"Bye, baby!" Hinalik halikan ko si Angelo sa mukha bago ako umalis ng bahay. Maaga pa at kahit matraffic pa ako ay hindi naman ako male-late. Hindi na ako pwedeng ma-late dahil baka hindi na i-extend ang contract ko sa Montevista hotel. Marami na akong warning kaya kailangan ko ng umayos. Wala na akong mahahanap na kumpanyang malaki magpasweldo na kagaya ng hotel na iyon tapos hindi pa ganoon kahirap ang trabaho kaya kailangan kong ayusin ang trabaho ko.
"Good morning, Kuya!" Binati ko ang guard pagpasok ko sa hotel.
"Aga mo ngayon, Sab ha!"
"Opo Kuya, delikado na kasi ako kay Tinay kaya kailangan ko na magpakabait." Sambit ko at nagtungo na sa staff room. Maganda ang mood ni Ms. Tina ngayon at hindi na ako pinansin pa. Matapos kong ayusin ang mga gamit ko ay nagsimula na akong magtrabaho.
Nakasabay ko si Julie na isa ring room attendant sa elevator. Naalala kong nakita ko siya noong isang gabing kasama ko si Sir Cohen at tinitigan pa niya ako ng husto.
"Sab, itigil mo na ang ilusyon mo kay Sir Cohen dahil may nanalo na!" Sabi niya at natawa.
"Huh?!"
"Nakita ko kasi si Sir Cohen na may kasamang babae. Ang sweet pa nga niya doon sa girl eh. Kulang na lang yakapin niya." Napangiti ako sa sinabi niya dahil ang ibig sabihin nun ay hindi siya naghinala sa akin.
"Ha, talaga? Anong itsura?" Tanong ko. Gusto kong masiguro na hindi talaga niya ako nakilala.
"Maganda yung girl. May class ang beauty niya basta very beautiful siya at sexy pa kaya parang inlove na inlove si Sir Cohen sa kanya."
"Talaga!" Natuwa kong sabi. Alam kong magandang maganda ako ng gabing iyon at natuwa naman ako na marinig 'yon sa iba. Kinilig rin ako sa sinabi niya about kay Sir Cohen.
"Nagulat nga ako kasi sa unang tingin ikaw ang nakita ko. Parang hawig mo kasi na parang hindi rin naman. Siguro kung mag aayos ka ng sarili mo kamukhang kamukha mo siya." Sabi niyang nakatitig sa mukha ko. Alam kong grabe makakilatis ang babae na ito pero dahil imposible naman kasing isipin na ako ang babaeng kasama ni Sir Cohen ay alam kong malabong maghinala siya sa akin.
"Hay naku! alam mo namang hindi ako mahilig pumustura. Kung ano ang itsura ko yun na ang binabandera ko sa mundo, hindi ko kailangan mag ayos para maging maganda. Maganda na talaga ako!" Tumawa ako.
"Ay syempre naman, maganda ka kahit hindi mag ayos. Kaso yung girl na kasama ni Sir Cohen mala-diyosa talaga sa ganda. Wala kang panama doon kaya huwag ka ng mag ambisyon."
"Natikman ko na nga siya eh!" Mahina kong sabi at tumawa.
"Ano?" Tanong ni Julie.
"Wala!" Sagot ko. Bumaba na ako sa elevator pagdating sa floor na assignment ko. Sa sinabi ni Julie parang bigla akong nainggit sa sarili ko. Gusto ako ni Sir Cohen bilang si Ellen pero bilang Sabrina alam kong napakalabo kaya parang inggit na inggit ako sa katauhan ko bilang si Ellen na nagustuhan agad ni Sir Cohen sa unang kita pa lang. Feeling ko tuloy gusto ko na lang talagang maging si Ellen. Hays!
Kinalma ko ang sarili ko at nagsimula ng magtrabaho.
Tapos na ako sa dalawang room na nilinisan ko. Wala pang kasunod na request ng cleaning kaya wala pa akong gagawin. Pababa ako sa elevator nang huminto iyon at bumukas ang pinto sa 20th floor. Iyon ang floor kung nasaan ang room ni Sir Cohen. Wala namang guest na pumasok sa loob ng elevator nang bumukas. Parang may bahagi tuloy ng isip ko na nagsasabing bumaba ako at pumunta sa room ni Sir Cohen na ginawa ko naman. Parang may sariling buhay din ang mga paa ko na inuudyukan akong magtungo sa room ng boss ko. Pagdating ko sa tapat ng pinto ay ang pagka miss sa kanya ang una kong naramdaman. Noong isang gabi lang nang magkasama kaming dalawa sa kwartong iyon at mainit na pinagsaluhan ang bawat sandali. Kung sana ay hindi na natapos pa ang oras na 'yon.
Hanggang ngayon hindi pa rin ako nakakapagdesisyon kung makikipagkita muli kay Sir Cohen. Sinabi niyang gusto niya ako at gusto niyang magkausap kaming dalawa. Hanggang ngayon ay tinetext at tinatawagan pa rin niya ako pero wala naman akong sasabihin sa kanya kaya hindi ko siya masagot. Naroon ako sa gusto kong makipagkita sa kanya kaso ang worry ko ay baka mabuko niya ako at yon ang ikinatatakot ko.
Humawak ako sa doorknob. May passcode ang pinto kaya hindi naman iyon bubukas ng basta basta. Gusto ko lang damhin sa kamay ko yon. Narinig kong tumunog ang cellphone ko at nakita na naman ang pangalan ni Sir Cohen doon. Tumatawag na naman siya. Nataranta ako nang biglang bumukas ang pinto at sa sobrang katarantahan ko ay nabitawan ko pa ang cellphone kong panay ang ring. Akma ko ng kukunin iyon nang yumuko siya at abutin rin yon, pero mabilis kong dinampot na ang cellphone. Laking pasasalamat ko na lang na nakatalikod ang cellphone ko nang bumagsak kaya wala siyang nakita. Patuloy na nagri-ring ang cellphone ko habang hawak niya ang phone niya at tinatawagan ako.
"I'm so sorry, Sir!" Sambit ko na medyo ipit ang boses sa takot na makilala niya saka ako mabilis na tumalikod. Kinancel ko ang tawag niya at mabilis na tinungo ang elevator. Agad kong pinindot ang close button ng elevator at nakahinga ng maluwag nang magsara na ang pinto. Napahawak na lang ako sa dibdib ko na napakabilis ng pagkabog na hindi ko alam kung kagaya ba ng pakiramdam ko ng gabing magkasama kami o dahil sa kaba na muntik na niya akong mabuko.
Hindi ko na tinignan pa ang mukha niya kaya hindi ko alam kung anong reaction niya. Bigla akong nangamba na baka nakahalata siya sa kinilos ko o nakahalata siya dahil sa cellphone kong nagri-ring habang tumatawag siya at kinancel ko pa habang nasa malapit lang siya. Agad ko rin naman iyon inalis sa isip ko. Suot ko ang uniform ng room attendant na malayong malayo sa ayos ko ng gabing iyon kaya siguradong hindi siya makakaisip ng kung ano- ano.
Bigla akong nagsisi kung bakit ba kasi nagpunta pa ako doon. Ako rin talaga ang magpapahamak sa sarili ko. Napatingin ako sa cellphone na hawak ko at binulsa na lang iyon nang makita kong nagtext siya. Mabuti nakatalikod ang phone ko kanina kundi kitang kita niya ang sarili niyang number na tumatawag sa cellphone ko. Kailangan kong mag ingat sa susunod at hindi ako dapat magpadala ng basta basta sa desisyon ko habang nandito sa hotel dahil baka maulit pa ang sitwasyong kanina.
Bigla naman rin ako napangiti dahil kahit na kinabahan ako kanina at sobra ang takot ay ramdam ko pa rin ang saya sa puso ko na nagkalapit kaming dalawa. Bahagyang nadaplisan ng kamay ko ang kamay niya nang abutin namin ng sabay ang cellphone ko at ramdam ko ang tila kuryenteng gumapang sa katawan ko na kagaya noong unang beses niya akong hawakan. Bigla tuloy ako nakaramdam ng kilig.
Nakangiti ako hanggang pagbaba sa ground floor at magbukas ang pinto. Nahiya naman ako nang pagtinginan ako ng ilang guest na nag aabang ng elevator dahil ngiting ngiti ako ng mag isa kaya agad na akong bumaba sa elevator.
♡