingerie, at long gown. Hindi raw pinayagan ng Dean na magkaroon ng swimsuit competition dahil nasa school naman daw. Kaya pinalitan nila iyon ng lingerie para pwede kaming maglagay ng mga pakpak or kahit ano. Ang theme kasi doon ay ang katulad sa Victoria's Secret. Bago iyon para sa akin kaya naman mas na-excite pa ako.
"Anong oras ka uuwi, Hale?" Si Heize na muling tumabi sa akin sa library.
Lunes ngayon at plano kong magpunta sa studio ni Gina. Malapit lang naman ‘yun at sabi niya pa'y kaunti lang din ang mga kliyenteng nagpapagawa ng costume sa kanya.
"5pm, Heize. Pero may pupuntahan kasi ako." Pineke ko ang paglipat ng pahina.
"Saan? 'Tsaka anong sasakyan mo? Samahan na kita!"
"Pupunta ako sa studio ng mentor ko noon. Magsusukat ako ng gowns at ibang damit na gagamitin."
"Pwedeng sumama?"
Nag-angat ako ng tingin at saglit pang pinagmasdan ang itsura niya. Magulo ang buhok niya pero bagay na bagay iyon sa kanya. Mas lalo ring nadepina ang facial features niya. Ang mahahabang pilikmata, malalalim na mata, pantay na kilay, matangos at manipis na ilong, at mapulang labi. Ngayon ko lang na-appreciate ang lahat ng ‘yun. Napakaswerte niya kay Lord. Mukhang hinulma ang mukha niya nang maayos at hindi minadali. Posible pa lang magkaroon ng ganito kagandang lalaki?
"Okay lang ba sa ‘yo? Baka matagalan tayo." Nag-iwas ako ng tingin. Sana ay hindi niya nakita ang pagtitig ko sa mukha niya.
"Oo naman! 'Tsaka free naman ako. Wala kaming activities at boring din naman sa bahay."
Sa huli ay pumayag na rin ako. Pagkauwi ay dumiretso na kami sa address na binigay sa akin ni Gina. Mabuti nga at hindi kami naligaw dahil mahirap hanapin iyon.
Pagkarating ay may limang mga babae sa loob, mga kliyente niya siguro. Bahagya pa akong nagulat nang lahat sila ay nagsilingunan sa amin. Syempre ay dumiretso ang tingin nila sa kasama ko. Kita ko rin ang bahagyang pamumuso ng mga mata nila, manghang-mangha sa presensya at itsura ng lalaking paborito ng Diyos.
"Hale Celestina!" Napalingon kami sa isang pinto nang lumabas doon ang baklang mentor ko na si Gina. Walang pinagbago ang itsura nito, maliban na lang sa buhok niyang naging blonde na.
"Hi, Gina! Na-miss kita!" Bineso ko siya. Malamang ay agad niyang isinantabi ang presensya ko dahil napako ang paningin niya kay Heize na nililibot pa ang tingin sa buong studio.
"Yawa oy! May papa!" Impit siyang tumili. "Kinsa na? Boyfriend nimo?"
Sunod-sunod akong umiling. Bumulong naman sa tabi ko si Heize pero hindi ko siya sinagot. Ayokong malaman niyang tinanong ako ni Gina kung boyfriend ko ba siya, 'no!
"Hindi.. Kaibigan ko." Nagkamot ako ng ulo. Nagtaas naman ng kilay si Gina, mukhang hindi nakuntento sa sagot ko. "Heize, eto nga pala si Gina, ang mentor ko. Gina, ito si Heize."
Kitang-kita ko ang pagkislap ng mata ni Gina nang makamayan si Heize. Sa gilid ay rinig ko rin ang singhapan ng mga kliyenteng nandito. Sa presensya niya lang talaga ay kayang-kaya na niyang makakuha ng sampung babae.
Iginiya kami ni Gina sa isang kwartong puno ng mga damit. May mga costumes din na may feathers at may mga recyclable costumes din akong nakita.
"Sa national costume mo ay mas maganda kung simple lang pero elegante." Matigas ang pagkakatagalog niya.
"Oo, mas maganda ang gano'n kaysa sa mabibigat na costumes na mahirap dalhin. Nakakawala ng poise!" sabi ko habang isa-isang tinitignan ang mga gowns niya.
"Yung kaibigan mo ba ay magpapagawa rin?" Nagpigil siya ng tawa, mukhang inaasar ako.
Dahil hindi ako nakasagot ay si Heize na ang nagsalita para sa akin. "Hindi, sinamahan ko lang siya rito. Ano ba ang mga isusuot niya?"
I bit my lower lip. Pakiramdam ko ay naging makasalanan ako nang mapuna ang malalim na boses niya. Para iyong musika sa tenga, kalmado at hindi nakakasawang pakinggan.
"Teka! Naghanda ako ng tatlong pagpipilian sa kada category." Inilabas niya ang isang rack na may mga nakasabit na damit. "Etong casual muna."
Inilatag niya ang tatlong magaganda at makinang na damit. Ang isa ay isang peach silver na dress. Makinang iyon at elegante kung susuotin. Loose ang bandang neckline no'n kaya kapag sinuot ay mukhang natural ang pagka-revealing niyon sa dibdib. Fitted din kung susuotin at mas mahaba ang kanang bahagi kaysa sa kaliwa. Ang isang damit naman ay isang dress din na siguro'y 3 inches above the knee. Makinang na black din iyon pero may details ng gold sa buong dress. Turtleneck iyon at longsleeves, exposed ang buong likod at fitted din. Kung susuotin ay magmumukha kang madam na masungit. Ang panghuling damit naman ay plain white pero kumplikado kung susuotin, maraming pasikot-sikot at sa tingin ko'y pag sinuot ay magmumukha kang negosyanteng mabait.
"Hmm.. magaganda lahat." Bumaling ako kay Heize na nakatitig lang sa mga iyon. "What do you think, Heize?"
"Ano ka ba! Isukat mo na muna para makita mo kung anong pinakabagay sa ‘yo!" Itinulak ako ni Gina sa fitting room.
Ang una kong sinukat ay ang iyong plain white. Iyon ang inuna ko dahil mahirap iyon suotin at sa tingin ko'y hindi babagay sa akin.
Lumabas ako mula sa fitting room at naabutan ko pang iniinterview ni Gina si Heize. Kung hindi lang ako lumabas ay malamang, malayo na ang narating ng mga sinasabi niya.
"What do you think?" Ngumiti ako sa dalawa.
Bahagya akong naasiwa dahil sa paraan ng pagkakatitig ni Heize sa akin. Pinasadahan niya ako ng tingin saka seryosong nagsalita.
"Maganda, Hale. Bagay sa ‘yo."
Nahagip pa ng tingin ko si Gina na nanlaki pa ang mata at ngumisi sa akin. Sinenyasan niya akong magsuot ng iba pa kaya muli akong bumalik sa fitting room at isinuot iyong peach silver dress. Bagay iyon sa akin, medyo loose lang ang dulo kaya hindi gaanong nadepina ang kurba ng katawan ko. Sa tingin ko ay nagmukha akong magpupunta sa isang grand gathering kasama ang mga mayayaman.
"Walang pinagbago, Hale. Sobrang ganda pa rin."
Abot langit ang kabog ng dibdib ko kaya mabilis akong bumalik sa fitting room. Pakiramdam ko ay mahihimatay ako sa mga sinasabi niya sa akin. Pati nga si Gina ay nakita ko pang ngumingisi sa akin at tumataas pa ang kilay.
Nang maka-recover ay isinuot ko ang panghuling dress. Sa lahat ng nakita ko ay ito ang pinakabumagay sa akin. Fitted ito mula leeg hanggang dulo. Maganda ring tignan ang pagka-backless nito na umabot pa sa bewang ko. Nadepina rin ang katawan kong toned na kahit tamad akong mag-work out. Pakiramdam ko pa nga ay isa akong babae sa teleserye na naghihiganti sa mga umapi sa akin.
Pagkalabas ko ay nalaglag ang panga ni Gina. Pumalakpak pa siya.
Si Heize naman ay seryosong nakatitig sa akin. Dinilaan niya ang labi niya at muling nagsalita.
"You're so gorgeous, Hale. Do you want me to kneel for you?"