LUCAS POV
Habang nakaangkas si Elle sa motor ko, ramdam ko agad ‘yung mahigpit na kapit niya sa bewang ko. Hindi ko alam kung dahil natatakot pa siya sa muntik na aksidente kanina, o dahil sa adrenaline ng suntukan dun sa…..kung sino mang gago na ‘yon na muntik nang sumagasa sa kanya.
Tangina. Hanggang ngayon, nanginginig pa rin ‘yung kamao ko sa galit. At kahit may sugat na ako sa labi at gasgas sa braso, wala akong pakialam. Ang mahalaga, ligtas si Elle.
“Okay ka lang ba, Elle Bells?” tanong ko.
Tahimik siya saglit bago sumagot. “Oo… medyo kabado pa, pero ayos lang.”
Narinig ko ‘yung mahina niyang buntong-hininga habang mas lalo siyang kumapit sa akin.
“Sorry, ha. Natakot ka siguro,” dagdag ko. “Hindi ko naman hinayaan na masaktan ka.”
“Lucas, hindi mo na dapat sinuntok ‘yung lalaki,” bulong niya sa tenga ko, “Pwede namang hindi na lang kayo nag-away.”
“Pwede rin naman sanang nag-preno siya,” balik ko agad, ramdam ang gigil sa tono ko. “Kung natamaan ka niya kanina, Elle, baka nasa ospital ka na ngayon. Gusto mo ba ‘yon?”
Tahimik siya. Pero naramdaman ko ang bahagyang higpit ng kapit niya.
“Hindi naman ako nasaktan,” mahina niyang sabi.
“Hindi ka nasaktan kasi nandito ako,” mariin kong sagot.
Napangiti ako kahit papano. Tangina, kahit inis pa ako, iba pa rin talaga epekto niya.
Habang binabaybay namin ang kahabaan ng kalsada, hinayaan kong madala kami ng hangin ng gabi. Gusto ko sanang diretso na siya ihatid sa bahay nila, pero bigla kong naisip na kailangan niya muna kumalma.
“Elle,” tawag ko.
“Hm?”
“Gusto mo bang dumaan muna tayo sa tabing-dagat? Malapit lang ‘yon dito. Konting hangin, tapos pwede tayong bumili ng ice cream.”
Medyo nagulat siya. “Ha? Lucas, gabi na.”
“Eh ano ngayon? Safe naman tayo. Promise.”
“Hindi ba delikado?”
“Kung ako kasama mo? Hindi,” sagot ko, sabay kindat kahit alam kong hindi niya kita dahil nasa likod siya.
Narinig ko ‘yung mahinang tawa niya. “Ikaw talaga…”
“Kasama na kita, Elle. Kaya kahit saan tayo, safe ka.”
Hindi na siya sumagot. Pero hindi rin siya tumutol. Kaya dumiretso ako sa tabing-dagat.
Pagdating namin doon, pinark ko ang motor malapit sa mga ilaw na poste. Tahimik ang paligid, may ilang naglalakad-lakad, may mga nagtitinda ng sorbetes sa gilid.
Tinanggal ko ang helmet ko, tapos tinulungan ko si Elle alisin ‘yung kanya. Kita ko agad na medyo maputla pa siya.
“Hey,” sabi ko, sabay hawak sa kamay niya. “Tara. Maglakad muna tayo.”
Naglakad kami sa buhangin, malamig na ang hangin, at tahimik lang ang alon na parang music background sa eksena naming dalawa.
“Lucas…” tawag niya habang nakatingin sa malayo.
“Hmm?”
“Salamat.”
“Para saan?”
“Sa pagligtas sa’kin kanina.” Napatingin siya sa akin, seryoso ang mata niya. “Kung wala ka siguro, hindi ko alam kung anong mangyayari.”
Ngumiti ako. “Wala ‘yon. Hindi ko talaga hahayaang may mangyari sa’yo.”
Umiling siya, sabay ngiti rin. “Pero dapat talaga, hindi ka na nakipagsuntukan.”
“Elle, minsan… kailangan talagang ipaglaban kung ano ang mahalaga.”
Natigilan siya. Parang gusto pa niyang magsalita, pero tumingin na lang siya sa dagat.
Tahimik kaming naglakad hanggang may madaanan kaming nagtitinda ng ice cream.
“Isa ngang double scoop, Kuya,” sabi ko agad.
“Ano flavor mo, Elle Bells?”
“Uh… cookies and cream.”
“Good choice. Ako, mint choco.”
“Yuck, bakit mint choco?” tawa niya.
“Uy, masarap ‘to! Hindi lang pang-toothpaste!” sagot ko, sabay kuha ng order.
Naglakad ulit kami habang kumakain. Si Elle, may ice cream sa gilid ng labi niya kaya natawa ako.
“Hoy, Elle Bells, may ice cream ka sa gilid ng labi.”
“Ha? Saan?” sabay punas niya ng tissue.
“Hindi mo natanggal,” sabi ko. Tapos, bago pa siya makareact, hinila ko siya palapit at ako na ang nagpunas gamit ang hinlalaki ko.
Napatigil siya. Namula agad.
“Lucas…” bulong niya.
“Ayos na,” sagot ko, sabay ngiti. “Cute mo.”
“Grabe ka…” nahihiya niyang sabi.
Tahimik kami ulit, pero ramdam kong mabilis ang t***k ng puso niya. At hindi lang puso niya, pati akin.
Pagkaupo namin sa isang malaking bato sa gilid, tinignan ko siya. “Elle…”
“Hm?”
“Kanina, nung muntik ka nang masaktan… parang muntik akong mabaliw. Hindi ko kayang isipin na may mangyari sa’yo.”
Nakatitig lang siya sa akin. Hindi siya agad sumagot.
“Kung sakaling may oras na kailangan mong pumili, Elle… sana piliin mo rin akong palaging kasama.”
Napatingin siya sa akin, halatang kinakabahan. “Lucas, huwag ka ngang seryoso bigla.”
Ngumiti ako. “Bakit? Hindi ba bagay sa’kin?”
“Hindi naman sa ganun… pero kasi… natatakot akong umasa.”
“Kung natatakot kang umasa, ako na lang ang aasa para sa ating dalawa,” sagot ko.
Natawa siya kahit halatang naiilang. “Corny mo.”
“Corny pero totoo.”
Tahimik siya saglit, tapos marahan niyang hinawakan ang kamay ko. Hindi siya tumingin, pero ramdam ko ‘yung init ng palad niya.
“Salamat talaga, Lucas,” bulong niya.
Ngumiti ako. “Always.”
Habang nakatingin kami sa malawak na dagat, ramdam ko na kahit ang daming gulo kanina, dito sa tabi niya, parang ayos lang lahat.
At sa isip ko, kahit ilang suntukan pa, kahit ilang red light pa ang pagdaanan, basta kasama ko si Elle Bells… lalaban ako.
Tahimik lang kaming dalawa habang nakaupo sa malaking bato sa tabing-dagat. Ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin, pero mas ramdam ko ang init ng kamay niya sa ilalim ng palad ko.
Dahan-dahan kong hinigpitan ang hawak ko, sabay tumingin ako sa kanya.
“Elle Bells…” bulong ko.
Napalingon siya, at doon ko nakita ‘yung mga mata niyang kasing liwanag ng mga bituin sa taas. Tangina. Paano ba ako hindi mahuhulog ng tuluyan dito?
“Hmm?” sagot niya, medyo nagtataka.
Huminga ako ng malalim. Kinabahan ako pero tangina, this is it.
“Actually, meron sana akong sasabihin sa’yo.”
Nagtaas siya ng kilay, parang kinakabahan din. “Ano ‘yon?”
Pinisil ko ang kamay niya. “Gusto kita.”
Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya agad nakapagsalita. Kita ko kung paano nag-flush ‘yung pisngi niya sa ilalim ng ilaw ng poste.
“Lucas…” mahina niyang tawag.
“Hindi joke ‘to, Elle,” dagdag ko agad. “Alam kong madalas ako magpatawa, mag-asar, pero ngayon… seryoso ako. Gusto kita. Matagal na.”
Natahimik siya ng ilang segundo, kaya pinag patuloy ko ang pagsalita.
“Kanina, nung muntik ka nang masagasaan, parang… ang bilis ng lahat. Sobrang natakot ako. Doon ko mas lalo na-realize na hindi ko kayang mawala ka.”
Napatitig siya sa akin, halatang hindi makapaniwala. “Lucas, bakit ngayon mo lang sinabi?”
Ngumiti ako, kahit medyo nanginginig ang boses ko. “Kasi natatakot din ako. Natatakot akong baka hindi mo ako gusto pabalik. Pero Elle, mas natatakot ako kung hindi ko masabi.”
Nagbaba siya ng tingin, pero hindi niya binawi ‘yung kamay niya. Ramdam ko na medyo nanginginig din siya.
“Kanielle…” marahan kong tawag ulit. “Sabihin mo na kung wala akong chance, at least alam ko. Pero kung kahit konti… kahit kaunti lang… gusto mo rin ako, sabihin mo.”
Tahimik siya ng ilang segundo bago dahan-dahan siyang ngumiti.
“Lucas…” bumuntong-hininga siya. “Tanga ka.”
“Ha? ” kunwari nagtataka ako, pero kabado na talaga.
“Eh kasi…” tinaas niya ang tingin niya sa akin. “Bakit ngayon mo lang sinabi? Alam mo bang ang tagal na kitang gusto?”
Tangina. Para akong binuhusan ng malamig na tubig na biglang naging kuryente.
“Wait what?” halos napasigaw ako. “Gusto mo rin ako?!”
Tumawa siya, medyo nahihiya. “Oo. Pero natatakot din ako eh. Kasi baka iniisip mo, laro-laro lang ‘tong mga asaran natin.”
Hinawakan ko pareho ang kamay niya, halos hindi ako makapaniwala. “Tangina, Elle. Kung alam mo lang kung ilang gabi na akong hindi makatulog kakaisip kung paano ko aamin.”
“Lucas…”
“Elle…” sabay naming tawag sa isa’t isa, sabay kaming natawa.
“Ang corny natin,” sabi niya, sabay takip ng mukha niya gamit ang kamay niya.
Hinila ko ang kamay niya pababa para makita ko ulit ang mukha niya. “Corny, oo. Pero masaya. At totoo.”
Napatingin siya sa mga mata ko. Halos maramdaman ko na ‘yung pagbilis ng t***k ng puso niya.
“Lucas…” bulong niya.
“Elle…” marahan kong inilapit ang mukha ko sa kanya. Hindi pa kiss, pero halos magdikit na ang ilong namin. “Kung papayag ka… gusto kong ako na ‘yung lalaking palagi mong kasama. Sa lahat ng gala, sa lahat ng fishball date, sa lahat ng hirap at saya. Ako lang.”
Namula siya ng sobra, tapos bigla siyang natawa. “Lucas Chubs talaga, no? Paano ba kita tatanggihan?”
“Pwede mong subukan,” biro ko. “Pero promise, hindi kita bibigyan ng rason para gawin ‘yon.”
Ngumiti siya, tapos marahan niyang pinatong ang ulo niya sa balikat ko.
“Ang sarap pala pakinggan,” bulong niya.
“Anong alin?” tanong ko, habang kinukubli ang sobrang ngiti ko.
“Na gusto mo ako.”
Hinaplos ko ang buhok niya. “Masanay ka na, Elle Bells. Kasi simula ngayon, araw-araw mo na maririnig ‘yon.”
“Corny mo talaga,” tawa niya ulit, pero ramdam kong genuine ‘yung kilig niya.
“Corny pero boyfriend material,” sagot ko.
Nagulat siya. “Uy, teka lang! Hindi pa kita sinasagot!”
“Eh di sagutin mo na ngayon,” sagot ko agad. “Para official na.”
Nagkunwari siyang nag-isip. “Hmm… depende.”
“Depende saan?”
“Depende kung libre mo ulit ako ng fishball bukas.”
Tumawa ako ng malakas. “Tangina, fishball lang pala puhunan ko sa puso mo!”
“Hindi fishball lang, Lucas,” nakangiti siyang sagot. “Ikaw din.”
At doon ko na-realize, tangina, ito na talaga. Hindi na ako magpapakawalang pagkakataon.
Hinawakan ko ulit ang kamay niya, sabay pinky swear ulit. “Elle Bells, promise ko, hindi kita sasaktan. Hindi kita bibiguin. At hindi kita pababayaan.”
“Promise?” tanong niya, nakangiti pero halatang naiiyak sa kilig.
“Promise. At kapag hindi ko natupad, pwede mo akong ipahuli kay Tito Max.”
“Lucas!” tawa niya, sabay kurot sa tagiliran ko.
“Ouch! Tara na nga, baka maubusan tayo ng fishball bukas.”
“Wala pang fishball stand ng ganitong oras,” tawa niya.
“Eh di ako na magluluto.”
“Wow. Marunong ka pala magluto?”
“Hindi. Pero para sa’yo, matututo ako.”
Napailing siya, pero ngumiti nang malawak. “Sige, tingnan natin.”
Habang magkasabay kaming naglalakad pabalik sa motor, hawak-kamay, ramdam ko na iba na ang simula namin. Hindi na lang ito tungkol sa fishball dates o kulitan. Ito na ‘yung umpisa ng isang bagay na matagal ko nang hinihintay.
At sa isip ko, tangina, kung ganito palagi, wala na akong hihilingin pa.