"Sh*t! Kinakabahan ako!"
Rinig na rinig ko mula sa kabilang tent ang boses ng mga kapwa ko kandidata. Lahat sila ay pare-pareho lang ang sinasabi..
"Grabe 'yung kaba ko! Marami kayang mag-chi-cheer sa akin?"
Nang dahil sa sunod-sunod na pagkakarinig ko ng mga iyon ay nagsimula na rin ang dibdib ko sa pagkabog nang malakas dahil sa nararamdamang kaba. Nagsilabasan na rin sila mula sa kani-kanilang mga tent kaya nang makita ko ang nagbobonggahan nilang heels, makeup, at heels ay mas lalo pa akong nakaramdam ng matinding kaba. Iba-iba ang makeup style ng lahat. Mayroong mga pa-sweet, fierce, powerful, fresh, at natural look kaya't paniguradong mahihirapan ang mga judges nito.
"Ayos ka lang?" Napalingon ako sa magandang si Alec na nakangiti na sa akin ngayon. Katulad ng inaasahan ko ay mas nabigyang hustisya ang ganda niya, hindi na talaga ako magtataka pa kung siya man ang manalo sa pageant na ito. Kapansin-pansin ang makeup niyang mas natural kumpara sa iba. Mas nadepina pa ang features niyang nag-uumapaw sa kagandahan.
"Oo, ayos lang. Medyo kinakabahan lang. Ikaw? Kabado ka rin ba?" sagot ko pa. Sa ganitong paraan ay nababawasan ang kaba ko kahit papano. Ganito rin kasi ang ginagawa ko noong nasa probinsya ako, nakikipag-usap ako sa kapwa ko kandidata para hindi na namin maisip pa ang kaba bago tumapak sa entablado.
"ARE YOU GUYS READY?!" Hindi na kami nakapag-usap pa ni Alec nang marinig namin ang malakas na sigaw ng event emcee. Hindi namin nakikita ang mga tao sa labas ng backstage dahil nilagyan nila pati ang mga siwang ng itim na tela bilang pangharang. Hindi ko nakikita kung gaano karami ang mga nanonood pero nang dahil sa sabay-sabay na pagtili at pagsigaw nila ay agad ko nang nasigurado na marami iyon.
Halos lahat ay may kanya-kanyang isinisigaw, sobrang lakas ng kanilang mga sigawan kaya pati ako ay hindi na malaman kung kaninong fan ba ang mga ito.
"Girls, mag-ready na! Ipapakilala na kayo ng emcee right after niyang sasabihin niya. Galingan niyong lahat ha? Best of luck, candidates!" Lahat ng mga nasa backstage ay pumalakpak at nag-good luck sa lahat ng mga sasabak.
Nanlalamig ang kamay ko sa kaba pero nang biglang maisip ang proud na mukha nila Mama at Papa ay agad akong nabuhayan ng loob. Gusto kong maipakita man lang sa kanila ang kauna-unahang korona na nakuha ko habang wala sila.
"Maple University, mag-ingay!!!" Muling lumakas ang sigawan ng mga tao. "And now, let us all welcome, the eight beautiful ladies aiming for the crown of Miss Intramurals Maple University!"
Matapos ang makapigil-hiningang introduction ay mabilis ding nagsimulang tumugtog ang kantang aming pinag-pa-practice-an para sa aming production number. Nagsimula sa Candidate Number 1 na nasa kabilang banda ng stage hanggang sa Number 7 na si Alec. Nang makapwesto na siya ay nagsimula na akong maglakad papunta sa gitna ng stage. Mas umingay pa ang sigawan ng lahat, nakakarinig din ako ng mga torotot at drums na siyang ginagamit din nila sa pag-iingay. Nahagip din ng paningin ko ang malaking tarpaulin na may nakalagay na pangalan ko dahilan para mapangiti ako nang malaki. Nang makapwesto na ako ay sakto rin ang muling pagtugtog ng unang beat ng music na siya ring sinabayan namin katulad ng napag-practice-an. Nang matapos ang pagsayaw ay lahat kami ay bumalik sa kani-kaniyang pwesto at nagpose. Syempre ay muling nanguna ang pang-unang Candidate sa pagrampa papunta sa pinakagitnang dulo ng runway stage, kung saan naroon ang mic.
"Thalia Andrea Marasigan, Architecture Department!"
Malakas na nagsigawan ang mga nanonood. Nagpakilala pa ang lahat hanggang sa muling nabuhay ang crowd dahil si Alec na ang rumampa papunta sa gitna. Malakas ang sigawan habang tinatahak niya ang daan sa runway stage. Magaling siyang rumampa, malinis at sakto sa music. Malakas din ang impact niya kaya naman mas na-excite pa akong galingan.
"Alejandra Salvacion, representing, Engineering Department!" Itinaas niya ang dalawang kamay niya kasabay ng maingay na pagsigaw ng mga audience. Marami rin akong nakitang mga banner na may mukha niya na iwinawagayway pa habang siya ay rumarampa.
Nang tumalikod na siya ay syempre, nagsimula na akong maglakad papunta sa gitna ng runway stage. Itinaas ko ang dalawang kamay ko dahilan para lalong ma-hype ang mga nanonood. Wala akong makilala sa mga audience dahil sa dami nila, pero dahil kailangan ko ng impact ay nanghula na lang ako sa kung saan ako babaling. Nang makita ang mga nasa kanang bahagi ay kumindat ako sa kanila at nag-flying kiss pa. Mas lalo tuloy umingay ang pwestong iyon kaya mas naging balanse ang pag-chi-cheer sa akin.
Nang makarating ako sa pinakagitna ay nag-pose pa ako bago lumapit sa mic at nagsalita.
"Hale Celestina Santiago, Tourism Department!" Naghintay pa ako ng limang segundo pero hindi natinag ang pagsigaw ng lahat. Nang lumipas na ang pagbibilang ko ay muli pa akong ngumiti bago tumalikod bago bumalik sa aking pwesto.
Ilang saglit pa ay unti-unting nawala ang tugtog at bumalik na sa stage ang emcee. Kaming walo ay kanya-kanya ang pose sa sarili naming pwesto. May awardings kasing gaganapin kada matatapos ang isang category.
"Grabe! Can you guys feel the tension?!" Iniharap niya ang hawak niyang mic sa mga audience kaya lahat sila ay nagsipagsagawan muli. "Ang gaganda nga naman talaga ng ating mga candidates, ano?"
Lumapit siya sa amin at tinignan kami isa-isa. "At dahil nga umpisa pa lang ng pageant ay humahataw na sila, dapat ay may commercial muna!" Nagsipagsigawan ang lahat nang dahil sa excitement. "Dito tayo kay Miss Architecture."
Lumapit siya sa direksyon ng Candidate Number 1 kaya nagsipag-cheer ang mga fans niya.
"Kamusta naman, Miss Architect? Anong feeling na ikaw ang nauuna sa lahat ng segment?" tanong ng emcee.
Nangangawit na ang bibig at pisngi ko sa kakangiti pero hindi o dapat iyon alisin dahil magmumukha akong nakasimangot sa stage.
"Okay naman, wala namang problema sa akin 'yon. You know what, I believe kasi na being at first is what makes me on top." Nang dahil sa sinabi niya ay muli na namang nagsigawan ang mga fans niya.
"Ay wow! So ibig sabihin, nasa bottom pala si Candidate Number 8 dahil nasa panghuli siya?"
Oh no. Not again.
Nagsipagsigawan ang mga audience, nakikisulsol sa kung ano mang binubuo nitong emcee. Nagkunwari akong hindi apektado, ngumiti lang ako at inayos ang postura saka nakipagtitigan sa mga judges. Hindi professional ang mga ganyang usapan, lalo na't hindi naman ginawa ang pageant para lang sa kompetensya sa kapwa mo babae. Iyon ang pinanghahawakan ko mula noong nagsimula akong sumali sa mga ganitong event.
Nagkunwari akong hindi awkward ang lahat at mukhang napansin iyon ng emcee kaya hindi na niya pinalaki pa ang gulong binubuo niya. Lumipat lang siya sa isa pang kandidata para interview-hin ito.
Natapos ang interview sa mga kandidata nang iniabot na sa kanya ang isang card kung saan nakalagay ang mga unang awardees. Syempre ay agad din siyang lumayo sa amin para hindi namin malaman kung sino ang laman no'n. Bumalik siya sa gitna ng stage at ni-hype ang mga audience.
"Sino kaya ang unang makakatanggap ng award?" Nang sabihin niya iyon ay nagkanya-kanyang sigaw ang lahat ng kani-kanilang mga bet. Wala akong malinaw na marinig dahil halo-halo ang mga isinisigaw nila.
Kahit ngawit ay pinilit kong ngumiti nang malaki. Ang tagal kasi ng pag-announce ng emcee, halatang nilalaro lang ang mga audience. Hindi pa naman major awards ang ibibigay ngayon pero ngayon pa lang ay pinapagod na niya ang boses at energy ng mga nanonood.
"Miss Congeniality goes to..." pabitin ng emcee. "Congratulations, Candidate Number 2, from Business Administration, Miss Trinity Galvo!"
Nagpalakpakan ang lahat. Pinagbotohan naming mga candidates ang category na ito at halata namang siya ang mananalo dahil halos lahat ng mga candidates ay kaibigan niya. Iba nga lang ang binoto ko, 'yung mabait na laging nakikipag-usap sa akin na hindi ko alam ang pangalan. Sayang nga lang at nag-back out siya kaya iba na ang pumalit sa kanya ngayon.
Nang matapos sila sa pag-pi-picture ay muling bumalik si Trinity sa kanyang pwesto dahil may dalawa pang awards na ibibigay. Hindi ako sigurado kung ano iyon dahil mukhang iba naman ata ang mga awards dito kumpara sa probinsya.
Muling dinaldal ng emcee ang mga audience kaya mas na-hype na naman sila. Kahit na hindi pa sinasabi kung anong award ang sunod na ibibigay ay nagkanya-kanya na naman sila sa pagsigaw sa gusto nilang manalong kandidata.
"Our Best Performer goes to.." Bahagya akong natawa sa sarili. Hindi na ako umasa pang ako ang matatawag dahil halos isang buwan pa nga bago ko tuluyang natutunan ang steps sa opening number namin. Daig ko pa ang semento sa tigas ng katawan ko. "Congratulations Candidate Number 5 of Nursing Department, Miss Althea Salazar!"
Hindi na iyon nakakapagtaka. Siya rin kasi ang matyagang nagturo sa akin ng mga steps na hindi ko magaya-gaya. Parte rin kasi siya ng dance troupe kaya malamang ay secured na ang award niya para riyan.
Nang matapos na siyang mabigyan ng sash ng mga judges ay nag-picture pa sila saka muli nang bumalik si Althea sa kanyang pwesto para sa announcement para sa isa pang minor award.
"And for the last award for this segment.. May I call on Miss Delilah to give the sash award for the candidate," tawag niya sa isang judge kaya tumayo ito at umakyat sa stage.
Muli na namang pinaingay ng emcee ang mga audience kahit na hindi pa naman sinasabi kung anong award ang ibibigay. Ilang sandali pa ay ipinaliwanag din niya kung ano at para saan ang susunod na award. Ang tawag daw roon ay 'Miss Fashionista' na para sa may pinakamagandang suot sa intermission namin. Pare-pareho lang naman kami ng uniform kaya't medyo nagtaka ako roon, pero nang tignan ko ang mga suot nila ay nalaman kong lahat nga kami ay iba-iba ang vibe ngayon dahil sa suot naming pambaba. May mga naka-shorts, pants, at skinny jeans. Sana lang ay kahit papano ay makuha ko ang award na 'to dahil mukhang mahirap nang makisabay sa iba mamaya.
"You are the fashionista, congratulations from Tourism Department, Miss Hale Celestina Santiago!!"
Nagpalakpakan ang lahat. Bahagya pa akong nagulat pero agad din naman akong naka-recover kaya ngumiti ako bago magpunta sa gitna ng stage kung saan naroon ang mag-a-award sa akin. Rinig na rinig ko rin ang sigaw ni Avi at ang palakpakan ng mga kasama niya. Kalat din sa iba't-ibang sulok ang mga blockmates ko na chi-ni-cheer din ako.
Palihim akong tumingin sa pwesto nila Avi. Napako ang tingin ko kay Heize na malawak ang ngiti habang nakalabas ang cellphone. Hindi siya nagsasalita o sumisigaw man lang pero nakikita kong nakatutok sa akin ang cellphone niya sa akin. Baka nga sa kanya pa talaga manggaling ang mga videos at pictures na ipapakita ko kila Mama at Papa mamaya.
Nang matapos ang picture taking ay nagpasalamat ako sa judge at emcee saka bumalik na rin sa likod kung saan kami nakapwesto.
"And once again, they are our Miss Intramurals Candidates for this year! Don't miss out their Sports Wear for the next segment, students! But before that, let us all watch a performance prepared by Maple University's pride, Likha Dance Troupe!"
Ipinakilala na ang Dance Troupe na mag-pe-perform kaya bumaba na kaming lahat para bumalik sa backstage.
Nang makababa ang lahat sa stage ay agad na nagsipaglabasan ang hiningang naipon namin sa stage. Sabay pang nagtawanan ang lahat dahil lahat pala kami ay kabadong-kabado kanina. Lahat din ay nagpalitan ng mga papuri sa isa't-isa, lalo na ang mga magkakaibigan na palaging magkakasama tuwing rehearsals.
"Uy! Congrats sa 'yo, Miss Fashionista." Tumawa si Alec saka tinapik ang balikat ko. Natawa rin ako nang bahagya bago sumagot sa kanya.
"Salamat, Alec! Hindi ko nga alam na may gano'n palang award," sabi ko. "Congrats din sa 'yo, ang galing mo kanina!"
Nang makarating na kami sa tent namin ay naghiwalay na rin kami para maghanda para sa Sports Wear.