"Nagtext si Gina, sabi ko kakatapos lang ng rehearsal," pambungad kong sabi kay Heize nang lumapit siya sa akin sa backstage habang busy pa ako sa pagtatanggal ng heels.
As usual, nagsihaba na naman ang leeg ng mga candidates na nagkukwentuhan sa backstage. Nagbulungan ang iba habang palipat-lipat ang tingin sa amin, pero mas marami pa rin ang manghang-mangha sa kanya na halos mamuso na ang mga mata sa sobrang kilig. Samantalang ang lalaking ito naman ay pangisi-ngisi lang habang pinapanood akong maghirap sa pagtatanggal ng 5 inches kong heels. Mukha pa ngang wala siyang pakialam sa mga babaeng kilig na kilig sa kanya.
"Kumain muna tayo bago tayo magpunta ro'n." Lumapit siya saka tumulong sa akin at yumuko para siya mismo ang magtanggal ng lace na nakakabit sa aking paa. Napalingon tuloy ako bigla sa mga nanonood sa 'min. Katulad ko ay mukhang nagulat din sila, pero alam ko namang wala silang magagawa dahil magagalit itong si Heize. Tulad na lang noong nagkaroon kami ng issue at pinaulanan ako ng mga fans niya ng hate comments. Nagalit siya no'n kaya't hindi na umulit pa ang pangingialam nila. Well, sa tingin ko ay galit pa rin sila, hindi nga lang sinasabi nang harapan para umiwas sa kung ano mang gulo ang maidudulot ni Heize sa kanila.
"Sa drive thru na lang para hindi tayo masyadong gabihin. Ayos lang ba?" sabi ko nang tumayo siya. Naialis na ang lace sa pagkakakabit nito kaya agad niya rin akong inalalayan sa pagtanggal nito. "May madadaanan naman ata tayo. Or baka gusto mo idaan mo na lang ako kila Gina tapos bili ka ng food mo."
"Huwag na. Sa drive thru na lang." Umalis siya para kuhanin ang bag ko sa silya saka isinukbit iyon sa balikat niya. "Tara na."
Nang makalabas kami sa Hall ay saka lang ako nakahinga nang maluwag. Pakiramdam ko kasi ay hindi talaga ako makahinga nang maayos sa loob. Siguro ay dahil alam kong marami ang nanonood sa amin, at talagang ayaw ko ng atensyon lalo na kung hindi naman maganda ang dulot no'n sa 'kin.
"Ayos ka lang? Ang lalim ng buntong hininga mo ah?" Si Heize, palingon-lingon sa akin habang iniikot-ikot ang susi ng kanyang sasakyan sa hintuturo niya. "Gutom ka na ba? Bilisan na natin."
"Hindi naman, nakaka-intimidate lang talaga 'yung mga tingin nila. Hayy, sa susunod nga ay 'wag mo na akong hintayin. Pati ako ay kinakabahan eh." Umirap ako, panigurado ay magyayabang na naman ang isang 'to. Ayaw kong pakainin ang ego niya, ano! Baka masyado siyang masiyahan at lalong lumaki ang ulo.
"Bakit ka naman na-i-intimidate? Mga babae naman 'yun," sagot niya saka pinindot ang button sa susi kaya tumunog ang sasakyan niya. "Hindi ka nga na-i-intimidate 'pag nasa stage ka at maraming nakatingin sa 'yo."
Binuksan niya ang pinto ng passenger seat at hinintay akong makapasok doon bago isinara iyon. Nang makapasok siya sa driver's seat ay agad siyang tumingin sa likod at may kinuhang kung ano. Hindi na ako lumingon pa dahil sa pagod na nararamdaman.
"Flowers for you, Hale."
Nanlaki ang mga mata ko nang iabot niya sa akin ang isang bouquet ng roses. Umaalingasaw iyon sa bango, dagdag pa ang magandang pagkaka-arrange at pagkakahalo ng mga bulaklak.
"Hala ka, para saan 'to?" gulat na tanong ko. Nagkibit balikat siya saka ngumisi bago in-i-start ang makina ng sasakyan. "Huy! Para saan nga?"
Nagsimula na siya sa pagmamaneho. Inilagay niya pa ang kamay niya sa likod ng sandalan ng inuupuan ko bago lumingon para tingnan ang likod dahil iaatras niya ang sasakyan. Iniwas ko agad ang tingin ko nang sumilip ang biceps niya. Sh*t.
"Ang kulit mo kasi eh. Nalaman mo agad 'yung sa Baguio."
Natigil ako sa pagtitig sa mga bulaklak at nanlalaki ang matang tumingin sa kanya.
"So eto nga 'yon? Akala ko ba nagpunta ka lang doon para sa Auntie mo?" tanong ko.
"Oo nga, nagpatulong ako. Siya kasi ang may alam sa mga ganyan." Sumulyap pa siya sa akin, at nang makita niya ang reaction ko ay sumilip ang ngiti sa labi niya. "Bukas ko pa dapat ibibigay 'yan kaso ay nalaman mo agad. Ang masama pa ro'n, iniisip mo pang para 'yan sa ibang babae. Tsk. Tsk. Nakakatakot."
Bahagya akong natawa. Ang kaninang pagdududa na pilit sumasagi sa isip ko ay tuluyan na ring nawala.
"Eh para saan nga 'to? Hindi pa naman pasko?" Tumawa ako at muling sininghot ang bago ng pinakamalaking red rose na nasa gitna. "Ang bango naman!"
"Nagustuhan mo ba?" tanong niya kaya agad akong tumango nang hindi tumitingin sa kaniya. "Pang-good luck ko sana iyan sa 'yo para sa pageant mo. Naging advance pa masyado, pero at least ngayon ay 'di ka na magdududa pa sa 'kin."
"Sira! Hindi naman ako nagdududa. 'Tsaka wala naman na sa 'kin kung magkaroon ka man nga ng girlfriend. Nagtampo lang naman ako dahil akala ko, hindi ka nagsasabi sa akin. Magkaibigan naman tayo 'di ba?"
Busy ako sa katitingin sa mga bulaklak kaya nang mapansin kong hindi siya sumagot ay agad kong inilapat sa kanya ang aking tingin. Nagtiim bagang siya at seryosong tumingin sa daan. Napansin niya ata ang pagtitig ko sa kanya kaya sumulyap siya saka pilit na ngumiti. Hindi ko na iyon pinansin pa dahil ilang metro na lang ang layo namin sa isang fast food chain na pagbibilhan namin ng pagkain.
"Anong gusto mo, Hale? Gusto mo bang mag-rice?" Iniliko niya ang sasakyan papunta sa drive thru section. "Burger at fries lang sa akin. Sa 'yo?"
"Gano'n na lang din sa akin. Sa bahay na lang ako kakain ng kanin," sagot ko. Agad din naman niyang sinabi iyon doon sa parang machine na nagsasalita. "Ako ang magbabayad ha? Treat ko naman."
Hindi niya pinansin ang sinabi ko, nang kunin na namin ang order ay mabilis niyang iniabot ang credit card niya kaya hindi na ako nakaangal pa. At dahil nga isa siyang agaw-pansin na lalaki, nahuli ko naman ang staff na nasa counter na namumuso ang mata sa kanya. Nag-iwas ako ng tingin nang makitang sinadya niyang sagiin ang kamay ni Heize para mahawakan ang palad niya. Sa harap ko pa talaga, huh.
"Salamat po, sir. Balik ho kayo!" paalam niya.
Agad akong napairap. "Babalik lang kami kung hindi na ikaw ang tao riyan," mahinang bulong ko pero mukhang narinig iyon ni Heize dahil tumawa siya nang malakas.
"Oh, galit ka na naman. Sabihin mo na lang kasi kung anong 'di ko dapat gawin at nang maiwasan ko."
"Ha?"
Muling bumilis ang t***k ng puso ko. Kahit nga halos manigas na ako sa lamig ng aircon na nakatapat sa akin ay para akong pagpapawisan nang malala.
Ano ulit, Heize? Anong ibig mong sabihin?
"Biro lang. Masyado ka kasing iritable, grabe ka na sa akin, na-hu-hurt na ako ah!" Umarte pa siyang masakit ang puso kaya agad ko siyang inirapan.
Hindi magandang biro ang gano'n. Muntik pa man din akong atakihin sa puso!
Mabilis lang din kaming nakarating sa studio. Pagpasok namin doon ay agad na bumungad ang ngiti ni Gina. Pero imbes na ako ang salubungin niya ay dumiretso siya sa direksyon ni Heize at agad siyang niyakap.
"Omg! Heize! Na-miss kita! Kumusta na?"
At dahil isang propesyunal si Heize sa pang-uuto, agad din siyang nag-pa-cute kay Gina.
"Hale Celestina! Nariyan ka pala!" Sa wakas ay nilingon na niya ako at sinalubong ng beso. Naamoy ko pa nga ang sigarilyo sa kanya pero hindi ko na iyon pinansin dahil hindi na iyon bago sa akin.
Nang mag-umpisa kami ay agad niyang ipinakita sa akin ang listahan ng mga dapat kong gawin at ang mga dapat iwasan. Pati ang kung paano ko irarampa ang iba't-ibang damit sa kada category ay mayroon do'n. Ipinasuot niya rin sa akin ang iba't-ibang heels na isusuot ko. Nawindang pa kaming pareho ni Heize nang makitang ang isa roon ay manipis lang ang heels, isang pagkakamali lang ay tapilok ka agad.
"Ito ang isusuot mo sa long gown. Sa lahat ng heels ay ito ang pinaka-safe pero siya ring pinakamataas. Mahaba kasi iyong gown mo at delikado kung bitin ang heels mo. Baka mamaya ay maapakan mo at bigla ka na lang matumba. Naku, girl! Umuwi ka na lang!" Humalakhak siya nang malakas saka ipinakita sa akin ang isa pang design. "Ito naman ang sa lingerie. Ang bongga, ano? Magmumukha ka talagang runway model niyan!"
Nang matapos kami sa mga heels ay nagsimula na akong i-practice iyon. Syempre ay hinayaan niya lang akong mag-isa dahil mas gusto pa niyang samahan si Heize na busy sa kaka-video sa akin. Malaki ang salamin na nasa harap ko kaya't nakikita ko ang repleksyon nila roon. Hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila pero pareho silang nakatawa. Mukhang inaasar siya ni Gina pero hindi ko na inabala pa ang sarili ko para alamin kung ano iyon. Doble-doble na kasi ang stress na nararamdaman ko rito sa manipis na heels. Ilang beses akong nadapa at natapilok pero nang magtagal ay unti-unti ko rin itong nagamay. Nang malaman kung paano ang tamang paglakad gamit iyon ay agad ko na ring sinubukan ang catwalk na matagal kong pinaghandaan. Hindi ko iyon ginagawa sa tuwing may rehearsal sa school dahil iyon ang bilin nila Gina. Kumbaga dapat daw ay kailangan kong magpanggap na mangmang pagdating sa ganito para maliitin ako ng kalaban. Sa ganoong paraan ay magiging kampante sila, at sa mismong araw ng pageant ay saka lang nila malalaman ang pinaghahandaan ko. Syempre ay wala na silang panahon pa para mag-practice dahil mismong araw na iyon ng pageant.
Ewan ko ba, magmula noong sumasali ako sa mga pageant sa probinsya ay palaging ganito ang turo niya. Ang kinaibahan lang ay hindi talaga alam ng mga tagarito ang kakayahan ko. Samantalang sa probinsya naman, ay alam na alam nila pati ang segundo ng pag-ikot ko.
"Ingat kayo Hale Celestina! Heize, ingat sa pagmamaneho!" paalam ni Gina nang matapos na kami. Nagpaalam din kami sa kanya nang mabilisan dahil inabot na talaga kami ng gabi.
Katulad ng palaging ginagawa ay tinahak na namin ang daan papunta sa dorm na tinutuluyan ko. Tahimik lang ang byahe dahil masyado akong pagod sa mga ginawa buong araw. Panigurado ay doble pa ang pagod na nararamdaman ni Heize lalo't galing din siya sa basketball. Hindi ko nga rin alam kung bakit pa siya nagpipresentang sumama sa akin kung busy rin naman ang schedule niya. Medyo nakokonsensya na tuloy ako dahil mukhang dinadagdagan ko pa ang pagod at stress niya.
"Bakit ka nakatingin? Nakikita kita sa peripheral vision ko." Tumawa siya nang mahina. Napalunok ako at nag-iwas ng tingin.
"Hindi ah, natulala lang ako. Baka nasakto sa mukha mo 'yung pag-i-imagine ko. Assuming!" pagsusungit ko.
"Bakit? Ano bang iniisip mo?" tanong niya. Medyo malapit na kami sa dorm kaya binagalan niya pa ang pagmamaneho. "Iniisip mo ba kung mananalo ka? Sure win na 'yan. Hindi na ko magugulat pa kung pangalan mo ang i-announce doon."
Nag-iwas ako ng tingin, pilit tinatago sa kanyang paningin ang ngiting hindi ko mapigulan.
"Ayaw kong makampante, Heize. Marami rin naman akong nga kalaban na magagaling at magaganda." Nagbuntong hininga ako. "Paniguradong hindi lang ako ang naghahanda nang malala para rito, 'no. Baka nga hindi na sila makalakad sa sobrang bongga ng mga suot nila."
Pinatay niya ang mahinang music na tumutugtog sa kanyang cellphone. Sumulyap pa siya sa akin bago muling nagseryoso ang tingin sa daan. Mas binagalan niya pa ang pagmamaneho kaya imbes na makauwi na ako ay nandito pa rin kami sa madilim na kalsada.
"Ano naman? Kung ako ang judge doon, zero lahat ng score nila." Humalakhak siya.
"Ang kaso, hindi ikaw ang judge. 'Tsaka ano ba! Huwag mo kong masyadong batiin at baka ma-jinx 'yang pinagsasabi mo!"
"Hindi naman ako nagbibiro, Hale. Sa lahat ng mga babaeng kasali roon, ikaw lang ang malakas ang dating." Kinagat niya ang kanyang labi saka pinasadahan ng palad ang kanyang buhok. "Alam mo ba kung bakit zero ang score nila para sa akin?"
Agad akong sumagot, "Bakit?"
"Paano ko sila mabibigyan ng puntos kung nasa 'yo naman ang buong atensyon ko sa umpisa pa lang?"