Part 1
"MICKEY, wake up." Mahinahon pa rin ang tinig ni Sienna. Iyon ang kailangan niyang puhunan tuwing umaga kapag may pasok ang twelve years old na anak. Kailangan pa niyang bantayan ito para matiyak na babangon ito. "Mickey, you'll be late for school," dagdag pa niya.
Minsan, iniisip niya kung dapat na nakinig na lang siya kay Mama Sylvia, ina ng ama ni Mickey. Dapat daw ay i-voice tape na lang niya ang litanya niya kay Mickey tuwing umaga. Tutal iyon at iyon din daw ang monologue niya sa umaga tuwing gigisingin ang anak.
"Maaga pa, Mommy," narinig niyang sabi ni Mickey. Kung gising ito ay hindi niya alam. Nakapikit pa kasi ito at halos ungol lang ang lumabas sa bibig.
"Mickey, nag-uumpisa na akong magalit!" pigil, ngunit naroon ang awtoridad na wika niya.
"Sienna," tawag ni Mama Sylvia mula sa kusina sa ibaba. "Paliguin mo na iyan. Handa na ang baon niya pati almusal."
"Mickey..." Nanggigigil na siya. Hindi niya alam kung kanino nagmana ang anak ng katamaran sa paggising. Ibinangon niya ito. at bagama't nakasara pa ang mga mata ay inakay na niya sa banyo ng kuwarto. Isinahod niya ang kamay sa binuksang gripo at isinaboy dito ang tubig.
"Mommy!" nandidilat na protesta ni Mickey nang mabasa ng tubig ang mukha.
"Maligo ka na. At bilisan mo ring magbihis. Maghihintay na naman sa iyo nang matagal ang school bus!" Pinandilatan din niya ang anak bago iniwan sa banyo.
Bago tuluyang lumabas ng kuwarto ay niligpit muna niya ang pinaghigaan nito. Kung tutuusin ay hindi na niya iyon dapat ginagawa dahil dinidisiplina niya si Mickey na maging organized sa gamit at matutong mag-asikaso sa sarili.
Ang kaso ay habang pinu-push niya ito ay waring lalong nagiging stubborn. Ayaw niyang isiping ineffective siya pero sa abot ng pagkakaalam niya, ginagawa naman niya ang lahat para mapalaki si Mickey nang tama.
But with Mama Sylvia around, parang may mali nga sa sistema niya ng pagpapalaki sa anak. Lagi na ay magkaiba sila ng katwiran ng matanda. Ni hindi ito naniniwala sa pamamalo ng bata. Kahit na nga ba kung minsan ay sumasagad na ang kapilyuhan ni Mickey. Minsan tuloy ang tingin niya kay Mickey ay mayroon na itong buntot at dalawang matutulis na sungay!
Na-spoil si Mickey sa Lola Sylvia nito. At maging sa bayaw niyang hilaw na si Ariel. Hilaw dahil hindi naman sila kasal ng ama ni Mickey.
"Towel, Mommy!" narinig niyang sigaw ni Mickey buhat sa banyo. Naiiling na lang na muli siyang pumasok sa loob at mula sa cabinet ay ikinuha ng tuwalya ang anak.
Napakunot siya ng noo nang iaabot niya sa anak ang tuwalya. Pinakatago-tago nito ang sarili sa likod ng shower curtain.
"Ano'ng itinatago mo riyan?" Pigil niya ang mapangiti.
"Iwan mo na lang diyan at aabutin ko," sa halip ay sagot ni Mickey.
"Bakit ba?"
"Mommy naman, eh!" Nagmamaktol na ito.
Nang lumabas ng banyo si Mickey ay kinukuha niya sa closet ang uniform nito. Nagtataka pa rin siya sa kilos ng anak. Ang tuwalya ay maayos na nakabuhol sa baywang nito at hawak pa ang dulo. Tila takot ito na bigla na lang iyong mahulog.
"Lumabas ka na, Mommy. Magbibihis ako," taboy nito sa kanya.
"Mickey!"
"Mommy, please?"
Wala siyang nagawa kundi ang tunguhin ang pintuan.
"Okay."
*****
SA HARAP na ng breakfast table ganap na naunawaan ni Sienna ang kakatwang kilos ng anak.
"Kailan ba ako masi-circumcise, Mommy?"
Muntik na niyang maibuga ang hinihigop na kape sa tanong na iyon ng anak. Walang kaabug-abog iyon. At sa kauna-unahang pagkakataon ay kay Mickey nanggaling ang pagbubukas ng issue.
"Sa school pala, ako na lang ang hindi 'ano'. Pinagtatawanan tuloy ako ng mga classmates ko."
"Di sana, hindi mo inamin."
"Hindi naman kailangang aminin, Mommy. Nagkakakitaan kami."
"Nagkakakitaan kayo?" laglag ang panga na ulit niya.
Biglang bumungad mula sa kung saan ang bayaw niyang hilaw.
"Hello, Sien! Bakit mukha kang naengkanto riyan sa harap ni Mickey Boy?" Dumulog si Ariel sa harap ng nakataob pang plato sa mesa. Isa iyon sa madadalang na umaga na makakasalo nila sa almusal ang lalaki.
"Tito Ariel, puwede bang 'Mike' na lang din ang itawag ninyo sa akin? Pangalan naman iyon ni Daddy. O kaya, Miguel. Tutal iyon naman ang nasa birth certificate ko."
Makahulugang nagkatinginan sila ni Ariel. Pero saglit lang ay unti-unting umaliwalas ang mukha ni Ariel. Gumuhit ang malapad na ngiti sa mga labi nito.
"What"s happening to my nephew, hmmn?" baling nito kay Mickey. ""Nagmamadaling maging binata?"
Sumimangot si Mickey. "Unfortunately, I can't claim such a thing. Hindi pa nga ako 'ano', eh." Sa tono nito ay tila ba ang problema nito ang pinakamabigat na suliranin sa buong Pilipinas.
"Di ba't ngayong taon ka pa lang ga-graduate ng grade six? Sa summer, tamang-tama lang na ma-circumcise ka," ani Ariel.
"Iyong mga classmates ko, grade four pa lang saka grade five, ipina-circumcise na. Tito Ariel, ako na lang ang hindi! Tinutukso na nga ako." Nakamata si Mickey sa tiyuhin. Waring nakalimutan ang presensya ng ina. "Saka iyong isa kong classmate, kaya pala noong kinder pa lang kami, pag dyumidyinggel, nakatalikod sa amin. Baby pa lang daw siya, 'ano' na iyong kanya."
"Mickey—"
"Mike!" pagwawasto ni Mickey.
"Mike," pagbibigay ni Ariel. "Huwag kang maiinggit sa classmate mo. Normal lang naman na pag-graduate ng elementary saka pinapatuli."
"Tinutukso na nga ako!"
"Mickey." Sumabad na siya sa usapan ng magtiyuhin. "Kahit na gusto mo ngayon, hindi puwede. 'Pag bakasyon na. Kung gusto mo, iyan ang una mo— ninyong atupagin ng Tito Ariel mo."
"Bakit ako?"
"Alangan namang si Mommy o si Lola Sylvia ang sumama sa akin?" kontra ni Mickey. "Hindi raw puwede'ng babae. Mangangamatis!"
Hindi niya napigil ang sarili. Humagalpak na siya ng tawa. Irap ang tinanggap niya mula sa anak at pilyong ngiti naman mula kay Ariel.
"All right, this summer," pangako ni Ariel. "Pero bakit ba eager na eager ka na? Last year, ikaw pa itong napipikon 'pag binabanggit ko sa iyong ipapatuli na kita."
"Kasi, ano..." Yumuko si Mickey at pailalim siyang tiningnan. Tila nahihiya ito sa kanya sa sasabihin nito.
Nagkunwa naman siyang hindi interesado sa sasabihin ng anak. Dinampot niya ang broadsheet sa tabi ng kanyang plato at binuklat-buklat iyon. Pero bukas ang tainga niyang nakinig sa sasabihin ng anak.
"Sabi kasi ng mga classmates ko, iyong 'ano' ko, dapat na talagang ipatuli. Mas malaki pa nga raw kumpara sa kanila."
"Mickey!" hilakbot niyang wika. Nang mapalingon siya kay Ariel ay mas malapad ang naging ngiti nito.
"Come on, Sienna. Maipagmamalaki talaga ng pamilya namin ang asset na iyan."
"Magsitigil nga kayo. Ikaw, Mickey, forget about that. February pa lang naman ngayon." Narinig niya ang pamilyar na busina ng school bus. "O, 'ayan na ang school bus mo. Sige na, lakad na."
Humalik pa sa kanilang dalawa ni Ariel si Mickey bago ito nagtatakbong palabas. Muntik pa nitong makalimutan ang lunch box kung hindi niya inihabol.
"Malapit na talagang maging binata si Mickey," seryosong wika ni Ariel. "Parang kailan lang..."
Napatitig siya rito. Yes, parang kailan lang...
*****
FIRST year college si Sienna nang lumuwag-luwag nang kaunti ang kaistriktuhan ng ina. At dahil doon ay para siyang ibong nakawala sa hawla. Mula kasi prep school hanggang high school ay sa exclusive school for girls ang eskuwelahang pinapasukan niya. At hatid-sundo siya ng family driver.
Pero hindi ibig sabihing nagpakabait siya nang husto. Totoo sa kanya ang kasabihang mientras nasa pribadong paaralan, mas nagpupumilit na makawala ang estudyante.
Third year high school siya nang makilala niya si Mike. Estudyante ito sa katabing coed school at magka-year level sila.
Cute si Mike, tipong campus heartthrob. At mabait. Kahit kailan ay hindi ito nagpakita ng kagaspangan ng ugali sa kanya. At ito pa nga ang mapilit na dalawin siya nang pormal sa bahay nila, subalit siya ang nag-insist na sa labas na lang sila magkita.
Kumbinasyon ni Adolf Hitler at Napoleon Bonaparte ang bagsik ng mama niya.
"Ikaw lang ang alaalang naiwan sa akin ng papa mo, Sienna. Ayokong mapariwara ka lang. Please, pag-aaral muna ang asikasuhin mo. Saka na ang ligaw-ligaw na iyan." Parang sirang plaka na sa tainga niya ang litanya na iyon ng ina.
Hindi niya gustong maputol ang magandang pagtitinginan nila ni Mike dahil lang gusto nitong ilagay sa "tama" ang panliligaw nito sa kanya. Kaya nga bago sila mag-graduate ng high school ay official na silang mag-"on" nito.
Usapan nila ni Mike na sa iisang university mag-enroll ng college. De La Salle University. Commerce ang kinuha niyang kurso at Engineering naman si Mike.
Lumaya sila nang husto. Kung papaano ay dahil si Mike ang nag-ayos ng schedule niya. Ginawa nitong palaging magkatapat ang vacant period nila.
Si Mike ang nagturo sa kanya ng mga bagay na higit pa sa mga bubuyog at bulaklak. Ayaw ni Sienna noong una. Natatakot. Pero ganoon pala iyon. May thrill.
Noong una nilang subukang manood ng sine, halos pawisan siya sa nerbiyos. Alalang-alala na may makakitang kakilala sa kanila at masumbong siya sa ina.
Ni hindi na niya naalala ang pamagat ng pelikulang iyon. Pero ang detalye ng mga paghaplos at paghalik ni Mike sa kanya ang siyang pumagkit nang husto sa kanyang memorya.
*****
SEMESTRAL break at eksaktong katatapos lang ng bahay-bakasyunang ipinagawa ng pamilya ni Mike. Inimbita siya ni Mike sa blessing niyon at noon niya nakita ang biyudang ina nito.
Si Mama Sylvia.
Ilag siya noong una sa ina ng kasintahan. Si Mama Sylvia ang tipikal na larawan ng donyang aristokrata. Hindi nga niya alam kung paanong lapit ang gagawin nang pormal siyang ipakilala ni Mike dito. Pero si Mama Sylvia mismo ang yumakap sa kanya at humalik sa kanyang pisngi.
Gusto niyang mailang. At ma-insecure. Hindi naman mahirap ang pamilya niya, ngunit natanto niya ang agwat ng yaman ng pamilya ni Mike sa kanila nang mga oras na iyon.
Hikaw pa lang ni Mama Sylvia ay mas mahal pa yata sa kotse ng mama niya. Halos magliyab ang magkabilang tainga nito sa isinasabog na kislap ng malalaking brilyante ng naturang alahas. Ganoon din kalaki ang batong nasa suot nitong kuwintas. Pero ang pinakatampok dito ay ang isang malaking perlas na itim. Naisip tuloy niya kung hindi kaya luha iyon ng isang sirena?
Wala namang masama sa gayak ni Mama Sylvia. Nakabihis lang naman ito nang ayon sa okasyon. Formal party iyon.
Nang magdatingan ang mga bisita ay parang gusto niyang ma-out of place. Noon lang niya naranasang dumalo sa party ng mga nasa alta-sosyedad. Hindi niya naiwasang humanga sa mga nagkikislapang mga alahas, magagarang sasakyan at magagarbong kasuotan ng mga bisita nang gabing iyon.
Sa paglalim ng gabi ay unti-unti na siyang nalalasing sa punch na ibinigay sa kanya ni Mike. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit kailangang dagdagan pa ito ni Mike ng isang shot ng vodka.
Sa kainitan ng party ay dinala siya ni Mike sa kuwarto nito sa itaas.
"Get out!" mahina ngunit mariing utos ni Mike nang madatnan nila ang isang binatilyo sa kuwarto nito. Naka-formal attire din ito pero mas mukhang interesado sa paglalaro ng family computer kaysa makipagsosyalan sa ibaba.
"Kuya?" reklamo nito.
"Tawag ka ni Mama sa ibaba."
Kakamut-kamot ng ulong lumabas ito. Nang makaalis ay saka sinabi ni Mike kung sino iyon. Si Ariel, bunsong kapatid na mas bata rito ng dalawang taon.
"Anong oras mo ako ihahatid?" tanong niya kay Mike. Kinabahan siya nang marinig niyang i-lock nito ang pinto pero naroon din sa dibdib niya ang nagbangong excitement. Hindi tiyak ni Sienna kung para saan iyon.
"Dito tayo mag-o-overnight," tugon ni Mike.
"What! Hindi pupuwede! Tatawagan ni Mama si Lucy. Iyon ang paalam ko kay mama, na kay Lucy ako pupunta."
"Sienna, naayos ko na si Lucy." Kasabay niyon ay ang pagyakap nito sa kanya.
Parang solo nila ang mundo. Ni hindi nila marinig ang ingay ng party. Ang tanging alam niya ay ang namamagitan sa kanila ni Mike nang mga sandaling iyon.
Hindi naman siya nito pinilit. Willing din siya. At sa gitna ng pagpupumilit nilang maisakatuparan ang sensuwalidad na nagising sa mapupusok nilang batang damdamin ay nagkakatawanan pa sila.
Kagaya rin pala niya si Mike. Walang masyadong alam. Para silang nag-e-experiment at inia-apply ang nalalamang theory.
At bago sumikat ang araw kinabukasan ay may resulta na sa experiment nila ni Mike.
*****
INALO siya ni Mike pagkatapos. Panay ang dampi nito ng halik sa buong mukha at buhok niya habang tinutulungan siyang magbihis. Gusto niya ang pakiramdam na nasa tabi lang niya ito. Parang kahit na ano ang mangyari ay hindi niya ito dapat na katakutan.
Mahigpit ang yakap nito sa kanyang baywang nang tunguhin nila ang pintuan palabas. Dapat lang dahil kung wala ang pag-alalay nito ay baka gumapang na siya. Nangangalog ang mga tuhod niya dahil sa nerbiyos at takot. Idagdag pa ang kirot na nararamdaman niyang sumisigid sa sentro ng katawan niya.
"I love you."
Maraming beses na niyang narinig iyon mula sa mga labi ni Mike. Pero iyon ang pinakasinserong tono na narinig niya.
Parang wala siya sa sarili nang umuwi. Napuno pa ng guilt ang mga mata niya nang datnan ang ina na abala sa pagtatanggal ng tuyong dahon sa mga bromeliads.
"Masyado mo yatang dinibdib ang term paper ninyo, Sienna. Magpahinga ka naman," anito nang halikan niya ito sa pisngi.
Tumango lang siya at pumasok sa bahay.
"Pakiakyatan mo nga ako ng warm milk," utos niya sa katulong na sumalubong.
"Oo, Ate." Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan nang marinig ang pagulat na reaksyon ng katulong.
"Bakit?"
"Natagusan ka, Ate. Sayang iyang damit mo, ang ganda pa naman," walang malisyang tugon nito.
Ikinubli niya ang pagkagulat at nagdudumaling nagkulong sa kuwarto. Takot na takot na siya. Kanina pang madaling-araw ang bleeding na iyon.
Ang alam niya, normal lang na mag-bleed. At kahit na naaawa sa kanya si Mike, hindi rin matatawaran ang pride nito sa sarili sa nakita. Pero ang ganoon karami at ganoon katagal?
Sa buong buhay niya, noon lang siya nanalangin nang buong-taimtim. Hiniling niya sa Diyos na patawarin sila ni Mike sa kapangahasan nila. At sana, hindi siya magkaroon ng internal hemorrhage!