MULA nang may mangyari sa kanila ni Mike ay palagi na siyang isinasama nito sa mansyon ng mga ito sa White Plains. Minsan ay ayaw niya dahil natatakot siyang matahin ni Mama Sylvia. Ayaw niyang isipin nitong oportunista siya. Pero kung tutuusin, wala naman siyang dapat ikahiya sa pamilya niya.
Head architect sa isang malaking architectural firm ang kanyang ama noong nabubuhay pa ito. Nang mamatay ito, sa kanilang mag-ina naiwan ang proceeds ng insurance nito na hindi rin biro ang halaga. Naka-time deposit iyon at mapapasakanya pagdating niya sa edad na beinte-sais. Ang mama naman niya ay manager ng isang commercial bank.
Sa standard ng iba, nakakariwasa silang maituturing. Pero sa pamantayan ng yaman nina Mike, malayong-malayo pa silang maikumpara sa mga tinatangkilik nito.
“Please, Sienna. I hate hearing those words,” seryosong wika ni Mike sa tuwing isasatinig niya rito ang mga insecurities niya sa agwat ng kabuhayan nila.
Para dito ay wala naman siyang dapat na ikahiya at ipagyabang. Nagkataon lang na sinuwerte sila, iyon ang palaging katwiran nito. Mama Sylvia was of Spanish descent, all right, pero ang papa nito, na nag-akyat ng pera sa pamilya nito, was a self-made man.
Nagtapos ng Komersyo sa Letran ang papa ni Mike sa pamamagitan ng scholarship. Isang kaklaseng mayaman ang nagyaya rito na magtayo ng sanglaan sa halip na mamasukan sa isang opisina.
Nang mag-migrate sa Amerika ang ka-partner nito ay unti-unti nitong binayaran ang puhunan sa sanglaan hanggang sa maging pag-aari na nito ang naturang negosyo.
Sinamantala nito ang oportunidad sa pag-aalahas, ginto at mamahaling bato. Kay Mama Sylvia ang kredito ng mga pag-contact sa mayayamang kliyente. At hayun nga, kasabay ng paglobo ng pagbebenta ng alahas ay ang pagsulpot ng mga branches ng pawnshop.
“Masisisi mo ba ako?” ganti ni Sienna. Natatanaw na niya ang magarang mansyon nina Mike. At tuwina ay may bumubundol na kaba sa kanyang dibdib.
“Tatanungin kita, Sienna. May pagkakataon bang nagpakita sa iyo ng magaspang ang mama?”
Wala nga. Pero kahit na, katwiran niya sa sarili. Hindi nga niya alam kung para saan ang insecurities na iyon. Kung mapipikon si Mike at iiwan siya, hindi rin niya kaya.
Napabunot siya ng malalim na paghinga. Dapat nga yata ay hayaan na lang niya si Mike. Tutal mas mainam ngang dinadala siya sa bahay ng mga ito. Ibig sabihin, seryoso nga ito sa kanya.
“KAYONG dalawa, hindi ibig sabihing hindi ko kayo pinapansing masyado ay kinukunsinti ko kayo, ha?” Kasalo nila sa pagmemeryenda si Mama Sylvia. “Gusto ko, hindi ninyo pababayaan ang pag-aaral ninyo.”
Iniliyad pa ni Mike ang dibdib. “Of course, Mama. Priority pa rin namin ang aming pag-aaral.”
Umirap lang si Mama Sylvia at binalingan siya. “Ikaw, Sienna, medyo hihigpitan mo iyang anak ko. Alam mo naman ang mga lalaki, masyadong malikot `pag may babae sa tabi. Kung anu-ano ang inuungot. Learn to say ‘no’. Para na rin sa inyong pareho iyon. Mga bata pa kayo.”
Wala siyang maisagot. Napayuko na lang siya. Hindi naman niya kayang aminin sa matandang babae na useless na rin kung tatanggihan niya ang advances ni Mike.
“Mama, naman,” reklamo ni Mike, inakbayan siya nito.
“Heh!” Pinanlakihan nito ng mga mata ang anak. “Alam mo ang ibig kong sabihin. Iniiwas ko lang kayong pareho sa posibleng problema. Mahirap nang mapasubo kung hindi pa oras.”
HINDI niya akalain na ang problemang binabanggit ni Mama Sylvia ay darating nang ganoon kaaga para kay Sienna. Pasko noon nang maramdaman niya ang mga sintomas. At naalarma kaagad siya. Dahil mula nang mapapayag siya ni Mike na ulitin iyon, pinilit niyang maging responsable man lang.
Pero siguro, nahuli ang pagsisikap niya. Mukhang sumabit sila noong una nilang gawin iyon.
“Sweet, Paskung-Pasko ay malungkot ka. Hindi mo ba nagustuhan ang gift ko?” pansin ni Mike sa katamlayan niya.
Matapos ang noche buena ay opisyal niyang ipinakilala sa magulang si Mike bilang nobyo. Talagang hinintay niya ang okasyong iyon. Medyo malamig ang ulo ng mga tao. Magalit man ay pigil. Alang-alang sa kapanganakan ni Kristo!
Thank you, Jesus! ang tanging nausal niya nang naging maunawaain ang mama niya. Mabuti na rin daw at ipinakilala niya rito si Mike, kaysa naman sa kalye sila magligawan.
Tinamaan siya roon. Kung alam lang ng mama niya kung saan na sila nakarating ni Mike.
“Sweet,” untag ni Mike.
“Chocolates kapag walang okasyon, Christmas na’t lahat, chocolates pa rin!” aniya.
“Lipat tayo sa amin. Nandoon ang talagang gift ko sa iyo.”
That time, panatag na ang loob niyang sumama. Pinayagan siya ng ina at isa pa, personal siyang inimbitahan ni Mama Sylvia na bumisita roon sa araw ng Pasko.
“Merry Christmas, hija.” Niyakap pa siya ni Mama Sylvia. Dinatnan nila itong abala sa pagsu-supervise ng paghahanda ng mesa.
“Merry Christmas, Mama Sylvia,” ganting bati niya ngunit ang mga mata ay sa inihahain nakatutok. Para siyang natakam nang ibaba ang fruit cake.
Tuwang-tuwa naman si Mama Sylvia sa appetite niya. “Alam mo ba, Sienna, ako lang ang nagtitiyagang kumain ng fruit cake dito. Iyang dalawang lalaking iyan, hindi man lang marunong mag-appreciate ng effort ko. Samantalang ako pa mismo ang nag-bake niyan. Aba’y noon yatang isang taon, muntik nang abutin ng Pasko ng pagkabuhay iyong fruit cake!”
“Masarap,” aniya at sumubo pa.
“Nakakataba iyan,” biro ni Mike. Alam nitong figure-conscious siya.
“Ang lagay, hindi pa pala mataba si Sienna,” sabad ni Ariel. Iyon lang ang madaling nakapagpapanatag ng loob niya. Parang kapamilya na siya kung ituring ng mag-iina.
Tumiim ang titig ng matandang babae. At kung hindi pa niya napansing seryoso ang tingin nito sa kanya ay hindi pa siya maiilang.
“Tumataba ka nga, Sienna. At blooming,” kaswal na sabi nito. Pagkuwa ay nagkibit-balikat.
“Really, Sienna?” Namimilyo ang mga mata ni Mike. “Of all people, ako pa ang hindi agad nakapansin.”
Noon lang niya pinakiramdaman ang sarili. Lately naman kasi ay puro loose ang isinusuot niya. Pero agad na may bumangong hinala.
Noong nakaraang buwan ay halos patak lang ang naging dating ng period niya. At sa kasalukuyang buwan, pumalya na. At madalas pa siyang nahihilo.
Hindi kaya?
Halos mag-unahan sa pagtibok ang kanyang puso.
“Excuse us,” aniyang tumingin kina Ariel at Mama Sylvia. “Mike, may importante nga pala akong sasabihin.” Nauna na siyang humakbang patungo sa lanai. Solo nila ang lugar na iyon.
“What is it, Sienna?” Inakbayan siya ni Mike nang makalapit.
“I think, I’m p-pregnant,” walang-ligoy na wika niya.
Nagulat si Mike. Ngunit agad na napalitan ng pagkunot ng noo. “What do you mean you think?”
Ipinaliwanag niya ang nararamdaman. Ganoon din ang palihim na pag-inom niya ng pills mula nang magsimulang ulit-ulitin nila ang nangyari sa kanila.
“Baka noong una pa lang...” May takot na sa tinig niya. Noon niya na-realize ang magiging konsekwensya ng ginawa nila. May diperensya pa naman sa puso ang mama niya.
“Relax, magpapakasal tayo.” Kinabig siya ni Mike palapit sa dibdib nito.
“S-seventeen lang tayo.”
“Madaling gawan ng paraan iyon.” Iniangat nito ang kanyang mukha at kinintalan siya ng halik sa mga labi.
Malaki ang nabawas sa takot na nararamdaman niya sa pagse-share niyang iyon kay Mike. Nang oras na bumalik sila sa mesa ay walang gatol na sinabi ni Mike sa ina ang sitwasyon bagama’t hinala pa lang ang sa kanila.
Doon siya humanga kay Mike. Ni hindi nito inalala kung magagalit ang ina. Nasa tinig ang determinasyong pananagutan siya anuman ang mangyari.
Hindi nga yata uso ang mainitin ang ulo sa pamilya nina Mike. Nang marinig ni Mama Sylvia ang balita ay bahagya lang itong nagulat.
“Kaya nga ba panay ang paalala ko,” malamig na sabi nito. Wala siyang mahimigang pagsisisi sa kaninuman sa kanila. Bumaling ito kay Ariel. “Humanap ka ng twenty-four hour drugstore. Bumili ka ng home pregnancy-test kit.”
“Mama!”
“Inuutusan kita,” maawtoridad na wika nito. “Lakad na. Pag-uusapan pa naming tatlo ito.”
Padabog na lumabas ng bahay si Ariel. Nang makaalis ito ay saka sila hinarap ng matandang babae.
“Ano’ng gusto mo, Sienna? Mamanhikan na kami sa inyo ngayon?”
Napayuko siya. “Natatakot po ako. Mapapagalitan ako— kami.”
“Natural iyon sa mga magulang. Sa palagay mo ba’y natuwa ako sa narinig ko? Pero kung buntis ka nga, hindi naman ako makakatulong kung galit ang paiiralin ko.”
Iyon na yata ang pinaka-memorable na Pasko sa buong buhay niya. Hindi niya akalaing sinlawak ng Pacific Ocean ang pang-unawa ni Mama Sylvia.
Nakasimangot pa rin si Ariel nang bumalik. Paitsang ibinigay nito kay Mike ang binili. Naiintindihan naman niya ito. Binatilyo ito at maaaring walang guts na sabihin sa sales clerk ang bibilhin.
Apat silang nakabantay sa lilitaw na guhit sa strip na pintakan ng urine niya. Mahigpit ang hawak ni Mike sa kamay niya. Pero walang init. Ang alam ni Sienna, pareho silang pinanlalamigan.
“Positive,” deklara ni Mama Sylvia matapos makita ang result. Pormal ang ekspresyon ng mukha nito, hindi galit ngunit hindi rin natutuwa.
Si Ariel lang ang nakuhang ngumiti nang maluwang. Nabura na ang maktol sa mukha nito. Sila naman ni Mike ay parehong pag-aalala at takot ang mababasa sa mukha.
“Let’s celebrate! May bagong magiging miyembro ng pamilya. Ikaw, Mama, smile naman. Komo magiging lola ka na ayaw mo nang ngumiti,” biro nito sa ina. “Mike, galing mo, ah! Nakagawa ka na ng tao!”
Binatukan ito ni Mike.
NAKAAKBAY sa kanya si Mike nang bumalik sila sa bahay nila sa Veteran’s Village. Halata ang pagtataka sa mukha ng mama niya nang makita sila ni Mike, lalo na at kasunod nila sa likod sina Mama Sylvia at Ariel.
“Magandang araw sa inyo,” bigay-galang ni Mama Sylvia sa kanyang ina.
May pagtutol sa mga mata ng mama niya sa pagkakitang nakasampay ang kamay ni Mike sa balikat niya. Pero anuman ang gawin nitong pagtalim ng mga mata ay hindi siya aalis sa tabi ni Mike. Kung puwede nga lang ay itago niya ang sarili sa loob ng T-shirt nito.
Maayos namang pinatuloy ng mama niya sina Mike. Nang maupo silang lahat sa may salas ay tumabi sa kanya si Mike. Ayaw nitong humiwalay sa kanya.
Prangka si Mama Sylvia. Sinabi kaagad nito sa kanyang ina ang sadya. Ganoon din ang kalagayan niya.
“Buntis ka na agad, Siennalisa?” Buong-buong nasabi ng kanyang ina ang pangalan niya. “Di ba’t kagabi mo pa lang ipinakilala sa aking boyfriend mo ang lalaking iyan?”
Kung puwede nga lang na tumawa sa sitwasyong ganoon ay gagawin niya. Shock at hindi galit ang rumehistro kaagad sa mukha ng ina. Itsura ng na-close account nang walang kaalam-alam! Ngunit saglit lang ang kalokohang iyon sa isip niya.
Nang mapagmasdan niyang mabuti ang mama niya ay sinakmal ang dibdib niya ng pag-aalala. Sapo ng kamay nito ang dibdib. At ang sumunod na nalaman niya ay isinugod na nila ito sa ospital.
Iyak siya nang iyak. Hindi niya alam na ganoon kahina ang puso ng mama niya. Kung alam lang niya ay hindi siya magtatangkang gumawa ng ikasasama ng loob nito.
Ang saya-saya pa naman nilang mag-ina habang nagde-decorate ng Christmas tree. Ang sabi pa nito: “Alam mo ba, Sienna? Ngayong Pasko lang na ito ako hindi masyadong malungkot. Noon, palagi kong iniisip sana buhay pa ang papa mo. Naisip ko, nandiyan ka naman. Hindi naman ako ganap na nag-iisa.”
Ngunit nang dumating ang Bagong Taon ay siya na ang nag-iisa. Isang araw bago magpalit ang taon ay namatay ang kanyang mama.
Marami ang dumalo sa libing ng kanyang mama, karamihan ay mga kasamahan nito sa trabaho. Iilan lang ang dumalong kamag-anak.
Si Mike ay palaging nasa tabi niya. Hindi siya nito iniwan. Komplikado na ang lagay niya dahil halata na rin ang umbok sa tiyan niya. Ngunit sa kabila ng kalungkutan, napangiti pa rin siya sa isiping nandoon si Mike.