KABANATA 15

2021 Words
"Production muna ang mauuna 'di ba?" Agad na inilatag ni Gina ang damit na isusuot ko para sa aming Production Number. Lahat ng candidates ay meron noon na siyang nagsisilbing uniform namin. Sleeveless iyon na black at may print na 'Miss Intramurals' na may gold na font sa harap. "Anong pants ang isusuot ko pang-partner dyan? 'Yung baggy ba or yung fitted?" tanong ko habang kinakalkal ang mga nakasampay na damit sa dala niyang rack. Matagal na kaming nakapagdesisyon kung ano ang mga gagamitin kong damit para mamaya. Pero dahil nga paminsan-minsan ay lumilipas ang mga kagustuhan namin ay nagdala na lang din siya ng iba pang mga damit para naman kahit papano ay marami pa rin kaming mga pagpipilian. "Mas bagay 'yung fitted since makurba naman ang katawan mo. Kunin mo iyang light blue na pants, try mo kung bagay ba." Tumabi siya sa akin saka kinuha ang pants na tinutukoy niya. Kumuha pa siya ng isa pa na kamukha pero magkaiba naman ang design. Ipinagkumpara niya pa iyon habang ako naman ay nakatayo lang at naghihintay sa kung anong magiging desisyon niya. Wala naman kasing gaanong pinagkaiba iyon bukod sa design na may mga linya at pakurba, kaya kung ako ang papipiliin ay kahit ano roon sa dalawa. "Parang mas maganda 'to, sukat mo nga at tignan mo kung kasya." Katulad ng sinabi niya ay kinuha ko iyon at isinukat. Saktong-sakto iyon sa akin at kumportable namang suotin. Bagay rin ang shade noon sa black na damit kaya't napagdesisyunan namin na iyon na lang ang gagamitin. "Hale Celestina Santiago, representing, Tourism Department!" Napatalon ako sa gulat dahil sa lakas ng sigaw ni Avi. Tumili-tili pa siya habang nasa likod naman niya sina Maximus, Aziel, at August na naka-jersey. Napatigil pa nga ang stylist ni Alec nang makita sila. "Aguy! Kagwapo kaayo ba!" bulong ni Gina na nang lingunin ko ay malawak na ang ngiti habang nakatitig sa tatlong lalaki. "Shh, ayaw pagsaba oy. Boyfriend ni Avianne adtong usa. Off limits na day!" pananaway ko habang pilit inginunguso ang direksyon ni August. Hindi ko na narinig pa ang sagot ni Gina dahil siya ang unang nilapitan ni Avi para ibeso. Napakamot pa ng ulo sina Aziel dahil sa hiya nang makita si Alec na nakapikit habang inaayusan. "Hale!! Galingan mo mamaya ah! Mabuti na lang at hindi pa laro nila August mamaya kaya mapapanood pa kita!" Malakas niyang kinurot ang kaliwa kong pisngi kaya napasigaw ako sa sakit. "Arte naman! 'Pag ikaw ang nanalo mamaya, ililibre kita sa Amusement Park. G? Good luck, Haleyy!" Nang makaalis na ang maingay na grupo nila Avi ay muli na kaming bumalik sa pag-aayos ni Gina. Sa umpisa ay ginagamay pa niya ang iba't-ibang style na gagawin sa akin na babagay sa mga isusuot kong damit. Masyado raw kasing boring kung iisang makeup at hairstyle lang ang gagamitin ko sa buong pageant. Mas maigi raw na bukod sa iba't-ibang damit na aabangan ng mga tao ay dapat din daw na pataasin ko ang excitement mula ulo hanggang talampakan. Pati nga sa heels ay nagdala pa siya ng maraming iba't-iba ang design. Mayroon ding iba-ibang kulay pero iisa lang ang magkakapareho sa lahat ng 'yon-- lahat ay matataas, isang pagkakamali mo lang ay makikita mo na lang ang sarili mong nakalagapak sa sahig. "Hale," agad akong napalingon nang marinig ko ang pamilyar na boses ni Heize. Agad na lumakas ang kabog ng dibdib ko nang makita ang kanyang mukha. May takas na pawis pa sa kanyang noo, mukhang nagmadali nga siya. Sa kanyang kanang kamay ay may bitbit siyang malaking paper bag na may brand pa ng isang sikat na factory ng mga makeup at pang-ayos ng buhok. Sa kaliwang kamay naman niya ay may bitbit din siyang paperbag na may tatak ng Jollibee. Malaki iyon kaya paniguradong sinunod niya ang sinabi kong damihan ang bilhin niya. "Hala, salamat Heize! Hulog ka talaga ng langit!" Napapalakpak ako sa tuwa nang makabawi sa distraction ko sa kanyang presensya. "Akin na 'yang mga dala mo! Lagay mo rito sa la mesa." Nakalapit ako saglit sa direksyon niya kaya narinig ko nang kaunti ang paghahabol niya ng hininga. Binuksan ko ang paperbag na dala niya na may lamang pagkain, saka kinuha ang bottled water na naroon at iniabot sa kanya. Kinuha ko rin ang silya na nakatambay sa malayo at inilapit iyon sa kanya. "Napagod ka ba? Tubig ka muna, oh. Saan ka ba nakakuha ng mga 'to? Sa malayo ba?" sunod-sunod na tanong ko. Hindi siya sumagot dahil agad niyang nilagok ang tubig na inabot ko. "Pasensya na ha, nagkaproblema kasi talaga eh. Babawi ako, promise!" Tumaas ang kilay niya at katulad ng palagi niyang ginagawa, bigla siyang ngumisi. Tinakpan niya ang tubig na iniinom kanina saka pinunasan ang takas na pawis na tumulo na sa kanyang mukha. "Talaga? Babawi ka? Anong gagawin mo?" Agad na napaubo si Gina na mabilis na tumayo paalis sa kanyang silya. Pasipol-sipol pa siya habang nagkukunwaring may hinahanap na damit sa rack kahit na ang totoo ay kumpleto na ang lahat ng gagamitin ko. Pati tuloy ako ay naasiwa sa presensya ni Heize. "Basta, saka na natin pag-usapan 'yun." Tumayo ako saka muling hinalungkat ang paper bag na dala niya at nagkunwaring busy roon. Kumuha ako ng tatlong burger, fries, at tubig saka iniabot iyon sa stylist ni Alec. Mukhang nakatulog na siya habang inaayusan kaya hindi ko na siya inabala pa. Nang makabalik ako sa pwesto ay sina Gina at Heize naman ang binigyan ko. "Ikaw? Hindi ka ba kakain?" takang tanong niya. Agad din naman siyang nanahimik nang makitang kumuha ako ng sa akin at naupo sa silyang nasa tabi niya. "Hiram lang ba itong dala mo? Saan ka nakakuha?" tanong ko habang nakatingin sa mga pang-ayos na dala niya. Kumpleto iyon, mula sa pangkulot, pang-straight, at hair spray. Mayroon pang kung ano-anong mga hair accessories na kasama roon. "Ang dami ah, magaling ka naman palang maghanap eh. Kung maisipan ko mang magtayo ng salon ngayong araw, malamang ay magagawa ko 'yun kung andyan ka." Narinig ko ang mahina niyang paghalakhak. "'Wag naman. Kung may balak ka mang gawin, sabihin mo na lang sa 'kin nang hindi biglaan. Grabe pa naman ang pagod ko! Para akong nag-training ng tatlong araw nang walang pahinga!" "Pero saan ka nga nakahanap? Branded pa 'to ah!" Tinitigan ko nang maiigi ang hinalungkat kong mga dala niya. Lahat nga iyon ay may tatak ng Vinci Laurel, paniguradong bigatin ang kung sino mang hiniraman nito. Well, ano pa nga bang aasahan mo sa anak-mayaman 'di ba? "Sa anak 'yan ni Nanay Lori, 'yung nagbabantay sa akin noong bata pa ako. Tinulungan namin ang pamilya niya na magkaroon ng negosyo. At ayun, ang anak niya nga ay mahilig sa mga ganito kaya pinatayuan namin sila ng salon." Dahan-dahan akong napatango sa kwento niya. Namangha pa nga ako dahil kung ikwento niya sa akin ay parang sisiw lang iyon para sa kanya. What if totohanin ko 'yung sinabi kong gusto kong magpatayo ng salon ngayon mismo? "Ba't parang gulat na gulat ka? Don't tell me, gusto mo talagang magpatayo ng salon?" Nanlalaki pa ang mata niya habang seryoso ang pagkakatitig sa akin. Kung ano ang inilaki ng mata niya, gano'n din kalaki ang nakikita ko sa pagiging uto-uto niya. "Bayaran mo na lang ang tuition fee ko. Mas pabor ako sa gano'n," biro ko pa. "Sure! Seryoso 'yan ah?" Uto-uto talaga. Bakit ko naman papabayaran sa kanya ang tuition ko 'di ba? Hindi naman ako gano'n kahibang. Tinawanan ko lang siya bago nagsimulang kumagat sa hamburger na kinuha ko. Agad na nanuot ang sarap no’n sa aking lalamunan. Kung hindi ko lang naisip na kailangang hindi ako naging bloated mamaya ay malamang, inubos ko na ang lahat ng dinala niya. “Kumain ka pa. Baka mamaya ay mahimatay ka sa stage nang dahil sa gutom.” Tumayo si Heize saka dumukot ng panibagong pagkain sa paper bag at iniabot iyon sa akin. “Isa pa. Kaya nga dinamihan ko ang mga binili ko eh, para makakain ka.” Uminom muna ako ng kaunting tubig saka kinuha ang iniaabot niya sa akin. Nang matanggal ko na ang wrapper ay agad akong tumayo at inilapit sa bibig niya ang burger. Nanlaki pa ang mga mata niya pero hindi ko na siya hinayaan pang makaangal. Sakto pa ang pagkakanganga niya kaya naman sakto rin ang kalahati ng burger sa kanyang bibig. Tumawa pa ako nang malakas bago pinaubaya sa kanyang kamay ang burger para siya na ang magkusang kumain no’n. “Ikaw ang kumain. May pageant pa ako, ‘no! Ayokong rumampa na malaki ang tyan,” sabi ko saka umalis papunta sa pwesto kung saan ako aayusan ni Gina. Dala niya ang kanyang mga pang-ayos ng mukha mula sa foundation, concealer, blush on at ibang mga kakailanganin para mamaya. Malaki rin amg dala noyang salamin na may mga ilaw pa sa paligid dahilan para mas maaninag ko pa ang aking mukha. Natapos na rin sa pagkain si Gina kaya agad na rin siyang lumapit sa akin at sinimulang lagyan ng kung ano-anong pampakulot ang aking buhok. Samantalang si Heize naman ay nakapamewang pa habang seryosong nanonood sa ginagawa ni Gina sa akin. Nang magkatinginan kami sa repleksyon sa salamin ay agad kong iniwas ang aking tingin at nagkunwaring may tinitignan sanmga makeup na dala ni Gina. Nang matapos sa pag-iisa-isa ng buhok si Gina ay agad niyang kinuha ang blower niya at itinapat iyon sa aking buhok. Naging abala ang paligid kaya nagkaroon ako ng rason para matignan si Heize sa kanyang repleksyon sa salamin na kaharap ko ngayon. Busy na siya ngayon sa pagtitipa ng kanyang cellphone habang maya't-maya rin ang pagsulyap sa akin. Nang tumayo siya sa kanyang kinauupuan ay agad akong nag-iwas ng tingin at muling nagkunwaring may ginagawa. "Hale, alis muna ako ah? Pinapatawag na kami ni Coach," paalam niya na agad ko ring tinanguan. Nakita ko ang bahagyang pagngisi ni Gina sa repleksyon niya sa salamin kaya pati tuloy ako ay naasiwa. "Manonood kami mamaya. Galingan mo ha? Good luck, Hale." Tinapik niya ang aking balikat saka nagpaalam na rin kay Gina at umalis. Nang mawala siya sa aking paningin ay agad kong pinakawalan ang hininga konh kanina ko pa pinipigilan. Si Gina naman ay humalakhak nang mahina saka nanunuyang tumingin sa akin. Alam ko na ang mga sasabihin niya kaya ako na lang din agad ang umiwas at muling nagkunwari sa pagbabasa ng mga brand na nakataktak sa mga dalang makeup ni Gina. "May something sa inyo, 'no? Imposibleng wala, 'wag mo nang itanggi." Tumawa siya nang nakakaloko. Nag-angat ako ng tingin at tinignan ang repleksyon niya sa kaharap na salamin. At katulad ng inaasahan, malawak ang nanunuya niyang ngiti habang pilit iniiwas ang tingin sa akin. "Huwag mo nang pakawalan 'yan, girl. Paniguradong tatanda kang dalaga 'pag ginawa mo iyan." Umirap ako at hindi na sumagot. Pumikit na lang ako dahil kailangan ko lang namang pumirmi habang inaayusan. "Girls! Mag-ready na! Mag-i-i-start na tayo in 10 minutes. Make sure na maayos na ang pang-opening niyo!" Aligaga akong napadilat nang marinig ang malakas na boses ng head representative. Naramdaman ko rin ang pagtapik ni Gina nang paulit-ulit sa akin, pilit akong ginigising. "Huy, Celestina! Gising na! Maiiwan ka talaga mamaya!" Mabilis akong tumayo at tinanggal ang hilo na dulot ng biglaang pagkagising. Nang makita ko ang sarili ko sa salamin ay agad na nanlaki ang mata ko. Ibang makeup style ang ginawa sa akin ni Gina dahilan para magmukha akong mas mature, hindi tulad noon sa probinsya na mas lamang ang fresh at cutesy vibe sa akin. "Ayay! Kagwapa ba oy! Petiks lang 'yung ginawa ko sa 'yo dahil tulog ka pero tignan mo nga naman! Bonggacious!" Aliw na aliw si Gina habang tinitignan din ang repleksyon ko sa salamin. Muling sumigaw ang head representative kaya mabilis akong nagpunta sa corner na natatakpan ng kurtina at nagbihis ng damit na pang-intermission namin. Katulad ng inaasahan ay maganda ang pagkakapares no'n at agaw-pansin kahit na simple lang. "Ready ka na ba, Hale?" tanong ko sa sarili. Napapikit ako at huminga nang malalim. Readyng-ready na!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD