Sean Krisher Juntura
Nilukob ako ng emosyon nung makita kong muli ang lugar na ito. Pilit bumabalik sa isipan ko ang mga pinagdaanan ko dati. Hindi ko na namalayan na tumutulo ang luha ko.
“Huwag ka ng malungkot Sean… Tapos na ang unos na dumating sa buhay mo. Hindi ako makakapayag na maulit uli sayo ang nangyari noon” sabi ni Lloyd sakin.
“Salamat Lloyd…”
Sobra ang pasasalamat ko sa kanila. Sa pamilyang kumupkop at nag-aruga sakin kaya palagi kong sinasabi na gagawin ko lahat para sa kanila. Kahit ano pa ay kakayanin ko para masuklian ko naman ang lahat ng kabutihang binibigay at pinaparamdam nila sakin.
Nakapalibot kami ngayon sa bonfire. Nawala nga yung lamig na dala ng hangin dahil sa init na ibinibigay ng bonfire sa katawan namin.
“Oh, baka mapasobra nanaman ang pag-inom mo Sean at sabihin mo nanaman na may masakit” biro sakin ng kapatid ko nung humawak na muli ako sa bote ng alak.
Parang iba nga ang dating sakin ng biro na yun pero hindi ko nalang pinansin.
Nagsimula na ulit kami magkwentuhan. Daming kwento ni Lloyd samin ni Sir at halatang nagpapapoints siya kay Sir. Hindi ko na nga lang pinapahalata na nasasaktan ako dahil nasasaksihan ko ang bagay na ayokong maramdaman. Nung una akala ko madali lang para sakin ang ilakad ko si Lloyd kay Sir. Pero kahit pala isipin ko na kailangan kong gawin iyon para masuklian ang kabutihan nila para sakin ay masasaktan pa rin pala ako.
Ramdam na ramdam ko na sa sarili ko na mahal ko si Sir. Iba. Yung tipong pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Yung walang salitang makakapagpaliwanag bukod sa salitang mahal ko siya.
Dati takot at pilit kong iniiwas ang sarili ko na matawag sa recitation niya. Pero ngayon, iba na. Lagi ko ng pinagdarasal na sana matawag ang number ko, yung sana tanungin ako ni Sir. Yung sana sa pagkakataon na tawagin niya ang number ko ay tanungin niya ako kung mahal ko ba siya.
Akala ko nga dati sa mga pelikula lang nangyayari na nagkakagusto o nagmamahal ang dalawang magkapatid ng iisang tao. Sa totoong buhay rin pala.
Kahit gustuhin ko man ipaglaban ang nararamdaman ko, hindi pwede. Katulad ng sinabi ko kaya kong gawin at isuko lahat para kay Lloyd at sa buong pamilya nito.
“Sean?”
Bigla akong napabalik sa ulirat nung narinig kong tinawag ni Sir ang pangalan ko.
“Mukhang hindi ko kayang hukayin ang iniisip mo ah?” dugtong ni Sir.
“Namimiss lang niyan si Cheska” biro ni Lloyd matapos lumagok sa bote ng alak.
“Bakit hindi mo subukan balikan kung talagang mahal mo?” tanong naman ni Sir.
“Hindi na Sir. Saka mukhang wala nang pag-asa to” sabay turo ko sa puso ko kasunod nun ay ang pagngiti ko.
“Bakit naman? May iba na ba siya?” Pag-uusisa ni Sir.
Kung alam lang sana ni Sir na siya ang tinutukoy ko.
“May iba Sir. Saka diba may kasabihan na If you truly love someone, wala kang ibang hahangarin kundi ang kasiyahan para sa kanya” seryosong sagot ko sa kanya.
“If you really love someone, go. Fight. Hindi lang happiness ng ibang tao ang dapat na iisipin mo dapat isipin mo rin ang happiness mo. Kung sakaling nag-fail, then do it again. Trial and error lang yan” mahabang sagot ni Sir at matapos niyang sabihin yun ay halos maubos niya ang laman ng boteng iniinom niya.
Sana nga ganoon lang kadaling gawin ang lahat ng mga sinabi ni Sir. Kase ako hindi ko naisip ilaban itong nararamdaman ko.
“Medyo may amats na ako. Mauna na muna ako sa room ha… Oh Sean yung usapan natin ha?” paalam ni Lloyd sakin sabay kindat.
Alam ko na ang nais iparating ni Lloyd. Yun yung ilakad ko siya kay Sir. Ito na siguro ang tamang pagkakataon para ibida ko na ulit ang kapatid ko kay Sir. Ito na rin ang pagkakataon para mapasaya ko naman ang kapatid ko. Lagi nalang kasi ako ang pinapasaya niya. Kailangan ako naman.
“Akong bahala” pabirong sagot ko.
“Ano yan ha? Ayaw niyo akong isali sa usapan niyo ah” takang tanong ni Sir at tuluyan ng naglakad pabalik si Lloyd sa room.
Nagbukas pa ako ng dalawang bote at inabutan ko ulit si Sir.
“Alam mo Sir simula nung dumating si Lloyd nagbago ang buhay ko. Sobrang thankful ako sa kanya at sa buong pamilya niya” panimula ko at kapwa na kami nakatingin sa paikot ikot na ilaw na nanggagaling sa parola sa kabilang ibayo.
“Sobrang bait… Lahat na yata ng kailangan ko o hindi ko kailangan ay binigay na niya sakin. Kung hindi siguro ako nakalaro dati ni Lloyd ay malamang hanggang naikot pa rin ako dito sa resort na ito at nagbebenta ng kung ano ano para lang maisalba ang isang araw” mahabang dugtong ko.
“Napakaswerte ng taong makakatuluyan ni Lloyd noh?” kwentong patanong ko ka Sir.
“Sobra. Lahat na yata ng katangian na hinahanap ng babae ay nasa kapatid mo na eh” sagot ni Sir na halos kumurot sa dibdib ko.
“Sir… maglakad lakad tayo” sabi ko at hindi ko na siya hinayaan pang magsalita. Kinuha ko ang kamay niya at dahan dahan ko siyang itinayo.
“Alam mo Sir wala akong ibang hiniling kundi ang mapasaya at masuklian ko ang lahat ng kabutihang binigay at pinaramdam sakin ni Lloyd” sabi ko habang naglalakad kami.
“Sean ang kabutihang binibigay ay hindi humihingi ng kapalit. Kung ano man ang mga nagawa at ginagawa sayong kabutihan ng kapatid mo ay bukal sa kalooban niya yun” sagot ni Sir.
“Sir pwede bang humingi ng pabor?”
“Oo naman” mabilis niyang sagot dahilan para pareho kaming mapatigil sa paglalakad.
“Payakap naman Sir…”