"Anong next segment? Sports wear na ba?" Aligagang bungad sa akin ni Gina nang bumalik na ako sa aming tent sa backstage. Agad kong tinanggal ang malaking hikaw na suot ko saka kinalas naman ang mataas na heels na itinerno niya sa akin.
"Oo, Gi. After ng intermission ng Dance Club, rarampa na ulit. 5 minutes interval lang ata, need nating magmadali," mabilis na sabi ko saka hinubad ang dress na suot ko. Nakasuot nman ako ng tube top saka cycling kaya hindi naman gaanong nakakahiya. Busy rin naman ang mga assistant ni Alec at lahat ay may sari-sariling ginagawa. Nang dahil sa pageant ay natutunan kong maging hubadera nang hindi nahihiya.
"Okay," sagot ni Gina saka nagpunta sa rack upang kunin ang sports attire kong pang-racing. Agad ko rin iyong kinuha saka isinuot.
Nang maayos na ang lahat ay agad akong naupo sa harap ng salamin at hinayaan siyang kalasin ang ponytail sa aking buhok. Naririnig ko pa mula rito ang hiyawan ng mga nasa labas, mukhang nag-e-enjoy sila sa sayaw ng mga nag-intermission.
"I-s-straight ko ang buhok mo since gano'n ang hairstyle na babagay sa suot mo. Ikaw na ang bahalang lumaro sa stage, gamitin mo ang buhok mo ha? Mag-hairflip ka kung kinakailangan," bilin ni Gina na agad ko rin namang sinang-ayunan. Mabilis ang kilos niya habang pinaplantsa nang maigi ang aking buhok. Mabuti na lang at kaunti lang ang inilagay niyang hair spray kanina kaya hindi na siya gaanong nahirapan sa pagpapa-straight nito.
"Siya nga pala, nanood ako kanina noong rumampa ka. Grabe, girl! Ang galing mo talaga! Walang kupas!" Agad na namuso ang tenga ko nang marinig ang sinabi ni Gina. Hindi ko na rin napigilan pa ang pagngiti dahil talaga nga namang masarap iyon sa tenga. Dalawang taon na rin kasi mula noong huling sabak ko sa mga pageant kaya't hindi ko rin alam kung nalalaos na ba o kumukupas na ang kakayahan ko noon. Mabuti na lang talaga at mukhang naging kakambal ko na ang pageant sa buong buhay ko.
Ngumisi ako nang malawak. "Talaga ba?" tanong ko, gustong marinig muli ang kanyang papuri sa akin.
"Oo nga! Nagulat nga ako dahil mas may igagaling ka pala! Akala ko ay 100% best mo na iyong mga ginagawa mo tuwing rehearsals. Ay jusko! Ibang-iba ang aura mo te! Naririnig ko pa nga ang dalang fans no'ng ibang mga kandidata, aba'y tignan mo nga naman, ang sabi pa nila'y sure win ka na!"
Mas lalong lumawak ang ngisi ko nang marinig ang kanyang sinabi. Halos wala na kasi akong marinig sa mga sigawan kanina dahil naghahalo ang pagtawag nila sa aking pangalan, pagtili, at kasama pa iyong mga torotot at drums na dala malamang nila Avi. Kaya gano'n na lang din ang sayang naramdaman ko sa kwento ni Gina. Bigla tuloy akong ginanahan para sa mga susunod na category.
Bago pa matapos ang intermission sa labas ay natapos na rin ang pag-aayos ni Gina sa buhok ko. Katulad ng sinabi niya ay bagay nga iyon sa aking damit. Unat na unat ang buhok ko at sa simpleng paggalaw ay sumasabay iyon.
"Girls, labas na! Patapos na ang intermission number ng Dance Club! Rarampa na kayo ulit!" Narinig kong muli ang malakas na sigaw ng Head Representative kaya agad na akong tumayo at inayos ang sarili. 6 inches ang haba ng heels ko at manipis din iyon kaya dapat talaga akong mag-ingat. Paniguradong isang maling hakbang ko lang ay lagupok na ako sa sahig.
"You look so pretty!" Agad kong nginitian si Alec nang sabayan niya ako sa paglalakad. Syempre ay namuso na naman ang tenga ko dahil sa papuring sinabi niya. Sino ba naman ako para tumanggi, 'di ba?
"Ikaw rin! Taekwondo player, huh?" sabi ko. Pinasadahan ko pa ng tingin ang suot niyang panglaro ng taekwondo. Magaling ang pagkakagawa no'n, katulad siya ng usual uniform ng mga taekwondo players pero mahahalata rin ang pagkakaiba nito dahil sa style at aura ng damit.
"Oo, para maiba naman. Tignan mo sila, puro may 'ball' sa dulo ang sports na suot." Ininguso niya ang mga kalaban naming nakahanda na rin sa pag-akyat sa stage. Halos ang lahat sa kanila ay naka-jersey ng pang-basketball, volleyball, tennis, basketball, at badminton. Kami nga lang ang naiiba ni Alec.
"Let us all see our very own delegates in their own Sports Attire!" sigaw ng emcee dahilan para matigil kami sa pag-uusap. "We will start of with Ms. Architecture Department, Miss Thalia Andrea Marasigan!"
Agad na nagsigawan ang mga fans niya nang lumabas na siya sa stage. May dala siyang raketa ng badminton at ikinumpas niya iyon nang makarating siya sa gitna ng stage. Pare-pareho lang ang pose na ginagawa niya kaya hindi gaanong nag-stand out para sa akin ang performance niya.
Nang makabalik na siya sa backstage ay ang pangalawang kandidata naman ang tinawag ng emcee.
"Next, representing the Business Administration Department, Miss Trinity Galvo!"
Lumabas mula sa backstage ang kandidatang naka-basketball attire. May hawak pa siyang brand new na bola saka idrinibol iyon. Katulad ni Thalia ay pare-pareho lang din ang ginagawa niyang pose. Nang makarating siya sa gitna ay muli niyang pinatalbog ang bola, pero hindi niya iyon nasalo dahil tumalbog iyon papalayo sa stage. Nagsigawan ang mga audience na nasa malapit nang dahil sa takot na matamaan ng bola. At ayun, sa isang iglap ay nawala na ang focus sa kanya. Gano'n kahirap ang pageantry, kailangan ay gawin mo ang lahat para mula umpisa hanggang sa dulo ay sa 'yo nakabaling ang tingin ng lahat. Sa isang pagkakamali mo lang ay agad lang nila iyong malilimutan, at ang tanging pagkakamali mo lang na ginawa sa stage ang siyang maaalala nila.
That's one thing that you should remember. Perfection means attention.
"And next, let me call on, Miss Polaris Ferrer of Dentistry Department!"
Umalis naman mula sa backstage ang isa pang kandidata na naka-volleyball attire. Halos kasing-ikli ng shorts niya ang kanyang cycling kaya nakikita iyon mula sa malapit. May dala rin siyang bola ng volleyball na hawak lang niya sa kanyang pagrampa, 'di tulad ni Trinity na nilalaro-laro pa.
Mabilis na lumipas ang mga pangyayari. Magmula sa pang-apat na kandidata hanggang kay Alec ay hindi na nawala pa ang nararamdaman kong kaba. Natatakot kasi akong matapilok dahil sa heels kong manipis na sobrang taas. Ngayon ko lang din nasubukan ang heels na ito dahil ang buong akala ko ay 'yung boots na maiksi lang ang takong ang ipapasuot sa akin. Iyon kasi ang napag-usapan, pero sa last minute ay nagbago ang isip ni Gina at pinalitan iyon nitong heels na may design na parang boots. Kumpara roon sa unang boots, masasabi kong mas maganda ang suot ko ngayon. Mahirap nga lang dahil isang pagkakamali mo lang ay may posibilidad na mabalian ka ng buto.
"From Tourism Department, Miss Hale Celestina Santiago!!"
Dahan-dahan ang pag-akyat ko sa stage. At nang maisakto ko na ang beat ng background music ay nagsimula na akong maglakad papunta sa posing spot. Agad na nagsigawan ang lahat. May mga nakita pa akong napanganga kaya palihim akong napangiti. Katulad ng bilin ni Gina ay nilaro ko ang stage gamit ang suot at styling ko. Bouncy ang paraan ng paglalakad ko kaya sumasabay rin ang unat kong buhok sa bawat paggalaw ko. Syempre ay hindi rin nakatakas sa pandinig ko ang sigawan at ang pagtorotot nila Avi.
Nang matapos na akong magpunta sa kaliwa at kanang parte ng stage ay naglakad na ako papunta sa runway stage. Hindi ko inalis ang tingin ko sa mga judges habang seryoso ang mukha. Nakita ko pa ang isang judge na manager sa isang modeling agency na nagtakip ng bibig saka dahang-dahang pumalakpak sa akin. Pakiramdam ko nga ay kakampi ko ang hangin dahil humahampas ito sa akin dahilan para hanginin ang buhok ko palikod.
Ginawa ko ang ikot ko na matagal kong inayos at pinaghandaan. Nang gawin ko iyon ay lumakas na naman ang sigawan at palakpakan. Nakarating na rin ako sa pinakagitnang parte ng runway stage kaya nag-pose muna ako saglit bago nag-flying kiss sa mga judges.
Nakaraos ako sa pagrampa nang hindi man lang nagkamali, natapilok, at nadapa— bagay na siyang maipagmamalaki ko.
Pagbalik ko sa backstage ay agad akong pinalakpakan ni Gina, pero hindi na kami nakapag-usap pa dahil muli kaming pinaakyat sa stage para sa panibagong awardings.
Katulad ng ginagawa kanina ng emcee ay tinukso-tukso na naman niya ang mga audience. Saglit lang din siyang nag-interview ng iba sa ami habang inaantay ang mga pangalan ng awardees na ibibigay sa kanya. Bumaba rin siya ng stage para kumausap ng mga estudyanteng nanonood at isa-isa silang tinanong kung sino ang sa tingin nilang mananalo. Ang bawat sulok ng hall ay inikot niya kaya iba-iba ang sagot nila. Bahagya pa akong natawa dahil mukhang papunta na siya ngayon sa pwesto nina Avi, mukhang nalula sa dami ng mga lalaki roon.
"Ayy dito tayo!!" sabi niya saka maarteng naglakad papalapit sa kanila. Ang buong atensyon ng mga nanonood ay nasa kanila na dahil nga naroon ang mga sikat na lalaki sa university. Nagtilian pa ang lahat nang agad niyang hinila papalapit sa kanya si Heize nang makarating na siya roon. "Dito tayo kay Mr. Hottie!"
Nagkamot ng ulo si Heize, mukhang nahihiya. Malawak ang ngiti ng mga babae habang pinagmamasdan siyang pilit na ngumiti sa emcee.
"Once in a lifetime lang eto, ano? Kaya pagbigyan niyo na ako!" sabi niya sa mga babaeng nagpoprotesta dahil sa paglapit niya. "Anong pangalan mo, sir?"
Nagkamot pa siya ng ulo bago lumapit sa mic at nagsalita. "Heize." Kahit wala pang isang segundo siyang nagsalita ay automatic na kinilig ang mga babae, may mga mukha pa ngang mag-ha-hyperventilate. Pati ang mga katabi ko ngayon sa stage ay naririnig ko ring nagtatawanan.
Kakaiba talaga ang epekto niya sa mga babae.
"Ang ganda naman ng name mo!" sabi ng emcee. "Sino sa tingin mo ang mananalo at makokoronahan ngayon? May napupusuan ka ba sa ating mga candidates?"
Nanahimik ang lahat, inaabangan ang isasagot niya. Nakaramdam ako ng lukso ng dugo dahil pakiramdam ko ay alam ko na ang isasagot niya.
Hindi ako assuming, ha.
"'Yung magaling rumampa at pinakamaganda," sagot niya na siyang ikinagulat ng lahat. Nagtawanan ang mga kaibigan niya habang ang mga babae naman ay napasigaw sa pagluluksa. Ang mga katabi kong kandidata ay nagkanya-kanya na sa pag-ako na sila raw ang tinutukoy ni Heize.
Yumuko ako at ngumiti.
"Wow! Eh paano na iyan? Lahat naman sila ay magagaling at magaganda? Ayaw mag-name drop?" panunukso ng emcee na sinulsulan din naman ng mga kaibigan niya. Pati sina Avi ay nakisakay roon habang ang mga nanonood naman ay bakas sa mukha ang pagkainis.
"Isa lang naman ang maganda at magaling para sa akin." Nagkibit balikat siya saka umalis sa harap ng emcee at bumalik sa kanyang upuan. Napanganga ang mga audience habang sina Aziel at iba pang teammates niya ay hindi na magkamayaw sa pang-aasar sa kanya.
Bumalik ang emcee sa stage dahil tinawag na siya para sa awardings. Medyo nawalan ng energy ang iba dahil nga sa mga pinagsasabi ni Heize kanina. Kumpara tuloy kanina ay mas mahina ang tilian ay hype ngayon.
"Oh, so we only have two minor awards to give." Paunang sabi ng emcee habang binubuklat ang cardboard na iniabot sa kanya.
Tinawag niya ang mga judges na magbibigay ng award. Isahan na lang ata ang pagbigay no'n dahil halos pareho lang naman ang category.
Sa huli ay in-announce na ang pagkapanalo ni Alec sa People's Choice Award, at ako naman sa Most Photogenic. Nagkaroon kasi kami ng photoshoot at may paramihan pa ng likes. Hindi ako gaanong nag-focus para roon dahil mahigpit ang kompetensya sa lahat. Sinabihan din ako ni Gina na mas mag-focus na lang sa ibang categories dahil mas maraming awards ang madadala no'n.
Natapos muli ang awardings nang may ngiti ako sa labi. Nang matawag kasi ako kanina ay litaw na litaw ang lakas ng sigawan ng Cheering Team nila Avi. Dagdag pa na puro lalaki ang mga iyon kaya't malalaki at malalakas ang boses.