“Hey Roy!” malaki ang pagkakangiti ni Deyanira nang makita ang taong hinahanap sa Police Station na pinuntahan pagkatapos ng kanyang duty noong gabing iyon.
“Oi Yani! Napadpad ka yata dito!” bungad din ng may kapayatang lalaki na sumalubong sa dalaga.
“Yes. Tatawagan sana kita but I decided na pumunta na lang dito ng personal. May itatanong lang sana ako sa iyo,” saad niya sa parehong taong tinawagan noong isang araw para back-up-an siya sa pag-assist sa isang driver na lumabag sa batas trapiko doon banda sa kanilang lugar.
“Sure. Ano ba ang maipaglilingkod ko sa iyo?” nakangisi itong lumapit sa babae.
“Gusto ko lang sana malaman kung anong pangalan ng lalaking ibinigay ko sa iyo para ticket-an mo noong nakaraan.”
“Sino doon?” tila naguguluhang tanong nito.
“Roy, isa lang ang itinawag ko sa iyo. Huwag mo sabihing---?” pinanlakihan niya ng mga mata ang lalaking kausap. Kilala niya kasi ito bilang isang malokong pulis.
Nilapitan siya nito at binulungan. “Tiningnan ko kasi sa records natin mukha namang wala pang violations. First time ng lalaki na mahuli na speeding. Nangako naman na hindi na niya uulitin dahil nagawa lang daw niya iyon kasi manganganak na yung asawa--” hindi na nito natapos ang sasabihin nang umentra na si Yani.
“Asawa? May asawa na siya?” ikinabigla niya ang narinig na iyon. How come na pumayag itong halikan niya kung may asawa na ito?
“Asawa o asawa ng kapatid niya. Ewan ko hindi ko na matandaan," kumamot ito sa ulo. "Basta nagmamadali kasi may manganganak daw.”
Taas ang isang kilay na pinagmamasdan niya ang kausap. “So anong ibig sabihin no'n? Hindi mo nakuha ang pangalan?”
“Hindi na. Pinakawalan ko na,” nangingiti nitong sambit.
“Huh?” bumagsak ang mga balikat niya sa pagkadismaya sa sinabi ng kaharap.
“Masyado ka naman kasing mahigpit. Eh ‘di ba kapag first time naman eh pinagbibigyan pa natin. Ke-gwapo gwapo masyado mong tinarayan.”
Naninimbang na pinakatitigan niya ulit ang kaibigang pulis kung nagsasabi ba ito ng totoo. “Ano ba talaga, pinakawalan mo o ---?” pinandilatan niya ito ng mga mata.
Lumapit ito sa dalaga at bumulong ulit. “Eh, siya naman ang nagpumilit. Pinapaalis ko na siya noong may hinugot na pera at inaabot sa akin. Kinuha ko na rin naman, sayang eh, panghapunan din iyon,” sinundan nito ng tawa ang sinabi.
She rolled her eyes. Sabi na nga ba at may tinanggap itong suhol mula sa lalaking iyon. Maloko talaga ang kaibigan niyang ito na hindi nahihiyang magkwento sa tuwing gumagawa ng mga kalokohan sa kabila ng pagiging isang pulis. Ewan ba niya at ito pa ang tinawagan niya noong mga oras na iyon.
“Ikaw, mahuli huli ka sa ginagawa mo, matatanggal ka talaga sa posisyon mo,” saway niya dito.
“Huwag ka na lang maingay. Tutal naman last na iyon. Eh, hindi ko naman talaga kukunin, sadyang nagpumilit lang siya,” anito na nilingon pa ang paligid bago ulit nagsalita. “Bakit nga pala gusto mo kunin ang name niya? Type mo noh?”
Lumaki ang butas ng ilong niya sa reaksyon sa sinabi nito. “Ano ka ba, I’m just asking,” iling niya.
“Weh? 'Di nga? Yun lang talaga ang sinadya mo kaya ka pumunta dito?”
“A-ang totoo k-kakausapin ko rin si s-sir, may itatanong din ako,” medyo nag-buckle siya sa pagsasalita para lang hindi mahalata na iyon nga talaga ang sinadya niya doon. Kunyaring hinanap ng paningin niya ang Chief of Police sa station na iyon. Nang hindi na nakatingin ang kaibigan ay agad na siyang lumabas mula doon at nagdirediretso sa parking area.
Malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya pagkasampa sa kanyang motorsiklo. Excited pa naman siya na malaman kung ano talaga ang pangalan ng lalaking iyon. Masaya siya at pagkatapos ng maraming taon ay nakita niya na ulit ito ngunit pagkadismaya naman ang naramdaman nang hindi pa rin pala niya ito makikilala.
Hinugot niya ang telepono sa bulsa ng pantalon at tinawagan si Patrick, ang kanyang matalik na kaibigan.
“Pat! Busy ka? Samahan mo naman ako, mag-happy happy tayo,” iyon ang narinig sa kanya bago ibinaba ang telepono.
Samantalang pauwi na si Copper noong gabing iyon nang tumunog din ang telepono nito. Isang text messages ang natanggap nito mula kay Shane. Nagpadala ito ng isang video sa lalaki. At makikita mula sa video na iyon na nagsasayaw si Shane sa isang club na parang wala sa sarili. May mga kasama itong kaibigan. Natuon ang pansin niya nang makitang nakikipaglampungan ito sa isang lalaki habang iginigiling ang katawan nito. Pinatay niya agad ang video na iyon. Isa pa sa ugali ng babae ay ang pagselosin siya pagkatapos ng kanilang away. Binalewala niya iyon at ipinagpatuloy ang pagtatrabaho. Medyo late na at nasa main office pa rin siya. Ang kanyang opisina kung saan tumatanggap ng mga kliyente tungkol sa main business niya na real estate. Doon lang siya naglagi buong araw. Itinuon niya ang sarili sa mga gawain na hindi niya nabigyan ng pansin noong mga nakaraang araw.
Ilang oras pa ang nakalipas nang makatanggap ulit siya ng text messages. Galing na iyon sa kaibigan ni Shane na nagsasabing nagwawala daw doon ang babae at ang pangalan daw niya ang binabanggit nito. Doon na siya nagdesisyon na puntahan ang dating kasintahan. Sakay ng mamahaling sasakyan na madalas na ginagamit ay pinaharurot ito papunta sa kinaroronan ng babae.
“Ano ka ba! Broken hearted ka ba? Bakit ka nagkakaganyan?” isang nag-aalalang kaibigan ang sumulpot mula sa likuran ni Deyanira habang tinutungga nito ang alak na nasa loob ng may kaliitang baso.
Maingay ang paligid sa pinagsama samang malakas na tugtog at malakas na boses ng mga tao sa loob ng disco club na iyon.
“Bakit ngayon ka lang? Kanina pa kaya kita hinihintay!” inis na sambit ng dalaga sa matalik na kaibigan na si Patrick. Matatandaang tinawagan niya ito kanina pa bago siya pumunta dito pero lumipas na ang isa at kalahating oras ay tsaka lang ito dumating.
“Yani, nag-text ako sa iyo na mali-late ako,” anito na halos sumigaw na para lang marinig ng babae ang sinasabi. “Actually hindi nga dapat ako pupunta dito. Darating sina Mom and Dad at sa bahay mag-stay. Nag-alala lang talaga ako sa iyo nang hindi ka nag-reply. Ano ba ang nangyayari sa iyo, ha?” umupo ito sa harapang bakanteng upuan katapat ng lamesang ino-occupy ng dalaga.
Lumabi siya. “Wala. Type ko lang uminom ngayon,” sagot niya.
“At dito pa talaga? Eh, kapag gusto mo namang uminom madalas ay tumatambay ka lang sa bahay ko. Bakit dito ka pa talaga nagpunta? Marami kayang mga loko dito.”
“Hmm.. Type ko lang yung maingay na paligid ngayon,” aniya na may pagpungay na ng mga mata. Medyo marami na rin ang nainom niya pero dahil sanay na siya sa alak ay may kompiyansa pa naman sa sarili na makakauwi ng maayos.
“Tara na. Sa bahay na lang tayo mag-inuman mas mabuti pa.”
“Eh, ayoko. Mas maganda dito, malakas ang music at masaya,” iniindak pa nito ang katawan sa naririnig na malakas na musika na umaalingawngaw sa paligid .
“Ano ba talaga ang nangyayari sa iyo? May problema ka ba?” pag-aalalang tanong na ng lalaki.
“Wala nga!” pagsisinungaling niya. “Type ko lang uminom. Sige na saluhan mo ako,” dugtong niya pa na ibinigay ang isang basong beer dito.
Napapailing lang si Patrick. Kilala nito na ang kaibigan at sa tuwing may pinagdadaanan ang babae ay naglalasing ito ng ganito.
“Hindi nga pwede. Susunduin ko pa sila mommy sa airport," sagot nito. "Tara na nga at iuuwi na kita. Ikaw talaga, maglalasing ka tapos magda-drive ka ng motorsiklo mo?" tumayo ito ay kinuha ang kamay ng dalaga.
"Tsk! You know me Pat, I'm a responsible drinker and driver," she smirked at him sabay bawi ng kamay.
"Oo na! Sige na! Responsible ka na!" may pangtutuya nitong sabi. "Basta tara na at hindi ako mapakali sa lugar na ito. Maraming mga bastos dito," iniangkla na nito ang kamay sa maliit na bewang ni Yani.
"Pat, ako pa ba?" saad niya sa lalaki habang inaalis naman iyon. Nagsalin ulit siya ng alak sa baso.
Napakibit balikat lang si Patrick. Oo nga pala at daig pa nito ang lalaki kapag dipensahan ang sarili. Saksi ito na hindi ito basta basta mababastos ng sinuman.
"Okay then. Pero tumawag ka kapag hindi mo kayang umuwi ha. Please!"
"Hindi mo talaga ako sasamahan dito?" may pagtatampong sambit niya.
"Hindi nga pwede, ang kulit mo."
Lumabi siya ulit. "Fine," saad na lang niya at tinungga ulit ang alak na isinalin sa loob ng hawak hawak na baso.
Ilang minuto lang ang nakalipas ay nagpasya nang umalis si Patrick. Nagpatuloy siya sa pag-inom. Maya maya ay napansin niya ang tila komusyon sa isang lamesang nasa bandang gilid ng lugar na iyon. Pinagmasdan niya kung ano ang nangyayari. Nakita niya ang isang babae na tila lango na sa alak at gumagawa na ng eksena. Umiiyak ito at pinagtatabig ang mga baso at bote ng beer na nasa lamesa nito. Nakamasid lang siya dito habang inaawat ng ilang babaeng tila mga kaibigan nito. Ilang sandali pa ay may dumating na isang matangkad na nakasumbrerong lalaki at hinawakan ang babaeng iyon sa braso. Nakita niyang pinagpapalo ng babae ang lalaking iyon sa dibdib nito. Nagsimula itong magpupumiglas ng hatakin ng lalaki papalabas sa lugar na iyon. Ayaw man niya makialam ngunit sa tingin niya ay kailangan ng tulong ng babae kung kaya lumapit na siya dito para saklolohan ito.
"May problema ba Miss?” tanong niya sa babae na agad ring ibinaling ang kanyang pansin sa may katangkarang lalaki na humihila dito. “Can you let go of her? Hindi mo ba nakikita na ayaw sa iyo sumama ng babae?” pumagitna siya sa dalawang iyon para bitawan nito ang babae. Ngunit natigilan din siya kapagkuwan. Paano'y ang lalaki na iyon na inaawat niya ay ang lalaking dahilan ng paglalasing ngayon.
"And who are you?" mataray na tanong din ng babae sa pangengealam niya sa mga ito.
Pakiwari niya ay napahiya siya sa pagtatangkang pagtulong sa babaeng iyon. Paatras siyang humakbang at pinanood na lang ang mga ito habang magkasabay nang lumalabas mula sa club.
Ilang minuto din ang nakalipas nang makumbinsi niya ang sarili na bumalik na sa kinauupuan kanina. Nakasimangot na kinuha niya ang bote ng beer at tinungga.
So apparently may girlfriend na ang lalaking ilang araw ng laman ng isip niya.
'Girlfriend o asawa?' tanong niya sa sarili.
Tila kinurot ang dibdib niya sa nasaksihan. Nakaramdam siya ng sakit. It's been 7 years na itinali niya ang sarili sa memorya ng lalaking iyon. Ang lalaking nagpabago ng kanyang pananaw sa buhay. Hindi siya nag-boyfriend sa mahabang panahon sa pag-aakalang magkukrus ulit ang landas nila. Ngayon ngang nagkita ulit silang dalawa, hindi naman na pwede ang gusto niyang mangyari dahil may karelasyon na pala ito. Bakit ba hindi pumasok sa isip niya ang bagay na iyon? Napailing siya ng ilang beses at sarkastikong tinawanan lang ang sarili. Ang saklap ng kinahantungan ng kanyang matagal na paghihintay dito.
Mahigit isang oras din ang lumipas. Nang makitang magdidiseoras na ng gabi ay nagpasya na siyang umuwi. Paglabas mula sa club na iyon ay nagdirediretso siya sa kanyang motorsiklo na nakagarahe sa unang parking spot sa may kadilimang parking area ng club na pinuntahan. Okay naman siya at kaya niya pang umuwi. Agad siyang sumakay doon. She was about to start the engine of her motorcycle nang may marinig siyang nagsalita sa kanyang bandang likuran.
"Hi Miss!" bati sa kanya ng isang lalaki.
Napakunot ang noo niya ng lingunin ito.